CHAPTER 38

4545 Words
"Maawa ka sa bata pakawalan mo ang kaluluwa niya. Bakit ba pati ang batang walang kamalay-malay ay pinaparusahan mo? Palayain mo na ang kanyang kaluluwa. Maawa ka naman sa kanya." "A-ako maaawa sa batang 'yan? Nagpapatawa ka ba, Mark, o sadyang tanga ka lang. Para sabihin ko sa'yo ang isang tulad ko ay walang awa." Saka niya tinawanan nang malakas si Mark. Pagkatapos nilang mag-usap ay ibinalik na siya ng Demon Lord sa lupa. Naiwan na muli siyang mag-isa sa daan. Nag-iisip pa siya kung ano ang kanyang sasakyan. Kaya ng may dumaan na bus sa kanyang harapan ay pinili na niyang sumakay dito kaysa sumakay ng taxi o ng tren. Kahit papaano ay makakatipid siya kung bus na lang ang kanyang sasakyan patungo sa kanyang pupuntahan. Pero saan nga ba siya pupunta? Magulong-magulo pa rin ngayon ang isip ni Mark. Pagsakay ng bus ay humanap siya ng upuan na malapit lang sa bintana. Nagkataon naman na iisa na lang pala ang upuan. Kaya bago pa siya makaupo ay may nakipag-unahan nasa kanya sa nag-iisang upuan. Wala ng nagawa pa si Mark kung hindi paupuin ang dalaga. Tiningnan siya nito saka ito ngumiti para magpasalamat. Ginantihan din naman niya ito ng isang matamis na ngiti. At nang huminto ang bus ay bumaba na ang isang pasahero na katabi ng dalaga. Sinuswerte nga naman si Mark dahil nakaupo na rin ito sa wakas. At may pa bonus pa dahil nakipagkilala pa sa kanya ang dalaga. Dahil nagkaroon na siya ng bagong kakilala ay medyo naibsan na ang kanyang kalungkutan. Nagkaroon na siya ng lakas ng loob para makapag tanong sa dalaga. "Miss, pwede ko bang malaman ang pangalan mo?" "I'm Tricia. And you are?" "Mark." "Ah, okay. Nice to meet you, Mark." Pagkatapos ay nilahad ng dalaga ang kanyang palad para makipag kamay kay Mark. Nakipagkamay naman siya sa dalaga. Kita ang pamumula ng pisngi ni Mark. Pagkatapos makilala ang isa't isa ay nagtuloy-tuloy na ang kanilang pag-uusap. "Saan ba ang punta mo, Mark?" "Alam mo sa totoo lang, hindi ko pa alam kung saan ako pupunta. Nagpasya lang kasi akong maghanap ng trabaho sa ibang lugar. Kaya ito makikipagsapalaran muna ako sa hindi ko kilalang lugar." "Ganun ba? Gusto mo bang pumasok sa factory? Mababa lang ang sahod pero atleast makakapag simula ka ng bagong buhay." "Talaga? Saan naman 'yang factory na 'yan?" "Sa inuuwian ko malapit lang doon. Pagkatapos ay mayroon namang paupahan ang tita ko. Baka gusto mo dun ka muna mag rent pansamantala para malapit lang sa pabrika." "Okay. Kaya lang hindi ko naman alam ang papunta sa pabrika na sinasabi mo. Kung okay lang ay pwede mo ba akong samahan para makapag-apply na ako dun." Masayang-masaya na si Mark dahil kahit papaano ay makakapag simula na siya ng panibagong buhay na malayo sa lahat. Pero lingid naman sa kanyang kaalaman ay lagi siyang sinusundan ng Demon Lord kahit saan pa siya mapadpad. Pagbaba nila ng bus ay sinamahan na muna siya ni Tricia sa bahay ng tiyahin nito. Nagtataka naman si Mark kung bakit ang lahat ng tao sa paligid nila ay nakatingin sa kanilang dalawa. "Tricia, bakit halos lahat sila ay nakatingin sa'tin?" "Naku, huwag mo ngang pinagpapa pansin ang mga taong 'yan! Ngayon lang siguro nakakita ng tao na galing sa syudad." "Ganun ba? Siguro nga." Hinayaan na lang ng dalawa ang mga tumitingin sa kanila. Pero ang isa ay hindi pa nakontento sa pagtingin, sinundan pa sila kung saan sila pumunta. Nakaramdam naman ng takot si Mark sa taong sumusunod sa kanila. Muli niyang tinanong ang bagong kaibigan pero hindi na siya nito sinagot. Dapat ba siyang matakot o siya ang dapat katakutan ng mga ito. "Ang layo naman pala ng paupahan ng tita mo. May tao pa ba dun sa pupuntahan natin?" "Oo. Ano ka ba naman kalalaki mong tao ay takot ka sa ganitong lugar." "Para kasing ang layo-layo na natin sa labasan." "Okay lang 'yan. Bilisan mo na lang maglakad para hindi tayo abutin ng gabi sa daan." "Bakit may aswang ba rito kapag inabot tayo ng gabi sa daan?" "Oo, kaya magmadali ka!" "Seryoso?" "Biro lang! Kanina ka pa kasi tanong nang tanong, eh." Pagkatapos ng mahabang lakaran ay narating din ng dalawa ang bahay ng tiyahin ni Tricia. Pagkakitang-pagkakita ng tiyahin nito kay Tricia ay niyakap ito nang mahigpit. Nagulat naman ito ng makita si Mark. "Hija, siya na ba ang nobyo mo?" "Po? Hindi po, tita. Sinamahan ko lang po siya rito. Naghahanap po kasi ng paupahan at mapapasukang trabaho." "Ganun ba? Akala ko naman ay siya na 'yung ipapakilala mo kamo na nobyo mo. Hijo, ano ba ang pangalan mo?" "Mark po." "Mark? Ako nga pala si Tita Belen. Eh, saan ka naman galing niyan?" Hindi sumagot si Mark. Iniba niya ang usapan para hindi mabaling sa kanya ang atensyon ng matanda. "Aling Belen, pwede ko na po bang makita 'yung pinapaupahan niyo po?" "Ay oo naman. Sige, halika na at puntahan na natin." "Malayo po ba 'yun?" "Hindi naman masyado." Napapakamot na lang si Mark dahil mukhang napadpad siya sa isang lugar na hindi uso ang wifi. Nang makita niya ang bahay na pinapaupahan nito ay nangilabot siya. Halos ayaw na niyang tumuloy doon. Mistulang, gagamba at paniki lang ang nakatira sa ganung klase ng bahay. Pero hindi na siya namili pa dahil pansamantala lang naman ang pagtira niya roon. Bago pumasok sa loob ay nag pagpag pa sila ng tsinelas at sapatos. Laking gulat niya ng makita niya ang kabuuan ng bahay. Kung titingnan mo sa labas ay parang haunted house pero sa looban ay malinis at maaliwalas. Abot-tenga ang kanyang ngiti ng mapasok nila ang bahay ni Aling Belen. "Ganda naman po ng paupahan niyo Aling Belen." Takang-taka naman si Aling Belen at si Tricia kung bakit nasabi nito na maganda ang kanyang paupahan dahil ang totoo ay lumang-luma na ito at marami pang sira ang buong bahay. Pero hindi na lang pinansin ni Aling Belen at ni Tricia ang mga pinagsasabi ni Mark patungkol sa lumang bahay. "Aling Belen, gusto ko na po rito. Magkano po ba ang upa?" "Mura lang. Pero saka na lang muna siguro magbayad ng upa kapag may stable na trabaho ka na. Nakakahiya naman kasi sa'yo kung sisingilin pa kita ngayon dito sa bahay." "Bakit naman po? Eh, ang ganda-ganda naman po kaya ng bahay ninyo?" "Hijo, okay ka lang ba talaga? Naku Tricia, ang kaibigan mo mukhang nalipasan na ng gutom. Tara na nga bumalik na muna tayo sa kabila para makapag meryenda muna kayo. At mukhang gutom ka na, hijo. Dahil kung anu-ano na ang pinagsasasabi mo sa bahay ko." "Po?" Napangisi naman si Mark sa sinabi ni Aling Belen. Marahil sa tingin ni Mark ay napakaganda ng bahay nito, pero sa totoong nagmamay-ari nito para sa kanya ay lumang-luma na ito. Ibig lang sabihin na si Mark lang ang nakakakita ng marangyang bahay samantalang ang mag tiyahin ay kabaliktaran sa sinasabi ni Mark. Malamang ang may kagagawan na naman ng lahat ng ito ay ang Demon Lord. Nais lang niya siguro na ipakita kay Mark ang maaari niyang maranasan kapag siya na ang pumalit sa pwesto ng Demon Lord sa underworld. Isang marangyang buhay ang maaaring naghihintay sa kanya kapag napagtagumpayan nito ang isang daang marka. Paglabas nila ng bahay ay muling bumalik ito sa dati nitong anyo. Ang isang lumang-lumang bahay. Bumalik sila kung saan nakatira ang matandang tiyahin ni Tricia. Doon ay pinag meryenda sila ng matanda. Habang nagmemeryenda ay panay naman ang kwento ni Aling Belen patungkol sa lumang bahay. Titig na titig si Mark sa matanda habang nagkukwento ito. Maging si Tricia ay nakikinig habang kumakain ng tinapay. "Ano po ang sabi ninyo? Hindi na po natirhan ang bahay na 'yun mula ng mamatay ang mga magulang ninyo?" "Oo. Tama ka, hijo. Kaya nga naging katatakutan na 'yung bahay na 'yun. Dahil namatay dun ang aking mga magulang. Kaya nga hindi ko na napaayos 'yun. Pagpasensyahan mo na 'yung bahay kung maraming sira." "Aling Belen, ano pa bang sira? Eh, ang ganda-ganda nga po ng loob ng bahay. Ang gaganda nga po ng mga muwebles. Parang antigo pa po ang gamit na nakalagay dun." "Hijo, nagbibiro ka ba? Ilang taon na 'yung bahay na 'yun. At ni minsan ay hindi pa 'yun naaayos at nalilinis kaya malabo 'yang sinasabi mo na malinis 'yun." "Tricia, sabihin mo nga sa Tita Belen mo ang totoo. Huwag mong sabihin na pati ikaw ay hindi mo nakikita ang kagandahan ng bahay?" Umiling-iling lang si Tricia dahil totoo naman lahat ang sinabi ng kanyang Tita Belen. Napabuntong-hininga na lang ang mag tiyahin sa sinasabi ni Mark sa kanila. "Mark, kumain ka nang kumain dahil mukhang nagdedeliryo ka na sa mga kinukwento mo." Napapapikit na lang si Mark at hindi na ito nag-usisa pa. Dahil siya lang naman ang nakakakita ng nakikita niya. Napaisip tuloy ito. Alam na niya kung bakit siya lang ang nakakakita ng magarang bahay. Bitbit nga pala niya ang itim ng libro. Kaya malamang ay nililinlang nito ang kanyang paningin. Kaya hindi na muli siya nagkwento ng tungkol sa kanyang nakikita. Pinaniwalaan na lang niya ang sinasabi ng mag tiyahin. Pagkatapos nilang makapag meryenda ay inabot na ni Aling Belen ang susi sa lumang bahay. Sinamahan muna siya ni Tricia sa lumang bahay para makapag-ayos ito ng gamit. Habang naglalakad sila pabalik sa lumang bahay ay muli silang sinundan ng lalaki. Hindi na nakatiis si Tricia at hinarap na niya ang lalaking kanina pa sunod nang sunod sa kanila ni Mark. "Kuya, may problema po ba? Bakit ba kanina mo pa kami sinusundan?" "W-wala po. G-gusto ko l-lang po mak-kita ang lu-lumang bahay." "Tricia, ano raw?" "Huwag mo na lang pansinin. Utal kasi 'yan, eh! Tara na nga!" Pagkatapos ay hinayaan na lang nila na sundan sila ng lalaki. Pagdating sa gate ay hindi na ito sumunod pa sa loob dahil kaagad na isinara ni Tricia ang tarangkahan ng gate. Pagpasok pa lang sa gate ay namangha na naman si Mark sa lumang bahay. "Tricia, hindi mo ba talaga nakikita 'yung kagandahan ng bahay?" "Ha? Ano ba ang pinagsasabi mo riyan? Kanina ka pa! Hindi ba't sinabi na namin sa'yo na lumang-luma na nga ito. Malabo ba talaga ang mata mo o sadyang nang-iinis ka lang." "Bahala ka na nga. Sinasabi ko lang sa'yo ang totoo. Sobrang ganda talaga rito. Tingnan mo naman ang mga muwebles dito. Ang gara nilang lahat. Puros antigo ang mga gamit dito." Muling napailing si Tricia sa mga sinasabi ni Mark. Umupo muna si Tricia sa sofa para ipahinga ang kanyang paa. Tinawag niya si Mark para mapag-usapan nila ang papasukan nitong trabaho sa kabilang bayan. "Mark, maupo ka nga muna at may sasabihin ako sa'yo." "Bakit ano 'yun?" "Sigurado ka bang gusto mong pumasok sa pabrika? Ay teka, malayo nga pala rito ang pabrika. Sa warehouse ka na lang kaya muna pansamantalang pumasok. Malapit lang 'yon dito. Paglabas mo lang sa kanto nandun na ang warehouse. Ano gusto mo na ba sa warehouse?" "Oo naman. Kahit ano pa 'yan. Basta may pambili lang ako ng pagkain. Okay na sa'kin 'yun. Ay teka nga pala, hindi pa nga pala sinasabi sa akin ni Aling Belen kung magkano ang upa rito." "Hindi ka ba talaga nakikinig kanina. Hindi ba't sabi niya ay hindi ka na muna raw niya pagbabayarin ng upa rito. Hanggat hindi pa stable ang trabaho mo." "Ha? Parang wala naman siyang sinabi na ganyan." "Adik ka ba? Ano bang tinira mo, ha? Kung anu-ano na nga ang sinasabi mo tungkol dito sa bahay, pagkatapos ngayon naman ay hindi mo narinig ang sinabi sa'yo ni Tita Belen. Ay naku Mark, saang planeta ka ba nanggaling? Sige na nga, bukas na lang ulit. Dadaanan kita dito ng umaga para masamahan muna kita sa warehouse bago ako pumasok sa trabaho. Malinaw ba?" "Yes, Ma'am Tricia." "Ewan ko sa'yo, Mark. Sige maiwan na muna kita. Okay ka na ba dito?" "Oo naman. Maraming salamat, Tricia." "Okay. Bukas ha gumising ka ng maaga para maaga kitang masamahan sa warehouse. Sige, goodnight!" "Thanks, goodnight din." Tumango pa si Tricia bago ito lumabas ng pinto. At nang makalabas na si Tricia ay nag-ayos na si Mark ng kanyang mga gamit. Ramdam nito ang init sa loob ng bahay kaya nagbukas muna siya ng bintana habang nag-aayos ng gamit. Nang mabuksan niya ang bintana ay dumungaw muna siya para magpahangin. Habang nilalanghap nito ang simoy ng hangin ay napatingin siya sa may labas. Napatitig siya sa labas ng gate, parang may kung anong bagay o sino ang nakatingin sa loob ng bahay. Nang hindi niya maaninag ito ay isinara na lang niyang muli ang bintana. Pinagpatuloy na lang niya ang kanyang pagtitiklop ng mga damit. Habang abala siya sa pagliligpit ng gamiy ay may naririnig siyang sumisitsit mula sa labas ng bintana. Hindi na lang niya pinansin 'yun. Pero ng muli siyang magtiklop ng damit ay muli siyang sinitsitan. Napailing na lang siya. At dahil ayaw niyang takutin ang kanyang sarili ay dali-dali niyang kinuha ang kanyang earphone. Nakinig na lang siya ng sounds para mawala ang takot sa kanyang isipan. Napabalikwas siya ng may narinig siyang bumulong sa kanyang tenga. At kahit na naka earphone siya ay dinig na dinig pa rin niya ang bumulong sa kanyang tenga. Sa inis niya ay inalis niya ang kanyang earphone at tinawag ang Demon Lord. "Demon Lord! Alam ko ikaw ang nanggugulo sa'kin. Pwede ba tigilan mo muna ako. Hindi ka na nakakatuwa." Pagkabanggit niya ng pangalan ni Demon Lord ay may biglang usok na lumabas mula sa sahig. Napaatras si Mark. At dahil sa takot ay napaakyat ito ng sofa. "Tigilan mo ako! Huwag kang magsaya Demon Lord, makakahanap pa rin ako ng karagdagang marka para ipanlaban sa'yo." Sa pangalawang pagkakataon ng pagbanggit niya ng pangalan nito ay isang malakas na tawa naman ang narinig niya na nanggaling sa ilalim ng lupa. Hindi na takot si Mark dahil alam niyang ang Demon Lord lang ang gumugulo sa kanya. "Tigilan mo na ako! Hindi mo na ako matatakot Demon Lord. Kahit tumawa ka pa nang tumawa riyan ay wala na akong pakialam. Hahanapin ko pa ang natitirang marka para matalo na kita. Maghintay ka lang." Tinawanan lang siya muli ng Demon Lord. Hindi na niya pinansin ang muling pagtawa nito. Muli niyang binuksan ang bintana at laking gulat nito ng may biglang tumalon sa harap ng bintana. Hindi niya mawari kung anong klaseng hayop ang kanyang nakita pero nakasisiguro siya na itim na aso ang kanyang nakita. Bigla naman siyang nakaramdam ng kaba. Napaisip siya kung totoo ngang may aswang sa paligid. Pero hindi na siya bata para takutin ang sarili. Binuksan niyang maigi ang bintana. Ramdam na ramdam niya ang pag-init ng kanyang katawan. Malakas naman ang hangin pero bakit ang init-init ng kanyang pakiramdam. Nang tangkain niyang maghubad ng damit ay nagulat siya sa kanyang nakita. Dali-dali siyang nagpunta sa may salamin at tiningnan nito ang kanyang mga marka. Pulang-pula ang mga ito at parang umaapoy ang karamihan dito. Kaya siguro nakakaramdam siya ng pag-init ng katawan dahil malamang ito sa mga marka na nakaukit sa kanyang katawan. Sinubukan niyang burahin ang isa sa pag-aakala na mabubura niya ito. Ngunit, lalo lang ito namula at uminit. Sa dami na ng marka sa kanyang katawan ay hindi na niya maitatago ang karamihan dito. Kaya nagpunta siya sa aparador at naghanap ng damit na may mahabang manggas. Sa kasamaang palad ay wala siyang nadalang damit na may mahabang manggas. Pagkatapos niyang magpunta ng warehouse ay plano nito na bumili ng damit na may mahabang manggas para matago niya ang ilan sa kanyang mga marka. At nang wala na siyang magawa ay kinuha niya ang itim na libro at hinanap pa niya ang iba't ibang uri ng curse na hindi pa nagmamarka sa kanyang katawan. May nakita siyang isa na pamilyar sa kanya. Bigla niyang naisip na 'yung itim na aso kanina na nasa bintana ay isang uri pala ng curse. Pero kailangan niyang makita kung sino ang nagmamay-ari nito. Naghanap pa siya ng iba na maaaring nasa paligid lang. Isa-isa niyang tinandaan ang mga curse na wala pa sa kanyang katawan. Habang naghahanap pa siya ng ibang uri ng curse ay nakaramdam na siya ng antok. Itinago na muna niya ang itim na libro at inilagay ito sa cabinet. Pagkatapos niyang mailagay sa cabinet ay kumuha na siya ng kumot at unan. Hindi siya sa kwarto natulog. Mas gusto niyang matulog sa may sala para malapit sa bintana. Habang napapapikit na siya ay may naririnig na naman siyang sumisitsit. Dahil sa antok ay hindi na niya ito pinansin. Napahimbing siya ng tulog kaya hindi na niya namamalayan ang mga curse na pumapalibot sa kanya. Halos lahat ng sumpa ay lumitaw pero hindi na niya ito nakita ng maalimpungatan ito. May isang curse na animo'y hayop na napakalaki na may tatlong ulo at bumubuga ng apoy. Ano kaya ang gagawin ni Mark kapag nakaharap nito ang sumpa ng hayop na may tatlong ulo. Ito na nga kaya ang pinakamalakas? O isa lang ito sa mga ordinaryong makakalaban niya? Kinabukasan ay maaga siyang nagising gaya ng bilin sa kanya ni Tricia. Naghilamos na ito at nagpalit ng damit. Muli niyang tiningnan ang kanyang mga marka. Laking gulat niya ng mawala ang karamihan dito. Ang natira lang ay ang nasa parte ng dibdib niya. "Nasaan na kaya ang ibang marka?" Pagtatakang tanong nito sa sarili. Habang abala siya sa pagbibihis ay narinig na nito ang tarangkahan ng gate na nagbukas. "Naku si Tricia nandyan na!" Nagmadali na siya sa pagbihis ng damit. At pagkatapos ay nagtungo ito sa pinto para pagbuksan ng pinto ang kaibigan. "Good morning, kamusta ang tulog mo? Wala ka bang nakitang multo?" Pabirong sabi ng kaibigan. Pero para sa kanya ay hindi lang multo ang nakita na niya pati ang hari ng impyerno ay nakaharap na niya. "Multo? Ano ka ba bata? Naniniwala ka pa ba sa multo hanggang ngayon?" "Oo naman. Minsan kasi ay nagpakita na sa'kin ang lola ko." "Talaga? Bakit ako hindi ko man lang makita ang aking mga magulang?" "Ulila ka na pala. Sorry to hear that!" "Okay lang. Ano tara na?" "Okay, tara lets!" Paglabas ng pinto ni Mark ay siya namang bukas ng cabinet kung saan naroon ang itim na libro. Bumukas din ang itim na libro, kapag bumukas ang libro ay senyales lang na may makakaharap itong kalaban. Kung sakaling may makaharap si Mark, handa na ba siyang makalaban ito ng hindi man lang niya alam ang orasyon. Dahil maging ang itim na libro ay nagbibigay ng babala sa kanya pero paano pa niya malalaman ang isang babala kung hindi naman niya ito dala-dala. Maagang nakarating ang dalawang magkaibigan sa warehouse na sinasabi ni Tricia na papasukan ni Mark. Pagdating sa warehouse ay agad naman na ipinakilala ni Tricia si Mark sa manager na naka assign doon. Natanggap naman kaagad si Mark sa warehouse dahil kulang sila sa tauhan, marahil ay mahirap ang trabaho roon kaya madalas umalis ang mga manggagawa ng warehouse. Nang makilala na ng manager si Mark ay pinapirma na siya ng kontrata para makapag simula na ito sa trabaho. Pagkatapos makausap at papirmahin sa kontrata si Mark ay inabot na sa kanya ang kanyang susuotin na uniporme. Pagkatapos ay sinabihan siyang magsisimula na ito kinabukasan. Nagpaalam na ang dalawang magkaibigan sa manager at bumalik na sila sa kanyang inuupahang bahay. "Tricia, salamat sa pagsama sa akin sa warehouse, ah!" "Sus, wala 'yun. O, paano mauna na muna ako sa'yo baka kasi ma late na ako sa pabrika. Bukas agahan mo ang pasok, ha?" Nagpaalam na si Tricia kay Mark. Pero hindi pa nga ito nakakalayo ay–. "Mark!" Napalingon si Mark nang marinig niya ang kanyang pangalan. Nang marinig niya ang tawag ni Tricia ay muli siyang lumabas ng gate. "Tricia? Bakit may nakalimutan ka bang sabihin?" "Hindi wala. May aabot lang sana ako sa'yo." Saka nito inabot ay isang plastic kay Mark. Takang-taka naman ang binata kung ano ang laman ng plastic na 'yun. "A-no ba ito, Tricia?" "Ulam at kainin. Pagkatapos 'yung isang plastic ay may laman na tinapay para makain mo ngayong almusal. Iyang ulam at kanin ay para sa tanghalian mo. Para hindi ka na maghanap ng bibilhan mo ng pagkain. Sige, alis na talaga ako. Bye!" "Naku, maraming salamat dito. Ang bait mo naman! Nahihiya tuloy ako sa'yo. Baka masanay ako niyan." "Sus, ang drama mo! Okay lang 'yan. O siya sige late na ako." "Sige, ingat ka!" Pagkaabot ni Tricia ng pagkain kay Mark ay sumakay na ito ng traysikel patungong pabrika. Si Mark naman ay abot hanggang tenga ang ngiti. Hindi na siya mahihirapang maghanap ng mabibilhang pagkain. Mabuti na lang at nakatagpo siya ng tao na makakatulong sa kanya. Bago siya pumasok sa pinto ay may napansin ito sa kapaligiran. Lumakad-lakad siya sa gilid ng bahay at may nakita siyang pwedeng pagtaniman ng mga gulay. Bata pa lamang siya ay tinuruan na siya ng kanyang foster parents kung paano magtanim. Kaya naisip niyang linisin ang bakuran. Umakyat na muna siya para makapag-almusal. Nilapag niya sa lamesa ang tinapay at ang kanin na may kasamang ulam. Ang tinapay lang muna ang kinain niya para mayroon siyang lakas kapag nilinis niya ang buong bakuran. Pagkatapos niyang makapag-almusal ay sinimulan na niyang magwalis. Kumuha siya ng walis para walisin muna ang mga tuyong dahon na nahuhulog mula sa malalaking puno. Habang abala siya sa pagwawalis ay may dalawang matandang babae ay nakatingin sa kanya mula sa labas ng gate na animo'y nagmamatyag sa bawat kilos niya. Nang makita niya ang mga matatanda ay nilapitan niya ito para tanungin. "Ano po 'yon? May kailangan po ba kayo?" Nagkatinginan ang dalawang magtanda. At ang isang matanda ang naglakas ng loob na magsalita. "Hijo, kamag-anak ka ba ng mag tiyahin sa kabilang bahay?" "Ay hindi po, bakit niyo naman po naitanong?" "Wala lang. Basta mag-iingat ka na lang. Kahit na anong mangyari ay huwag kang sasagot." "Po?" A-ano po bang ibig niyong sabi–" Hindi pa nga siya tapos sa kanyang sinasabi ng biglang tumalikod ang dalawang matanda at umalis. Eksakto naman sa pag-alis ng dalawang matanda ay siya namang dating ni Aling Belen. "Mark!" Sigaw ng matanda sa labas ng gate. Pinuntahan ito ni Mark at pinagbuksan ito ng gate. "Aling Belen? Bakit po?" "Wala naman. Naisip ko lang na dalhan ka ng makakain mo. Alam kong hindi ka pa nagsisimula sa warehouse kaya malamang ay wala ka pang pambili ng pagkain mo." "Naku nakakahiya naman po, nag-abala pa po kayo. Salamat po." Napansin ni Aling Belen ang walis na tangan-tangan ni Mark. "Ang sipag mo naman. Alam mo bang ngayon lang malilinis 'yang bakuran. Matanda na kasi ako kaya hirap na akong linisin 'yan." "Wala naman po kasi akong ginagawa kaya naisipan kong linisan. Balak ko nga po sana na taniman ng mga gulay sa may likuran. Okay lang po ba?" "Oo naman. Kaya lang alam mo ba hijo, kahit ang mga magulang ko noon ay gusto rin taniman 'yan kaya lang hindi naman sila nabubuhayan ng mga pananim. Kada nagtatanim ang aking ama, kinabukasan ay namamatay ang mga ito." "Bakit naman po? Baka hindi lang po maganda 'yong lupa na napagtaniman po nila kaya po nagkaganun." "Hindi ko alam, eh. Ikaw subukan mo. Baka ikaw ay mabuhayan ng pananim. Gusto mo ba ng mga binhi ng gulay? Marami ako sa bahay. Tara at sumama ka para maibigay ko sa'yo ang mga binhi." Dalawa silang nagtungo sa bahay ni Aling Belen para kuhanin ang mga binhi ng gulay na sinasabi ng matanda kay Mark. "Halika pasok ka, hijo." "Sige po." "Maupo ka muna. Sandali lang at kukuhanin ko ang mga binhi." Hindi pa nga nakakaupo ito ng marinig na naman niya ang sitsit na naririnig niya kagabi pa. Umiling-iling na lang ito at hindi na lang niya binigyang pansin ang kanyang naririnig. Nang makaupo siya ay siya namang dating ng matanda na dala-dala ang mga binhi ng gulay. "Ito na ang mga binhi ng gulay. Itanim mo kaagad 'yan. First class ang mga binhing 'yan. Iyan nga ang mga tanim ko sa likod bahay. Mas maigi nga na magtanim ka roon ng gulay dahil napakalayo ng pamilihan dito. Ako nga kapag gusto ko ng sariwang isda ay hinihintay ko pa si Tricia umuwi para lang mabilhan ako. Bihira naman kasi ang naglalako rito ng sariwang karne at isda. Hindi katulad dun sa karatig bayan, napakaraming naglalako roon. Siya sige itanim mo na 'yan. Malay mo naman malamig ang kamay mo sa mga halaman. Sabi kasi ng matatanda kapag malamig daw ang kamay ng taong magtatanim ay madali raw itong lalaki. O siya sige na." "Salamat po sa mga binhi. Sige po balik na po ako sa kabila." "Sige hijo." Paglabas ni Mark ay tampulan na naman siya ng tsismis ng mga kapitbahay. Hindi na lang niya pinansin ang mga taong nakatingin sa kanya. Dire-diretso lang ang kanyang paglakad. Pero may isang matandang lalaki na binigyan niya ng pansin. Tahimik lang ito na nakatingin sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya ng makita niya ang asong itim na nasa likod ng matanda. Hindi kaya ang asong tinutukoy niya at ang aso na nakita niya sa may bintana ay iisa lang? Hindi naaalis ang tingin niya sa matanda hanggang sa kalabitin siya ng isang estranghero. "Uy! Tumingin ka sa dinadaanan mo." "S-sorry po." At nang tingnan niyang muli ang matandang lalaki ay bigla na lang ito naglaho na parang bula. Napailing na lang siya at nagmadali sa kanyang paglakad. Pagpasok niya ng gate ay kaagad niya itong isinara. Pumasok na muna siya sa loob ng bahay para ayusin ang mga pagkain na ibinigay sa kanya ni Aling Belen. "Ang bait naman ng mag tiyahin na 'yon sa'kin." Pangiting sabi nito sa kanyang sarili habang inaayos ang mga pagkain. Habang inaayos niya ang mga pagkain ay muli na naman niyang narinig ang sitsit. "Ano ba 'yun? Demon Lord, ikaw na naman ba 'yang nanggugulo sa akin? Tantanan mo na ako sinabi, eh!" Imbes na mawala ang sitsit ay lalo itong lumakas at parang nasa gilid lang ng kanyang tenga ang tunog. Tinakpan na lang niya ang kanyang tenga at pinikit niya ang kanyang mga mata. Ilang minuto rin ang lumipas at tumigil na rin ito. Lumabas na siya ng bahay at ipinagpatuloy ang kanyang pagwawalis ng bakuran. Habang nagwawalis siya ay may napansin siya sa likod ng bakuran. Winalisan niya ito para makita niya ng maigi ang kumikinang sa lupa. Nang mawalisan niya ay kinuha niya itong bagay na kumikinang. Isang maliit na bagay na parang ginto ang kanyang nakita. Tiningnan niya itong maigi at tinapat sa araw. Nang maitapat niya ito sa araw ay lalo itong kuminang. Hindi niya muna ito binigyan ng pansin. Itinago na muna niya ito sa bulsa ng kanyang pantalon. At itinuloy ang kanyang pagwawalis. Halos hingalin siya ng matapos niya ang buong bakuran. Nagpahinga muna ito at umupo sa pangalawang baitang ng hagdan. Kinuha niya ang mga binhi at isa-isa niya itong tiningnan. Halos karamihan sa binhi ay kamatis at talong. Isa sa paborito niyang gulay ay ang talong. Marami-rami rin siyang maitatanim na gulay sa likod bahay. "Mabuti na lang at may naitago pang binhi si Aling Belen."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD