Pagkatapos maibalik ang gintong butil sa cabinet, kinuha naman nito ang itim na libro. Bumalik siya sa sala at muli niyang binasa ang itim na libro. Muli niyang binalikan ang pahina kung saan nakasaad doon ang tungkol sa itim na aso. Ngunit nawawala ang pahina na 'yon. Nilipat niya ang ibang pahina para makasiguro na tama ang kanyang hinala. Nakita niya ang palatandaan na may punit ang isang pahina.
"Nasaan na 'yon? Kagabi lang ay binabasa ko pa ang pahinang 'yon. Hindi pwedeng mawala ang pahina na 'yon dahil doon nakasulat kung paano ko maaalis ang sumpa na bumabalot sa matandang lalaki."
Isang malaking tanong sa kanyang isipan kung paanong napunit ang pahina gayung wala namang nakakapasok sa lumang bahay, maliban na lang kung habang nasa trabaho siya ay may nagtangkang pumasok sa bahay at nakawin ang isang pahina ng libro.
Hindi na niya tuloy alam kung ano ang gagawin niya sa curse na kanyang nakaharap. Ang isa pang bumabagabag sa kanya ay ang isang malaking puting aso na nakaharap niya. Kasama kaya 'yon sa curse o isa siyang kakampi. Naguguluhan tuloy si Mark kung ano ang kanyang gagawin sa mga aso na kanyang nakasalamuha.
At kung may misteryo man sa lugar na 'yon bakit wala ni isa ang nagrereklamo. Hindi kaya siya lang na naman ang nakakakita ng mga ito? Sinampal-sampal niya ang kanyang sarili hanggang sa magising siya. Hindi pa rin kasi siya makapaniwala sa mga nangyayari sa kanya at sa lugar na 'yon. Dagdag pa sa isipin niya ay ang mga gintong butil na itinatago niya.
Nagdadalawang-isip si Mark kung ibibigay niya ba ang mga ito kay Aling Belen o itatago na lang niya ito kasama ng itim na libro. Marahil ay malalaman din ito ng matanda dahil alam na ito ng kanyang pamangkin. Hindi naman lingid sa kanya na malapit ang mag tiyahin sa isa't isa. Nais na niyang matulog pero hindi naman siya dalawin ng antok.
Habang siya ay nakatingin sa kawalan ay muling nagpakita sa kanya ang matandang lalaki pero sa pagkakataon na 'yon ay hindi nito kasama ang itim na aso. Nang magawi ang kanyang tingin sa matanda ay napaatras ito sa kanyang nakita. Hindi lang ang matanda ang nasa ilalim ng puno. May iba't ibang uri ng hayop siyang nakikita. Halos tumayo ang kanyang balahibo sa takot dahil sa kanyang mga nakikita.
"Ano na naman kaya ang mga iyon?"
Pagtatakang tanong niya sa kanyang sarili. Huminga siya ng malalim dahil hindi na nito maintindihan ang mga nangyayari sa kanyang paligid. Ang nagpalakas ng kabog ng kanyang dibdib ay ang napakalaking ibon na itim na nasa ibabaw ng puno. Maikukumpara mo ito sa isang malaking agila. Pero ito ay mas nahahawig sa isang uwak. Sari-saring hayop ang kasama ng matandang lalaki. Gustuhin man niyang bumaba at lapitan ito para kausapin pero mas nananaig ang takot sa kanyang dibdib.
"Ano kaya ang kailangan nila sa akin? Hindi kaya ang mga gintong butil ang binabalik-balikan nila sa akin? Kung ako ang gusto nila bakit hindi man lang nila ako sinasaktan?"
Saka siya lumapit sa bintana para makita niya ng maigi ang mga kasamang hayop ng matandang lalaki. Pakiwari ni Mark ay may ibang kailangan ang matanda sa kanya. Pero paano niya 'yon malalaman kung hindi niya ito makakausap ng malapitan. Isa-isa ng nag-aalisan ang mga hayop na kasama ng matanda. Ngunit, ang matanda ay nanatiling nakatayo sa ilalim ng puno. Ngayon lang niya napagtanto na may misteryo nga sa lugar na 'yon at kung ano man ito, iyon ang kanyang aalamin sa mga susunod na araw.
Sa palagay naman niya ay hindi naman konektado sa Demon Lord ang mga nakikita niya ngayon. Dahil kung kasama sila sa sumpa ng Demon Lord, malamang ay matagal na niya itong nakalaban. Isa lang ang naiisip niya. Ang gintong butil o ang itim na libro ang nais na makuha ng matandang lalaki sa kanya. Pero hindi niya ito pahihintulutan na mangyari 'yon. Hangga't maaari ay poprotektahan niyang maigi ang itim na libro na bigay sa kanya ng kanyang nakagisnan na magulang. At hindi rin niya pababayaan na mapunta sa matandang lalaki ang mga gintong butil.
Hindi nagtagal ay umalis na rin ang matandang lalaki sa ilalim ng puno. Kaya nakapagsara na ng bintana si Mark. Nang maisara na niya ang bintana ay naglatag na siya ng kanyang higaan. Pinilit niyang matulog dahil maaga pa ang kanyang pasok sa warehouse.
Kinabukasan ay hindi namalayan ni Mark ang oras. Tinanghali siya ng gising at kung hindi pa niya narinig ang ingay na nanggagaling sa labas ay hindi siya magigising. Dali-dali siyang tumayo at nagtungo sa banyo para maligo pagkatapos ay nagbihis na siya ng uniporme. Eksakto pagbaba niya ng hagdan ay nakita niya si Tricia na papasok na rin ng pabrika. Tinawag niya ito para sumabay na lang sa pagpasok.
"Tricia!"
Napalingon si Tricia ng marinig nito ang tawag ni Mark. Sinenyasan niya si Mark at pinakita ang kanyang orasan.
"Dalian mo! Hindi ba't sabi ko sa'yo huwag kang mahuhuli sa pagpasok sa trabaho. Kabago-bago mo pa lang sa warehouse ay late ka na agad. Tara na, bilisan mo kumilos."
"Ito na nga po at nagmamadali na."
Nang may mapadaan na bus sa kanilang harapan ay kaagad nila itong pinara. Kahit punuan ang bus ay nagtiyaga silang tumayo para lang makapasok sa trabaho. Hindi alintana sa dalawang magkaibigan ang dikit-dikit na nilang mukha. At nang makababa sila ay saka lang sila nakahinga ng maluwag. Mas naunang pumasok si Mark dahil mas malapit lang naman ang warehouse kaysa sa pabrika na pinapasukan ni Tricia. Nagmamadali ng nagpaalam si Mark sa kaibigan.
At nang makarating siya sa warehouse ay nakarinig siya kaagad ng sermon sa manager. Pero naawa naman ito kaya pinapasok na lang siya kahit late. Pinagsabihan na lang siya nito na sa susunod na mahuli pa siya sa pagpasok ay magkakaroon na siya ng record. Habang nag-aayos sila ng mga kahon na isasalansan ay bigla siyang nahilo kaya napakapit siya sa upuan. Pagkatapos ay may nakita siyang liwanag na nanggagaling sa kalangitan. Nang mawala ang liwanag ay may narinig naman siyang bumulong sa kanyang tenga. Lumingon siya kaagad sa kanyang likod pero wala naman siyang nakitang tao sa kanyang likuran. Napabuntong-hininga na lang siya saka niya ipinagpatuloy ang kanyang ginagawa.
Maya-maya pa'y may isa siyang kasamahan na bigla na lang bumagsak sa sahig at tumirik ang mata. Natakot ang kanyang mga kasamahan at dahil sa pangyayaring 'yon ay tinawag nila ang manager. Nataranta rin ang manager at nagpatawag kaagad ng ambulansya. Nilapitan ito ni Mark at tinitigan niya ito. Nakita niya sa mga mata nito ang isang anyo ng demonyo. Tumingin siya sa mga kasama niya at sa manager. Marahil ay gusto niyang itanong kung nakikita ba nila ang nakikita niya sa mga mata ng bumagsak na kasamahan. Pero hindi niya magawa na itanong ang kanyang nakikita.
At dahil alam ni Mark ang gagawin ay sinabi na nito ang orasyon na nalaman lang din niya sa itim na libro. Pagkatapos ay hinipo nito ang ulo ng taong sinasaniban at laking gulat ng lahat ng biglang manumbalik ang lakas ng kanilang kasamahan. Nagkatinginan ang lahat at pagkatapos at tiningnan nila si Mark na may pagtataka. Tumayo ang sinaniban at nagwika..
"Anong nangyari sa akin?"
Walang masagot ang mga kasamahan nito dahil ang tanging alam lang nila ay bigla itong bumagsak at tumirik ang mga mata na mistulang sinasaniban. At nang maalis ni Mark ang sumpa ay tumakbo itong papalayo sa lahat. Hinabol siya ni Lando. Pero nagkulong kaagad si Mark sa banyo. Walang kaalam-alam si Lando sa nangyayari sa bagong kaibigan.
"Mark! P're, ayos ka lang ba riyan?"
"Oo. Sige na bumalik ka na roon."
Pero ang totoo ay hinang-hina pa si Mark sa nangyari. Hinintay niyang mawala muna ang hapdi ng bagong marka na kumapit sa katawan niya. Nang makaramdam siya na umigi na ang kanyang pakiramdam ay bumalik na ito sa trabaho. Pagbalik niya sa loob ng warehouse ay tampulan na siya ng tsismis ng mga kasamahan nito. Hindi na lang niya pinansin ang mga ito. At kapag napapalapit siya sa mga kasamahan niya ay isa-isa naman siyang nilalayuan ng mga ito. Marahil ay takang-taka ang mga ito sa ginawa niya at sa isa nilang kasamahan.
Nang makita ni Lando na si Mark ang pinagkukwentuhan ng mga kasamahan niya ay nilapitan niya ito at kinausap.
"Uy Mark, paano mo 'yon ginawa, ha?"
"Ang alin?"
"Kunwari ka pa! Alam ko na alam mo ang ibig kong sabihin."
"Ah, iyon ba? Hindi ko rin alam, eh. Basta nung nakita ko na tumirik ang mga mata niya ay may biglang bumulong sa tenga ko."
"Ha? May bumulong sa tenga mo? Ano naman ang ibinulong sa'yo?"
Nagkibit-balikat na lang si Mark sa tanong ng kaibigan. Tinapik na lang niya ang balikat ni Lando at bumalik na ito sa kanyang ginagawa. Hindi na lang siya dumidikit sa kanyang mga kasamahan para hindi siya iwasan ng mga ito. Nang tanghalian na ay isa-isa nang lumabas ang mga kasamahan niya para kumain. Siya naman ay lumabas na rin at pumunta sa isang tindahan at bumili ito ng maiinom. Inaya siya ni Lando kumain sa canteen pero tumanggi ito kaya iniwan na siyang mag-isa sa tindahan. Hindi naman niya ininda ang pag-iwan sa kanya ng kaibigan. Sinadya niyang umiwas sa mga ito para hindi na siya ang maging tampulan ng usapan ng mga ito.
Malamang ay hindi rin maiintindihan ni Lando kahit sabihin pa niya ang totoo. Habang umiinom siya ng softdrink ay may nakatingin sa kanya. Tiningnan niya rin ito, pagkatapos siyang titigan ay umalis na ito. Napailing siya at ngumisi na parang aso. Hindi pa tapos ang breaktime pero bumalik na kaagad si Mark sa loob. Maya-maya pa'y pumasok na rin ang iba. Tahimik na ang karamihan sa mga kasamahan niya. Maging siya ay hindi na muna nakikipag-usap sa mga ito at kahit kay Lando ay umiiwas muna siyang makipag-usap.
Habang abala ang lahat ay tinawag ng manager si Mark. Dali-dali niya itong pinapunta sa kanyang opisina. Sinundan naman siya ng tingin ng mga nakakita sa kanya ng papasukin siya ng opisina ng manager. Pagpasok sa opisina ay kaagad siyang pinaupo ng manager para usisain sa ginawa nito kanina.
"Mark, magtapat ka nga sa akin. May kaalaman ka ba sa black magic?"
"Po? Ano pong black magic?"
"Mga magikero na gumagamit ng itim na salamangka o itim na kapangyarihan."
"A-ako po? H-hindi ko po kayo maintindihan, sir."
"Sabihin mo na lang kasi ang totoo. May itim kang kapangyarihan, no?"
"Wala po, sir."
At nang wala siyang makuhang sagot kay Mark ay pinalabas na niya ito ng opisina. Paglabas niya ng opisina ay napakamot na lang siya ng ulo. Pagkatapos ay hinimas-himas niya ang kanyang baba.
"Black magic? Ano ba 'yun?"
Saka siya tumawa ng palihim. Habang pabalik siya sa kanyang pwesto ay nakatingin na naman ang karamihan sa kanya. Kaya payuko na siyang naglakad para hindi na niya makita pa ang reaksyon ng mga mukha ng mga kasamahan niya. Nang matapos ang araw niya sa warehouse ay hindi na muna siya sumabay kay Lando pauwi.