“Huwag mo akong tingnan nang ganyan. I’m not a ghost,” sabi ni Vince.
“What are you doing here? Ang sabi mo sa isang linggo ka pa babalik?” gulat pa ring tanong ni Maurin.
Parang naaaliw naman ang lalaking pagmasdan siya. “Nagbago ang isip ko. Sasamahan kita sa doktor.”
Mapakla siyang ngumiti. “Sigurista ka rin, `no?”
“Walang masama roon.” Lumagpas ang tingin nito sa kanyang balikat. “Hindi mo ba ako patutuluyin? Ang aga-aga kong nag-check out sa hotel. Hindi pa nga ako nag-aalmusal, eh.”
Tumaas ang isang kilay ni Maurin. “Hindi ko kasalanan `yon,” bulong niya na malamang na nakaabot sa pandinig ni Vince. Nang pumihit siya, ang lalaki na ang nagtulak sa pinto at pumasok.
“A coffee will do,” sabi ni Vince at naupo sa sofa na inupuan din nito nang nagdaang gabi. “Black coffee.”
Alam ni Maurin ang timpla nito ng kape. Nabasa niya iyon sa file ng lalaki. Pero wala siyang balak na ipagtimpla ito ng kape.
Tumayo siya sa gitna ng sala. Ano bang pakialam niya kung ano ang kanyang hitsura sa paningin nito? Hindi naman siya nagpapa-charming. Mainam nga na malayo sa pagpapa-impress ang nakikita ni Vince sa kanya. Baka sakali, magbago ang isip ng lalaki at kalimutan na siya.
“Wala akong kape rito. Sorry.”
Nakatitig si Vince sa kanya. At hindi naman alam ni Maurin kung maiilang o maiinis. Para itong nakakita ng multo. Walang ekspresyon ang mukha. Basta nakatingin lang sa kanya.
Nakatingin ang lalaki sa buhok niya. Wala iyon sa ayos at basta na lang nakataas. Tumatakip ang ilang hibla sa paligid ng kanyang mukha at batok. Medyo basa pa ang kanyang noo dahil hindi naman iyon masyadong napunasan nang maghilamos siya.
Milya-milya ang layo ni Maurin sa naggagandahang babae na walang inunang gawin sa paggising sa umaga kundi ayusin ang sarili. Pero may kung ano sa kanya na puwedeng wala sa mga ito.
There was freshness in her face. And innocence. She was carefree. Walang pakialam kung maganda pa ba ang ayos o hindi na.
Nagsalubong ang kanyang mga kilay. “Vince, ang sabi ko, walang kape rito. Kung magde-demand ka naman ng morning daily, sorry din. Hindi ako nagpaparasyon ng diyaryo. Kung talagang desidido kang samahan ako sa doktor, fine. Wala naman akong magagawa, `di ba? Maupo ka na lang diyan habang hinihintay mo akong gumayak.”
Napangiti si Vince. “I don’t read newspapers. I watch morning news. Wala ka bang TV rito?”
Pinanlakihan niya ito ng mga mata. “Meron, nasa kuwarto ko. Sorry, off-limits ang bisita sa kuwarto ko.”
Natawa ang lalaki. “Hindi magtatagal, hindi na ako basta bisita lang sa iyo, Maurin. Tandaan mo `yan.”
Inismiran niya ito at saka tumalikod.
Likas namang mabilis kumilos si Maurin. Sa maikling oras, nakapaligo at nakapagbihis na siya. Kaswal na bestidang asul at flat sandals ang kanyang isinuot. Hinayaan niyang nakalugay ang buhok niyang basa pa.
Wala naman siyang masyadong ina-apply sa katawan. Nivea lotion lang ang ipina-pamper niya sa balat. Nag-apply siya ng moisturizer sa mukha at nang ma-absorb na iyon ay saka siya nagpulbos.
Iyon lang at lumabas na siya ng kuwarto.
“I’m ready,” anunsiyo ni Maurin.
Para namang masunuring bata si Vince na ni hindi umalis sa kinauupuan. Nang puntahan niya ang lalaki ay naroroon pa rin ito. Ni wala yatang ginawa maliban sa huminga.
Pero sumunod naman si Vince nang makita siya. Sumulyap ito sa relo. “Maaga pa. I guess we have to eat breakfast first. Saan mo gusto?”
“Sa Jollibee.”
Inalalayan pa siya ni Vince sa pagsakay sa kotse. Pinigil na niya ang pagtaas ng isang kilay. Medyo gentleman din naman pala ang lalaki.
“dapat heavy ang kinakain ng tao sa umaga. Doon nanggagaling ang energy natin sa buong maghapon,” sabi ni Vince nang ilapag sa mesa ang almusal nila.
Nasa Jollibee na sila. Corned beef meal at may extra rice pa ang in-order ng lalaki, habang pancake meal at hot choco naman ang kay Maurin.
“Sanayan lang naman `yan. Sanay nga ako na Nesvita lang sa umaga, eh.”
“Sa villa, kanin ang almusal. Makakatikim ka lang ng tinapay `pag merienda. Minsan nga, mga mabigat din sa tiyan. Ginataang bilo-bilo, kakanin.”
Umingos siya. “Sa villa `yon.”Nagsimula na siyang lagyan ng syrup ang pancake.
“Sinasabi ko sa iyo para unti-unting mag-adjust ka na. `Pag sa villa ka na nakatira, hindi puwedeng iba ang kinakain mo sa marami. Kung ano ang kinakain ng amo, iyon din ang pagkain ng katulong. Hindi naman puwedeng sila ang mag-adjust sa iyo. Mabibigat ang gawain nila.”
Nilagyan ni Vince ng cream ang kape nito. Hinintay ni Maurin na magsalita pa ang lalaki pero sandali itong pumikit. Mukhang nagdasal pa ng pasasalamat bago kumain.
Napangiti naman siya.
Bago kumain, tumingin si Vince sa kanya. Medyo kumunot ang noo nito pero hindi naman kumibo, hanggang nagsimula nang kumain.
Ganoon na rin ang ginawa niya.
At sa buong sandali ng pag-aalmusal ay parehong natutok ang atensiyon nila sa pagkain.
Pagkatapos kumain, nagsimulang magsalita si Vince na parang siguradong-sigurado na maiuuwi siya sa villa.
At sa kauna-unahang pagkakataon, noon lang hindi sumalungat si Maurin sa lahat ng mga sinabi ng lalaki.
Ayon kay Vince, matagal na nitong pinlano ang pagtira niya sa villa. At tingin niya, hindi rin ito naniniwalang baog siya gaya ng kanyang pinapalabas para lang hindi siya pakasalan. At isa pa, tiwala si Vince na naipakitang mabuti sa file na magiging appealing sa kanya ang Villa Hidalgo.
Iniutos daw ni Vince na isulat iyon sa paraang magmumukhang wala nang pinakamagandang tirhan sa mundo kundi ang villa nito. Kulang na lang palitawing paraiso ang buong lugar.
Samantala, doon din naman naka-focus ang isip ni Maurin kaya medyo wala siyang gana sa pagkain.
Natural na kahit sinong babae ay nangangarap maging ina. At kahit hindi masyadong bukal sa loob ang ideyang magpakasal, hindi naman niya gugustuhing maging baog para lang hindi matuloy ang kasal kay Vince.
Kahit naman impressive ang file ng lalaki, hindi pa rin ganap na kumbinsido si Maurin na dapat niya itong pakasalan. Walang-wala iyon sa kanyang mga plano sa buhay.
Na sa pananahimik niya, bigla na lang may darating na lalaki sa kanyang buhay para sabihing magpapakasal siya rito at bibigyan ito ng anak.
Nangangahulugan iyon ng malaking pagbabago sa kanyang buhay.
At paano kung may ibang lalaking biglang dumating at ma-in love siya?
Parang nawalan ng lasa ang kinakain ni Maurin. Bakit ba bigla niyang naisip ang ma-in love?
Hindi ba’t immune na siya sa damdaming iyon? Hindi na niya nararamdaman iyon at hindi na gugustuhin pang maranasan.
Binitiwan na ni Maurin ang tinidor at ang hot choco naman ang hinarap. Hinalo niya iyon at ininom.
“Ayaw mo na?” pansin ni Vince nang makitang bahagya lang niyang nabawasan ang pancake.
“Sabi ko naman sa `yo, hindi ako sanay mag-almusal.”
Walang-duda namang sanay sa maagang gawain si Vince. Halata sa istilo ng pagkain nito. Mabilis ang bawat subo at mabilis din ang pagnguya. Parang may oras ang pagkain at hindi naman nakakalimutan ang good manners.
He was a fine, cultured man. Balanse sa hitsura at sa kilos ang hard labor. Medyo maitim na ang balat ni Vince. Parang hindi papayag na iasa sa mga katiwala ang paglilibot sa buong hacienda. Pero makinis pa rin naman ang balat nito at halatang alaga ang sarili.
“Naisip mo na ba kung kaninong doktor magpapatingin?” Tapos nang kumain si Vince. Maayos pa nitong itinabi sa isang gilid ng styro plate ang plastic na kubyertos.
Umiling si Maurin. “Tutal sasamahan mo na ako, eh, di ikaw na rin ang mag-isip kung sinong doktor ang pupuntahan natin.”
“Okay. Sa St. Luke’s na kita dadalhin.”
KAHIT mabilis ay maingat magmaneho si Vince. Minsang nag-overtake, sinulyapan nito si Maurin. Nagpatay-malisya naman siya. Kunwari hindi niya napansin. Inulit ni Vince ang pag-o-overtake nang makakita ng tiyempo.
“Ganyan ang tamang pag-overtake. Hindi kagaya ng ginawa mo noon.”
Humalukipkip si Maurin. Akala pa naman niya ay tinuturuan siya nito, iyon pala ay pinamumukhaan siya.
Kumibo lang siya nang papasok na sila sa compound ng ospital.
“May kakilala ka bang doktor dito?” tanong niya.
“Wala. Pero halos lahat ng doktor dito ay mahuhusay. At kahit naman hindi ka kilala ay gagamutin ka.”
“Excuse me. Walang gagamutin sa akin. Magpapakonsulta lang ako.”
Tumaas ang sulok ng mga labi ni Vince. “Whatever,” sabi nito at maayos na ipinarada ang sasakyan.
Nang bababa na si Maurin ay bumaba na rin ang lalaki. Nasa lobby na sila nang tumigil siya sa paghakbang.
“Huwag mong sabihing sasamahan mo pa rin ako?” asik niya.
“Ano pa ang silbi ko rito kung hindi nga ganoon ang gagawin ko?”
“Diyan ka na lang. Hindi kita lolokohin kung iyon ang iniisip mo.”
Nagkibit-balikat lang si Vince.
Nang magsimulang humakbang uli si Maurin ay humabol ito.
“Sandali—”
“Ano na naman?”
Mabilis nitong kinuha ang wallet. Signature labeled din iyon at mapintog. Nahagip ng kanyang tingin ang laman niyon. Bagaman maraming cash ay marami ring cards.
“Pambayad mo.” Ilang tig-iisang libong papel ang inilabas ni Vince.
Wala namang problema sa tono ng lalaki. Parang nakakondisyon na talaga sa isip na sagot nito ang lahat.
Taas-noong nagsalita si Maurin. “Meron din ako niyan,” mataray na sabi niya at tumalikod na.
Nang lumiko sa dulong corridor, nakita niya sa sulok ng mga mata na nakatayo pa rin si Vince sa gitna ng lobby. Nakatingin ito sa kanya na parang nagtataka.
Umarko lang ang kilay ni Maurin pero mabilis ding nawala iyon nang makita ang kasalubong. Isang nurse. At dito siya nagtanong kung sino ang doktor na puwede niyang pagpatingnan.
“NOT YET married?” May pagkasorpresa sa mukha ng bata pang doktora pero maaliwalas ang mukha.
“Not yet,” sagot naman ni Maurin.
“Gusto mo nang malaman kung puwede kang magkaanak?” tanong pa nito. Nakatingin ang doktora sa card niya na inihanda ng sekretarya nito. Wala namang intriga sa mukha ng doktora pero parang gusto niyang mailang.
“Doktora, gusto ko lang hong makasiguro. Ayoko naman hong magpabuntis agad bago magpakasal para lang makasigurong magkakaanak nga ako.” She sounded defensive.
Napatango na lang ang kausap. Ipinaliwanag nito ang ilang bagay at mayamaya, tumayo at pinasunod siya sa isang cubicle.
Nahuhulaan na ni Maurin ang ipagagawa ng doktora. Naging uneasy siya.
“Still a virgin?” bahagyang nakakunot ang noong tanong ng babae.
“Yes,” mahinang sagot niya. Dapat proud siya sa isinagot pero parang mas nahihiya ang kanyang tono. Twenty-six na siya. At bigla, naisip ni Maurin na dapat sana ay may karanasan na siya sa ganoong edad.
Muling napatango ang doktora at niyaya siyang bumalik sa mesa nito. Mas mahaba ang pagpapaliwanag na ginawa nito. At nauunawaan ni Maurin na mas psychological iyon kaysa clinical.
“But of course, kung talagang desidido kang magpa-examine—”
“I’m decided, Doktora. At sana ho mas maaga kong malaman ang resulta.”
“Okay.”
“MATAGAL ka yata,” sabi ni Vince.
Hindi na sa lobby naghihintay ang lalaki. Nang lumabas ng clinic si Maurin ay ilang sandali pa niya itong hinanap. Si Vince din ang lumapit sa kanya.
“Mukha namang hindi ka nainip,” puna niya.
Sa canteen nanggaling si Vince. May hawak pa itong tetra pack juice. Mayamaya, tinungo na nila ang kotse.
“Kumain ako. Ang taong walang ginagawa, mas madaling makaramdam ng gutom. Ano ang resulta?”
“Wala pa. Babalik pa ako.”
“Kailan?”
Tinaasan niya ng isang kilay si Vince. “Talagang hindi ka rin makapaghintay, ano?”
Binuksan nito ang pinto ng kotse para kay Maurin. Nang makaikot na sa driver’s seat ay saka ito nagsalita.
“Maurin, I have this feeling na hindi naman magiging negative ang resulta n’on. So it means na kailangang ihanda ko na ang ating kasal. The sooner, the better. I’m thirty-four now. Hindi ko gustong maghintay na tumuntong muna ako ng kuwarenta bago magkaanak uli.”
Padabog na sumandal si Maurin. “Huwag kang mag-alala. Bago ka naman siguro umabot ng kuwarenta ay alam na natin ang resulta,” papilosopong sagot niya.
Hindi na siya pinatulan ni Vince at pinaandar na nito ang kotse.
“Saan pa tayo pupunta?” tanong niya nang mapansing hindi ang daan pauwi ang tinutumbok ng kotse.
“Pakakainin kita. Baka matuto kang sumagot nang matino kapag busog ka na,” angil nito.