Sinubukan dalhin ng magkaibigan ang isang gintong butil sa pawnshop. Doon ay ipinasuri nila kung totoo nga bang ginto ang butil na nabungkal ni Mark sa lupa. Pagdating ng dalawang magkaibigan ay umupo muna sila at hinintay na maubos ang tao sa pawnshop bago nila ipinasuri ang dala-dala na butil.
Nang wala ng tao sa loob ng pawnshop ay tumayo na si Mark at lumapit sa taong titingin ng butil. Iniabot niya ito sa ginang. Namangha naman ang ginang sa ipinakita ni Mark na gintong butil. Tinanong ng ginang kung saan ito nanggaling. Hindi pwedeng malaman ng ginang kung saan ito galing kaya nagsinungaling si Mark para hindi na siya usisain pa ng alahera.
Nang masuri ito tinanong siya kaagad ng ginang kung magkano niya ito gustong isanla. Umiling lang si Mark saka niya kinuhang muli ang gintong butil. Sinabi nito sa ginang na babalik na lang sila kapag alam na nito kung magkano nila ito isasanla.
Inaya na ni Mark si Tricia na umuwi. Nagkatinginan ang mga staff ng pawnshop ng biglang bawiin ni Mark ang gintong butil. Inusisa naman ni Tricia si Mark patungkol sa pagbawi nito sa alahera.
"Uy, bakit hindi mo pa isinanla 'yang gintong butil na 'yan? Ayaw mo ba nun mayroon ka ng magagamit na pera para sa gastusin mo?"
"Ano ka ba naman, Tricia. Hindi naman sa akin ang gintong butil na ito, hindi ba?"
"Sabagay, may point ka naman dun. Pero sayang pa rin, eh."
"Hayaan mo na. May trabaho naman na ako. Baka sumapat na 'yung sasahurin ko sa mga gastusin ko sa pang araw-araw."
"Ikaw ang bahala. O siya, tara na. Baka gabihin pa tayo sa daan."
"Teka nga, bakit ba palagi mo na lang sinasabi 'yang baka gabihin tayo sa daan. May aswang ba sa lugar natin?"
Napaisip bigla si Tricia sa kanyang sinabi sa kaibigan. Hindi nito alam kung paano niya sasabihin ang mga kababalaghan na nangyayari sa lugar nila kapag sasapit na ang gabi.
"Wala. Basta bilisan na lang natin. Alam mo naman na napaka dilim sa dadaanan natin."
Maging si Mark ay may sikreto na hindi niya masabi kay Tricia. Hindi kasi nito alam kung paniniwalaan siya ni Tricia kapag sinabi niya ang tungkol sa mga nararamdaman niya sa lumang bahay. May mga oras pa nga na halos hindi siya makatulog dahil sa mga naririnig at nakikita nito. Kababalaghan man 'yun o hindi. Basta ang alam lang niya ay may misteryong bumabalot sa lumang bahay na 'yon.
Patuloy lang sila sa paglakad hanggang sa–
"Mark, nakikita mo ba 'yon?"
"Ang alin?"
"Iyon oh!"
Tinuro ni Tricia ang malaking itim na aso na nasa harapan nila. Kasama nito ang matandang lalaki na minsang pumasok ng bahay ni Mark. Hinanda na ni Mark ang kanyang sarili dahil malamang ito na ang tamang oras para makaharap niya ang matanda at ang aso.
"Tricia, magtago ka muna sa may puno. Huwag kang lalabas dyan. Tricia? Naririnig mo ba ako? Uy, nasaan ka na ba? T-tri–"
Naglahong bigla si Tricia sa kanyang likuran. Hindi niya magawang hanapin ang kaibigan dahil abala siya sa pagtitig sa itim na aso at sa matandang lalaki.
Unti-unting lumalapit ang lalaki sa kanya. Habang siya naman ay umaatras. Inaalis niya ang takot sa dibdib para hindi siya maunahan ng matanda. Ramdam niya ang lakas ng matanda at ng kasama nitong itim na aso.
Habang siya ay umaatras may naririnig siyang malilit na yabag na nanggagaling sa kanyang likuran. Hindi niya magawa ng lingonin ito dahil baka dambahin siya ng aso kapag nawala ang atensyon niya rito. Pinakikiramdaman na lang niya ang bawat pag yabag ng paa na nasa kanyang likuran.
Pakiramdam ni Mark ay ang lapit-lapit na nito sa kanya. Ramdam niya ang bawat paghinga ng kung ano man ang nasa likuran niya. Hindi niya maikumpas ang kanyang mga kamay dahil sa sobrang kaba. At nang mapalapit na ang bagay na nasa likuran niya ay biglang kumaripas ng takbo ang itim na aso na kasama ng matanda. Maging ang matanda ay mabilis na naglaho.
At nang umalis ang itim na aso at ang matandang lalaki na nasa harapan niya ay nagkaroon na siya ng pagkakataon na harapin ang nasa likuran niya. Laking gulat nito sa kanyang nakita.
Napalunok siyang bigla nang lumapit sa kanya ang isang malaking aso na kulay puti na wangis ng isang wolf. Inaamoy-amoy siya nito at tinitingnan ng diretso sa mata na animo'y kinakausap siya nito.
Pagkatapos siyang amuyin ay tumakbo na itong papalayo sa kanya. Malakas ang kutob niya na kilala niya ang lobo na 'yon. Nakahinga lang siya ng maluwag ng makaalis na siya sa madilim na lugar na 'yon.
Patuloy niyang hinanap si Tricia.
"Tricia! Nasaan ka na ba? Tricia! Tricia!"
Habang tinatawag niya ang pangalan ni Tricia ay may naririnig siyang kumakaluskos na papalapit sa kinatatayuan niya. Kinabahan na naman siya sa pag-aakala na bumalik ang mga nakaharap niya kanina. Ngunit, sa halip na matakot siya ay natulala pa siya sa kanyang nakita.
"T-tricia, ikaw ba 'yan? Bakit ganyan ang ayos mo? Nasaan ang damit mo?"
"Pwede mamaya ka na lang magtanong dyan! Tulungan mo na lang kaya ako."
"Halika at tumayo ka na riyan. Ano ba 'yan kanina lang ay may damit ka pa. Teka–"
Naghubad si Mark ng kanyang pang itaas na damit at ipinasuot niya muna ito kay Tricia.
"Oh ito.. isuot mo muna ang t-shirt ko hanggang sa makauwi tayo."
"Salamat."
"Ano ba kasi ang nangyari sa'yo?"
"Huwag ka na lang magtanong, Mark. Bilisan mo at lumakad ka na. Baka kung ano na naman ang makita natin dito."
Pagkatapos ay dali-dali ng lumakad papalayo ang dalawa sa masukal na daan. Habang naglalakad ang dalawa ay hindi pa rin maalis-alis sa isip ni Mark ang nangyari sa kaibigan. Hindi niya gaanong makausap ito dahil kapag nagtatanong siya ay nagagalit si Tricia.
Nang makarating sila sa bahay ng tiyahin nito ay binigyan agad ng Tita Belen niya si Tricia ng masusuot. Tiningnan ni Mark ang dalawa. May pakiwari siya na alam ng tiyahin nito ang nangyayari sa pamangkin. Pagkatapos makapagbihis ni Tricia ay nagpaalam na si Mark para makauwi na rin ito sa kanyang inuupahan.
"Tricia, Aling Belen, mauna na po ako. Tricia, kapag okay ka na.. usap tayo."
Tumango lang si Tricia sa sinabi ng kaibigan. Pagkatapos ay lumabas na ito ng gate at umuwi. At nang malayo-layo na si Mark ay kinausap ni Aling Belen si Tricia.
"Nakita ka ba ni Mark?"
"Hindi naman po. Pero alam mo po Tita Belen parang may kakaiba kay Mark."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Aalamin ko pa po, tita. Huwag po kayong mag-alala dahil ramdam ko naman po na hindi siya panganib sa atin."
"Sana nga. Sige na at magpahinga ka na."
Samantala, si Mark naman ay tulala lang sa isang tabi. Iniisip pa rin niya ang nangyari sa masukal na daan. May ideya na siya kung saan niya babalikan ang matandang lalaki at ang kasama nitong itim na aso. Pero hindi lang ang tungkol sa matanda at sa aso ang iniisip niya maging ang nangyari sa kaibigan niyang si Tricia. Ang huling naaalala niya ay ang paglalaho nito ng hindi niya namamalayan.
"Hindi kaya– si Tricia at ang puting aso ay iisa?"
Tanong niya sa sarili habang nakadungaw sa bintana. Maya-maya pa ay may narinig siyang kalabog na nanggagaling sa cabinet. Pinuntahan niya ito para alamin kung ano ang tunog na 'yon. Paglapit niya sa pinto ng cabinet ay bigla na lang itong bumukas at nagliwanag sa loob nito. Takang-taka naman ito sa kanyang nakita.
Dahan-dahan siyang lumapit sa cabinet para lalo niyang makita kung saan nanggagaling ang liwanag. Laking gulat nito nang makita niya ang mga gintong butil na nagliliwanag. Kinuha niya ito at tiningnan ng malapitan. Pagbukas niya ng lalagyan nito at nanlaki ang mga mata niya ng makita nito ang mga gintong butil na lumalaki at dumarami.
Halos hindi na magkasya ang mga butil sa lalagyan nito. Kaya naghanap si Mark ng malaking malalagyan nito. Abot hanggang tenga ang ngiti niya ng makita niya ang pag doble ng mga butil. Nang lumaki ang butil ay lalo itong kumintab at kuminang. At dahil dumoble na ang sukat nito ay mas maikukumpara na ito ngayon sa laki ng pasas.
Kinuha niya ang isa at pinagkatitigan niya ito ng maigi. At nang makarinig siya ng ingay na nagmumula sa labas ay naisipan na niyang ibalik ang mga gintong butil sa bago nitong lalagyan. Saka niya ito ibinalik sa cabinet. At dali-dali niyang kinandado ang mismong cabinet.