Chapter 4

1864 Words
Jiro’s POV Napag-alaman ko na sa bahay muna matutulog sina Kuya Euan kasama ang pamilya niya para makabawi raw sa oras na hindi nila ako kasama kaya ang makulit kong pamangkin ay mas lalo lang kumulit. Maghahapon na noong nakauwi kami sa bahay at wala roon si Ate Rosaleen dahil may pinuntahan ito kasama ang kaibigan niya at si Ate Michiko naman ay nasa trabaho pa niya kaya kaming tatlo pa rin ang magkakasama noong nakauwi na kami. Kinakabahan pa rin ako sa muli naming pagkikita nina Ate Michiko pero dahil ayaw ko ng naiinip dahil baka kung ano pa ang maisip kong gawin. Naalala ko na may kailangan pa akong makita at puntahan kaya nagpaalam ako kay Kuya Euan kung maaari ko bang hiramin ang sasakyan niya. Puno ng pagtataka ang itsura niya noong tinanong ko siya. “At bakit? Saan ka naman magpupunta? Kababalik mo pa lang dito ay aalis ka na kaagad sa bahay? Wala ka pa ngang isang oras sa bahay natin at wala pa namang nakaaalam na nandito ka na ulit bukod sa pamilya natin, hind ba? Kaya sagutin mo ang tanong ko kung saan na magpupunta.” Ngumiti ako kay Kuya Euan kahit na halata ang pagtataka sa mga tanong niya. Parang noon ay mas nahihiya pa akong magsabi sa kanya ng kahit ano at mas close ako kay Ate Michiko pero ngayon ay mukhang nagbago na dahil sa tingin ko ay mas nakararamdaman na ako ng hiya kay Ate Michiko kaya naman nasasabi ko na rin ang mga gusto kong sabihin kay Kuya Euan. Alam ko na alam ni Kuya Euan ang pinagdadaanan ko kaya mas nakapagsasabi ako sa kanya ngayon. “Iniisip mo ba na gagawa na naman ako ng kalokohan ngayon, Kuya?” “Bakit, hindi na ba?” tanong nito sa akin. “Pipilitin kong hindi pasakitin ang ulo niyo, Kuya Euan.” “Dapat lang. At huwag mo na ring pinaiiyak ang Ate Michiko mo. Kayong dalawa na nga lang dito sa bahay ay nag-aaway pa kayo. Bukod sa gusto ka naming makasama ay nag-aalala kami na baka mag-away lang kayo kapag kayong dalawa lang ang nandito.” “Payagan mo na po ako, Kuya.” “Saan ka nga pupunta?” Sinagot ko naman ang tanong niya kahit na medyo nahihiya pa akong sabihin iyon sa kanya. Napa-iling na lang siyang noong sinabi ko kung sino ang pupuntahan ko. “Bumalik ka kaagad bago maghapunan para sabay-sabay na ulit tayong kumain at baka kapag nagising si Tovee ay hanapin ka niya.” “Babalik naman kaagad ako, Kuya Euan. Wala akong gagawin na kalokohan.” “Siguraduhin mo lang kung ayaw mong masuntok na naman kita,” biro pa niya kasabay ng pag-alala sa nakaraan kaya naman parehas kaming natawa. Ibinigay niya sa akin ang susi ng sasakyan niya at umalis na ako. Nangako ako na babalik kaagad ako kaya naman isang tao lang ang pupuntahan ko ngayon. Sino pa ba? Walang iba kung hindi ang isa sa mga taong lubos kong nasaktan dahil sa pagpili sa masamng bisyo, si Keeva. Habang nasa biyahe ako papunta sa bahay nila ay mas lalo lang akong kinakabahan dahil wala naman kaming ipinangako sa isa’t isa. Ang gusto ko lang ngayon ay makita siya at malaman niyang may pagbabago na sa akin. Sana lang ay hindi niya ako itaboy, sana kaya pa rin niya akong kausapin ngayon. Gusto kong isa siya sa makakita sa akin na may pag-asa pa akong magbago dahil una pa lang naman ay siya na ang naniniwala na kaya ko itong malampasan. Kinakabahan lang ako dahil hindi ko alam kung matutuwa pa siya na makita akong muli pagkatapos ng p*******t na nagawa ko sa kanya. Matagal din akong nawala rito. Pitong buwan . . . pitong buwan din akong nahirapan dahil sa mga maling desisyon ko sa buhay. NASA HARAPAN NA AKO ng bahay nila at kanina ko pa pinag-iisipan kung dapat na ba talaga akong magpakita sa kanya o mas mabuti na ipaalam ko muna sa kanya na dadalaw ako. Ibang klase rin ako, ’no? Nagpunta muna rito sa harapan ng bahay nila bago isipin kung dapat na ba akong magpakita. Hindi ko alam ang sagot sa tanong na iyon pero nawala ang pag-iisip ko noong nakita ko siyang lumabas at noong nagkatinginan kami. Napahinto pa nga siya noong nagkatinginan kami at inaaninag pa niya nang mabuti kung ako ba talaga ang nakikita niya. Lumabas lang siya dahil may delivery na dumating at nakita niya ang pamilyar na sasakyan ni Kuya Euan kaya nakita niya ako at ako naman ay bumaba na rin para makausap siya. Habang papalapit ako sa kanya at unti-unting nawala ang kaba na nararamdaman ko dahil sa pagsilay ng mga ngiti sa kanyang labi at kita sa mga mata niya na namamangha siyang nakikita niya ako ngayon. “Jiro? Oh my, it’s you! It’s good to see you!” Iyon ang una niyang sinabi sa akin na talaga namang nagpabilis kaagad ng t***k ng puso ko. Ganitong-ganito ang t***k ng puso ko sa tuwing binabanggit niya ang pangalan ko noon at ngayon. Wala iyong ipinagbago. Maging ang kagandahan niya ay walang ipinagbago, kaagad naman akong nahawa sa mga ngiti na ipinakita niya sa akin. “Hello,” nahihiyang pagbati ko naman sa kanya pero kitang-kita rin sa mukha ko ang saya na nararamdaman ko dahil sa lawak ng ngiti sa mga labi ko. Ang tagal din naming hindi nagkita at nawalan ng kumunikasyon at masaya ako na nakangiti siya noong nakita ako. Nagulat na lang ako noong lumapit siya sa akin para yakapin ako. Hindi naman ako nagreklamo at wala akong balak magreklamo dahil miss na miss ko na ang babaeng ito. Itinaas ko lang din ang mga kamay ko para yakapin din siya at ikulong sa mga bisig ko. “Kailan ka pa bumalik dito?” tanong niya habang nakayakap pa sa akin. “Ngayon lang,” sagot ko naman at wala rin akong balak na umalis sa pagkakayakap sa kanya. “Ang ibig sabihin ba ng pagbabalik mo ay natapos mo ang program na pinatatapos sa iyo ni Kuya Euan?” Naalala pa pala niya iyong pamimilit sa akin ni Kuya Euan noon, isa rin siya sa kumausap sa akin para pumayag na gusto ni Kuya Euan. Ngumiti pa ako sa kanya ay tumango bilang sagot sa tanong niya. “I knew it! Ang sabi ko naman sa iyo ay kaya mo iyon malampasan, hindi ba? Sana lang ay magtuloy-tuloy na.” Humiwalay siya sa akin para tingnan ako sa mga mata at ipinagpatuloy niya ang sinasabi niya. “Masaya ako na pumunta ka rito, Jiro. I’m also glad to see you again. Welcome back.” Muli niya akong niyakap at talagang naramdaman ko ang sinseridad sa bawat salitang binitiwan niya. “I miss you.” Hindi ko na napigilan ang sarili ko na sabihin iyon sa kanya. Alam kong hiwalay na kami at nasaktan ko siya pero kung may pag-asa at kung mabibigyan pa niya ako ng pagkakataon ngayon ay hindi ko na iyon sasayangin pa. Hindi ko lang kaagad iyon gustong itanong sa kanya dahil kababalik ko lang at baka mabigla pa siya. Kailangan kong mapatunayan sa kanya na nagbago na talaga ako. Miss na miss ko na siya at sana ay may pagmamahal pa siyang natira sa akin. Hindi naman siya sumagot pero sapat na sa akin ang mga ngiti at yakap na natanggap ko mula sa kanya. Nanatili kaming magkayakap at naghiwalay lang kami noong may narinig kaming tumawag sa kanya. “I’m sorry, Jiro. Gusto sana kitang papasukin ngayon sa bahay pero may celebration kami na exclusive sa family members.” Kaya naman pala bihis na bihis siya at lumutang kaagad ang kagandahan niya. Maingay rin sa loob ng bahay nila dahil sa sinasabi niyang selebrasyon. “Pero . . . puwede naman siguro kitang dalawin o kaya ay puwede tayong lumabas sa ibang araw?” tanong ko sa kanya at halata sa boses ko ang kaba na nararamdaman ko. “Of course, Jiro. I-message mo lang ako kung kailan at sasabihin ko sa iyo kung kailan ako puwede,” sagot niya sa akin. Bakit ko ba nagawang saktan ang tulad niya? Kagaya ng hiling niya, sana ay tuloy-tuloy na itong pagbabago ko. Sana lang talaga. “Thank you, Keeva,” sabi ko pa bago siya tuluyang magpaalam sa akin. Ngiti lang ang iginanti niya at kumaway na siya bago niya isara ang pintuan ng gate nila. Ang tagal kong hindi nakita ang mga ngiti na iyon pero masasabi kong napabibilis pa rin niya ang t***k ng puso ko. Mahal ko pa rin siya at sana ay ganoon din siya dahil gagawin ko ang lahat ng pagbabago na ito para bumalik ako sa dating Jiro . . . sa dating Jiro na minahal niya. Pero sa ngayon, sapat na sa akin na makita siyang masaya sa muli naming pagkikita. NAKANGITI AKONG BUMALIK SA bahay at sinabi ko kay Kuya Euan na tumupad ako sa usapan namin dahil bukod sa walang gasgas ang sasakyan niya ay nakauwi rin ako sa tamang oras. Gising na rin si Tovee kaya naman noong nakita ako ay nakipaglaro kaagad sa akin. Nakatingin lang sa akin si Kuya Euan kaya itinanong ko sa kanya kung bakit ganoon siya makatingin sa akin. “Ikaw, ah? Kababalik mo pa lang pero dalawang babae na kaagad ang iniisip mo.” “Dalawang babae? Ano ba ang sinasabi mo, Kuya Euan?” “Una, iniisip mo iyong babaeng kasama mo noong isang gabi na ang tawag mo pa ay Miss Nunal pagkatapos ay ngayon naman ngumingiti ka riyan dahil nakipagkita ka kay Keeva. Sinasabi ko sa iyo, huwag kang magloloko riyan.” “Paano mo naman nalaman na si Keeva ang dahilan ng ngiti na ito?” “Jiro, kilalang-kilala ko ang ngiti mo kapag si Keeva ang dahilan. Akala ko ba ang hiwalay na kayo? Nagkabalikan na ba kayong dalawa?” “Kailan ka pa naging tsismoso, Kuya Euan? Sa pagkakaalam ko kay si Ate Michiko ang ganiyan sa akin at hindi ikaw. Kababalik ko lang kaya huwag mo akong pag-isipan na may dalawa kaagad akong babae kahit ang totoo ay wala naman talaga.” “Speaking of Michiko, hindi ba’t sinabi ko sa iyo na huwag mo na ulit paiiyakin ang Ate Michiko mo? Ano sa tingin mo ang ginagawa mo ngayon?” tanong niya sa akin na ipinagtaka ko. Hindi pa nga kami nagkikita ni Ate Michiko kaya hindi ko ito mapaiiyak kaagad. Bigla na lang may nilingon si Kuya Euan sa kusina at nakita kong nakatingin sa amin si Ate Michiko habang umiiyak nga. Iyakin din talaga siya at hindi ko kaagad iyon narinig! Muli ko na namang napaiyak si Ate Michiko pero sigurado ako na pagiging masaya ang dahilan ng mga luha niya ngayon. Siguro ay namiss niya ang panggugulo ko sa bahay namin kaya ganoon na lang ang iyak niya ngayon. Ang sarap lang sa pakiramdam na makita ang dalawang babaeng importante sa akin na masaya sa muli akong nakita. Iyon ay sina Ate Michiko at Keeva. Ang tanong ko lang ngayon ay kung paano ko muling maibabalik ang tiwala nila sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD