TAHIMIK LANG KAMI sa mesa habang kumakain. Pero para sa akin, parang napakalakas ng bawat tunog ng kubyertos. Bawat kaluskos ay tila paalala kung gaano kabigat ang dibdib ko. Kahit anong pilit kong itago, hindi ganoon kadali. Masakit pa rin ang mga salitang binitiwan ni Papa kanina—mga salitang dumiretso sa puso ko. At higit pa roon, hindi ko rin maikakaila na dagdag bigat ang presensya ni Don Alejandro sa sementeryo at ang nalaman ko tungkol sa paglilingkod ni Mama sa pamilya Jimenez. Pilit kong iniiwasan ng tingin si Papa. Kahit ramdam ko ang presensya niya sa tabi ko, kahit naririnig ko ang mahihinang paghinga niya, pinipigilan ko ang sarili kong lumingon. Sapagkat kapag ginawa ko iyon, baka tuluyan akong bumigay. At ayokong makita niya agad ang sakit sa mga mata ko. Bagaman alam kong

