“HOY, ATE! Gising na! Mag-aalas dose na! Nakakapaso na yung init ng araw pero ikaw naghihilik padin!”
Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. Mabigat parin ang talukap ng mga mata ko pero pinilit ko paring bumangon habang kinukusot ang mata, dahil kung hindi ko gagawin iyon alam kong hindi titigil sa pagsisigaw ang bruha kong kapatid.
“Deborah! Ang ingay mo, nakakahiya sa mga kapitbahay.” Napapaos kong saway. Sobrang bigat parin ng katawan ko, dumagdag pa ang sakit ng ulo na hindi ko alam kung saan ko ba nakuha. Gustong-gusto ko pang matulog, ayon na rin sa nais ng katawan ko.
“Hay naku, ate! Mga kapitbahay? Kanina pa nasa kanya-kanyang mga lakad ang mga kapitbahay natin, anong oras na oh!” Aniya, at hindi ko na kailangan pang lumabas para kumpirmahin ang sinabi niya dahil ramdam na ramdam ko ang init ng araw mula sa tumatagos na liwanag sa malalaking butas sa mga sulok ng aming dingding, maging sa bubong.
Nang sa wakas ay maging maayos na ang aking paningin ay inayos ko ang magulo kong buhok saka tamad na tumayo.
Nag-inat ako ng katawan bago agad na tumungo sa likod ng bahay para maghilamos ng mukha, upang kahit papaano ay makatulong ang malamig na tubig para mawala ang antok ko.
“Si Ate Stella mo?” Takang tanong ko nang mismong makapasok sa loob ng bahay.
Binigyan niya ako ng na-aasiwang tingin bago magsalita. “Kanina pa nakauwi, pinagtawanan ka pa nga kasi tumutulo laway mo tapos nakanganga pa.” Natatawa niyang tugon. At hindi ko na kailangan pang itanong kung nagsasabi nga ba siya ng totoo na pinagtawanan ako ng isa pang bruha na iyon, pero dun sa tumutulo laway ko at nakanganga pa? Isang malaking kasinungalingan.
“Bakit di niyo 'ko ginising? Para sana nahatid ko siya pauwi, mamaya magtampo sakin si Lola Gen kasi hindi ko yun sinamahan. Madami pa namang mga loko-loko sa daan.” Litanya ko habang naglalakad papunta sa lagayan ng mga pinggan.
Narinig ko ang mga yapak niya palapit. “Ayaw niyang istorbohin ang tulog mo kesyo pagod na pagod ka daw kagabi sa kaka-kaldag. Tsaka—hala! Tek—teka lang!”
Taranta siyang nagsalin ng tubig nang bigla na lamang akong mabulunan, lalo na nang makita niya akong nakahawak sa dibdib na animo'y nahihirapan na sa paghinga, mabuti na lang dahil nakatayo siya sa tabi ng lababo kung saan nakalagay ang pitsel.
Muntik na akong maputulan ng hininga! Kung hindi ako agad nakainom, baka iniiyakan na ako ngayon ng kapatid ko! Jusko, huwag naman po sana.
“Ikaw kasi Ate, eh! Ang tanda-tanda mo na pero hindi ka parin marunong mag-ingat! Ang takaw-takaw kasi, hindi ba kayo kumain kagabi? Kung makasubo ka parang wala nang bukas, ah?” Panenermon niya habang hinihimas-himas ang likod ko. Gusto ko siyang tampalin sa ulo, dahil una sa lahat ay siya ang mas matakaw saming dalawa. Pangalawa, talaga namang hindi kami nakakain kagabi dahil malapit nang magmadaling araw nang makauwi kami. At panghuli, hindi naman ako nabulunan dahil lang sa sunod-sunod kong subo, kundi dahil sa sinabi daw kuno ng bruha kong kaibigan na yun!
Aba! Hindi ako kumaldag ano! Baka siya?
At dahil sa naisip ay muli nanamang naglaro sa aking isip ang mga naganap kagabi. Wala sa sarili akong napatingin sa gitna ng aking mga hita.
Kawawa ka naman...
Mabuti nalang dahil hindi na masyadong masakit ang pechay ko. Dahil kung nagkataong masakit pa ito ay talagang iika-ika pa ako ngayon, at paniguradong mahahalata iyon ng kapatid ko na dakilang matalas ang paningin at pandama.
“Ok ka lang ba, Ate?” Niyugyog niya ang balikat ko dahilan para matauhan ako.
“H-ha?”
“Ang sabi ko; ok ka lang ba, Ate?” Pag-uulit niya sa kanyang tanong sa nag-aalalang boses. Ang totoo ay narinig ko naman talaga ang tanong niya kanina, sadyang hindi lang ako kaagad nakasagot dahil sa lalim ng iniisip ko.
“Oo naman, bakit hindi?” Tugon ko, na talaga namang makatotohanan. Ayos lang ako...
“Talaga ba? E, bigla ka nalang naging balisa eh.” Nakangiwi niyang turan. Ewan ko ba sa kapatid kong 'to, kanina alalang-alala, tapos ngayon parang nangungutya pa.
“Wala, may naisip lang kaya ako bigla.” Katwiran ko saka nagpatuloy na sa pagsubo ng pagkain.
Umupo siya sa kaharap kong upuan. Akala ko ay aasarin niya ako kaya siya umupo sa harap ko, pero mukhang nagkamali ako. Lumipas ang mga minuto ngunit tahimik lamang siyang nakatingin sa akin, nilamon ng katahimikan ang pagitan naming dalawa. Tanging ang ingay ng nagtatagpong kutsara at plato ang maririnig.
Nang lumipas ang ilan pang mga minutong ganoon parin siya ay hindi na ako nakatiis, hindi niya naman kasi gawain ang manitig ng ganito katagal, ginagawa nila lang 'to sa tuwing may gusto siyang sabihin na hindi niya masabi-sabi.
Nang mag-angat ako ng tingin ay naabutan ko siyang nakatingin sa akin sa isang ekspresyon na hindi ko mapangalanan kung ano.
Agad siyang nag-iwas ng tingin at nagkunwaring nililinis ang sariling mga kuko.
“Bakit? May problema ba?” Walang alinlangang tanong ko, gayunpaman ay sinigurado kong banayad ang aking boses upang madali siyang makumbinsi na magsabi ng katotohanan.
Nag-angat siya ng tingin sa akin na para bang hindi pa siya bistado. “Wala naman. Bakit mo natanong, Ate?” Inosente niyang tanong.
Sa lahat ng mga bagay na kinawiwilihan ng kapatid, sa iisang bagay lang siya pinakamagaling.
Sa pagsisinungaling.
“Talaga lang, ha? Sigurado ka? Pero ayos lang kung ayaw mong magsabi, sanay naman na kasi ako sa mga ganyan. Lalo na kapag ayaw akong pa—”
“Oo na! Oo na, Ate. Nangungonsensya pa e, 'no?” Pagsuko niya, binigyan ko lang siya ng ngiting 'Talaga!'.
Hinintay ko siyang magsalita, hindi ko muna ginalaw ang pagkain ko para buo ang atensyon ko sa sasabihin niya. Alam kong mali ang paghintayin ang grasya, pero kapatid ko 'to eh.
Humugot muna siya ng malalim na hininga bago nagsimulang magsalita. Nang sa wakas ay bumuka ang kanyang bibig ay umayos ako ng upo at inihanda ang magkabilang tenga, maging ang isip.
“Eh kasi, nagtataka lang ako, Ate. Hindi sa nangingialam ako, ah? Gaano ba kayaman sina, Ate Stella?” Simula niya.
Hinintay ko siyang magpatuloy.
“Kasi kanina, paggising niya, saktong nasa kwarto padin ako, inabutan niya nalang ako bigla ng pera, malaking pera! E, siyempre, tinanggap ko. Tas nung tinanong ko siya kung para saan yun sabi niya bigay niya daw sakin bilang regalo para sa pasko. E, Walong buwan pa bago ang buwan ng pasko! Hindi ko talaga alam kung sadyang marami lang talaga siyang pera ngayon o nalipasan siya ng gutom?” Kwento niya habang nakakunot ang noo at nakapatong ang baba sa nakatukod na kamay.
“Ano sa tingin mo, Ate?” Tanong niya, tunog chismosa.
“Sa tingin ko nagugutom ka lang. Ikaw na nga 'tong binigyan tapos ikaw pa 'tong kung ano-ano ang iniisip sa tao. E, kung magpasalamat ka nalang kaya?” Sermon ko. Loka-loka talaga 'to, eh. Buti nga siya binigyan, e ako? Letche din yung bruha na yun, sabi niya babalatuhan niya ako!
Sa akin nangako, pero sa iba tinupad!
“Ate naman eh! Nagtatanong ng maayos yung tao tapos ganyan isasagot mo!” Tiningnan niya ako na parang ako ang pinaka tarantadong kausap sa buong mundo.
“Bakit? Maayos naman yung tanong ko ah?” Katwiran ko habang pinandidilatan siya ng mata.
“Ano nga kasi, Ate!” Pamimilit niya na bahagya pang pumapadyak.
“Aba, malay ko! Baka sa Mama niyang nasa abroad.” Sagot ko na may bahid ng inis.
“E, diba matagal nang hindi umuuwi yung Mama niya? Kwento sakin noon ni Ate Stella, pitong taong gulang palang siya noong huli niyang nakita ang Mama niya.”
Dahil sa sinabi niya ay bigla kong naalala ang naging pag-uusap namin ni Lola Gen noong isang araw.
“Huwag ka nalang maingay, wala ka pang alam. Tsaka masyado ka pang bata para mangialam.” Pangaral ko, pero mas lalo lang yata lumala ang kuryusidad niya tungkol sa usaping yun.
“Alam ko may alam ka, Ate! Magkwento ka naman! Sige na.” Lumabi siya kaya lumabas ang dalawang bilog sa magkabila niyang pisngi.
Matitiis ko ba ang dakilang tsismosa na 'to?
Huminga muna ako ng malalim bago nagsimulang magkwento tungkol sa napag-usapan namin ni Lola Gwen
“Ganito kasi iyon...” Simula ng matanda. Humilig ako palapit.
“Labing-anim na taong gulang palang ang anak kong iyon noong nagkaroon ng nobyo, ipinakilala niya naman sa akin ngunit sadyang hindi ko nagustuhan ang ugaling meron ang lalaking iyon. Pero kahit na ganoon ay tinanggap ko parin ito sa kabila ng mumurahin pa niyang edad at ugali ng nobyo niya, pero mahigpit kong ipinagbawal sa kanila ang gawin ang isang bagay na tiyak makasisira sa pag-aaral niya, lalo pa't malaki ang agwat ng edad nila sa isa't-isa.” Sandali itong tumigil para huminga ng malalim. Nagsimulang manubig ang kanyang mga mata.
“Lumipas ang ilang buwan at dumating nga kinatatakutan ko. Bilang isang nag-iisang magulang na tumatayo bilang ina't ama at malaki ang pangarap para sa anak, nagalit ako. Nagalit ako nang malaman ko na nagdadalang-tao siya. Napagsalitaan ko siya ng masasama, galit na galit ako. Para akong sinakluban ng langit at lupa dahil sa nalaman. At siyempre, nasaktan siya sa sinabi ko, kaya lumayas siya at nakipagtanan sa kanyang nobyo.” Tuluyang tumulo ang butil ng luha mula sa kanyang mga mata. Parang dinurog ang puso ko nang makita ang matinding sakit sa kanyang mga mata habang binabalikan ang nakaraang iyon.
Gayunpaman ay nagpatuloy parin siya sa pagkekwento. “Nabuhay akong mag-isa ng maraming taon, ngunit nagkaroon ako ng isang kaibigan na itinuring ko na ring parang isang anak dahil sa tuwing nakikita ko siya ay naaalala ko ang aking anak. Nabuhay ako na puno ng pagsisisi, naisip ko na sana ay tinanggap ko na lang ang nangyari at hindi na naglabas pa ng sama ng loob. Sa loob ng maraming taon na iyon ay wala man lang akong natanggap na kapirasong sulat galing sa kanya, kahit pangungumusta man lamang. Dumating ang isang araw na matagal kong hinintay, umuwi ang anak ko, kasama ang anak niyang babae na magpipitong-taong gulang pa lamang. Lumukso ang puso ko sa walang kapantay na saya nang sa wakas ay dininig ng Diyos ang matagal ko nang kahilingan, ngunit agad ding naglaho ang sayang iyon nang malaman kong aalis din siya agad para maghanap-buhay sa labas ng bansa, iniwan niya sa akin ang kanyang anak na kamukhang-kamukha niya. Napag-alaman ko din na tuluyan na siyang iniwan ng ama ng kanyang anak at sumama sa ibang babae.” Tinuyo ko ang kanyang mga luha na kanina pa umaagos sa pamamagitan ng aking hintuturo.
At doon din mismo natapos ang pag-uusap namin dahil narinig na namin ang papalapit na mga yabag ni Stella.
“Kawawa naman pala si Lola Gwen. Tapos palagi pang sumasakit ang ulo niya dahil sa pagiging pasaway ni Ate Stella. Alam mo, Ate? Sana may lola din tayo 'no?” Malungkot niyang turan. Ramdam ko ang awang nararamdaman niya para sa matandang itinuring na rin kaming parang tunay na mga apo.
“Kaya ikaw, dapat lagi mong inaalagaan si Mama. Kahit papaano maswerte tayo kasi hindi tayo iniwan ni Mama kahit na mahirap lang tayo.” Muli kong pangaral sa kanya.
Tumango siya ng sunod-sunod habang may masayang ngiti sa mga labi.
“Oo nga pala, Ate. Maiba ako, ha? Saan ba kayo nagpunta kagabi? Anong oras na ako natulog pero wala padin kayo.” Pag-iiba niya ng usapan. Sandali akong napatigil dahil sa tanong niya. Nag-isip ako ng pwedeng idahilan.
“May pinuntahan lang kami, wala kaming masakyan kaya naghintay kami ng halos dalawang oras, tapos naabutan pa kami ng traffic.” Nakahinga ako ng maluwag nang hindi na siya muling nagtanong pa, tumango lamang ito ng dalawang beses. Mukhang bumenta din naman sa kanya ang sinabi ko.
“O, sige, Ate. Ipag-patuloy mo na yang pagkain mo. May pupuntahan lang ako sandali.” Paalam niya. Muntik ko nang makalimutan na kumakain nga pala ako.
“Saan punta mo?” Usisa ko. Baka kung saan-saan 'to magpunta, madami pa namang loko sa labas tapos mag-isa pa siya.
“Kina Jaira lang, Ate. Tsaka, madali lang naman ako, uuwi ako kaagad.” Aniya saka itinaas ang isang kamay at bumulong 'promise'.
“Sinabi mo yan, ha.”
Tumango lamang siya saka agad nang lumabas ng bahay. Nang tuluyan siyang makaalis ay nabalot ng nakabibinging katahimikan ang buong paligid. Walang maririnig na kahit anong klase ng ingay maliban sa huni ng mga butiki.
Ngunit imbes na kapayapaan ay lungkot ang naramdaman ko. Hindi ko maiwasang isipin kung ganito din ba ang nararamdaman ng kapatid ko sa tuwing iniiwan ko siya dito sa bahay kasama si Mama?