SHIFT XVII

3135 Words
Ang ganda ng mga nagtatayugang mga bundok na sagana sa mga punong kahoy. Berdeng berde. Naglilikha ang simoy ng hangin ng kakaibang ritmo ng kapayapaan. Kapayapaan sana. Kapayapaan sana ang hatid ng tinuturing kong tahanan, kapayapaan sana ang turing ko sa pinagmamalaki kong Jamindan. Pero ngayon. . . Pakiramdam ko nasasakal ako at hindi makahinga sa lugar na ito. Napalingon ako ng may maramdaman akong presensiya mula sa aking likuran. Nandito ako ngayon sa paborito kong parte ng bahay. . . Sa barandila. Kung saan nagsimulang magkabuhol buhol ang lahat. Hindi agad ito nagsalita ng magtama ang aming mga mata. . . Kagaya ng nakasanayan ko sa tuwing makikita ko siya, laging takot ang naghahari. Takot na hanggang ngayon hindi ko alam kung saan nagmumula. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkataon na magkasing shade ang kulay ng damit ko sa kulay ng burqa na suot niya. Forest green. Hindi ko alam pero agad na sumibol ang kakaibang lungkot sa sistema ko. Pakiramdam ko nahihirapan akong huminga dahil sa kirot ng puso ko, lalo na ngayon na nasa harapan ko na siya. "Kumusta?" Ako ang unang nagsalita. Tipid itong ngumiti at dinaluhan ako sa barandila. Itinukod nito ang dalawang siko sa kawayang relis at napatitig din sa mga bukid na aming natatanaw. "Ma mimiss ko ang lugar na ito," saad niya. "Magkaterno tayo, oh." Sinubukan kong maging kaswal sa harapan niya, sinusubukan kong ibalik ang dating vibes sa tuwing magkasama kami. Pero alam kong malabo na. May lamat na. Nasaktan ko na siya. I protect her against her abuser, against Siniel. But I failed to protect her against me. At iyon ang malaking kapalpakan ko sa kanila ni Nadja. "Forest green. Alam mo ba ang ibig sabihin ng kulay na ito Terman?" "Nature?" Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Sobrang lungkot na halos hindi ako makahinga ng maayos. Pakiramdam ko sa bawat paghinga ko ay mas lalong lumalapad ang sakop ng sakit---ng sugat. "New beginnings. Bagong simula." Malamig niyang turan. Tinapunan ako nito ng mabilis na tingin at agad ding umiwas. Bagong simula? "At moving forward. . ." Ganito ba talaga kahirap 'to? Pareho kaming masasaktan sa gagawin ko. Bagong simula. Moving forward. Talagang umayon ang kulay ng damit namin pareho sa kahihinatnan ng sitwasyon namin. Ang sakit. . . Sobrang sakit. Pero kailangan kong lunukin lahat para maibalik sa dati ang lahat. "T-Terman, alam ko na ang pinunta mo rito." "Patawarin mo ako, Uli." "Wala kang kasalanan. . . Hindi mo kasalanan na mahal kita." Sa bawat salitang binibitawan niya, mas lalo lang bumibigat ang dibdib ko. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong klase ng sakit sa buong buhay ko. Mas mabigat pa sa mga panahon na nalaman kong may asawa at anak siya. Mas mabigat pa sa mga panahon na pinapahiya ako ni Tatay sa harap ng mga kaibigan ko. Hindi ko alam ang gagawin ko, hindi ko alam kung anong paraan ang gagawin ko para maiwaglit ang sakit na nararamdaman. Masakit. Matinding matinding sakit ang dumadapo sa puso ko sa isiping. . . Si Suralin ang bibitawan ko. "Salamat sa pagmamahal sa akin ng buo, Suralin. Hindi ko man alam kung bakit at paano, pero salamat. . . Salamat sa pagmamahal mo." "N-Nag usap na kami ni Siniel, kahapon." Agad akong napalingon sa kanya, paanong nagkausap sila?! "Sinaktan ka ba niya?!" "Hindi." "Anong sinabi niya?" "Nagmakaawa siya na umuwi na ako." "Don't tell me, pumayag ka?" "Hmm," "Suralin," "Pag alis niyo bukas, aalis na rin ako." "Dahil ba 'to sa'kin, Uli? Dahil ba 'to sa nangyari? Please, h'wag mo naman gawin 'to sa sarili mo." "Hindi. Gagawin ko 'to para sa sarili ko. . . Para makalimutan kita!" Parang piniga ng triple ang puso ko sa saad nito. Babalik siya kay Siniel para lang kalimutan ako. Babalik siya sa taong umabuso sa kanya, kahit na alam niyang aabusuhin lang siya ulit. "Hindi 'yan ang solusyon, Uli. Hindi mo kailangang bumalik sa kanya!" "Sino may sabi na babalik ako sa kanya?" Natawa ito ng mapakla sa dulo. "Ano ibig mong sabihin?" "Uuwi na ako ng Davao." "At si Siniel?" "Tapos na kami. Alam kong sobrang sakit para sa kanya, masakit din sa'kin na mahiwalay kay Amena. . . Pero kumalas na ako. Hindi na ako babalik sa kanya kahit anong gawin niya." Napangiti ako sa sagot nito. "Matapang ka na. Marunong ka nang magpahalaga sa sarili." "Ikaw tutor ko, eh." "Tandaan mo, Uli. . . Babae ka, hindi ka babae lang. H'wag kang manatili sa sitwasyon na ikaw ang dehado, piliin mo palagi ang sarili mo." "Alam mo, Terman. . . Lahat ng gusto ko sa lalaki nasa'yo na. . . May paninindigan. May prinsipyo. Pero palaging nauuto ng nakikita at nararamdaman." Hindi ako nakasagot sa turan nito. "Maiintindihan ko kung hindi ako ang pipiliin mo. Pero ang hindi ko maintindihan kung bakit mahina kang makiramdam! Ang hinahina mong makiramdam sa sarili mo kung sino talaga ang mahal mo." "Naguguluhan ako, Suralin." "Ayaw ko lang na mangyari sa'yo ang nangyari saakin." "Salamat." "Sana maging masaya kayo ni Nadja, ihingi mo ako ng tawad sa kanya. . . Hindi niya deserve ang masaktan." Mas lalo kong nakita ang tunay na busilak ng puso ni Suralin sa mga pagkakataong ito. Gayon pa man, gano'n pa rin ang nararamdaman ko. . . Natatakot. Nalulungkot. Lahat na lang! Ito na yata ang karma ko kay Vanesa at sa mga babaeng hindi ko man lang pinansin no'n. Terman the virgin, ika nga ni Ader. Wala akong karanasan sa mga bagay na ganito. Ang mukha ng pag ibig ang pinaka-estranghero sa akin. Kaya hindi ko mapangalanan kung alin nga ba sa nararamdaman ko ang pag ibig. "Maraming salamat sa lahat, Terman." Ipinatong nito ang kamay niya sa mga magkasalikop kong mga kamay. Kusang dumaloy ang kuryente sa aking talampakan paakyat sa dibdib ko ba muli't muling tinatambol. "Hinding hindi kita makakalimutan. I will treasure every single moment we shared. . .lalo na ang araw na sinabi mong palangga mo 'ko. Totoo man 'yon o hindi, at least narinig kita minsan na sinabihan ako ng pinakaaasam kong salita." Palangga taka means mahal kita. Kung paano ko nagawang sabihin 'yon sa kanya, ay hindi ko alam. . . Pero alam kong hindi ako nagsisinungaling o nagpapanggap ng igawad ko sa kanya ang mga salitang 'yon. Wala akong sapat na rason para ibigay ng basta-basta ang mga salitang 'yon ng walang basihan. "Uli, hindi ko alam paano ko sasabihin 'to sa'yo. . . Pero lahat ng mga salitang 'yon, may laman. May katuturan. May katotohanan." "Kung gano'n bakit hindi ako? Bakit siya." "May pangako akong dapat tuparin, Uli." "Mas pinipili mong sagipin siya habang nilulunod mo ako sa sakit, Terman." Hindi ako agad nakabawi ng salita sa sinabi niya. Tama siya. Kailan ko nga ba mas pinili ang mararamdaman niya kaysa sa mararamdaman ni Nadja? Bata pa si Nadja. Hindi niya pa kayang maintindihan ang tinatawag na sakit. At ayaw kong mangyari iyon sa kanya, kahit nangyari na. Ginagawa ko 'to para sa kapakanan nila. Para maibalik na sa dati ang takbo ng mga buhay namin. Masiyado nang maraming nangyari at nasira, dahil sa katangahan ko mismo. "Patawarin mo 'ko, Suralin. Masiyado pang bata si Nadja, para sa ganito." "At ako?" Natawa ito sa dulo, "joke lang, sige naiintindihan ko." "I'm sorry." "Mahalin mo siya, ah." "Magkikita pa kaya tayo?" "I guess, hindi na. Malayo ang Davao." "Puwede bang dito ka na lang muna sa Jamindan?" Napalinga-linga ito sa paligid na tila inaanalisa ang buong lugar. "Ang ganda ng lugar niyo, Terman. Walang katulad. . . Pero marami na ang nangyari rito na para bang naka time lapse. Ang bilis." Pagak itong napatawa. "Hindi ko alam Suralin. Nakakabobo pala 'to." Totoo. Pakiramdam ko ngayon, sinisingil na ako dahil kinatamaran ko ang mag aral. Ultimo sarili kong nararamdaman hindi ko kayang pangalanan. Gusto kong bumawi kay Nadja, pero bakit pakiramdam ko hindi na ako sigurado? Nakakabobo pala ang magmahal. Hindi ko alam kung bobo ba ako o tanga. "Hindi kita maintindihan, Terman. Ayaw kong maging assuming pero nararamdaman ko na mahal mo ako." Mahal naman talaga kita. Hindi ako nagsasabi ng I love you sa isang tao ng basta basta. Mahal ang mga salitang 'yon para sa'kin. Pero sinabihan ko rin ng gano'n si Nadja. At may basihan din. Masaya ako sa kanya. Takot naman ako kay Suralin. Parang gusto ko nang sapakin ang sarili ko. "Mag ingat ka sa Davao." Isang mahigpit na yakap ang iginawad ko sa kanya, yakap na hindi ko makakalimutan. Sa kauna-unahang beses ay naramdaman kong namasa at uminit ang gilid ng mga mata ko. Hindi ko inaasahan na mapapaiyak ako ng isang babae. Ng isang muslim. Hindi ko alam saan galing ang mga luhang 'yon, pero isa lang ang alam ko. . . Sobra akong nasaktan sa mga huling sandali namin ni Suralin. Siya ang unang babaeng nakapagpaluha sa akin. . .dati sabi ko hindi ako iiyak sa isang babae, pero nagawa iyon ni Suralin sa akin. Kinaumagahan, hindi na kami dumaan pa sa bahay. Babalik na kami ni Nadja sa Dumangas. Alam na nila Nanay ang pagbalik namin ni Nadja, inihabilin ko na rin si Suralin sa kanila. Sana maging maayos na ang lahat. Napaka-unstable ng kondisyon ko, hindi na rin consistent ang nararamdaman ko sa isang tao. Normal pa kaya ako? Ito ba ang gantimpala ko buhat ng pag iwas sa mga babae? Oh, baka ito lang ang pakiramdam ng isang lalaking virgin sa pagmamahal? Umuwi akong si Suralin ang angkas, babalik pala akong si Nadja na ang lulan. Wala na si Suralin. Pagbalik ko sa trabaho, tuluyan nang mababago ang lahat. Wala nang Suralin. Wala nang Siniel at Amena. Wala ng babaeng naka Niqab o burqa. Wala nang pagkain, wala nang ulam. Wala na lahat. Pakiramdam ko unti-unti akong sinasakal kapag iniisip ko ang bagay na iyon. "Terso?" Tawag ni Nadja mula sa aking likuran. Naka-angkas ito sa akin, habang binabaybay na ang daan pabalik ng Dumangas. "Nagugutom ka?" Tanong ko. "Salamat, Terso." Niyapos ng kanyang mga maliit na braso ang aking baywang. Ramdam ko ang sinseridad ng winika nito. "Patawarin mo 'ko, Nadj." "Sobra kitang mahal para hindi kita patawarin, excited na ako magsimula ulit kasama ka." Kung ibang sitwasyon 'to, siguradong kinikilig na naman ako. Pero iba. Wala na naman akong maramdaman kundi ang pakiramdam na parang wala akong pakiramdam. Magulo. Hindi ko gets. Empty. Feeling empty. Mahal din dita Nadja. Kaya nga pinili kita, kasi gusto kitang protektahan. Masiyado kang inosente para masaktan. "Kakalimutan ko lahat para sa'yo, Terso. Kakalimutan ko lahat." Mas lalo nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa akin. Na gui-guilty at naaawa ako kay Nadja. Hindi niya dapat ginagawa 'to. Gagawin ko lahat ng makakaya ko para sa batang 'to. . . Gagawin ko lahat para hindi masayang ang sakripisyo ni Suralin para sa aming dalawa. NAG PRI-PRITO ako ng galunggong at itlog ng biglang bumukas ang pinto ng kuwarto ko, iniluwa nito si Nadja na naka bihis pang eskwela na. Bumalik ako sa pagiging night shift para mas may oras ako kay Nadja. Isang linggo na ang nakalipas matapos ang lahat. Mas lalo kong itinuon kay Nadja at sa pag iipon ko ang lahat ng oras ko. Kapag umaga, umuuwi agad ako para maipaghanda ng agahan at baon si Nadja. Hatid sundo ko siya sa school. Ginagawa ko lahat para makabawi sa kanya. Ginagawa ko rin lahat para makalimot. Para makalimutan ko ang babaeng hindi ko naman talaga makalimutan. Ginagawa ko ang lahat para maging masaya, at ibalik ang lahat sa dati. Pero mahirap pala. Kahit ako, hindi ko na mabuo-buo ang sarili ko. Pakiramdam ko may malaking parte ng katawan ko ang nahiwalay sa katawan ko. Puwede pala talaga 'yon. Nangyayari pala talaga sa totoong buhay, na minsan maguguluhan ka. Na mahihirapan ka, kasi nagkataon na dalawa ang naging mahal mo. Pero sa dalawang 'yon may isang mas lamang, kaya dapat maingat sa pagpili ng tama. "Good morning," napayakap ito mula sa aking likuran. "Sandali, Nadja malagkit ako baka dumikit sa uniform mo." "Eh, ano naman? Saka, mukhang masarap 'yang niluluto mo, ah." "Baon mo 'to." "Naks, tataba naman yata ako niyan Terso." "Dapat lang." "Sa nga pala, gusto na kita ipakilala sa Papa ko." Bahagya akong natigilan sa winika nito. "Bakit?" "Anong bakit? Syempre, gusto ko maging legal na mag on na tayo." Napakamot ako sa likod ng ulo, mukhang wala na talaga akong kawala sa sitwasyon na 'to. Buong linggo, ni hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Kailan ba ng huli akong naging masaya? "Ayaw mo ba na ipakilala kita kay Papa, Terso?" Seryoso at kunot noong untag nito. "Hindi, gusto syempre." "Nice, sa friday nandito siya." "Dadalaw?" "Hmm. Oo, nagulat nga rin ako. May oras pa pala sa akin ang matandang 'yon." "Sabi mo, wasted siya simula ng mawala ang Mama mo. Baka sobrang nalulungkot lang siya?" "Eh, palagi namang wala 'yang si Papa dati sa amin. Misteryoso ang Papa ko, sabi nga ng Tita ko na may asawang kano, may ibang pamilya raw si Papa. Di ko nga alam kung taga saan talaga siya, o sino mga magulang niya." "I see." "Kaya nga sabi ko, kung mag aasawa ako dapat hindi katulad ng Papa ko." "Sige na, umupo ka na ro'n." Ipinaghanda ko na siya ng agahan, siya naman ang nag timpla ng kape ko habang hinahanda ko ang baon niya. Naging ganito na ang routine namin ni Nadja, at halos lahat ng board mate namin ay alam na ang tungkol sa relasyon namin. Kahit sina Ader at Ate Maldi ay nagulat din. Matapos kong ihatid sa school si Nadja, dumiritso ako sa puwesto ni Ader. Duty nito ngayon sa Lounging, nagpalit na kami ng shift simula ng bumalik ako rito. Ewan ko, ayaw ko muna magpahinga kahit na dapat ay nagpapahinga ako kasi night shift ako. Mas ayaw kong mapag isa sa BH, maaalala ko lang ang lahat. Maaalala ko lang siya. Nababaliw na nga yata ako. Nababaliw na nabobobo. Sa bagay, matagal na akong bobo sabi ni Tatay. Di ba naman ako nag aral. "Sabihin mo na kasi ang totoo, 'tol." Si Ader. Nakaupo lang ako sa monoblock habang kanina pa niya ako ini-intriga. "Nag da-damo ka 'no?" "Ulol." "Mula ng umuwi ka, pagbalik mo dito para ka nang pinaghalong bangag at tanga. Aminin mo nga, na engkanto ka?" "Sinabi ko naman na sa'yo ang dahilan, diba?" Napabuntonghininga ito. Alam ni Ader ang tungkol sa Jamindan. Ang nangyari. Pagbalik ko dito, lahat sila inusisa ako kahit hindi ko naman na gustong pag usapan pa. Ayon sa kanila, nag wala raw si Siniel ng malamang wala na rito si Suralin. At alam agad ng ungas kung na saan ito. Alam niya agad na sumama sa akin si Suralin. Tama si Suralin. Matagal nang alam ni Siniel ang tungkol sa amin, kaya mas lalo nitong pinagdikdikan sa mukha ko na mag asawa na sila. "Terman, h'wag ka sanang magagalit sa sasabihin ko." Seryoso ang tono nito kaya napaangat ang tingin ko sa kanya. "Sabi nga sa kanta, libre maging tanga. Pero h'wag mong araw-arawin." Gusto kong matawa sa kanya, pero napagtanto ko na seryoso siya. "Ikaw ang pinakamatino, s***h virgin na lalaking kilala ko. Pero tanga ka pala?" "Ulol!" "Oo, Terman. Tanga ka, tas kina-karer mo pa!" "Ano ba gusto mong sabihin?" Napaismid ito na para bang natatangahan na talaga sa akin kasi di ko na naman na kuha ang gusto nitong iparating. "Tol, nakikita mo pa ba ang sarili mo? Tingnan mo sarili mo, pumayat ka na. Lagi ka pang bangag, natutulog ka pa ba?" "Hindi. Hindi ako makatulog ng maayos." "Sa kaiisip kay Muslim." Dugtong nito. Lilitanya pa sana ako pero naiwang nakaawang ang bibig ko. Tama siya. Iniisip ko siya. Iniisip ko si Suralin Marohom. Ang Muslim. "Alam mo bakit ka tanga?" Nagsukatan lang kami ng tingin at ako rin ang natalo. "Kasi hindi mo magawang baliin ang prinsipyo mo para sa babaeng mahal mo. Ano ba inaangas mo at mas pinili mo si Nadja, eh halata namang si Suralin ang mahal mo simula pa man!" "M-Mahal ko rin si Nadja." "Ikaw ang ulol, Terman. Nakakabanas na 'yang mukha mo." "H-Hindi ko alam. Natitiklop ako sa kanilang dalawa. Hindi ko alam kung sino sa kanila." "Wow, tanga ka ng taon! Winner!" Nag tonong bakla pa ito at hinampas hampas ang poduim. "Anong taon na ba ngayon? Uso pa pala ang pusong lito na kanta? Pauso ka masiyado." "Promise, totoo talaga ang sinasabi ko." "Ganito na lang, bakit mo pinili si Nadja?" Agad akong napaisip. . . "Kita mo na, nagdadalawang isip ka kay Nadja!" "H-Hindi sa gano'n." "Eh, bakit mo nga siya pinili?!" "May pinangako ako sa kanya, at gusto kong tuparin 'yon." "Ito na naman tayo, prinsipyo!" "Gusto ko siyang protektahan. Ang bata niya pa para masaktan." "At sa ginagawa mo, pakiramdam mo ba na pro-protektahan mo siya? Niloloko mo lang siya, at mas lalo mo lang siyang paaasahin!" Namutawi ang nakakabinging katahimikan sa pagitan namin ni Ader. Hindi ko alam pero may punto siya. "At si Suralin? Hindi mo man lang na protektahan, alam mo naman ang dinanas ng tao sa kamay ni Siniel. Marami na siyang napagdaanan. Ni hindi nga natin alam kung naging masaya ba siya, oh kailan ang huling araw na naging masaya siya." Napabuntong hininga ito bago muling magsalita. "Kaibigan kita pero tatapatin na kita, h'wag kang gumaya sa'kin na naging gago. . . Pero alam mo ba Terman, mas hinahangaan ko ngayon ang sarili ko kaysa sa'yo. . . Kahit nakabuntis ako ng minor de edad, alam ko sa sarili kong mahal ko si Nene. Eh, ikaw? Alam mo ba sa sarili mo kung sino talaga ang mahal mo?" Hindi ko na naman maipaliwanag ang nararamdaman ko, isang daang porsyentong tama si Ader. Simula pa man, hindi ko na alam kung sino kay Nadja at Suralin ang mahal ko. . . Kung sino lang ang sinasabi ng mata at utak ko, siya ang pinili ko. "Pa'no mo ba na sabi na mahal mo si Nene, 'der?" Napahalak-hak ito at tila napaisip sa tinatanong ko. "Simple lang. . ." Natuon sa kanya ang atensyon ko habang iniisip niya kung bakit niya nasabing mahal niya si Nene. "Handa kang gawin ang lahat para sa kanya. . . Kahinaan mo ang mga kahinaan niya. At sa lahat ng oras, kahit ikakamahamak mo gagawin mo pa rin basta siya ang kapalit. . . Higit sa lahat, hindi mo alam kung bakit mo siya nagustuhan o kung bakit mo siya minahal." Gagawin ko lahat para kay Suralin, kahit kapalit no'n ay ang pahinga ko. Naging kahinaan ko ang mga araw na nasasaktan siya. Ng malaman ko ang kalagayan niya. Kahit ikakamahamak ko, inilayo ko siya kay Siniel. Higit sa lahat. . . Hindi ko alam kung bakit ko siya nagustuhan. Kung bakit. . .kung bakit ko siya mahal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD