CHAPTER 39

4376 Words
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang umulan. Pero kahit na umuulan ay nagpatuloy lang si Mark sa kanyang pagtatanim. Habang abala siya sa pagtatanim ay muli siyang nakakita ng maliit na bagay na kumikinang. Kinuha niya ulit ito ay inilagay niya sa bulsa ng kanyang pantalon. Hindi noto alintana ang ulan, sumisipol-sipol pa ito habang nagtatanim. Sa di-kalayuan ay mayroon siyang natanaw na nakamasid sa kanyang ginagawa. Tiningnan niya ito mula sa kanyang pwesto pero hindi niya ito masyadong makita. Nang akmang tatayo na siya para tingnan ng malapitan ang taong nakamasid sa kanya ay bigla naman itong umalis. Kung hindi siya nagkakamali ito 'yung tao na nakita niya na may kasamang asong itim. Tinangka pa niyang habulin ito pero napakabilis nitong maglaho. Naisip niya tuloy na baka isa 'yun sa curse na kailangan niyang harapin at kalabanin.  Para sa kanya ay isang ordinaryong aso lamang 'yun. Pero kung titigan mo ito ng maigi ay mistula itong wolf na kulay itim. Isa 'yong nakakatakot na uri ng lobo. Dahil sa sobrang haba ng pangil at kuko nito ay matatakot kang kalabanin ito. Nanghihinayang si Mark dahil hindi man lang niya ito naabutan. Napakabilis ng matanda tumakbo mistulang taong lobo ito. Nang makaalis na ang matandang lalaki na may kasamang itim na aso ay nagtanim na siyang muli. Laking gulat ni Mark ng bumalik ito sa kanyang taniman. Ang lahat ng binhi ay nakatanim na. "P-paanong nangyari ng nakatanim na ang lahat ng binhi?" Tanong nito sa sarili habang nagkakamot ng batok. Napapailing ito marahil ay alam na nito ang kasagutan. Masyadong maraming misteryo ang bumabalot sa lumang bahay. Ang una ay mistulang mansion ito kapag ikaw ay nasa loob. Pangalawa, ang pagkakaroon ng gintong butil sa lupa na kanyang pinagtataniman. Nais na niyang sabihin kay Aling Belen ang lahat ngunit wala siyang lakas ng loob na magkwento rito sa dahilan na hindi naman siya nito pinaniniwalaan. Maging si Tricia ay hindi naniniwala sa kanya. Nagkibit-balikat na lang ito sa mga nangyayari sa bahay. Nang makatapos siya sa likod bahay ay itinuloy na niya ang pagwawalis ng mga tuyong dahon sa harapan ng bahay. Habang nagwawalis naman ito ay parang walang katapusan ang pagdami ng tuyong dahon sa harap ng bakuran. Pakiwari niya ay pinaglalaruan siya ng mga engkanto sa bahay na 'yon. Mabuti na lang at kahit papaano ay malakas ang kanyang loob sa mga ganung klase ng paranormal. Maaga kasi siyang namulat sa mga kababalaghan. Kaya ng minsang tanungin siya ni Tricia patungkol sa multo ay pinagtawanan lang niya ito. Pero ang tanging hiling niya ay kahit sana minsan ay magpakita sa kanya ang kanyang mga magulang, aktwal man o maging sa panaginip. Ang kanyang biological at foster parents ang mga taong nagpapahalaga sa kanya at nakakaintindi ng lubos. Kaya kapag nakakakita siya ng masayang pamilya ay nakakaramdam ito ng inggit.  Nang matapos siya sa pagwawalis ay umupo muna ulit siya sa ikalawang baitang ng hagdan. Doon ay saglit siyang nagpahinga. Habang nakatingin siya sa kawalan ay may nakapa siya sa bulsa ng kanyang pantalon. Ang mga gintong butil ay nasa sa kanya pa rin. Hindi pa siya sigurado kung talagang ginto 'yun hanggat hindi nito napapasuri sa alahera. Naisip niyang magpasama kay Tricia sa isang sanglaan para maipakita ang gintong butil na kanyang nahalukay. Pero hindi kaya siya pagdudahan ni Tricia kapag nalaman nito kung saan galing ang mga butil na kanyang nakuha.  Kung alam lang niya ang pasikot-sikot sa lugar niya ngayon ay malamang hindi na siya magpapasama kay Tricia. Ayaw rin naman niyang usisain pa siya ng usisain nito. Malapit ng magdilim kaya inisa-isa na niyang ligpitin ang kanyang mga ginamit sa pagtatanim. Pagkatapos makapagligpit ay umakyat na ito. Isinara na niyang maigi ang pinto, maging ang mga bintana. Ang lahat ng gintong butil na nakuha niya ay inilagay niya sa isang lalagyan. Pinagsama-sama niya ito para hindi ito mawala. Nagtataka pa rin siya kung saan galing ang mga ito. Nang maitabi niya ang mga gintong butil ay kumain na muna siya ng kanyang hapunan. Habang abala siya sa pagsubo ay may narinig siyang pag langitngit ng sahig. Sinundan niya ang tunog na 'yon. At nang marinig niya kung saan ito nanggaling ay idinikit niya ang kanyang tenga sa sahig. Ilang minuto rin ang itinagal niya sa sahig pero hindi na niya muling narinig ito. Napailing na lang siya at muling bumalik sa lamesa. Nakakadalawang araw pa lang siya sa lumang bahay pero ang dami ng kakaibang pangyayari ang nangyayari sa kanya at sa bahay na 'yon. Nang makatapos siya sa pagkain ay iniligpit na niya ito. Nagtungo siya sa kusina para hugasan ang kanyang pinagkainan. Habang abala siya sa paghuhugas ng plato ay may sumitsit na naman sa kanya na nagmumula naman sa bintana ng kusina. Sumilip siya sa bintana at nagulat siya sa kanyang nakita. Ang matandang lalaki ay naroon kasama ng itim na aso. Ito kaya ang palaging sumisitsit sa kanya? O sadyang sinusundan lang siya nito kahit saan siya magpunta. Dali-dali niyang tinapos ang kanyang hinuhugasan para tingnan ang matandang lalaki sa labas. Nang buksan niya ang pinto ay may humampas na malamig na hangin sa kanyang mukha. Napapikit siya ng dumampi ang malamig na hangin sa kanyang mukha. At dahil sa pagpikit niya na 'yon ay muling naglaho ang matandang lalaki kasama ng itim na aso. Napabuntong-hininga na lang siya ng hindi na naman niya naabutan ang matandang lalaki. Ano kaya ang pakay ng matandang lalaki sa kanya. Isa ba siyang kalaban o nagbibigay lang ito ng babala. At dahil nawala na naman ito ay isinara na lang niyang muli ang pinto ng kusina. Dinoble niya ang sara ng pinto para kung sakaling tulog na tulog siya ay walang sino man ang makakapasok sa pinto. Naglagay din siya ng upuan sa harap ng pinto para dagdag proteksyon. Bumalik na siya sa sala. Pinakikiramdaman niya ang kapaligiran. Tahimik na tahimik ang buong kabahayan. Ano animo'y kahit na anong oras ay may lalabas na kakaiba sa bahay na 'yon. At dahil hindi pa siya dalawin ng antok ay kinuha na muna niya ang itim na libro para hanapin kung nasa libro ba ang curse ng taong lobo. Halos maubos na niya ang pahina pero wala pa rin siyang nakikitang sumpa ng isang taong lobo. Hindi naman kaya hindi talaga curse ang matandang lalaki na 'yon o dahil nasa probinsya siya kaya may mga ganung klase ng kababalaghan. At nang hindi niya makita ang ganung sumpa ay sinara na nito ang itim na libro at ibinalik niyang muli ito sa cabinet. Habang tinatakpan niya ng tela ang libro ay natuon ang kanyang pansin sa lalagyan ng gintong butil. Kinuha niya ito para tingnan ng mabuti. Bumalik siya sa sala para pagmasdan lang ang gintong butil. Napakaganda ng gintong butil na 'yon. Bigla itong napaisip. "Hindi kaya konektado ang gintong butil sa matandang lalaki? Baka ito ang kanyang binalik-balikan?" Napataas na lang ito ng balikat sa hindi malaman na dahilan. Pagkatapos ay ibinalik na niya ang mga ito sa kanyang lalagyan. Pinagsama na lang niya ang itim na libro at ang gintong butil. Kinuha na niya ang kumot at ang unan at nilagay ito sa sofa. Hindi pa rin ito natutulog sa kwarto. Mas gusto pa rin niyang matulog sa sala kahit napakatigas ng kanyang hinihigaan. Mas komportable siya sa sofa kaysa sa kama. Mas madalas kasi siyang bangungutin sa kama kaya mas pinili niyang matulog na lang sa sofa kahit matigas pa ito.  Nang pipikit na ito ay bigla siyang nagising dahil naalala niya ang uniporme na kanyang susuotin sa trabaho. Kinuha niya ito sa plastic at nilagay sa hanger at isinabit niya muna ito sa labas ng pinto ng cabinet. Nang makita niya ang kabuuan ng kanyang uniporme ay natuwa ito. Naalala niyang bigla ang uniporme niya sa dati niyang trabaho sa restaurant. At bigla ring pumasok sa kanyang isipan ang kanyang kaibigan na si Renzo at ang pamilya nito. Nabasa na kaya ng kanyang kaibigan ang sulat na kanyang iniwan? Napako bigla ang kanyang tingin sa labas ng bintana. Mula rito ay nakita niyang muli ang matandang lalaki. Hindi na niya ito nilubayan ng tingin. At nang mapansin ng matanda na hindi na natatakot sa kanya si Mark ay umalis na ito. Hindi na siya naglaho ng mabilis bagkus ay naglakad lang sila ng dahan-dahan kasama ng kanyang itim na aso. Napataas naman ng kilay si Mark sa ginawa ng matandang lalaki. Napangisi si Mark habang nagsasara ng bintana. Bumalik na siya sa kanyang pagtulog.  Kinabukasan ay maaga siyang nagising marahil ay excited na siya sa unang araw ng pasok niya sa trabaho. Inaabangan niyang tumunog ang gate sa pag-aakala na susunduin siya ni Tricia. Naalala niyang bigla na may pasok nga rin pala ito sa pabrika. Nagmadali na siyang maligo para hindi siya mahuli sa trabaho. Pagkatapos maligo ay nagpatuyo na siya ng katawan at kinuha na niya ang kanyang uniporme sa cabinet at isinuot ito. Bumagay ang kulay asul na kulay sa maputi niyang balat. Pagkatapos ay nagsuot na rin siya ng sapatos. Nang handa na siya ay kinuha na niya ang kanyang bag na nakalagay sa lamesa. Saka ito lumabas ng bahay. Hindi pa nga siya nakakaapak sa huling baitang ng hagdan ng makita niya ang mga taong nakasilip sa tarangkahan ng gate. May itinuturo ang mga ito. Kinabahan siya kaya dali-dali siyang bumaba ng hagdan para alamin kung ano ang itinuturo ng mga tao sa labas ng gate. Laking gulat nito ng makita niya ang kanyang mga pananim. Kahapon lang niya ito itinanim pero bakit ang lalaki na kaagad. Maging siya ay nabigla sa kanyang nakit. Hindi niya lubos na maisip kung paano 'yun nangyari. Nilapitan niya ito para tingnan kung totoo ba ang mga ito. Pumitas siya ng isang kamatis at pinindot-pindot niya ito. Napabuntong-hininga saka umiling-iling. Sa sobrang tuwa niya ay napatakbo siya papunta sa bahay ni Aling Belen. Sa gate pa lang ng matanda ay nagsisigaw na ito. "Aling Belen! Aling Belen!" Sa gulat ng matanda ay natataranta itong lumabas ng pinto. Dahil sa nerbyos ay napadampot ito ng walis sa pag-aakala na may gulo sa lugar niya. Napahawak ito sa dibdib nang makita niyang si Mark lang pala ang tumatawag sa kanya. "Mark, bakit ba humahangos ka, hijo? May problema ba?" "Wala po. Tara po, Aling Belen." "Aba'y saan ba tayo pupunta, ha? Teka lang at huwag mo akong madaliin baka ako'y madapa." Bago pa makapasok sa loob ng gate ay nakita na kaagad ni Aling Belen ang gustong ipakita ni Mark sa kanya. "Diyos ko! Totoo ba ito? Saan naman nanggaling ang mga ito, Mark?" "Aling Belen, 'yan po 'yung mga binhi ng gulay na binigay niyo po sa akin kahapon. Hindi po ba't ang sabi niyo po ay itanim ko. Kaya pagbalik ko pa kahapon ay itinanim ko na po ang lahat ng binhi. Kaya 'yan na po silang lahat." "Nakakapagtaka naman! Paano nangyari na kahapon mo lang itinanim, pagkatapos ay ganyan na sila kalaki ngayon? Isang milagro 'yan, Mark. Samantalang ako ay inabot ng buwan para tumubo ang lahat ng tanim ko. Pagkatapos ikaw ay kahapon mo lang ipinunla tapos ganyan na sila ngayon? Anong ginawa mo at nagkaganyan ang tanim mo? May kapangyarihan ka ba, hijo?" "Po? Ano po bang kapangyarihan ang sinasabi niyo? Wala po. Kahit naman po ako ay takang-taka. Ayaw niyo po ba nun may mga gulay na tayo na pipitasin." "Aba'y gustong-gusto ko 'yan, Mark. Pwede na ba akong mamitas ngayon?" "Sige po. Aling Belen, okay lang po ba na maiwan ko po muna kayo dito. May pasok pa po kasi ako sa trabaho. First day ko po ngayon. Ayoko naman po mahuli sa pagpasok." "Ganun ba? O siya sige, mamaya na lang ako siguro pipitas pagbalik mo sa trabaho." "Kayo po ang bahala. Tara po hatid ko na po muna kayo sa inyo." "Ay oo, salamat." Pagkatapos maihatid ang matanda sa kanyang bahay ay dumiretso na siya sa warehouse. Nilakad lang niya ang papunta ng warehouse dahil malapit lang naman ito sa kanila. Eksakto lang ang dating niya sa warehouse. Pagpasok niya ay pinadiretso siya ng guwardiya sa opisina ng manager. Doon ay pinapirma na siya ng kontrata at ng iba pang kailangan. Pagkatapos ay ipinakilala na siya sa iba pa niyang kasamahan. Mayroon agad nagpakilala sa kanya. "Pre, Lando nga pala. Ikaw anong pangalan mo?" "Mark." Lumapit ito at nakipag kamay sa kanya. Si Lando na ang naging kasa-kasama niya sa loob ng warehouse. Ito na rin ang nagturo sa kanya ng kanyang mga gagawin. Magaan kaagad ang loob sa kanya ni Lando. Kaya ng oras na ng tanghalian ay isinama niya ito sa murang kainan. Hindi sana sasama si Mark kay Lando dahil may dala-dala naman itong baon. Nakahiyaan na lang niya kaya sumama na rin siya rito. Pagkakain nila ay nagpahinga muna sila ng saglit. At dahil baguhan lang si Mark ay nagpapakitang gilas ito a manager at sa ilang kasamahan nito. Nagulat pa si Lando nang makita niyang nag-uumpisa na ulit si Mark. Ngumiti lang si Lando sabay iling. Pagpasok ni Lando ay tinapik pa niya sa balikat si Mark. "Huwag masyadong magpagilas boy baka hindi ka tumagal niyan eh, sumuko agad ang katawan mo sa pagod. Magpahinga ka rin kahit saglit." Bilin ng bagong kaibigan. Pero ngumiti lang si Mark sa sinabi sa kanya ni Lando. Maging ang ibang kasamahan nito ay hindi tumutol sa sinabi ni Lando. "Tama si Lando. Huwag mo masyadong abusuhin ang katawan mo s trabaho. Mukhang ang bata mo pa. First time mo lang ba magtrabaho sa warehouse?" "Twenty-four na ako. Oo, first time ko lang sa ganitong trabaho. Ang last na pinasukan ko ay sa restaurant." "Halata naman na hindi ka pa sanay. Saka ang kutis mo parang hindi pa nadadapuan ng langis." Saka sila nagtawanan. Natatawa na lang din si Mark sa kanila. Sa isip-isip niya, kahit mahirap ang trabaho sa warehouse ay kakayanin niya para mayroon siyang maitabi sa pang araw-araw niya. Hindi pa nga siya nakaka isang buong araw ay nararamdaman na niya ang pananakit ng katawan. Pero hindi niya pinahalata sa kanyang mga kasamahan para hindi siya tukauhin ng mga ito. Pagkatapos ng isang buong araw ay hinang-hina ang buo niyang katawan. Parang hindi na niya kakayanin pang maglakad pauwi. Mabuti na lang si Lando ay may bisikleta. Medyo malaki ito kaya pinasakay na siya sa likuran nito kahit nakatayo. Pumayag naman siyang umangkas sa likod dahil mukhang hindi na niya kakayanin pa ang maglakad. Tawa nang tawa sa kanya si Lando. Dahil nung unang pasok din niya sa warehouse ay ganun din ang kanyang naramdaman. Pagdating sa lumang bahay ay kaagad na itong bumaba sa bisikleta. Si Lando naman ay napanganga nang makita niya kung saan umuuwi si Mark. Hindi ito nahiyang magtanong kay Mark. "Pre, dyan ka ba talaga nakatira?" "Oo, bakit?" "Wala naman. Hindi ka ba natatakot dyan? Mukha kasing haunted house. Akala ko sa pelikula lang may ganyang klase ng bahay pati pala sa totoong buhay ay mayroon." "Gusto mo bang pumasok muna sa loob?" "Naku hindi na pre, pauwi na rin ako. Sige alis na ako. Ingat ka sa bahay na 'yan, Mark." Pag-alis ni Lando ay dali-dali niyang isinara ang tarangkahan ng gate. Habang paakyat ito ng hagdan ay muli niyang narinig ang sumisitsit sa kanya. Kinuha niya ang kanyang cellphone at binuksan nito ang flashlight ng telepono. Niligid niya ang flashlight sa buong bakuran. Gusto niyang makita kung saan nanggagaling ang sitsit na 'yon. Ilang araw na rin niyang naririnig 'yon kaya nasanay na lang din siya. Parang normal na lang sa kanya kapag naririnig niya ang sitsit na 'yon. Bago siya umakyat ay sinilip niya muna ang mga tanim niyang gulay sa likod bahay nagulat ito ng makita niyang wala na ang kanyang mga tanim. Inikot niya ang buong bakuran pero wala talaga siyang makita ni isa sa mga itinanim niya. Napakamot siya ng ulo. "Saan napunta ang mga tanim ko? Kung may nagnakaw naman nun edi sana may mga sanga pa ang mga kamatis. Pero bakit ang linis-linis ng bakuran?"  Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay tumakbo itong paakyat ng bahay. Hindi siya natakot sa sitsit at sa taong lobo. Pero sa mga tanim ay nakaramdam siya ng takot. Halos manlamig ang buo niyang katawan sa takot. Ngayon lang siya natakot ng ganun. Para mawala ang kanyang takot ay inisip na lang nito na ninakaw ng kapitbahay ang lahat ng kanyang pananim. Pagkatapos niyang gumawa ng konklusyon sa kanyang isip ay nakahinga na ito ng maluwag. Inalis rin niya ang takot sa kanyang isipan. Dahil pwede siyang patayin ng kanyang nerbyos. Nang matapos na siyang mag-isip ay nagbihis na ito ng kanyang pantulog.  Habang nagbibihis siya ng pantulog ay nagtataka naman siya kung bakit hindi pa siya binabalikan o dinadalaw man lang ni Tricia. Masyado ba itong abala sa trabaho kaya hindi na niya naisipan na dalawin man lang ang bagong kaibigan? At nang matapos siyang magbihis ay naalala niyang nangungupahan din nga pala si Tricia ng malapit sa trabaho niya. Kaya ang uwi lang nito ay kada sabado o linggo. Sa sobrang pagod ay hindi na nito nagawang kumain. Diretso tulog na ito sa sofa.  Dahil sa pagod ay nakalimutan nitong i-lock ang kanyang pinto. At nang nagkaroon ng pagkakataon ay nakapasok na ang matandang lalaki at ang itim na aso ng walang kaalam-alam si Mark. Pinuntahan ng matanda si Mark at tinitigan niya ito. Malayang nakalabas masok ang matanda sa kanyang kwarto. Lahat ng gamit ni Mark ay tinitingnan nito. Wala namang ginalaw ang matanda maliban sa isa. Ang itim na libro ay kinuha nito. Pero bigo siyang madala ito dahil bigla itong umapoy na naging dahilan ng pagtakbo ng matandang lalaki at ng itim na aso. Nagising si Mark ng marinig niyang kumalabog ang pinto. Nagulat pa siya nang makita niyang hindi pa pala niya ito naisara.  Pasalamat na lang siya dahil kung hindi dahil sa itim na libro ay malamang may nagawang masama sa kanya ang matandang lalaki at ang kasama nitong itim na aso. Pagkasara nito ng pinto ay nakita niya ang kanyang itim na libro ay nasa sahig at umuusok. Pinagpag niya kaagad ito para mawala ang apoy. Nagtataka naman ito kung bakit napunta ito sa sahig at umapoy, samantalang nakatago lamang ito sa cabinet. Hindi na niya inabala pa ang kanyang sarili sa pag-iisip. Nang maapula niya ang pag-aapoy ng itim na libro ay ibinalik na niya ito sa loob ng cabinet. Lingid sa kanyang kaalaman na napasok na siya ng wala siyang kaalam-alam. Nang maitabi na nito ang itim na libro ay bumalik na rin siya sa kanyang higaan. Alas-tres ng madaling araw ng bigla siyang magising dahil sa lakas ng pagkalabog ng pinto ng kusina. Dali-dali siyang nagtungo sa kusina para alamin ang sanhi ng pagkalabog ng pinto roon. Pagpasok niya sa kusina ay wala naman siyang nakita na kahit ano na pwedeng gumawa ng ingay, maliban na lang sa isa, kung talagang pinipilit buksan ang pinto ng kusina. Kumuha pa siya ng isang upuan at ipinatong niya ito sa inilagay niyang harang sa pinto. Pagkatapos niyang mapagpatong ang dalawang silya ay bumalik na siya sa sala. Dahil sa dalawang sunod na nangyari sa bahay ay hindi na ito nakatulog para bantayan kung sino man ang magtangkang pumasok sa bahay. At nang hindi na siya makatulog ay nagluto na lang siya ng kanyang babaunin na pagkain sa trabaho. Sandaling oras lang ay sumikat na ang araw. At dahil maliwanag na ay lumabas na siya ng bahay. Naisip niyang tingnan muli ang kanyang pananim. Dahil nung umuwi siya galing trabaho ay nakita niyang naglaho na ang lahat ng kanyang pananim. Kaya para makasiguro ay titingnan niyang muli ang kayang tanim. Dahan-dahan pa siyang bumaba ng hagdan. Pag-ikot nito sa likod bahay ay nakita niyang muli ang kanyang pananim. Isang malaking kababalaghan talaga ang nangyayari sa kanya at sa lumang bahay. Tumakbo siyang pabalik sa taas dahil nais nitong kumuha ng malalagyan ng gulay. Ang tanging nakita lang niya ay isang bilao. Bumalik ito sa likod bahay para pitasin ang mga gulay na nakikita nito sa kanyang harapan. Tuwang-tuwa siya habag namimitas. Haban abala ito sa pamimitas ng mga gulay ay may tumawag ng kanyang pansin. May isang babae na nakatayo sa labas ng gate. Ibinaba muna ni Mark ang bilao na punong- puno ng gulay. At pinuntahan nito ang isang babae na nakadungaw sa labas ng gate. Paglapit niya sa gate ay kaagad niya itong kinausap. "Ale, ano pong kailangan nila?" "Hindi ka pa ba nakakaramdam ng kakaiba sa bahay na 'yan?  "Po? Ano po ba ang ibig mong sabihin?" "Huwag kang mabibigla. Isinumpa ang bahay na 'yan pati ang lupang kinatitirikan ng bahay na 'yan." "A-ano po? Pakiulit nga po ang sinabi ninyo?" "Basta mag-iingat ka na lang. Kung gusto mo hanggat maaga pa ay lisanin mo na ang bahay na 'yan." Pagkatapos masabi ng babae ang lahat sa kanya ay napaisip si Mark. Pero kahit ano pang misteryo ang bumabalot sa bahay ay hindi niya iiwan ito. Swerte na nga siya at wala siyang binabayaran na upa. Kaya kahit na anong sabihin ng ibang tao ay hindi sita aalis sa bahay na 'yun. Bumalik siya sa kanyang ginagawa. Kahit na anong sinabi sa kanya ng babae ay hindi siya natinag o natakot man lang. Sa dami ba naman ng hinarap at kinalaban na curse, ngayon pa ba siya matatakot. Habang namimitas siya ng gulay ay pinag-iisipan niya kung babalik pa ba siya kina Renzo. Umiling ito dahil alam niya sa sarili niya na hindi na siya makakabalik doon. Dahil hinahanap na siya ng mga pulis sa dati niyang lugar. At dahil sa hindi niya maipaliwanag ang misteryosong pagkamatay ng manager ng restaurant ay siya ang napagbintangan. Isang bintang na wala namang katotohanan. Kaya dahil doon ay mas pinili niyang lumayo kaysa panagutan ang hindi naman niya kasalanan. Habang nag-aayos sita ng mga gulay na pinitas ay inilagay na muna niya ito sa refrigerator. Isang pamilyar na boses ang nagpadungaw sa kanya sa bintana. Si Tricia ang tumatawag sa kanya. "Mark! Mark!"  "Tricia, pasok ka na muna." Nagmamadaling umakyat si Tricia para magtanong. "Ano ba 'yung nabalitaan ko na tumubo raw sa likod bahay?" "Ah, 'yun ba? Halika at ipapakita ko sa iyo. Tara, dalian mo!" "Ano ba kasi 'yun, Mark?" "Basta." Sabay silang bumaba ng hagdan. At pagbabang-pagbaba nila ay namilog kaagad ang mga mata ni Tricia sa kanyang nakita. "Totoo ba ang lahat ng ito, Mark?" "Oo naman. Hawakan mo pa at isa-isahin mo para malaman mo na hindi 'yan peke." Pagkatapos ay hinawakan talaga ni Tricia ang lahat ng pananim na gulay nito. Manghang-mangha siya sa lahat ng gulay na nakikita niya ngayon sa kanyang harapan. Humingi pa nga ito ng kamatis saka niya ito tinikman. Sarap na sarap si Tricia sa hinog at matamis ng kamatis. "Sarap naman ng kamatis. Fresh na fresh. Saka ang galing naman ang lalaki ng mga pananim mo. Paanong nangyari na nakabuhay ka ng pananim dito. Hindi ba't kwento naman sa iyo ni Tita Belen na wala raw nabubuhay ni isang gulay dito. Pero bakit ikaw ay nabuhayan ka at malalaki pa ang mga naging bunga nito." "Hindi ko ng rin alam, eh! Basta pagkagising ko na lang kinabukasan ay ganyan na sila. Hindi ba't ang galing at nakakatuwa?" Biglang tumahimik si Tricia at napaisip. May nais siyang sabihin kay Mark. Pero hindi nito alam kung maniniwala ba ito sa sasabihin niya. Huminga na muna ng malalim si Tricia saka ito nagkwento kay Mark. "Mark, alam mo na ba ang kwento sa bahay na ito?" "Hindi pa. Bakit?" "Bali-balita kasi dito na isinumpa raw ang bahay at ang lupa nito. Kaya nga walang tumatagal dito na nangungupahan. Ikaw pa lang ang tumagal dito." "Seryoso?" "Oo nga! Kaya nga palagi kitang tinatanong kung maya multo rito, hindi ba? Pero sabi mo ay wala naman. Hindi ka ba natatakot sa lumang bahay na ito?" "Ha? Hindi naman. Wala naman akong ibang nararamdaman dito." Pagsisinungaling nito sa kaibigan. Pero ang totoo ay halos lamunin na siya ng nerbyos lalo nasa gabi. Ayaw niyang takutin si Tricia, pero may kailangan malaman si Tricia. Hinatak niya ang braso ni Tricia paakyat ng bahay. "A-aray ko naman! Makahatak ka naman sa braso ko parang puputulin mo na!" "S-sorry, teka maupo ka muna riyan at may ipapakita pa ako sa iyo na tiyak na ikakagulat mo." Kinuha niya ang mga gintong butil at pinakita niya ito sa kaibigan. Napabuntong-hininga muna si Mark bago niya ito inabot kay Tricia. "Tricia, tingnan mo ang mga 'yan." Saka niya pinakita ang mga gintong butil na ikinagulat talaga ni Tricia. "Mark, ano ito? Saan mo kinuha ang mga ito? Ginto ba ang mga ito?" "Siguro. Hindi ko rin kasi alam, eh. Nakuha ko lang 'yan sa likod bahay nang nagbubungkal ako ng lupa na pagtataniman ko sana." "Paano mo malalaman kung totoong ginto nga ang mga ito?" "Isa lang ang sagot sa tanong mo. Sa pawnshop o sa nagtitinda ng alahas." "Oo nga, ano? Pagkatapos ay anong gagawin mo kapag nalaman mong ginto nga ang mga ito? Saka teka lang, dapat pala kay Tita Belen ang lahat ng ito. Kasi sa lupa niya mo ito nakuha, tama ba?" "Oo. Pero gusto ko sana muna malaman kung totoong ginto nga 'yan o hindi." "At pagkatapos–" "Baka ibigay ko sa Tita Belen mo." "Maniwala akong ibibigay mo ang lahat ng ito." Napaisip din bigla si Mark sa tinuran ni Tricia. Ano nga kaya ang gagawin niya kapag nalaman niyang purong ginto ang kanyang nabungkal. "Magalit kaya ang Tita Belen mo kapag hindi ko ibibigay lahat ang mga butil na ito?" "Hindi ko alam. Kung tutuusin ay hindi naman niya alam na may gintong butil pala sa lupa ng pamilya niya. Hindi kaya sinabi lang na may sumpa ang lupa nito para hindi makita ang mga butil na 'yan?" "Maaari. O sadyang ibinaon ito sa lupa." "Pwede. Teka, ano na ang gagawin natin dyan? Baka kasi kapag dinala natin ang lahat ng 'yan sa pawnshop ay mapagbintangan tayo." "Oo nga, eh! Ikaw ano ba sa tingin mo riyan. Totoong ginto ba 'yan?" "Naku Mark, anong malay ko naman dyan. Sige subukan na lang natin itanong sa pawnshop pero isa lang ang ipakita natin para hindi nila tayo pagdudahan." "Sige, ayos 'yon."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD