“L*tche ka! Akala ko iniwan mo na ako!”
Biglang nawala ang antok ko. Napa-irap na lamang ako sa kawalan dahil sa lakas ng sigaw nito.
Kung makasigaw akala mo nasa kanila eh! Kanto 'to ano! Kahit papaano ay may mga malalapit na bahay din na mga tao ang naninirahan at hindi engkanto! Kahit nga yata engkanto magigising sa sigaw niya eh, o kung natutulog ba sila.
Mabilis itong naglakad palapit sa aking kinaroroonan, mabagal namang nakasunod sa kanyang likuran ang lalaking kasama niya.
Hindi ko alam kung bakit pero parang may naaamoy akong kakaiba sa dalawang 'to. Ilang oras lang naman akong nawala pero bakit parang andami nang nangyari? Hmmm...
Nakasiksik ang mga kamay ng lalaki sa magkabilang bulsa ng pantalon nito habang kalmadong nakasunod. Kung wala lang talaga akong alam ay paniguradong pinagkamalan ko na silang magkasintahan.
Pinaningkitan ko siya ng mga mata habang inoobserbahan ang kanilang mga galaw. May naaamoy talaga akong kakaiba eh...
“Oh, eh ba't ganyan ka makatingin sakin? Gumanda ba ako?” Singhal nito na may halong pagmamayabang nang mismong tumigil siya sa harapan ko. Nanatili lamang akong nakaupo, ayokong ipahalata na may masakit sa gitna ko 'no! Ang lakas pa naman ng pandama ng isang 'to.
Hangin...
“Hindi ah, haggard ka nga eh.” Untag ko dahilan upang biglang malukot ang mukha nito.
“Grabe ka naman, parang hindi kaibigan.” Pagdadrama nito. Hindi ko alam kung ano ang gusto niyang marinig, eh sa totoo naman kasi! Ayoko namang magsinungaling at sabihing fresh siya!
“Ayaw mo maniwala? Edi wag.” Seryoso kong turan habang nakasandal parin sa malamig na semento. Parang ayoko nang tumayo. Kung ayain ko kaya siya na dito nalang kami magpalipas ng gabi? Total ang layo-layo pa ng lalakarin namin, eh wala nang mga sasakyang dumaraan.
“Tara na! Hatinggabi na uy!” Pag-iiba nito ng usapan. Ayaw yatang maniwala na haggard siya.
Ipinikit ko ang aking mga mata nang sabihin niya iyon, nagkuwari akong inaantok.
“Dito nalang tayo matulog. Wala na tayong masasakyan pauwi eh.” Mahinang saad ko sa namamaos na tinig.
“Ano?! Gusto mo bang dito magpalipas ng gabi?!” Gulat niyang tanong sa pasigaw na paraan. Nanatili parin akong nakapikit kaya hindi ko makita ang kanyang itsura, pero sigurado akong kunot na kunot na ngayon ang mukha niya.
Sa aming dalawa ay siya ang pinaka takot sa mga kawatan at r*pist dahil minsan nang nauso sa kinagisnan naming nayon at mas lumaki lamang ang takot niya sa mga ganoong trahedya nang maging isa sa mga biktima ng pang*gah*sa noon ang kanyang pinsan, hindi lamang ito pinags*mantalahan kundi ninakawan rin ng b*hay. Kaya hindi ko siya masisisi.
“Beh, wala na tayong masasakyan pauwi eh. Ayoko rin namang maglakad ng ganoon kalayo sa ganito ka-dilim na daan, tsaka antok na antok na ako eh.” Mahinang paliwanag ko nang may halong paglalambing.
Naghintay ako ng sagot niya pero lumipas na ang halos isang minuto ay wala parin akong nakukuhang tugon mula sa kanya.
Nang sumagi sa aking isip ang isang posibleng dahilan ay agad kong iminulat ang aking mga mata sa takot na baka iniwan niya na ako. Bagaman wala akong narinig na ingay ng papaalis na mga yapak.
Napangiwi ako nang makita itong nakatayo parin sa kaninang pwesto, nag-iba lamang dahil sa pagkakataong ito ay nakatalikod na siya sa akin, nakaharap sa lalaking kasama niya.
Eh? Anong meron?
Muntik ko nang akalain na tumigil ang pagtakbo ng oras at tanging ako lamang ang may kakayahang gumalaw. Mabuti na lamang dahil nagsalita ito.
“Pwede?” Tanong niya sa lalaking kaharap, may bahid ng pakikiusap at hiya ang kanyang boses. Hindi ko alam kung ano ang sinasabi niya kaya napakunot ang aking noo.
Hindi agad sumagot ang lalaki, sandali muna itong nakipagtitigan sa kanya habang tila may iniisip.
Pagkatapos ng ilang segundo ay saka lamang ito mahinang tumango sabay ngiti ng pilyo na para bang may pumasok na kalokohan sa isip nito.
Bahagya itong yumuko upang magpantay ang kanilang mukha dahil higit na mas matangkad ito ng ilang pulgada kesa sa kaibigan kong bruha.
May sinabi ito kay Stella ngunit hindi ko naman masyadong narinig dahil halos bulong sa hangin lamang ang pagkakasabi nito. Ang tanging narinig ko lamang ay ang salitang 'harap' at 'fingers'.
Ngunit nakasisiguro akong kalokohan lamang ang sinabi nito dahil sa naging reaksyon ni Stella.
“G*go! Wag nalang pala! Manigas ka!”
Tumawa ito ng marahan habang hinihimas ang sintido. Parang kanina lang ay para silang mga aso't puso kung magbangayan kahit na hindi pa naman sila magkakilala. At ngayon ay para na silang magkasintahan kung umasta. Yung totoo, ano bang nangyari? Hayy...
Bagay lang talaga silang dalawa, parehong kalog eh! Bigla-bigla nalang sinasaniban ng iba't ibang hangin eh! Kung magiging sila man, aba't talagang susuporta ako! Baka nga ipagduldulan ko pa sila sa isa't isa eh!
“Ok, ok. I'm sorry. I'm just trying to mess with you.” Bawi nito habang nagpipigil ng tawa at nakataas pa ang dalawang kamay sa ere na tanda ng pagsuko.
“Hmp!” Pagsusungit niya sabay muling humarap sa akin na naka-krus ang mga braso.
Wow ha! Ano ba kasing ganap at bakit parang hindi yata ako informed!
Kung makapag sungit, akala mo ang ganda-ganda ng bruha eh!
“Hoy, mukha kang tanga.” Panunuya ko sa pabulong na paraan.
Aba't! Inirapan lang ba naman ako? Hagoi...
“Hey, let's go? O baka gusto mong dito nalang kayo matulog? Ikaw bahala, marami pa namang mga manyaki—”
“Sinabi ko bang ayoko? Sabi ko nga tara na ih!” Bulalas niya sabay hatak sa kamay ko dahilan para mabuwal ako sa aking kinauupuan, saka mabilis na naglakad. P*nyeta oh! Hindi man lang nagsabi! Bakit pa kailangang manghatak eh marunong naman akong maglakad.
“Aray—teka nga!” Pagpupumiglas ko. Ang higpit ng hawak niya sa kamay ko, kulang nalang baliin eh! Nahiya pa!
Agad naman siyang tumigil at hinarap ako. “Bakit beh?” Nalilito nitong tanong. Aba! Manhid!
“Ang sarap-sarap ng pagkakadarag mo sakin! Hindi halatang masakit!” Bulyaw ko habang hinihimas-himas ang kamay kong hinatak niya. Ang sakit, walang halong pag-iinarte! Pakiramdam ko may nabaling buto sa kamay ko dahil sa lakas at biglaan niyang paghatak.
Mukha naman siyang nahimasmasan sa ginawa niya dahil bigla siyang napangiti na parang natatae sabay taas sa ere ng dalawa niyang daliri. “Sorry beh. Nabigla lang ako ih. Hehe” Aniya.
Ngumisi ako ng pilit. “Hindi halata.” Sarkastiko kong sabi.
“Tara na?” Aya niya, may bahid ng pag-aalinlangan ang kanyang boses. Takot niya lang na siklaban ko siya ng galit eh, hmm.
“Eh, saan ba kasi tayo pupunta?” Nalilito kong tanong.
“Uuwi.” Direktang tugon niya. Akala ba niya nagbibiro lang ako na dito kami matutulog? Pwes, nagkakamali siya dahil seryuso ako.
Naiinip akong umirap. “Dito na nga lang kasi tayo matulog. Alam mo ba kung gaano kalayo ang lalakarin natin pauwi? Aabutin tayo ng dalawang oras.” Paliwanag ko sa kanya na may bahid ng pananakot.
“Hindi naman kasi tayo maglalakad, sasakay tayo pauwi syempre.” Sagot niya na puno ng kompyansa sa sarili.
“At saan naman tayo sasakay e nakita mong wala nang namamasada? Aber?” Ngisi ko sabay ipinag-krus ang mga braso.
Ginaya niya ang ginawa ko, ipinag-krus niya ang kanyang mga braso. Maging ang pagkakatayo ay ginaya niya rin. “Dun tayo sasakay. Aber?” Turo niya sa makintab na sasakyan na pagmamay-ari ni kliyente niya, ilang metrong layo lamang ang distansya nito mula sa amin. Pati ang paraan ng pagkakasabi ko ay ginaya niya rin.
“At bakit? Sayo ba yun?” Ngisi ko.
Napalabi siya sa tanong ko, halatang nahimasmasan. “Hindi. Pero ihahatid niya daw tayo. Sayang naman yung alok.” Pagbibigay alam niya sa mahinang boses na sapat lamang upang marinig. Marahil ay natatakot na marinig ng lalaking iyon, at kung bakit, hindi ko alam.
“Talaga?” Paninigurado ko. Baka mamaya ay gawa-gawa niya lang pala at magkaroon pa kami ng kahihiyan, yun tuloy!
Desidido siyang tumango ng tatlong beses bilang tugon kaya halos tumalon ang puso ko sa tuwa. Hindi kami maglalakad! Yey!
“Eh ano pang ginagawa natin? Tara na!”Sabik kong bulalas. Agad ko siyang hinatak nang padaskol patungo sa kotse. Malamya na kung sabihin pero wala na akong pakialam! Kanina ko pa tinitiis ang sakit, gustong-gusto ko nang makaupo ng komportable!
Parang panandaliang nawala ang sakit dahil sa sobrang tuwa. Sa wakas! Makakatulog na ako!
Agad kong hinawakan ang hawakan ng pinto sa likod ngunit tila napawi ang lahat ng pag-asa sa aking katawan nang mapagtantong naka-lock ito. Bumagsak ang aking mga balikat. Akala ko makakapasok kami agad!
At dahil dun ay wala kaming nagawa kundi ang maghintay na makalapit ito. Kulang nalang ay lapitan ko ito ay hatakin papunta sa kotse. Ang bagal-bagal maglakad! Dinaig pa yung pagong! Hindi ko alam kung sinasadya niya bang bagalan ang lakad o sadyang gusto niya lang kaming pagkatuwaan?
“Easy, girls!” Ngisi nito sabay taas ng dalawang kamay na tanda ng pagsuko nang makalapit at makitang masama na ang tinging ipinupukol namin sa kanya.
Natawa ako ng mahina nang marinig ko ang singhal ng bruhang nasa tabi ko.
Tila naging slow motion ang sunod na ginawa ng lalaki. May pinindot siya sa maliit na bagay na hawak niya na ngayon ko lamang napansin, kasabay nun ay ang pag-ilaw ng sasakyan at ang mahinang huni na nangangaling sa sasakyan, halos mapanganga ako sa labis na pagkamangha nang kusang nagbukas ang mga pintuan ng sasakyan. Woah!
Kung kanina ay masyado akong atat na sumakay, ngayon naman ay halos hindi na ako gumalaw sa aking kinatatayuan. Hindi ko inaakala na may ganitong klase ng sasakyan pala.
Kung hindi pa ako siniko ni Stella ay baka nakatunganga parin ako.
“Halos pagbahayan na ng langaw yung bunganga mo. Wagas makanganga ang anteh?” Pang-aasar niya nang makaupo ako sa kanyang tabi. Inirapan ko lamang siya bilang tugon.
Komportable akong naupo sa malambot na upuan sala isinandal ang likod sa malambot na sandalan.
Ipinikit ko ang aking mga mata at ilang sandali lamang ay naramdaman ko ang pag-gaan ng aking pakiramdam at ang unti-unting pagdalaw muli ng antok. Ilang sandali pa ay unti-unti na ngang nilamon ng kadiliman at katahimikan ang buong paligid...
“Beh, andito na tayo. Gising!”
Naalimpungatan ako dahil sa malakas na pagyugyog sa aking balikat at ang maingay na boses ng sino man. At kung sino man ang may kagagawan nito, madapa sana.
Kinusot-kusot ko ang aking mga mata at bahagyang iniuntog ang sariling ulo upang mawala ang antok. Nang mahimasmasan at maging malinaw ang buong paligid ay dahan-dahan akong bumaba. Nasa labas na silang dalawa, naabutan ko silang nag-uusap nang mahina isang metro ang layo mula sa akin. Hindi ko na lamang sila pinansin bagkus ay inilibot ang paningin sa paligid. Madilim ang buong lugar dahil walang streetlights sa kahit saang sulok, tanging ang ilaw na nagmumula sa kotse ang nagbibigay ng liwanag sa buong paligid. Napagtanto ko na nasa tapat pala kami ng bahay namin. Tarantado talaga 'tong babaeng na'to! Bakit dito niya naisipang bumaba?! Mamaya masamang tao pala 'to at nagpapanggap lang, tapos balikan kami dito edi lagot! Buti sana kung dito din siya nakatira para damay-damay kami, kaso hindi! Kawawa kami nina Mama!
Hay!
Hindi naman sa nanghuhusga ako, pero mas mabuti nang maging maingat lalo na sa panahon ngayon. Ika nga nila, better be early than be sorry. Pero ano pa nga bang magagawa ko? Eh, andito na kami. Kaya bahala nalang si Batman.
Tsaka, mukha naman siyang mabait ng kunti.
Pagkasarado ko ng pinto ay naglakad ako palapit sa pintuan ng bahay namin saka tumayo roon na parang gwardiya. Niyakap ko ang sarili ko nang makaramdam ng lamig. Laging mahamog dito tuwing gabi kaya talagang wala nang lumalabas kapag ganitong oras na.
Matiyaga akong naghintay hanggang matapos sila sa pag-uusap. Nang makaalis na ang sasakyan nito ay sabay kaming pumasok na kapwa nakayakap sa sarili.
“Tulog na ba si Debs?” Tanong ko pagkalabas ni Stella sa kwarto. Nakisuyo ako sa kanya na kumuha ng damit para saming dalawa dahil sobrang lagkit na ng pakiramdam ko. Gusto ko pa sanang maligo kaya lang sobrang lalim na ng gabi, kaya naisipan ko na magpalit na muna ng damit.
“Oo, humihilik pa nga eh.” Natatawa niyang sagot sabay abot sa akin ng pares na damit. Natawa nalang din ako nang maalala kung gaano kalakas maghilik ang isang yun.
“Nga pala, saan tayo magpapalit?” Biglang tanong niya na bumasag sa payapang katahimikan.
“Hmm, dun ka nalang sa kwarto tapos dito ako.” Tugon ko pagkaraan ng ilang segundo.
Tumango lamang siya saka dali-daling pumasok sa loob ng kwarto kung saan mahimbing na natutulog si Debora.
Hindi na rin ako nag-aksaya pa ng oras at agad nang nagbihis. Kahit papaano ay naging presko na ang pakiramdam ko. Antok na antok na ako kaya agad na akong pumasok sa kwarto matapos punasan ng basahan ang medyo maduming mesa.
Naabutan kong nakahiga ng patihaya sa tabi ni Debs si Stella, posisyon na nakasanayan niya sa pagtulog. Maliit lang naman ang kwarto namin pero kasya naman kami at hindi masyadong masikip, bagaman may maliliit nang butas ang dingding.
Nakapikit ang kanyang mga mata ngunit alam kong gising pa siya. Sa lakas ba naman maghilik ng katabi niya, paniguradong mahihirapan siyang makatulog.
Humiga ako ng patagilid sa kanyang tabi.
“Goodnight beh.” Rinig kong bati niya sa namamaos na tinig.
“Goodnight din.” Tugon ko. Maya-maya pa ay narinig ko ang malalim at payapa niyang paghinga, senyales na nakatulog na nga siya ng tuluyan.
Naiwan akong mag-isa habang nakatingala sa luma at sira-sirang kisame.
Muling naglaro sa aking isipan ang nangyari kanina, napakaraming nangyari sa araw na ito ngunit bakit iyon lamang ang paulit-ulit na gumugulo sa aking isipan.
Hindi ko parin makalimutan ang ligayang naranasan ko kanina, hindi ko inakalang sa estranghero ko pala mararanasan ang ganoong klase ng ligaya.
Bumigay ako sa isang estranghero...
Ang matangos nitong ilong, mapupulang mga labi, at ang mga matang sing-dilim ng kalangitan sa gabing mga mga bituin. At ang tindig nitong nakakaakit, mga titig na nakalalasing.
Ang kanyang halik na nakakalunod, tila hinihila ako patungo sa kailaliman ng malawak na karagatan...