“You’re kidding.” Shocked si Maurin sa narinig.
“I’m not,” sabi naman ni Vince.
Pinuno ni Maurin ng hangin ang dibdib. “I can’t bear you a child. Hindi ako parang baka na palahian.”
Tumaas ang isang sulok ng bibig ng lalaki. “Hindi ka naman basta lang palalahian. Pakakasalan kita.”
“Pakakasalan?” Her shock was doubled. Or probably tripled.
“Pakakasalan,” flat ang tonong sabi ni Vince. “You should be thankful dahil pakakasalan kita. Hindi ko gustong maging bastardo ang anak ko.”
“T-teka muna, sandali,” naguguluhan nang wika ni Maurin. Kung magsalita ito, parang plantsadong-plantsado na ang lahat. At nangangamba siyang sumang-ayon na lang nang sumang-ayon sa gusto ng lalaki.
“Wala kang karapatang tumanggi, Maurin. Dahil kung hindi, then I would consider the first one. Idedemanda kita,” banta ni Vince.
Puwedeng tinatakot lang siya nito para huwag siyang tumutol. At effective nga iyon sa kanya. Hindi niya gustong mademanda.
Napabuntong-hininga si Maurin. Kailangan niyang paganahin ang isip. Hindi siya papayag na basta na lang sumunod sa gusto ng lalaki.
“Bakit ako? Bakit sa akin mo pa gustong magkaanak? Hindi mo ba naisip na tuwing makikita mo ako, palagi mong maaalalang dahil sa akin kaya nawala ang anak mo?”
Ni hindi naapektuhan si Vince sa kanyang sinabi. “Sa palagay mo ba, hindi ko naisip `yan? You should know me better than that, Maurin.” Marahan itong tumawa.
“At ano pa ang balak mo?” Exaggerated ang takot sa kanyang tono. “You told me you’re going to marry me. At pagkatapos ay ano?”
“Don’t expect too much. Gagawin ko lang `yon dahil gaya ng sinabi ko kanina, hindi ko gustong maging bastardo ang anak ko.”
Ko. He always said that with so much possessiveness. Na parang hindi rin magiging anak ni Maurin ang bata. Oh well, she thought. Nagsisimula na niyang i-consider ang ideya ni Vince.
“You will not be a mother to my child,” narinig niyang sabi nito.
“What? At sa palagay mo ba, papayag akong mangyari iyon kung sakali mang pumayag nga ako sa gusto mo?” Defensive kaagad siya.
“Ang sabi ko lang, papalitan mo ang anak ko. Hindi ko sinabing ikaw ang mag-aalaga sa kanya.”
“Every child needs a mother!” protesta niya.
“I know. Buhay pa ang mama ko. She will be the mother of my son.”
“I won’t allow that!” pabiglang sabi ni Maurin.
May naglarong ngiti sa sulok ng mga labi ni Vince. “Ibig sabihin ba niyan, pumapayag ka na sa gusto kong mangyari?”
“Of course not,” biglang bawi niya.
“You don’t have any choice, Maurin. Kapag hindi ka pumayag, gagawin kong miserable ang buhay mo.”
Napabuntong-hininga siya. “Hindi ako maniniwala na walang babaeng nagkakagusto sa iyo. Baka nga hindi lang isa. Bakit hindi `yon ang pakasalan mo para doon ka magkaanak?”
“You really want to know everything, huh? I’ll tell you, okay. I have stopped loving mula nang mamatay ang anak ko. At kapag nagpakasal ako sa sinuman sa mga babaeng sabi mo nga ay nagkakagusto sa akin, they would demand so much from me. Hindi ko `yon maibibigay sa kanila. Then I found out na babae ka pala, pumabor `yon sa akin. That sums up my coming here.”
“So,” sabi ni Maurin at napabuntong-hininga. “You are going to marry me, aanakan at pagkatapos ay hindi naman mamahalin. Ganoon ba?”
Tumaas uli ang sulok ng bibig ni Vince. “Ano sa palagay mo?”
Humalukipkip siya. “Hindi mo ba naisip na gusto kong mahal ako ng lalaking pakakasalan ko at mahal ko rin siya?”
“Naisip mo bang kung nag-ingat ka lang sa pagmamaneho ay hindi mawawalan ng mahal sa buhay ang ibang tao?”
“I really can’t understand this!”
“You don’t have to. Pinakamabuting sumunod ka na lang.”
Iling ang isinagot ni Maurin. “Hindi ganoon kadali `yon. I hardly know you. At bigla na lang akong magpapakasal sa iyo?”
“Hindi ako masamang tao kung iyon ang iniisip mo. Inutusan ko na ang sekretarya kong ihanda ang file ko. Dala ko `yon. Iiwan ko sa iyo para mabasa mo.”
Tumawa siya nang mapakla. “How about me? Ano’ng malay mo kung may lahi pala kami ng baliw?”
“Pinaimbestigahan na nga kita, hindi ba?”
Padabog siyang sumandal. “Ibig sabihin, wala na nga akong magagawa kundi ang sumunod sa iyo, tama ba?”
“You can still do what you want to do. Pero ang sabi ko nga, mas mabuting sumunod ka na lang sa gusto ko. That’s the easiest thing to do. Hassle-free,” magaan na dugtong ni Vince pero alam na alam na ni Maurin ang ibig sabihin niyon.
Nagkandatulis ang nguso niya nang irapan ang lalaki. Hindi siya papayag na basta na lang sumunod. Kailangan niyang makaisip ng paraan para makatakas.
“Paano kung baog pala ako?” nakataas ang noong tanong ni Maurin kay Vince. Pakiramdam niya ay nakapuntos siya. Nakita niya ang pagkabigla sa ekspresyon ng mukha ng lalaki. Hindi nga siguro iyon naisip nito.
Pero mayamaya, mabilis itong sumagot. “Magpa-check up ka sa doktor. Siguruhin mong may kakayahan kang magkaanak.”
“At kung wala?”
Parang muling nag-isip ang lalaki. Pero hindi niya pinayagang matapos nito anuman ang iniisip.
“Kung baog pala ako, we’ll forget all these. Hindi mo na ako dapat na idemanda. Double jeopardy na yata ang ganoon.”
“Double jeopardy? Alam mo ba ang ibig sabihin n’on?”
“I-ibig kong sabihin, wala na nga akong magagawa dahil gusto mong palitan ko ang namatay mong anak. Pero kung hindi pala ako puwedeng magkaanak, dapat ibale-wala nang lahat ito. We’ll call it quits,” habol ang hiningang paliwanag ni Maurin. Pinagsalikop niya ang mga daliri at nahiling na sana ay tanggapin ni Vince ang kanyang sinabi.
“At makakalusot ka sa atraso mo sa akin. Iyon ang gusto mong mangyari?” kunot-noong sabi nito.
“Vince, it had been eight months. Kung desidido kang idemanda ako, dapat noon mo pa ginawa.”
“Puwede ko pa ring gawin `yon kahit walong taon pa ang lumipas. Pero sige, pagbibigyan kita. Kung wala kang kakayahang magkaanak, consider yourself free from this mess. Bahala na sa iyo ang budhi mo,” nangongonsiyensiyang sabi ni Vince.
Muli itong inirapan ni Maurin.
Pero parang bale-wala iyon sa lalaki. “See a doctor first thing in the morning tomorrow. Don’t dare make a phony result. Pagsisisihan mo...”
“Bakit hindi ikaw ang mismong magdala sa akin sa doktor nang hindi ka nagdududa?”
“You gave me an idea. Pero bakit, wala ka bang sariling doktor?”
“Dalaga ako. Bihira naman sa dalaga ang kumukonsulta sa OB-GYN. At kasali na ako sa kanila,” pasupladang sabi ni Maurin.
“Nasa Amerika na ang OB-GYN ni Katy. Pero marami namang ibang mahusay na doktor. Bahala ka nang pumili. At uulitin ko sa iyo, huwag kang magkakamaling baguhin ang resulta na papabor sa iyo. Malalaman ko rin `yon.” Tumayo na si Vince. “I hope I made myself clear. I’ll give you a week. Pagkatapos ay babalikan kita.”
Tumayo na rin si Maurin. Isasara na lang niya ang pinto nang pumihit ang lalaki.
“You have to read my file. You may do some checking. Para naman hindi mo ako masabihang unfair.”
“Talk about fairness,” mahinang sabi niya, sabay ismid.
Nakapatong lang sa dashboard ng kotse ang isang folder. Dinukwang iyon ni Vince at iniabot sa kanya.
“See you.” At sumakay na ito.
Nakataas ang mga kilay ni Maurin nang tumalikod. Dere-deretso ang kanyang hakbang at hanggang sa makapasok ay hindi niya ito nilingon.
NANG mapag-isa ay saka binalikan ni Maurin sa isip ang pinag-usapan nila ni Vince. Hindi na niya matandaan kung ilang beses siyang bumuntong-hininga. She did not even remember agreeing to him. Pero parang ganoon na rin dahil sa kanya rin nanggaling ang usapang kung baog siya ay hindi na rin siya dapat na idemanda ni Vince.
Napangiwi si Maurin. Mali yata ang desisyon niya. Dapat wala siyang sinabing kahit na ano at kumonsulta muna sa isang abogado tungkol sa kanyang kaso—kung may kaso nga siya.
Wala-sa-loob na binuklat ni Maurin ang folder. Mukha iyong baby thesis. Mayroon pang introduction. At dahil maganda ang pagkaka-prepare, nahulog doon ang kanyang atensiyon.
Vicente Rafael Hidalgo. Thirty-four years old at biyudo. Muling umangat ang kanyang kilay. Alam na niya iyon maliban na lang sa edad nito. He was born on November 5. Pilya siyang napangiti.
Scorpio si Vince, naisip niya at ipinagpatuloy ang pagbabasa.
Malaki na rin ang pera ni Vince sa bangko. At patuloy pa iyon sa pagdami dahil matatag ang katayuan ng hacienda. Wala nang aalalahanin ang magiging asawa nito pagdating sa financial aspect. Puwedeng maging reyna ang magiging asawa ni Vince. At kahit siguro ilan ang maging asawa ng lalaki ay kayang sustentuhang lahat. Parang isang hari.
Daan-daang ektarya ang lupaing minana ni Vince. May manggahan at niyugan. Nag-iisang anak at walang choice kundi pamahalaan ang hacienda nang mamatay ang ama.
May lahing Kastila ang ina ni Vince na si Señora Maura. Ang ginang ang namamahala sa Villa Hidalgo.
Pagbuklat ni Maurin ng pahina, mayroong scanned pictures doon. Litrato ng arko ng malawak na lupain, entrada ng villa, malaking sala, at iba pang bahagi ng property ni Vince.
Ang sumunod pang pahina ay may dalawang litrato ni Señora Maura. Isang close-up shot at ang isa ay parang studio shot. Nakaupo ang ginang sa isang eleganteng silya. Mistulang reyna sa litratong iyon. Walang dudang may dugo ngang Kastila si Señora Maura. Very aristocratic ang dating nito. Payat at parang may hawig sa matandang artistang si Mary Walter.
Siya ang mag-aalaga sa magiging anak ko? pumasok sa isip ni Maurin. Kung pagbabasehan ang hitsura ng señora, malamang na lumaking mapagmataas ang kanyang anak.
Picture naman ni Vince ang nasa next page. Kasama sa shot na iyon ang asawa nito. Wedding picture iyon. Maganda ang bride.
Sa ibaba ay ang litrato naman ni Vince at ng anak nito. Tumagal ang tingin ni Maurin doon. Halos walang similarity ang mag-ama. Pero kahit puro features ng ina ang namana ng bata, hindi naman pagdududahan ang pagiging mag-ama ng dalawa.
There was a certain bonding between them.
At sa pagkakangiti ng mag-ama, walang mag-iisip na may trahedyang mangyayari.
Was it really my fault? tanong ni Maurin sa sarili. Isang buntong-hininga uli ang kanyang pinakawalan at inilipat na ang pahina.
Comprehensive ang file. Pati paboritong pagkain at pabango ni Vince ay nakalagay roon. Size ng paa, ng baywang at ng mga balikat. Kulang na lang yata banggitin doon pati kung gaano ito katagal maligo.
Daig pa ni Maurin ang nagbasa ng autobiography ni Hitler. Nag-enjoy siya sa pagdi-discover ng mga bagay tungkol kay Vince. at nakalimutan na uli niya ang guilt sa pagkamatay ng anak nito.
Gabi na nang matapos niyang basahin ang file. Lagpas na ang oras ng hapunan. Bago natulog, iniligpit muna niya ang ilang kalat.
Inantok na si Maurin paglapat pa lang ng likod sa kama. Napangiti siya. Malakas ang paniniwala niyang wala siyang kasalanan sa nangyari sa anak ni Vince. Dahil kung mayroon, dapat bothered siya sa nalaman. Dapat hindi siya mapakali. Pero sa halip, antok na antok na siya.
Dapat hindi siya pumayag na palitan niya ang anak ni Vince sa pamamagitan ng pagpapabuntis dito. Nagkamali siya. Hanggang nakatulugan na niya ang isiping iyon.
ALAS-SINGKO ng umaga ay gising na si Maurin. Babangon na sana siya nang maalalang bakasyon na at walang pasok. Namaluktot na lang siya sa higaan.
Gustuhin mang matulog ay hindi na niya magawa. Dumilat siya at nag-isip ng gagawin.
Last week lang sila huling nagkita-kita nina Annalor at Kristel. Wala sa schedule ng mga ito kung bigla na lang siyang susulpot sa unit ni Kristel. Magiging istorbo lang siya roon. At napakalayo naman ng Cavite para dalawin si Annalor.
Naisipan ni Maurin na maglaba.
Bumangon na siya at sinimulan ang paglalaba. Pati kurtina, bedsheets, at punda ay isinama niya sa mga labahin. Dumeretso na siya sa likod-bahay na kinaroroonan ng washing machine.
Habang nakasalang ang unang batch ng labahan, bumalik si Maurin sa kuwarto. Palagi niyang nililinis iyon kaya kaunting walis lang ay puwede na. Pinalitan niya ng malinis na bedsheet ang kutson.
Noon niya napansin ang folder na nasa night table. Noon lang din uli niya naalala si Vince. At noon lang din naalalang may inuutos nga pala ito sa kanya.
Sandali pa siyang nag-panic. Nang maisip na maaga pa naman—madaling-araw pa nga lang—saka lang siya kumalma. Wala pa namang bukas na clinic nang ganoong oras.
Mabilis na natapos ni Maurin ang paglalaba. Bago ganap na sumikat ang araw, nakasampay na ang mga nilabhan.
Pinagkasya niya ang sarili sa pag-aalmusal ng Nesvita. At habang inuunti-unti ang pag-inom ay nililibot naman niya ng tingin ang kanyang munting paraiso.
Maaga pa ay wala na siyang gagawin. Ibig sabihin, buong summer na ganoon ang kanyang magiging routine? Tumaas ang isang kilay ni Maurin. Pinagalitan niya ang sarili. Noong isang taon, ganoon din naman ang naging buhay niya kaya bakit pa siya magtataka.
Nagulat siya nang makarinig ng katok. Napakaaga pa para sa kahit na sinong bisita. Naihilamos niya ang isang palad sa mukha. At nang tingnan ang palad ay nangingintab iyon sa langis ng kanyang mukha.
Natawa siyang mag-isa. Hindi pa pala siya naghihilamos. Mumog lang ang kanyang ginawa at ni hindi pa rin nagsusuklay.
Umulit ang mga pagkatok. At naging sunod-sunod.
“Sandali lang!” malakas na sabi ni Maurin.
Naghilamos muna siya sa gripo bago puntahan ang pintuan. Inipit lang niya ng butterfly clasp ang kanyang buhok at nagpupunas pa siya ng mukha nang lumapit sa pinto.
“Good morning.”
“Ikaw?!”