Jiro’s POV
Nakaharap ako sa salamin ngayon at pinagmamasdan ang mukhang taong repleksyon ng lalaki sa salamin na iyon. Sa wakas naman ay nagmukha na akong tao ngayon. Naiilang lang ako ngayon sa mga tingin sa akin ng mga tao na nandito. Sa tingin nila ay nakagawa sila ng milagro sa malaking pagbabago sa itsura ko. Kung tutuusin ay ganito naman talaga ang itsura ko noon, natabunan lang ng mahabang buhok, balbas at bigote ang maganda kong mukha noon kaya halos makalimutan ko na rin ay pakiramdam na may malinis na gupit. Wala namang nagbago sa itsura ko dahil ito pa rin naman ang mukhang nakita nila noong pumasok ako rito.
Halos idiin ko na ang likod ko sa upuan para lang makalayo kahit kaunti sa mga mukhang nakatitig sa akin. Bakit ba nila ako pinalilibutan?! Bakit lapit ng mga mukha nila sa mukha ko? Ngayon lang ba sila nakakita ng guwapong kagaya ko? Parang ngayon lang sila nakakita ng tao rito!
“Baka puwede nap o kayong lumayo sa akin?” bulong ko pa noong halos hindi na ako makahinga sa sobrang lapit nila.
“Pasensya ka na sa mga sinabi ko kanina, ah? Hindi ko naman akalain ganiyan ka pala ka-guwapo!” sabi ng isang babae na halos ayaw akong papasukin kanina. Napa-iling na lang ako, iba rin talaga ang nagagawa ng ganitong mukha. Pakiramdam ko ay bumalik ako sa panahon na maraming babae ang nahuhumaling sa itsura ko.
“Bakit naman kasi pinabayaan mo ang sarili mo? Samantalang kaunting ayos lang pala sa iyo ay mala-anghel na ang makikita namin!” sigaw ng isa pang babae na kanina pa nakangiti sa akin. Mala-anghel ba ang itsura ko? Pero baka hindi ganoon ang isipin ng ibang tao kapag nakita ang mukhang ito.
Isa-isa ko silang pinalayo sa upuan ko dahil magbabayad na ako. Ayaw nga nilang umalis kaagad at nakatingin pa rin sila sa akin hanggang sa magpunta ako sa cashier para magbayad. Nagpagupit lang naman ako ngayon para maging maayos ang itsura ko kapag hinarap ko na ang mga kapatid, baka hindi lang din nila ako makilala kapag ganoong mukha ang ipinakita ko sa kanila at baka makatot pa sa akin si Tovee. Hihintayin ko pa rito si Kuya Euan dahil magpapagupit din daw siya.
Mabilis na lumipas ang araw at walang araw na kinukulit ako ni Kuya Euan na huwag ko na papatayin ang cell phone ko dahil hindi naman daw niya ako guguluhin at hindi naman iyon totoo dahil madalas siyang tumatawag na daig pa ang girlfriend na naghihinala!
Speaking of girlfriend, naalala ko lang si Miss Nunal noong nagpanggap siyang nobya ko para lang makain niya ang pagkain ko. Naisip ko lang din kung ano ang magiging reaksyon niya kapag nakita niya ang malinis kong mukha.
Kaagad ko naman iyong inalis sa isip ko dahil baka masanay ako na siya ang iniisip ko.
Nang makapagbayad na ako ay umupo ako sa isang tabi at sinabi kay Kuya Euan na tapos na akong magpagupit at handa na akong umuwi. Napansin ko na nakatingin pa rin sa akin ang mga tao rito kaya naalala ko kung paano nila ako sinalubong kanina.
Nakapasok na nga ako sa salon nila noong sabay-sabay silang lumapit sa akin hindi para i-welcome ako ngunit para harangin ako. Habang hinaharang nila ako ay nakatingin sila sa mga taong nandito rin sa salon dahil nag-aalala ang mga ito na baka makita ako. Alam ko naman na itsurang marumi ako sa haba ng buhok ko kaya hindi ko rin naman sila masisisi.
“May pambayad ka ba?”
“Alam mo ba kung gaano kamahal dito? Hindi puwedeng manlimos dito!”
“Sa kabilang salon ka na lang magpagupit! Baka masira pa ang gamit namin sa iyo!”
“Naligo ka na ba? Baka umalis ang ibang customer kapag nakita ka.”
Ilan lamang iyan sa mga tanong nila sa akin. Ganoon kalala ang itsura ko! Sa halip na umalis ay nanatili ako roon para ipakita sa kanila ang itinatago kong mala-Adonis na ka-guwapuhan!
Wala naman akong karapatan na masaktan sa mga naging reaksyon nila dahil maging ako ay walang tiwala sa itsura ko.
Napangiti na lang din ako dahil sa pag-alala sa nangyari kanina. Parang ibang tao nga ang humarang sa akin kanina at sa mga taong nakapaligid sa akin noong natapos na nila akong gupitan. Maging ako ay halos hindi na makilala ang sarili ko dahil sa pagkakaroon ng mahabang buhok kaya napangiti rin ako noong nakita kong malinis na ulit akong tingnan.
Welcome back, Jiro!
Masasabi kong handa na talaga akong magpakitang muli sa kanila. Ang tanong lang ay kung handa na rin silang makita ako at bumalik sa buhay nila. Matagal-tagal din akong nawala kaya marami na rin akong hindi alam sa mga nangyayari tungkol sa kanila.
“Tito Jiro!” Narinig kong sigaw ni Tovee noong nakapasok na sila. Hindi naman sa akin sinabi ni Kuya Euan na kasama niya si Tovee ngayon kaya nabigla rin ako sa pagtawag at pagyakap nito sa akin. Ang usapan pa namin ay sa bahay ko na lang sila makikita dahil baka mahiya pa sa akin si Tovee dahil sa matagal na hindi pagkikita. Wala nga pala sa bokabularyo ng pamangkin ko ang pagiging mahiyain. Mabuti na lang pala at dumating si Kuya Euan na ganito na ang itsura ko kaysa makita pa ako ni Tovee dahil baka matakot pa siya sa akin.
Lumapit naman sa akin si Kuya Euan para batiin din ako at sabihing, “Welcome back, bunso.” Ayaw ko na ngang nagpapatawag ng bunso noon pagkatapos ay iyon pa ang pang-asar na ginagawa niya sa akin ngayon.
“Salamat, Kuya Euan.”
“Ikaw muna ang makipagdaldalan kay Tovee dahil marami siyang baon na kuwento sa iyo. Nandito lang din naman ako kaya magpapagupit na rin ako,” sabi pa niya bago lumayo sa buhat-buhat kong si Tovee. Ang laki at ang bigat na niya pero kapag excited talaga siya ay nakukuha pang magpabuhat, mabuti na lang din at kaya ko pa siyang buhatin ngayon.
Kagaya ng sinabi ni Kuya Euan, maraming baon na kuwento si Tovee dahil hindi pa man ako nagtatanong sa kanya ay nagsimula na siyang mag-kuwento at ang iba nga sa mga kuwento niya ay sinasabayan pa niya ng pagkilos para sa mas epektibo na pagbabahagi ng kuwento.
“I miss you, Tito Jiro!” sambit ulit niya pagkatapos ay niyakap ulit ako. Ganitong pagsalubong talaga ang inaabangan ko sa kanya dahil kahit hindi ko man aminin sa sarili ko ay namiss ko siya siya. Namiss ko silang lahat.
HABANG NASA BIYAHE KAMI pabalik sa bahay ay sabay pa kaming napalingon ni Kuya Euan kay Tovee na nasa likod ng sasakyan at tulog na tulog. Nagkatingin pa kami ni Kuya Euan at parehas na napangiti. Parang kanina lang ay sobrang ingay at kulit pa niya dahil hindi nahinto sa pagsasalita pagkatapos ay nag-usap lang kami ni Kuya Euan ay biglang nakatulog na siya.
“Mukhang napagod ang isang iyon sa pagkukuwento sa iyo, ah?” pagbibiro pa ni Kuya sa kadaldalan ng anak niya.
“Parang ganoon na nga. Kahit nga ako ay parang napagod dahil parang ikaw si Tovee, paulit-ulit na ang kuwento sa amin ni Ate Michiko lalo na kapag lasing ka habang nagkukuwento sa amin.”
Tumawa naman siya dahil alam niyang totoo iyon. Nagiging madaldal lang naman siya kapag lasing. “Paghandaan mo na lang din ang kaingayan ng Ate Michiko mo dahil mas sigurado ako na mas marami siyang sasabihin sa iyo.” Parehas pa kaming natawa habang nag-i-imagine sa kadaldalan ni Ate Michiko. Sana nga ay maging madaldal kaagad siya dahil hindi ako sigurado kung gusto pa niya akong makita pagkatapos kong maging pasaway na kapatid.
Nagkuwento lang din si Kuya Euan tungkol sa trabaho niya at sa mga lugar na pinuntahan nila noong wala ako sa bahay. Ang sabi pa niya ay mababalikan na raw namin iyon ngayong nakabalik na ako.
Tahimik na ulit kami sa biyahe at gusto ko na rin sana magpahinga pero nagsalita ulit si Kuya Euan.
“Siya ba ang dahilan kung bakit hindi ka kaagad umuwi sa atin?” tanong ni Kuya Euan.
“Sino ang tinutukoy mo?”
“Iyong babaeng nabanggit mo sa akin na nanggulo sa iyo. Nadulas ka nga lang sa akin noong sinabi mo iyon at hindi mo na ulit siya binanggit. Sino ba iyon? Bakit hindi mo ipakilala sa amin, ah?” May kakulitan din talaga si Kuya Euan. Hindi sinasadya na nabanggit ko iyong babae na nagnakaw ng halik sa akin at ang umubos ng pagkain ko kaya naman tanong na siya nang tanong sa akin kung sino ang babaeng iyon. Kung kilala ko naman ay nasabi ko na sa kanya ang pangalan pero hindi ko naman magawa dahil ang tawag ko lang sa babae na iyon ay Miss Nunal.
Talaga naman na hindi siya nagpakilala sa akin at ayaw rin niyang malaman ang pangalan ko. Kung ako nga ang tatanungin ay gusto ko ulit siyang makita dahil pinagaan niya ang loob ko noong gabing iyon dahil sa mga sinabi niya at pinag-usapan namin. Kung hindi ko siguro siya nakausap noong gabi na iyon ay baka iba ang pananaw ko sa buhay at baka isipin ko pa na wala akong pag-asa na magbago.
Sa pagbabalik na ito sa pamilya ko ay wala akong ibang inisip kung hindi ang pagpapahirap ko sa kanila. Binalewala ko ang sakripisyo nila sa akin at wala akong magawa ngayon kung hindi sisihin ang sarili ko. Mabuti na lang at nakilala ko si Miss Nunal at sa rami ng sinabi niya sa akin ay ito ang pinakatumatak, “Alam mo, ang pinakamasakit na siguro na naramdaman ko ay iyong sakit na ipinararamdam sa akin ng mga taong mahal ko sa buhay. Hindi ko inakala na masasaktan nila ako. Pero alam mo kung ano ang nakatatawa? Kahit na paulit-ulit tayong saktan ng mga taong mahal natin, nandoon pa rin iyong pagmamahal mo sa kanila kagaya na lang ng pagmamahal ng isang kapamilya. Maaari kang talikuran ng maraming tao pero palaging may kapamilya na maniniwala sa iyo. Ang sarap siguro sa pakiramdam na ganoon ang ipinararamdam sa iyo, ’no? Kahit na nasasaktan ako dahil sa kanila, iniisip ko pa rin na balang araw ay magbabago iyon. Kahit gaano pa karaming pagkakamali ang nagawa nila sa akin, matatanggap ko pa rin sila dahil pamilya kami.”
Hindi man niya alam kung ano ang nararamdaman at pinagdadaanan ko dahil sinabi naman niya iyan para malaman ko ang sitwasyon na kinahaharap niya at hindi para sa akin pero ang sinabi niya na iyon ay parang mensahe para sa akin na sa kabila ng pagkakamali na nagawa ko kina Kuya Euan at Ate Michiko ay hinihintay lang din nila na magising ako sa katotohanan para muling bumalik sa katinuan.
Naghihintay lang sila sa pagbabalik ko.
Napangiti ako sa pag-alala sa gabing iyon pati na rin kay Miss Nunal. “Jiro! Why are you smiling like that? Are you still thinking about her? Huwag mong sabihin na namimiss mo na siya kaagad, ah?”
“Kuya Euan! Focus on driving! Mahaba pa ang biyahe natin kaya matutulog na ako!”
Tinawanan lang niya ako at sinabing, “Ang bunso talaga ng Barcelona ay pasaway. Welcome back, bunso.”
Bunso. Ako ang pinaka-pasaway na bunso. At ang bunsong ito ay nagpapasalamat sa muli nilang pagtanggap sa akin.