Pagdating ni Mark sa bahay ay bakas sa mukha niya ang pagod sa maghapong trabaho sa warehouse. Habang nagpapalit ng damit ay may narinig siyang nagbubukas ng tarangkahan ng gate. Dali-dali siyang lumabas ng pinto para makita kung sino ang nagtatangkang pumasok sa gate. Sa taranta niya ay nakalimutan niyang magsuot ng damit pang itaas.
At nang makita niyang si Tricia ang nagbubukas ng gate ay nagmadali kaagad itong bumalik sa loob para magsuot ng damit. Lihim pa siyang natatawa sa kanyang sarili dahil sa taranta niya ay muntik na rin niyang makalimutan magsuot ng pang ibabang damit. Maya-maya pa'y narinig na niyang kumakatok si Tricia sa pinto.
"Mark?"
"Sino 'yan?"
"Si Tricia ito."
Patay malisya pa siyang hindi niya alam kung sino ang kumakatok sa pinto. Pero ang totoo ay kanina pa niya alam na si Tricia ang kanyang bisita.
"Ang tagal mo namang magbukas ng pinto. May ginagawa ka ba? Nakakaistorbo ba ako sa'yo?"
"Sus, ikaw istorbo? Hindi kaya! Teka nga, bakit may problema ba?"
"Wala naman. Pauwi pa lang kasi ako sa boarding house kaya naisipan ko munang daanan ka rito galing kasi ako kay Tita Belen. Ipinamili ko siya ng makakain niya. Ikaw nakakain ka na ba?"
"Oo, tapos na."
"Talaga? Saan ka naman kumain?"
"Sa canteen ng warehouse. Bakit ka ba nagtatanong kung kumain na ako, ililibre mo ba ako?"
Pabirong tanong niya sa kaibigan. Pero matipid na ngiti lang ang isinagot ni Tricia sa kanya. Luminga-linga si Tricia na animo'y may hinahanap. At nang mapansin siya ni Mark ay nagtanong ito.
"May hinahanap ka ba, Tricia?"
"Oo."
"Ano naman 'yung hinahanap mo?"
Hindi na nahiyang magsabi si Tricia at naglakas na siya ng loob na magtanong kay Mark patungkol sa mga gintong butil.
"Nasa sa'yo pa ba ang mga gintong butil? Gusto ko sana ulit makita ang mga ito? Okay lang ba?"
"Oo naman. Teka lang at kukuhanin ko."
Saka ito nagtungo sa cabinet kung saan nakatago ang mga gintong butil. Lingid naman sa kanyang kaalaman na sinusundan na pala siya ng tingin ni Tricia habang kinukuha niya ang mga gintong butil sa cabinet. At nang marinig na ni Tricia na pabalik na ito ng sala ay dali-dali siyag bumalik sa kanyang upuan.
"Ito na. Bakit mo nga pala gustong makita ang mga 'yan?"
"Wala lang. Ay teka nga, bakit ang laki na ng mga butil? Ano ito buhay?"
"Hindi ko nga rin alam, eh. Basta pagkakita ko dyan kahapon ay malaki na sila."
"Nakakapagtaka naman, ano?"
"Sinabi mo pa! Oo nga pala, ibibigay ko na ba ang mga 'yan sa Tita Belen mo?"
"Hindi ko alam. Ikaw naman ang nakakita ng mga 'yan, hindi ba? Ikaw ang bahala magdesisyon."
"Sabagay."
Pagkakita ni Tricia ay ibinalik na nito ni Mark sa kanyang lalagyan. Pagkatapos ay nagpaalam na si Tricia sa kanya. Hinatid pa niya ito sa labas ng gate.
"Tricia, hindi ka ba natatakot maglakad mag-isa sa daan? Gusto mo bang samahan pa kita sa labasan?"
"Hindi na. Kayang-kaya ko na ang sarili ko. Saka huwag mo na akong alalahanin taga rito ako kaya walang gagalaw sa akin dito. Sige na, pumasok ka na sa loob."
"Sige, ingat ka na lang."
Tumango lang si Tricia pagkatapos ay tumalikod na ito at umalis. Nang makalayo na ang kaibigan ay luminga-linga si Mark sa paligid. Tinitingnan niya ang matandang lalaki na laging nagmamatyag sa kanya. Sa kasamaang-palad ay hindi niya ito nakita. Kung kailan handa na siyang makipagtuos sa matanda ay saka naman ito hindi nagpapakita.
Samantala, habang naglalakad si Tricia sa masukal na daan ay nakasalubong nito ang matandang lalaki kasama ng asong itim. Nagkatitigan ang dalawa.
"Paraanin mo ako tanda!"
"Saan mo naman balak pumunta, hija?"
"Ano ba ang pakialam mo. Umalis ka sa daraanan ko. At kung pupwede ay huwag mong pakialaman ang kaibigan ko, kung ayaw mong tayong dalawa ang maglaban?"
"Malakas na ang loob mo, hija. Hindi ka na ba natatakot sa akin? Kung ayaw mong madamay ang kaibigan mo, ibigay mo sa akin ang gintong butil at ang itim na libro."
"Bakit ko naman ibibigay sa'yo ang hindi naman para sa'yo. Lubayan mo ang kaibigan ko."
Nang hindi pumayag si Tricia sa gusto mangyari ng matandang lalaki ay inutusan nito ang itim na aso na sugurin si Tricia at patayin. Sa galit ni Tricia ay napilitan na itong magpalit ng anyo bilang puting aso na kasing laki ng isang lobo. Umatras ang itim na aso dahil alam nitong hindi nito kakayanin ang lakas na taglay ni Tricia. Hinabol niya ang itim na aso hanggang sa mapatay niya ito. Pagkatapos ay binalikan niya ang matandang lalaki. Ngunit, huli na siya dahil muli lang itong naglaho na parang bula.
At dahil hindi siya pwedeng makita ng mga tao sa ganung anyo, mabilis itong tumakbo at nagtungo sa bahay ng kanyang tiyahin. Pagdating sa bahay ng kanyang Tita Belen ay mistulang hinang-hina ito.
"Ano naman ba ang nangyari? Nagkita na naman ba kayo ng matandang lobo?"
"Opo, Tita Belen. Tiyak kong galit na galit 'yon dahil napatay ko ang kanyang alaga."
"Ha? Bakit?"
"Sinugod nila ako at gustong patayin. Kaya inunahan ko na sila. Mali po ba ang ginawa ko, tita?"
"Walang mali sa ginawa mo. Ipinagtanggol mo lang ang iyong sarili. Pero dahil sa ginawa mo ay malamang pati ako ay balikan ng matandang lobo."
"Hindi ka niya magagalaw, tita. Hanggat may proteksyon ang bahay mo ay hindi ka niya mapapasok dito. Maliban na lang kung lalabas ka ng bahay sa gabi."
"Lagi kang mag-iingat, Tita Belen. Bukas na bukas din ay magpapaalam na ako sa boarding house. Sasamahan na lang muna kita rito. Pwede naman akong mag bus papasok ng trabaho."
"Mas maigi pa nga ang ganun, anak. Natatakot na rin kasi akong mag-isa dito sa bahay."
Pagkatapos nila makapag-usap ay nagbihis na si Tricia at lumabas siya saglit ng bahay para tingnan ang paligid. Nilagyan pa niya ng dagdag proteksyon ang bawat sulok ng bahay ng kanyang tiyahin para siguraduhin na hindi makakapasok ang matandang lobo kasama ng mga alaga nito.
Kinabukasan ay maagang pinuntahan ni Tricia si Mark para kamustahin.
"Mark! Mark! Tao po!"
Napabalikwas si Mark sa higaan ng marinig nito ang malakas na tawag ng kaibigan. Dali-dali itong lumabas ng pinto para pagbuksan ng gate si Tricia.
"Ang aga-aga mo naman Tricia manggising."
"Sorry naman. May gusto lang kasi ako sabihin sa'yo. Saka tanghali na kaya, tulog ka pa?"
"Napuyat kasi ako kagabi."
"Napuyat? Bakit ano naman ba ang pinagkakaabalahan mong gawin para mapuyat ka?"
"Basta! Bakit ano ba kasi ang importanteng bagay na sasabihin mo?"
"Magbihis ka."
"Ha? Wala namang pasok sa warehouse, hindi ba?"
"Alam ko. Basta magbihis ka. Dalian mo!"
Napakamot na lang ng ulo si Mark sa tinuran ng kaibigan. Wala rin siyang nagawa kung hindi ang sumunod sa gusto ni Tricia. Pagkatapos nitong makapagbihis ay kaagad na silang umalis.
"Saan ba kasi talaga tayo pupunta, ha?"
"Kay kapitan, ipapakilala kita."
"Ha? Bakit naman kailangan pa niya akong makilala?"
"Sumunod ka na nga lang. Wala ng maraming tanong."
"Opo."
Tumawa na lang ang dalawa habang naglalakad. Nang malapit na sila sa tirahan ng kapitan ay muling pinagtinginan si Mark ng mga taong nasasalubong nila. Hindi na lang pinansin ni Mark ang mga taong kung makatingin sa kanya ay akala mo ay lalamunin siya ng buhay.
Habang abala ang lahat sa labas ng bahay ng kapitan ay lumapit si Tricia para ipakilala ang kaibigan.
"Magandang umaga po, kapitan. Ang kaibigan ko nga po pala si Mark. Bagong lipat lang po siya sa lumang bahay po ng Tita Belen."
"Magandang umaga rin naman, Tricia. Siya ba 'yung sinasabi mo sa akin?"
"Ay opo, kapitan."
Nagtataka naman si Mark kung bakit kailangan pa siyang makilala ng kapitan sa lugar nila Tricia.
"Kamusta ka, Mark?"
"Ayos lang po, kapitan."
Saka lang nakipag kamay si Mark sa kapitan. Binulungan ni Mark si Tricia. At nang mapansin ng kapitan na nagbubulungan ang dalawang magkaibigan ay napangisi na lang ito. Nahalata ni Tricia ang ngisi ng kapitan kaya pinatahimik nito si Mark.
"Kapitan, nabalitaan niyo na po ba 'yung nangyari sa asong itim?"
"Oo nga eh. Mabuti nga't napatay na 'yun. Perwisyo lang ang dala ng aso na 'yon at ng matandang amo nun."
Kinindatan ni Tricia ang kapitan habang nagkukwento ito. Nais lang nito ipahiwatig sa kapitan na hindi pa alam ni Mark ang tungkol sa mga lobo at sa matandang lobo na amo ng mga ito. Kaya biglang natahimik ang kapitan. At itinikom nito ang kanyang bibig. Nilapitan nito si Tricia at kinausap ito ng pabulong.
Lumayo naman si Mark tanda ng paggalang sa dalawang nag-uusap.
"Tricia, hindi pa ba niya alam ang tungkol sa nayon natin?"
"Hindi pa nga po kapitan. Humahanap pa po ako ng tamang tyempo para sabihin sa kanya ang lahat. Ang tungkol sa mga lobo at ang sa matandang lobo."
"Hindi naman kaya siya matakot kapag sinabi mo ang totoo sa kanya."
"Hindi naman po siguro. Saka nasa kanya pa po ang mga gintong butil."
"Hindi pa ba niya alam kung para sa 'yung mga gintong butil na hawak niya."
"Hindi pa rin po. Kapag nasabi ko na po sa kanya ang tungkol sa pagkatao natin ay sasabihin ko na rin po kung para saan ang mga gintong butil na hawak niya."
"Babantayan mo siyang mabuti, Tricia. Mahirap na baka makuha ng matandang lobo ang mga gintong butil na hawak niya."
"Opo. Huwag po kayong mag-alala. Bumalik na po ulit ako kay Tita Belen. Baka po kasi ang tita ang balikan ng matandang lobo."
"Bakit mo naman nasabi na ang Tita Belen mo ang babalikan ng matandang lobo?"
"Kapitan, ako po kasi ang nakapatay sa itim na aso."
"Ganun ba? Dapat ngang mag-ingat kayo."
Lingid sa kaalaman ni Tricia ay may kakayahan si Mark na makarinig ng mga usapan na kahit gaano pa ito kalayo sa kanya. Kaya ang lahat ng napag-usapan nila ng kapitan ay alam na niya. Napaisip siyang bigla na hindi pala siya dapat matakot sa lugar ng kaibigan dahil protektado pala siya ng mga katulad ni Tricia.