MAAGA AKONG NAGISING. Parang may humila sa akin mula sa malalim na tulog. Tahimik pa ang buong bahay. Wala akong ibang maririnig kung hindi ang mahinahong hampas ng alon mula sa dagat at ang huni ng mga kuliglig na wari’y nagbabantay sa gabi. Naramdaman ko ang malamig na simoy na pumapasok sa butas ng bintana, kaya dahan-dahan akong bumangon at naglakad palabas ng kuwarto. Pagbukas ko ng pinto ng balkonahe, napahinto ako sa gulat. Sa kaliwang bahagi ng bakuran ay may malawak na paliguan pala—hindi ko iyon napansin kagabi. Kumikislap ang tubig sa ilalim ng mapusyaw na liwanag ng buwan, tila isang salamin ng langit. Ang paligid ay nabalot ng katahimikan at hamog, at ang bawat paggalaw ng hangin ay parang bulong ng dagat. Hindi ko maiwasang mapangiti. Ang ganda pala ng lugar na ito kapag ma

