"H-Hindi ko asawa si Siniel. . . Hindi kami ikinasal.
Paulit-ulit kong iniintindi ang mga katagang binitawan niya.
Kung gano'n, bakit sila nagsasama?
"Ang buong akala ko kasal kayo ni Siniel."
"'Yan din ang gusto niyang ipaalam sa lahat."
Napakunot ang noo ko sa kanya.
"Bakit ka naman pumayag sa ganitong set up?" Hindi ko na mapigilan ang sarili ko, binggong binggo na sa akin ang babaeng 'to.
Hindi rin pala maganda sa tao ang sobrang karupukan at kainosentehan. Palagi ay sila ang biktima ng mga taong mang-gagamit at abusado.
"Nagtiwala ako sa kanya. Akala ko mahal ko siya, pero hindi pala Terman."
"Ang dami mong akala, Suralin. . . H'wag kang mag-alala makakauwi ka na sa Davao."
Napabuntong hininga ako at pinipigilan ang sumisibol na nararamdaman ko. Umiinit ang tainga ko sa mga rebelasyon ngayon sa akin ni Suralin.
"Sa susunod, kung magmamahal ka Suralin sana sa tamang tao na. 'Yong hindi ka sasaktan at ibibigay ang katumbas na halaga mo. Babae ka. Desente. Hindi ka dapat nagpapaloko sa mga katulad ni Siniel."
Marahan itong natawa na tila ba may natumbok akong ideya.
"Hindi na Terman, sigurado akong hindi magagawa sa akin ng lalaking mamahalin ko ang ginawa ni Siniel."
"Kumilatis ka, h'wag ka papadala sa nakikita mo."
"Kilalang kilala ko na siya, Terman. Alam kong hindi ako sasaktan ng lalaking mamahalin ko."
Napatitig ako sa kanya na kanina pa pala nakatingin sa akin.
"Alam kong hindi mo ako sasaktan, Terman." Mahinahon at puno ng kumpyansa nitong saad.
Nanatili akong nakatitig sa pares ng itim na itim niyang mga mata.
Bigla na lang tila tumunog ang intro ng Lost in your eyes ni Debbie Gibson sa tainga ko habang titig na titig sa mga mata niyang walang ibang hatid sa akin kundi takot.
Tila parang may malaking sinihan sa likod ng ulo ko at isa isang nag play ang mga alaala kung paano ko siya nakilala.
Kung paano unti-unti ko siyang nagustuhan.
Mula sa kuryusidad ko sa itsura at pagiging muslim niya. Ang unang pagkikita namin sa entrance, at may naiwan siyang parang maliit na kwintas na parang lucky charm.
Iyong mga araw na binubusog niya ako ng mga lutong ulam, ang paghatid niya sa puwesto ko ng kape at tinapay. Ang unang beses na nakiusap siya saakin na tulungan ko siya. Ang mga araw na tinutulungan ko siyang mag hatid ng delivery, ang first time niya sa BH. . . At nong inamin ko sa kanya ang nararamdaman ko.
At nong isang gabi. . . Ang mabilis at nakaw niyang halik sa aking pisngi.
"Terman. . . Natatakot ako."
Nagsukatan ang aming mga mata, hinintay ko ang karugtong ng sasabihin niya.
"Natatakot ako na mahal na rin kita." Usal nito na halos magpasabog sa dibdib ko.
Hindi ko ma proseso sa utak ko ang mga katagang binitawan niya.
Ilang gabi nga ba ako hindi pinatulog kakaisip na napahiya ako sa sarili ko? Na napahiya ako sa kanya, dahil nagustuhan ko siya ng walang konkretong dahilan. Napahiya ako na nagustuhan ko ang may asawang tao at sa asawa pa ng kaibigan ko.
Ilang gabi ba akong hindi makatulog para lang makapagdesisyon na lalayuan ko na siya?
Tapos ngayon? Nandito siya sa harapan ko, isa isang pinapawi lahat ng naramdaman ko ilang linggo pa lang ang nakakalipas.
Nandito sa harapan ko babaeng Muslim na may misteryosa't nakakatakot na mga mata.
'Yong babaeng gusto ko ng walang dahilan. Ang babaeng pinili ko nang kalimutan.
Nandito siya sa harapan ko, nandito siya sa Jamindan kasama ko, at sinasabi niyang. . .
"Mahal mo ako?" Hindi ko na malayang lumabas na pala bibig ko ang mga katagang 'yon.
Napapikit ito at ilang beses na tumango. . . Malamlam ang mga matang napatitig ito sa akin pagkamulat niya.
Sa kauna-unahang pagkakataon, lumambot sa akin ang mga mata nitong tila maraming salitang gustong sabihin.
"Suralin, alam mo na may nararamdaman ako sa'yo. Katulad ni Siniel, baka na co-confuse ka lang din sa nararamdaman mo kasi tinutulangan kita."
"A-Alam ni Siniel."
Nanlalaki ang mga mata kong napabaling sa kanya.
"Ano?"
Napatango ito habang umiiwas ng tingin sa akin.
"Pinagdududahan ka niya. Walang malapit na lalaki sa akin, Terman. Ikaw pa lang."
"Paano niya nalaman?"
"Alam niya na may gusto ako sa'yo, Terman. . . ng matagal na simula ng naging security guard ka sa Lozada Lounging house."
Parang na glue yata ang labi ko at wala n akong mahanap na salita.
Gusto niya ako?
Ibig sabihin, mas nauna siyang magkagusto sa akin?!
"Naalala mo ang nakahelmet na dala si Amena habang umuulan? Kaya ayaw ko maghubad ng helmet, kasi baka matanggal ang hijab ko."
Napaawang ang mga labi ko sa saad niya.
Siya pala iyon?!
"Alam ni Siniel, dahil nakikita niya akong nakatitig sa'yo mula sa room fourty eight." Tipid itong nakangiti habang pinipigilan ang mga luhang gustong tumakas sa mga mata niya.
"Alam ko rin na binayaran ka ni Siniel para lang tawagan siya sakaling makipag-usap ako sa'yo. Alam ko rin na nakipagkwentuhan ka sa kanya... alam ko lahat Terman, kaya iniwasan kita."
"Iniiwasan din kita, Suralin."
"Ngayon, h'wag na. . . Terman mahal na kita."
Sa bawat katagang 'mahal kita' wala akong ibang nakikita kundi si Nadja. . .
Hindi ako hipokreto! May nararamdaman pa ako kay Suralin. . . Pero hinding hindi ko magagawa kay Nadja 'to.
"Suralin. . . Sorry."
Gumuhit ang pagtataka sa mga mata niya. Hindi ko alam na ganito pala kahirap 'to.
Sabi ko na, eh.
Hindi ko dapat pinapasok ang komplikasyon na 'to. Pero huli na.
"Suralin, magtulungan na lang tayo na kalimutan ang isa't isa."
HINDI na kami natuloy ni Suralin sa Camp Peralta kahit na ilang pedal na lang ay makakarating na kami do'n.
Ni walang may na ngahas na bumasag ng katahimikan sa amin.
Isang linggo lang ako rito at pagkatapos ng Tomas ay babalik na ako sa Dumangas. Iiwan ko na siya dito.
Ang plano ko, magtitiis lang muna kami ni Nadja. Isasakripisyo ko ang sahod ko sa buwan na 'to para makauwi siya sa Davao.
"S-Salamat, Terman." Saad nito ng makarating na kami sa gate ng bahay namin.
"Magpahinga ka na."
"P-Pwede ko ba, malaman bakit nagbago na ang desisyon mo?"
Napabuntong hininga ako bago siya hinawakan sa magkabilang balikat.
"Maybabalikan ako sa Dumangas, Suralin. Pasensiya ka na."
Bahayagya itong tumungo, bakas ang paglatay ng pait sa mga mata nito ng mapagtanto ang ibig kong sabihin.
Sorry, Suralin.
Kahit kailan hindi ko magiging idolo ang kahit na sino na kayang pagsabayin ang dalawa.
Kung tutuosin kayang kaya ko na ngayon. Hindi nakatingin si Nadja, at hindi ako mahihirapan kasi mahal ako ni Suralin.
Pero hindi.
Wala akong gagawin na ikakasira ng prinsipyo ko.
Kahit kailan hindi ako tutulad sa Tatay ko!
KINAUMAGAHAN, alas tres pa lang ng maalimpungatan ako. Nakapatay pa ang mga ilaw sa baba.
Magkaharap lang dito sa ikalawang palapag ng nipa at kawayan naming bahay ang kwarto namin ni Suralin.
Sinuot ko ang t-shirt at pajama ko. Nakasanayan ko na kasing mag boxer at mag sando lang kapag natutulog.
Napapakusot pa ako sa mga mata ng lumubas na ako ng kwarto.
Bababa na sana ako ng masiplatan kong bukas ang lampara sa kwarto ni Suralin.
Halos huni lang ng palaka at paniki ang naririnig sa paligid, kaya naririnig ko rin ang mahihinang usal ni Suralin sa lengwahe na hindi ko maintindihan.
Hindi naman 'yon latin, ang alam ko pang Islam iyon. Dasal ng relihiyon nila.
Bahagya akong dumikit sa pinto para mas marinig ko siya, pero hindi ko talaga maintindihan. Pipihitin ko na sana ang siradura ng umawang ng kusa ang pinto.
Hindi pala siya nag lo-lock ng pinto.
Tatawagin ko na sana siya, ngunit natigilan ako. . . Na sa lapag siya naka luhod, pero bumalik ito sa pagkakadapa niya sa sahig. May nakalatag sa sahig na akala ko ay banig, pero may tawag yata silang mga Muslim sa bagay na iyon.
Nakaramdam ako ng hiya at konsensiya na nandito ako at pinanuod siya sa ginagawa.
Patawarin nawa ako ng Diyos.
Alas tres ng umaga, nagdadasal na siya. Ibang klase din pala ang faith nila.
Si Nanay, tuwing alas kwatro gising na rin 'yon para mag rosaryo. Sumasabay pa ako dati ng wala pa akong trabaho.
Si Nanay ang impluwensiya ko sa pagiging Katoliko, pagrosaryo, at hindi pagkaligta sa araw ng linggo para magsimba. . . Kahit na minsan may hung over ako.
Bukas na pala ang debut ni Nadja. . . Sayang wala ako sa BH para bilhan man lang siya ng pancit at cake.
Ito sana ang first birthday niya na kasama niya ako. At ito rin ang unang beses na magkakaroon ako ng nobya.
Bakit kasi ngayon pa nangyari ang lahat ng 'to?
Uminom lang ako ng tubig sa kusina bago lumabas para magpahangin. Napansin kong bukas na rin ang ilaw sa kwarto ni Nanay at Tatay, siguradong gising na rin sila.
May ilang dipa ang agwat ng bawat bahay.
Kilala si Tatay dito. Cap ang tawag sa kanya ng mga kapitbahay.
Hindi kaila na may sinasabi sa Jamindan ang mga Alferez. Iilan sa mga pinsan ko sa side ni Tatay ay mga Army, seaman, saka may abogado at Madre na rin.
Kinumpleto ko lang talaga ang list. Kaya nag security guard ako, para swabe.
Natawa ako sa sariling naisip.
Umupo ako sa may duyan para magpahangin. Ang tagal kong nawala sa bahay na ito. Nakakamiss din pala.
Napapalibutan ng mga puno ng niyog at santol ang bahay namin, malapad ang damuhan at may hardin. 'Yong bahay namin, si Tatay ang nag desenyo, kamukha ito ng mga kabahayan sa spanish era.
May sarili kaming balon dito. Kapag na sa barandila ka ay makikita ang nagtatayugang bundok ng Jamindan. Kita rin sa barandila ang pagsikat at paglubog ng araw.
"Maganda sana ang tahanan na ito. . . Kung hindi lang malupit Tatay ko." Bulong ko na tila may kausap.
NAALIMPUNGATAN ako sa mga boses na halo-halo at sa jeep na pumarada sa labas. Hindi ko namalayang nakaidlip pala ako ulit sa duyan.
Napabangon ako mula sa pagkakahiga. Agad naagaw ni Suralin ang atensyon ko, nakatayo lang ito sa itaas sa may barandila habang may hawak na tasa.
Napahilamos ako sa mukha ko, natangay yata ng hamog ang ulirat ko kaya nakatulog ako ulit dito.
"Terso, halika dito! May bisita ka!"
Bumaling kay Nanay ang atensyon ko na may kasamang pamilyar na bulto ng babae.
Katulad ng dati may mga palamuti na naka-ipit sa maalon niyang buhok. Naka jamper ito at naka boots pang magsasaka.
"V-Vannesa Liberato?"
"Mismo!"
Padarag itong yumapos sa akin at lumambitin pa sa leeg ko.
Napapikit akong iniwas ang mukha ko sa kanya.
Hindi pa rin siya nagbabago!
"Na miss kita, Terman!"
"Teka, baba ka muna." Saad ko habang pinipilit kalasin ang kamay niya.
"Ikakasal na si Tomas! Naunahan niya pa tayo. Sabihin mo lang Terman, marami na akong ipon."
Kagat labi ko siyang tinapunan ng tingin. Napangisi ako sa isiping baliw pa rin ito sa'kin.
"Oy, Vani! Tigilan mo na ang kuya ko, may asawa na 'yan!" Bulyaw ni Teresa mula sa terehas habang nag kakape.
Napamaang naman si Vanesa na parang hindi makapaniwala.
"M-May asawa ka na?"
"Hindi pa kami kasal."
"Maganda ba siya?"
"Sobra."
"Na saan siya?"
Napalingon ako sa barandila at nakitang nakatingin lang saamin si Suralin ng walang emosyon.
"Siya ba?" Saad ni Vanesa na sinundan ang tingin ko.
Agad akong napailing. . .
"Wala siya rito,"
"Terman, naman. Hinintay kita, eh!"
May pagka-childish talaga si Vani. . . Pero isa siya sa pinakamaganda at masipag na babae rito sa Jamindan. Lahat ng luho niya ay pinagsisikapan niya sa pagbobolante ng isda sa palengke, pagsasaka, at pagbebenta ng gulay.
I like her. . . Bilang kaibigan. Hinangaan ko rin siya, pero bilang kaibigan lang.
Lagpas lagpas langit din kasi kung mag assume ang babaeng 'to.
"Vani, akala ko ba malinaw sa'yo iyong sinabi ko dati?"
Napalabi ito, "na magkaibigan lang tayo."
"Mismo!" Ginaya ko pa ang tuno niya kanina.
"Ok, pwede bang humingi na lang ng hug? Promise, after nito hindi ko na pagkakalat sa palengke na boyfriend ko ang panganay ni Cap Alferez."
Natawa ako sa sinabi nito, ako na mismo ang kumabig sa kanya para ikulong sa mga bisig ko.
Buti pa kami ni Vanesa, naging malinaw agad ang label.
Kami kaya ni Suralin?
Hindi na kami nag usap simula ng nangyari kahapon.
Hinayaan ko na rin lang siyang mapag-isa. Alam kong nasaktan ko rin siya sa pagtanggi ko sa kanya.
Katulad ng naramdaman kong pagkapahiya sa sarili ko rati, alam ko mas doble ro'n ang balik sa kanya bilang babae.
"Dito ka na mag almusal," nakapamulsa kong saad.
"Hindi na Terman, dumaan lang talaga ako para makita ka."
"Sorry, Vani."
Napahagalpak ito ng tawa, "kapag nakita ka ng mga kaibigan mong ganyan, siguradong ikaw na naman ang laman ng pulutan."
"Hindi pa kami nagkikita," napakamot ako sa likod ng ulo ko.
"Punta ka sa tambayan, bago ka bumalik ng Dumangas."
Tumango lang ako sa kanya at hinatid na siya sa gate. Kumaway pa ito sa akin bago tuluyang nag martsya paalis.
"Nobya mo?" Napalingon ako sa malamig at malaking boses na nanggaling sa likuran ko.
Si Suralin.
"Kaibigan ko. Si Vanesa."
Wala itong reaksyon sa sagot ko. Madilim ang itim nitong mga mata habang nakatitig sa'kin.
"Terman, bakit?" Gumuhit ang pait sa boses nito.
"Akala ko kapagsumama ako sa'yo, magiging malaya na akong mahalin ka. Akala ko gusto mo na rin ako--- akala ko mahal mo rin ako."
Nakapamewang ako at nakahawak lang sa sintido ko.
Ang hirap sa babaeng 'to, mahilig siyang maniwala sa mga akala niya.
Nagbigay ba ako ng mixed signal sa kanya?
"Terman. . . Mahal kita."
Hindi nagbago ang ekspresyon nito ngunit ikinaalarma ko ang mga luhang kusang pumapatak sa mga mata niya.
"Suralin," marahan kong saad.
"Terman... hindi pa ako nagmahal ng ganito. Mas masakit pa pala 'to kaysa masampal ka."
"Suralin," wala akong ibang masabi kundi pangalan niya.
Bakas sa mga salita niya ang frustration at desperasyon.
"Akala ko ba gusto mo 'ko?" Ikinulong nito ang mukha ko sa mga palad niya.
"Gusto kita." Direkta kong sagot, habang kinakalas ang mga kamay niya sa mukha ko.
"Please, Suralin. Mataas pa sa mga pangarap ko ang respeto ko sa'yo. Kaya h'wag mong ibaba ng ganito ang sarili mo."
Napamaang ito at napatango, tila sumusuko na ang mga mata nito.
"Gusto kita. Pero Suralin, may babalikan ako sa Dumangas. Hindi ko kayang talikuran ang babaeng naging sandalan ko ng masaktan mo ako. Hindi ko kayang traidorin si Nadja."
Napapailing ito habang nakangisi, tila hindi nito mapagtanto ang nangyayari sa sarili.
"Pasensiya ka na, Terman." Pinahid nito ang mga luha sa kanyang mga mata.
"Pasensiya na. . . Pangako. Hindi na kita guguluhin." Saad nito bago ako talikuran.
Hindi ko ginusto na saktan siya. Pero malinaw na malinaw ngayon sa akin kung sino ang mahal ko.
I love you, Gin Nadja Orquio.
UMALIS ako ng bahay, gusto ko munang iwasan si Suralin.
Naglakad lakad lang dito sa baba ng bahay namin. Matagal tagal din simula ng huli akong naglakad dito.
Napabuntong hininga ako. . . Ang bigat bigat sa pakiramdam. Hindi ko akalain na darating ang araw na 'to.
Na iiyak ang babaeng minsang ginusto ko ng dahil sa'kin.
Nakapamulsa ako habang nakatayo sa ilalim ng punong mangga, habang nakatanaw sa ibaba kung saan nagsasaka sa rice field ang mga kakilala kong magsasaka.
Gusto ko mo nang pagpahingahin ang utak ko.
Mabigat din para sa'kin na piliin sa harapan ni Suralin si Nadja. Hindi ako insensitive, but I need to be one. . . To protect my girl, nakatingin man siya o hindi!
Mula sa pagmumuni-muni ay napalingon ako sa ingay at kaluskos ng tuyong dahon.
Tila na estatwa ako sa kinatatayuan ng maaninag ang pamilyar na bulto ng taong nasa harapan ko. Bumaba sa mga sapatos niya ang mga mata ko.
Pakiramdam ko ay sinasaksak ako ng konsensiya ng nagtama ang aming mga mata.
Malamlam itong napatitig sa'kin na tila nagsusumamo.
"T-Terman," hinawakan nito ang mga balikat ko.
"Terman, ibalik mo na sa'kin ang asawa ko. Parang awa mo na, ibalik mo na sa'kin si Uli."
Isang isang pumatak ang mga luha sa mga mata ng lalaking minsan kong naging kaibiga at nanakit kay Suralin.
Si Siniel.