ANG SABIHING galit na galit si Joaquin ay kulang. Noon lang siya nakadama ng ganoon katinding galit sa buong buhay niya. Ni hindi niya alam na capable siyang makaramdam ng ganoong uri ng galit. Marahil ay dahil mahal na mahal niya ang mga taong dahilan ng galit na iyon. Mas masakit at mas nakakapagpaapoy ng galit dahil mahal na mahal niya ang mga taong nagtaksil sa kanya. Ramdam na ramdam niya sa bawat himaymay ng buong pagkatao niya ang poot at galit. Paulit-ulit niyang naitanong sa sarili kung paano nagawa nina Jace at Penelope ang bagay na iyon hindi lamang sa kanya kundi pati kay Phylbert. Binasa niya nang maigi ang mga entry ni Penelope sa diary nito. Scanned copy lamang iyon ngunit sigurado siya na pag-aari ni Penelope ang diary. Kilalang-kilala niya ang sulat-kamay ng nobya, lalo

