Chapter 1
Jiro’s POV
Bunso.
I am the youngest on Barcelona siblings. Marami sa kamag-anak namin ang natutuwa sa akin noong bata pa ako dahil sa likas na pagiging bibo at makulit na bata. Maraming natutuwa sa kakulitan ko noon pero sino ang mag-aakala na sakit ako ng ulo ngayon? Simula noong nawala sina Nanay at Tatay ay naramdaman ko na wala rin akong nagagawa sa pamilya namin lalo na noong nakikita ko ang sakripsiyo at paghihirap nina Kuya Euan at Ate Michiko. Pinahahalagahan ko naman ang lahat ng iyon noon pero . . . marami na ang nagbago kaya sa halip na tumulong sa kanila ay dumagdag pa ako sa problema nila.
Matutuwa pa kaya sila kapag muli akong nakita? O mas gugustuhin na lang nila na hindi ako muling makita?
Saktong tumunog ang cell phone ko kasabay ng pagsara ng pinto sa gusali na nagsilbing tahanan ko sa loob ng pitong buwan. Naaalala ko na isang araw pa lang ako sa lugar na ito ay parang ikababaliw ko na kaya hindi ko inaasahan na makatatagal talaga ako rito. Malaking tulong na hindi ako sinukuan ng mga kapatid ko at madalas pa nila akong pinupuntahan dito pero dahil sa likas na pagiging pasaway ay nagagawa ko pa silang itaboy.
“Hey, Jiro! Welcome back!” Iyon ang narinig kong sinabi ni Kuya Euan noong sinagot ko ang tawag niya. Nagawa man silang itaboy palayo ng walang kuwentang kapatid na kagaya ko ay nakuha pa ring ipaliwanag sa akin ni Kuya Euan na hindi dapat ako matakot dahil kahit na anong mangyari ay kasama nila ako sa pagsubok na ito at kapakanan ko ang iniisip nila sa mga naging desisyon nila na noon ay hindi ko naman naintindihan.
“Thank you,” bulong ko lang.
Napa-buntonghininga pa ako. Tumingin ulit sa gusaling naging panandaliang tahanan para sa akin at tuluyang tumalikod doon para bumalik sa magulong mundo na kahit ano ang gawin ay kabi-kabila ang tukso sa paligid. Sana ay hindi na ako muling bumalik sa lugar na ito.
“Sigurado ka ba na hindi ka muna uuwi sa bahay natin? Alam mo naman na miss ka na namin ni Michiko at matutuwa iyon kapag nakita ka ulit.” Kahit na istrikto si Kuya Euan sa aming magkapatid ay hindi naman siya nahihiya na iparamdam sa amin ang pag-aalaga niya. Ganoon siguro talaga dahil naging magulang na rin naman siya. “Miss na miss ka na rin ng pamangkin mo. Palaging itinatanong sa akin kung kailan ka ulit niya maaaring makita. Sigurado ka na ba? Baka kung saan ka na naman magpunta, Jiro.”
Binigyan naman ako ni Kuya Euan ng pera noong huling pagkikita namin dahil alam naman niyang makababalik na ako sa bahay kaya lang ay paghahandaan ko ang pagbabalik na iyon. Hindi naman ako haharap sa kanila na ganito ang itsura ko. Napadaan ako sa isang convenience store kung kaya nakita ko sa salamin na iyon kung ano ang itsura ko ngayon.
Mahaba ang buhok ko, may kaunting bigote at balbas dahil hindi ako nagpagupit noong malayo ako kina Kuya Euan at Ate Michiko. Baka nga mayroon kaagad matakot sa akin kapag nakita ako lalo na at gabi na pagkatapos ay ganito pa ang itsura ko. Nakita nga ako ng cashier at lumabas siya para sabihin na umalis ako. Mukha rin yata akong pulubi kaya ganoon na lang niya ako sigawan.
Nakalimutan ko na kausap ko pa si Kuya Euan at naalala ko lang iyon dahil nagsalita ulit siya. “Jiro, umuwi ka na lang ngayon at baka kung saan-saan ka pa magpunta.”
“Kuya Euan, I’m okay. Sasabihin ko naman po sa iyo kung saan ako matutulog at kung ano ang mga ginagawa ko. See you in one week. Bye!”
“One week—” Binabaan ko na si Kuya Euan bago pa niya ako muling sigawan dahil ang usapan lang naman namin ay tatlong araw akong magmumuni-muni rito pagkatapos ay uuwi na ako sa amin. Gusto ko lang na isang linggo pa ako na mananatili rito bago bumalik sa kanila. Pinatay ko na rin ang cell phone ko para hindi na niya ako muling matawagan. Ako na lang ang tatawag sa kanya kapag magbibigay ako ng update sa kanya at para hindi na rin sobrang mag-alala.
Nasa probinsyang bahagi ako ng Baguio City kaya malayo ito sa kanila at hindi naman nila ako kaagad mahahanap kung sakali man na hanapin nila ako. Naniniwala naman ako na iginagalang ni Kuya Euan na gusto kong mapag-isa sa loob ng isang linggo at alam ko rin na kahit naging pasaway ako ay may tiwala pa rin siya sa akin at hindi ko na iyon sisirain ngayon. Hindi ko na muling gugustuhin na makita sa mga mata nila ang pagkadismaya sa pagsira ko sa buhay ko.
Ang una kong gagawin ngayon ay ang kumain! Pinakakain naman kami sa pinanggalingan ko pero iba pa rin kung muli akong makakakain sa labas ng gusaling iyon.
NANG MAKARATING AKO SA bayan ay kaagad akong naghanap na makakainan na hindi ganoong karami ang tao dahil ayaw ko naman na matakot sila sa akin. Hindi ko na nga nagugustuhan ang panghuhusga nila sa itsura ko kaya mas mabuti kung lalayo ako sa mga mata nilang mapanghusga kaysa madawit ako sa gulo. Kumuha ako ng panali ng buhok sa aking bag at inayos ang buhok ko. Dapat pala ay kanina ko pa iyon ginawa para kahit papaano ay nagmukha naman akong tao.
Pumasok ako sa isang maliit na kainan na ang mga putahe ay lutong-bahay. Iba pa rin ang pakiramdam na sa labas kumakain kaysa sa itinuring kong bahay ng ilang buwan na parang preso na rin sa pakiramdam dahil hindi kami puwedeng lumabas.
Tumitingin ako sa paligid habang naghihintay ng pagkain ko. Gawa sa kawayan ang paligid maging ang upuan at mesa kaya ang lamig ng simoy ng hangin ng Baguio ay dire-diretso sa loob ng kainan na ito. May makukulay na ilaw na halatang gawang-kamay ang mga disenyo kaya maaaring isipin ng kumakain na parang nasa bahay lang sila.
Inayos ko na ang gamit ko noong dumating ang order ko pero napahinto na lang ako at napatitig sa harap ko noong may babaeng umupo sa harapan ko pagkatapos ay inilapit niya ang mga pagkain ko sa kanya at dire-diretso niyang kinain ang pagkain ko. Hindi kaagad ako nakapagsalita dahil abala siya sa pagkain at todo pa ang pagyuko niya pagkatapos ay tumingin sa akin at binigyan ako ng isang malawak na ngiti pero hindi rin naman iyon nagtagal dahil palipat-lipat ng tingin ang mga mata niya sa palagid.
I was wondering if this lady in front of me is crazy. Am I hallucinating?
“Babe, ang sarap naman ng pagkain dito! Salamat naman at nabigyan mo ako ng oras ngayong gabi!” sigaw pa niya na halos makuha ang atensyon ng lahat ng kumakain doon kahit na sa malayo kami nakaupo. Baka isipin talaga nila na kasama ko siya dahil sa paraan ng pagkausap niya sa akin.
“Excuse me, Miss Nunal,” panimula ko pero hindi ko naman naituloy dahil bigla niyang isinubo sa akin ang pagkain na hawak niya kaya ngumuya muna ako bago siya kausaping muli. Hindi ko alam kung ano ang itatawag ko sa kanya ngunit kapansin-pansin ang nunal niya sa gilid ng labi niya at sa kilay niya, iyon ang una kong napansin bukod sa maganda niyang mga mata. Sandali nga! Marami na yata akong napansin kaagad! Malapit na maubos ang pagkain na binili ko dahil tuloy-tuloy pa rin siya sa pagkain!
“O-order pa ako, Babe! Kumain lang tayo at mag-enjoy ngayong gabi. Masaya talaga ako na lumabas tayo ngayon,” sabi pa niya habang kumakain pa rin. Halos muntik na nga niyang maubos iyong pagkain na binili ko pero naaabala lang ang pagkain niya dahil sa pagsasalita niya. Dapat ba akong mahiya na naaabala ko ang pagkain niya? Isa pa, bakit ba ganoon ang tawag niya sa akin? Kamukha ko ba ang babe na tinatawag niya?
Magsasalita na sana ulit ako noong bigla na lang siyang tumayo para hawakan ako sa damit at para ilapit ako sa kanya at bigla lang niya akong hinalikan! Baliw ba ang babaeng ito na bigla na lang akong nilapitan at kinain ang pagkain na binili ko pagkatapos ay nagawa pa akong nakawan ng halik?
Hinawakan ko siya sa balikat para ilayo siya sa akin. Dahil magkalapit pa rin ang mukha namin ay nakita ko naman na mukhang nasa katinuan naman siya at mas maganda ang mga nunal niya sa malapitan. Mas dapat pa nga siyang matakot sa akin dahil lalaki ako at anumang oras ay puwedeng may gawin akong masama sa kanya.
“Miss Nunal, what are you doing? Bakit ka ba lumapit sa akin? Modus ba ito kaya hinalikan mo ako? Nababaliw ka na—”
You know what she did to stop me from talking? She kissed me again! This is so insane!