REYNA RACHELLE’S POV
"Mahal, anong gagawin natin? Hindi pa rin nagigising ang anak natin,” punong puno ng pag-aalalang sabi ko sa asawa kong si Alejandro.
Kagagaling lang namin kay Akira at hanggang ngayon ay wala pa rin siyang malay. At sabi ng doctor ay hindi raw siya nakakasiguro kung magigising pa si Akira. Kapag nakalipas na ang isang linggo at wala pa ring malay si Akira, malaki ang tyansang hindi na mabuhay pa ang anak ko.
"Malakas ang anak natin, alam kong magigising din siya,” mariing sabi naman ng asawa ko.
"Hindi niya dapat yun naranasan. Hindi siya dapat nakulong sa Deactivation Room,” umiiyak kong sabi sa kaniya.
Niyakap naman ako ng mahigpit ng asawa ko. Pakiramdam ko ay ang sama kong ina dahil hindi ko man lang maprotektahan ang anak ko. At wala akong magawa para iligtas siya. Hindi ko rin magawang ipagsigawan sa mundo ng mga Nine Tailed Fox na siya ang anak ko.
Buong akala ko ay magiging maayos na ang lahat kapag nanaig sa dugo ni Akira ang pagiging isang Nine Tailed Fox. Ngunit mas lalo lang naging kumplikado ang lahat. Mas lalong hindi ko makasama ng ayos ang anak ko dahil sa marami pang gulo dito sa mundo namin.
"Yung kinulong siya sa Deactivation Room ay halos madurog na ang puso ko, paano pa kapag nakuha siya sa atin ng mga Black Nine Tailed Fox?"
"Hindi Rachelle. Hinding hindi siya makukuha ng mga kalaban. Hindi ko papayagang mangyari iyon," mariing sabi ni Alejandro.
"Paano ka nakakasiguro? Ni hindi nga natin siya naprotektahan sa mga nang-bully sa kaniya,” hindi ko napigilang sabihin sa asawa ko. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na nangyari ito kay Akira. Masyado na siyang maraming pinagdaanan sa mundo ng mga tao, at pati ba naman dito sa mundo namin ay nakakaranas pa rin siya ng pangbu-bully.
"Our daughter is the strongest fox in this world,” kampanteng sabi pa ng asawa ko.
"Yun na nga e, dahil siya ang pinakamalakas na Nine Tailed Fox kaya gustong gusto siyang makuha ng mga kalaban. Ni hindi pa nga nagagawang ilabas ni Akira ang nine tails niya."
Gustong makuha ng mga Black Nine Tailed Fox si Akira dahil siya ang gagamitin ng mga ito para masakop at pagharian ang buong mundo ng mga fox. Iniisip daw kasi ng mga Black Nine Tailed Fox na kapag nawala ang pinakamalakas na Nine Tailed Fox ay matatalo nila kami.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin nila sa anak ko kapag nakuha nila ito, pero pakiramdam ko ay may mas malalim pang dahilan kung bakit nila gustong makuha si Akira. At yun ang kailangan kong malaman.
Kapag nalaman ko ang totoong pakay ng mga kalaban, mas magagawa kong protektahan ang anak ko sa kanila.
THIRD POV
"Mahal na Hari, nandito na po ang inyong anak,” magalang na sabi ng tauhan ng hari ng mga Black Nine Tailed Fox.
Humarap naman ang hari at sinalubong nang nakangiti ang kaniyang anak.
"Maligayang pagbabalik aking anak."
"Anong kailangan mo?" walang gana namang tanong sa kaniya ng kaisa-isa niyang anak.
"Ganyan ka ba makipag-usap sa iyong ama?" seryoso tanong naman ng hari.
Lihim na napairap ang kaniyang anak. "Kung wala kang matinong sasabihin, babalik na ako sa academy."
Akmang lalabas na sana ang kaniyang anak ngunit mabilis niyang naikumpas ang kaniyang kamay. Sumara ang pinto at kusang nag-lock ito. Humarap naman sa kaniya ang kaniyang anak at masama siyang tiningnan nito.
"Alam mo bang nagsisisi ako na ikaw ang naging ama ko?" matalim na tanong sa kaniya ng anak niya.
Napangisi naman ang hari. "Kahit anong sabihin mo anak, walang magbabago. Ako pa rin ang iyong ama. At wala kang magagawa kundi ang sundin ako. Dahil kapag hindi mo ako sinunod, alam mo kung sino ang mawawala sa buhay mo. And I know, ayaw mong mangyari yun,” seryosong sabi niya sa kaniyang anak.
Tumungo naman ang kaniyang anak at nagkuyom ng palad. Alam ng hari ang malaking galit ng kaniyang anak sa kaniya. Ngunit alam niyang sa oras na magtagumpay siya sa kaniyang plano at kapag sila na ang naghahari sa mundong ito, alam niyang maiintindihan siya ng kaniyang anak.
Ginagawa niya ang lahat para sa kaniyang anak dahil gusto niyang ang kaniyang anak ang maghari sa lahat ng uri ng Nine Tailed Fox at kilalanin bilang pinakamalakas sa lahat. Hindi pa lang ito lubusang maintindihan ng kaniyang anak dahil may galit pa sa puso nito, galit na kailangan niyang alisin sa pagdating ng tamang panahon.
"Napakasama mo talaga!" galit na sigaw ng kaniyang anak. Sa galit nito ay halos malaglag ang mga gamit sa palasyo dahil sa biglang pagyanig ng lupa.
"Maiintindihan mo rin ako anak kapag ikaw na ang namuno sa mundo ng mga Nine Tailed Fox," ang tanging nasabi na lamang niya.
Ikinumpas niya ulit ang kamay niya at kusang bumukas na ang pinto. "Bumalik ka na sa academy. At bantayan mo ang prinsesa. Huwag mong hayaang masaktan ulit siya. Tandaan mo, siya ang susi upang magtagumpay ang mga plano ko. At mag-report ka agad sa akin sa oras na may malaman ka tungkol sa kaniya," seryosong utos pa niya.
"Kahit hindi mo sabihin yan ay babantayan ko talaga siya, hindi dahil sa kailangan mo siya. Kundi dahil ----- "
Itinaas ng hari ang kaniyang kamay upang patigilin sa pagsasalita ang anak. Ayaw na niyang marinig pa ang mga walang kwentang dahilan ng kaniyang anak.
"Bumalik ka na sa academy. Bantayan mo ang prinsesa at kapag malakas na siya, ikaw mismo ang magdadala sa kaniya sa akin.", mahinahon ngunit maawtoridad niyang utos sa anak.
Hindi na nagsalita pa ang kaniyang anak at tahimik itong lumabas nguni pabagsak namang isinara ang pinto. Hindi na lang niya binigyang pansin ito at hinayaan ang anak.
Konting tiis na lang, maisasagawa ko na ang matagal kong pinaplano. At sisiguraduhin kong magtatagumpay ako. Magtatagumpay ang lahi natin.
AKIRA’S POV
"Teka Manara, seryoso ka ba?" kinakabahan kong tanong kay Manara.
Pinipiringan kasi ako ngayon ni Manara. At kailangan ko raw iwasan ang mga atake niya habang nakapiring ako.
"Oo Akira, dahil sa isang labanan, hindi puro mata ang ginagamit. Mas ginagamit ang pakiramdam. At kailangan mong matutong pakiramdaman ang nasa paligid mo kahit na nakapiring ka. Isa ito sa abilidad na kailangan mong sanayin,” seryosong sabi naman niya sa akin.
Paano ko naman gagawin yun? Paano ko malalaman ang mga atake niya kung wala akong nakikita? Parang ang hirap naman nito.
"Aray!" malakas kong sigaw.
Pagkatapos na pagkatapos akong piringan ni Manara ay may tumama na sa aking fire ball ata yun.
"Grabe ka Manara, wala man lang warning signal?" inis na sabi ko pa.
"Sa isang tunay na labanan, walang warning signal dahil biglaan ang lahat ng maaaring mangyari. Kaya dapat lagi kang alerto,” narinig ko namang sabi niya.
Bahagya akong nagtaka at napaisip. "Teka nga, bakit ba sinasanay mo ako sa labanan? Akala ko ba ay kailangan ko lang na sanayin ang mga abilidad ko?"
"Ang dami mo na namang tanong."
Pagkasabi nun ni Manara ay may tumama na naman sa akin at hindi ko alam kung ano yun dahil nga sa nakapiring ako. Mukhang mabubugbog ang katawan ko sa training na ito. Ngunit hindi maalis sa isipan ko ang sinabi ni Manara. May labanan o digmaan ba kaming pinaghahandaan?
Isa na namang atake ang tumama sa akin. Paano ko ba maiiwasan ang mga ito?
"Pakiramdaman mo ang paligid mo Prinsesa!" narinig kong sabi pa ni Manara.
Huminga ako ng malalim at pinakalma ko ang sarili ko. At parang unti unting tumahimik ang paligid ko. Hindi ko na marinig ang boses ni Manara. Pakiramdam ko ay nag-iisa na lang ako sa lugar na kinatatayuan ko ngayon.
Hanggang sa may maramdaman akong parang parating sa may bandang kanan ko. At nang mapagtanto kong malapit na ito sa akin ay agad akong umiwas. Isa pang atake ang naramdaman ko sa may kaliwa ko kaya umiwas ulit ako.
"Magaling Akira."
Napaayos ako ng tayo nung marinig ko ulit ang boses ni Manara.
"Pero hindi lang dapat atake ang pakiramdaman mo, pati ang mismong umaatake sa ‘yo ay dapat mong pakiramdaman, bawat galaw at kilos nito."
Naramdaman kong may humaplit sa may binti ko at sa tingin ko ay buntot ito ni Manara. So si Manara na ang kailangan kong iwasan ngayon. Naman, bakit ang hirap ng training na dinadanas ko sa kaniya?
Biglang tumahimik ulit ang paligid ko, hindi ko maramdaman ang presensya ni Manara pero alam kong nasa paligid ko lang siya.
Mas nag-concentrate ako at mas tinalasan ko pa ang senses ko. At naramdaman ko si Manara sa may likod ko kaya agad akong humarap sa kaniya at sinalag ang suntok niya.
Hindi doon natapos ang pag-atake niya dahil nasundan pa ito ng maraming suntok at haplit ng buntot niya. Sinalag ko lang lahat iyon dahil hindi ko magawang makadepensa sa kaniya dahil sa bilis niyang kumilos. Hindi ako makahanap ng tyempo para ako naman ang umatake sa kaniya.
Pero ilang saglit lang ay bigla siyang lumayo sa akin kaya medyo nakahinga ako ng maluwag. Napagod kasi ako sa pagsalag sa mga atake niya. Napahawak pa nga ako sa tuhod ko dahil sa sobrang pagod. Nararamdaman ko na ang sakit ng katawan ko.
Kaso tinamaan ako sa tiyan ng suntok niya. Hindi ko inaasahan ang atake niyang yun kaya hindi ko ito nasalag o naiwasan man lang.
"Isa pang dapat mong matutunan Akira, h’wag kang masyadong magtitiwala. Katulad nyan, hindi porket tumigil na ako ng pag-atake sa ‘yo ay tapos na ang laban."
Tinanggal na ni Manara ang blindfold ko. At nakita ko si baby Jira na nakangiting hinihintay na matapos ang training namin.
"At Akira, h’wag ka rin masyadong magtitiwala sa mga fox nasa paligid mo. Dahil hindi lahat sa kanila ay kakampi,” seryosong sabi pa ni Manara.
Napakunot naman ang noo ko sa sinabi niyang yun. Anong ibig niyang sabihin?
"Sige, magpahinga ka na. Bukas na ulit natin ipagpapatuloy ang training mo."
"Teka ---- "
Itatanong ko pa sana kung anong ibig niyang sabihin kanina kaso nawala na siya sa harap ko. Agad namang lumapit sa akin si baby Jira.
Napaisip na naman ako sa huling sinabi ni Akira. Ibig bang sabihin niya dun ay may traydor? Pero sino? Dapat na ba akong matakot?
Anong gagawin ko?