“Pasok!” Sigaw ni Donya Clara matapos kong kumatok ng tatlong beses.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto. “Magandang umaga po, Donya Clara. Pinatawag n’yo daw po ako?” sambit ko pagpasok sa kwarto niya.
Matalim ang tinging lumapit siya sa akin. Umigkas ang kamay niya at dumapo sa pisngi ko. Pakiramdam ko ay naalog ang utak ko sa lakas ng pagkakasampal niya sa akin. Maluha-luhang lumingon ako sa kaniya sapo ang nasaktang pisngi.
“Huwag mo ’kong tingnan ng ganiyan! Akala mo ba hindi ko malalaman na inaakit mo ang anak ko? Ang taas din naman ng pangarap mo!” nanlilisik ang mga matang sigaw niya sa akin.
“N-Nagkakamali po kayo, Donya Clara. Mali po ang ibinibintang n’yo sa ’kin!” umiiyak na sambit ko. Lumapit siya sa akin at hinablot ang buhok ko.
“Tatanggi ka pa!” Kinaladkad niya ako palapit sa kama habang hawak ang buhok ko.
Napaluhod ako nang sipain niya ang alak-alakan ko. Iniharap niya sa akin ang laptop na nakapatong sa ibabaw ng kama.
“Subukan mong itanggi ’yang nasa video!” Kulang na lang ay ingudngod niya ako sa laptop.
Ang nasa video ay kuha habang nasa loob kami ng sasakyan ni Senyorito Lufer kanina. Kitang-kita doon na sapilitan niya akong pinaupo sa kandungan niya. Pero bakit sa akin siya nagagalit? Ang anak niya dapat ang pagsabihan niya, hindi ako.
“Malandi ka! May kasintahan na ang anak ko pero inakit mo pa! Gusto mo ba na magpabuntis sa kaniya para pakasalan ka at maiahon kayo sa hirap, ha?” pang-aakusa niya sa akin.
Hinila niya ako patayo gamit ang aking buhok. Sumubsob ang mukha ko sa kama nang itulak niya ako doon.
Lumapit siya sa akin at muli niyang hinila ang buhok ko. “Siguro hindi mo magawang akitin ang asawa ko kaya ang anak ko ang pinunturya mo. Heto ang tatandaan mo, hinding-hindi ako papayag na mapabilang ang isang hampas-lupang kagaya mo sa pamilya namin!” sigaw niya sa mukha ko.
“Clara! Ano ang nangyayari dito? Bakit mo sinasaktan si Angeli?” sigaw ni Don Lucio at dali-daling lumapit sa amin.
Kasunod niya si Senyorito Lufer. Sapilitang inilayo ni Don Lucio si Donya Clara mula sa pagkakahawak sa buhok ko. Agad naman akong dinaluhan ni Senyorito Lufer.
“Bitawan mo nga ako, Lucio!” nagpupumiglas na sigaw ni Donya Clara.
“Ano ba ang problema, Mama?” kalmadong tanong ni Senyorito Lufer kay Donya Clara. Nakapamaywang siyang humarap sa kaniyang ina.
“Nilalandi ng babaeng ’yan ang anak natin, Lucio! Ambisyosa ’yan, eh! Noong isang araw si Orson pa lang ang kayakap niya, tapos makita-kita ko nililingkis na niya ang Unico Hijo natin!” nanggagalaiti pang sigaw ni Donya Clara. Dinuro pa niya ako habang nakaupo ako sa kama.
Bumaling si Don Lucio kay Senyorito Lufer. “May relasyon kayo, anak?” malumanay na tanong ni Don Lucio kay Senyorito Lufer.
Napabuntong hininga si Senyorito Lufer. “Yes, Papa. Girlfriend ko na po si Angeli, matagal na. At balak na po naming magpakasal,” diretsong sagot ni Senyorito Lufer kay Don Lucio.
“Ano?! Hindi maaari ang gustong mangyari, Lufer!” Namilog ang mga mata ni Donya Clara. Halos maglabasan ang litid niya sa leeg.
“S-Senyorito–” Hindi ko naituloy ang balak kong sabihin. Pinisil ni Senyorito Lufer ng malakas ang balikat ko bilang babala na huwag akong sumalungat sa gusto niya. Gusto kong tutulan ang sinabi niyang magkasintahan na kami at nagbabalak nang magpakasal.
“Lucio . . .” mahinang sambit ni Donya Clara sa pangalan ng asawa niya.
Muntik nang mabuwal sa kinatatayuan si Donya Clara. Agad naman siyang inalalayan ni Don Lucio.
“Lumabas na muna kayo, anak. Kakausapin ko muna ang Mama mo. Pakitawagan na din si Sonia, sabihin mong magdala siya dito ng tubig,” utos ni Don Lucio kay Senyorito Lufer.
“Let’s go.”
Hinawakan ni Senyorito Lufer ang kanang kamay ko. Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ang katawan ko sa sobrang takot.
Bumitaw siya sa akin pagkalabas namin sa kwarto ni Donya Clara. Dinukot niya ang cellphone sa bulsa ng pantalon niyang maong at tinawagan si Aling Sonia.
“What are you waiting for? Bumaba ka na sa kwarto mo,” utos niya sa akin pagkatapos tawagan si Aling Sonia.
Tinalikuran ako ni Senyorito Lufer. Agad kong hinawakan ang braso niya bago pa siya tuluyang makalayo.
“S-Senyorito, bakit po ninyo sinabing magkasintahan tayo? Wala po tayong relasyon. Please, bawiin mo ang sinabi mo sa kanila,” samo ko sa kaniya.
“Bakit ko babawiin? Magpapakasal tayo, buo na ang desisyon ko,” may pinalidad sa boses na sambit niya.
“Bakit hindi na lang si Ma’am Celestine ang yayain mong magpakasal? Siya naman ang girlfriend mo. At saka wala tayong pagmamahal sa isa’t isa,” tutol ko pa.
“Tsk. Magpapakasal tayo sa ayaw at sa gusto mo,” sambit niya at tuluyang tumalikod.
Laglag ang balikat na tinungo naglakad ako palayo sa tapat ng silid ni Donya Clara. Pababa na ako ng hagdan nang makasalubong ko si Ma’am Celestine. Mukhang kagagaling niya lang sa pagjo-jogging. Lumarawan sa mukha niya ang gulat at pagtataka pagkakita sa akin.
“Hey! What happened to you? Bakit ang gulo-gulo ng buhok mo?” tanong niya. Inayos niya ang buhok kong nagulo.
“W-Wala lang po ito,” sagot ko at napayuko.
“Sigurado ka?” may pagdududang tanong niya. Pilit hinuhuli ng tingin niya ang mga mata ko.
“Opo, Ma’am. Sige po, bababa na po ako. Kailangan ko na pong magtrabaho,” hindi makatinging paalam ko sa kaniya.
“Wait lang. Makikisuyo nga pala ako, pakidalahan kami ng almusal. Sa kwarto na kami kakain. Salamat!” Ngumiti siya at muling tumalikod.
Tinungo ko ang kusina at naghanda ng makakain para sa kanila ni Senyorito Lufer.
“Thank you, Angeli!” matamis ang ngiting sambit ni Ma’am Celestine matapos kong mailapag ang almusal nila ni Senyorito Lufer.
“Bakit ka pa nagdala ng pagkain dito? Kumain na ako,” kunot ang noo na sambit ni Senyorito Lufer habang nakaupo sa kama at may ginagawa sa laptop niya.
“Pero hindi pa ako nag-breakfast kaya sabayan mo ’ko,” sabat ni Ma’am Celestine.
“Kumain ka mag-isa. Busog ako.”
“Sabi mo, eh! Kaya kong ubusin ’to!”
Paglabas ko sa kanilang silid ay sakto namang paglabas ni Sir Orson sa kaniyang kwarto.
“Good morning, Angeli!” bati niya agad sa akin na may malapad na ngiti sa labi.
“G-Good morning din po, Sir Orson!”
“Nagdala ka ba ng almusal para kina Tine? Pwede bang dalhan mo din ako?” utos niya.
“Sige po, pakihintay na lang. Kukuha lang po ako sa baba,” tugon ko at nagmamadaling lumayo sa kaniya.
Buong akala ko noon ay siya ang lumal*pastangan sa akin. Pero kahit na nagkamali ako ng akala, ilag pa din ako sa kaniya. Naroroon ang takot na baka gawan niya din ako ng masama.