CHAPTER 43

1489 Words
Nang marinig lahat ni Mark ang pinag-usapan ng kapitan at ng kaibigan nito na si Tricia ay nagkunwari siyang walang naririnig. Tiningnan siya ni Tricia para siguruhin na hindi nito naririnig ang usapan nila ng kapitan. At nang makita ni Mark na tinitingnan siya ng kaibigan ay ibinaling nito ang tingin sa iba. Nakakita siya ng upuan at doon muna siya nanatili habang hinihintay ang kaibigan niyang si Tricia. Muling nag-usisa ang kapitan patungkol sa gintong butil. "Tricia, nakita mo na ba ng aktwal ang mga gintong butil?" "Opo. Bakit niyo naman po naitanong kapitan." "Gusto ko lang din sana makita. Pumayag naman kaya ang kaibigan mo na makita ko ang gintong butil?" "Hayaan niyo po kapitan kakausapin ko po siya. Papayag naman po siguro si Mark na ipakita sa inyo ang gintong butil. May balak po ba kayong hingin ito?" "Ha? Paano mo naman nasabi na gusto ko humingi ng gintong butil?" Hindi na sumagot pa si Tricia, nagkibit-balikat na lang ito ng marinig niya ang tinuran ng kapitan. Nagpaalam na siya sa kapitan at nangako ito na kakausapin si Mark patungkol sa gintong butil. Kinawayan na niya si Mark para sabihin na uuwi na sila. Dali-dali naman siyang lumapit sa kaibigan. "Tapos na ba kayo mag-usap ni kapitan?" "Oo. Halika na at may importante tayong pag-uusapan." "Ha? Tungkol saan na naman 'yan?" "Kapag nasa bahay na lang tayo saka ka magtanong." "Ganun?" "Oo, ganun. Ay naku, dalian mo na nga maglakad dyan. Napakabagal mo talaga kumilos." "Tamang madali lang? May pupuntahan ka ba?" Nagkatinginan pa ang dalawa sabay tawa at habang naglalakad sila pabalik ng lumang bahay ay may nakasunod sa kanila sa likuran kaya binilisan pa nila ang kanilang paglalakad. "Tricia, may sumusunod ata sa likuran natin?" "Hayaan mo 'yan, huwag mo na lang pansinin. Bilisan mo!" Sa isip-isip ni Mark na kahit umaga pala ay may gusto talagang gumambala sa kanila. Kaya ang ginawa ni Tricia ay hinatak niya ang braso ni Mark para bumilis ito sa paglakad. Hindi nila nililingon kung sino ang sumusunod sa kanila hanggang sa– "Tricia?" Biglang natigilan si Tricia sa paglalakad at dahan-dahan niyang nilingon ang taong nakasunod sa kanila. Nagulat pa siya nang makita niya kung sino ang taong sumusunod sa kanila. "Kapitan? Ikaw lang po pala. Akala po namin kung sino na. Bakit po may nakalimutan po ba kayong sabihin?" "Wala naman. Naisip ko na sumama na lang sa inyo para makausap ko rin si Mark ng personal. Alam mo naman na siguro kung ano ang pakay ko sa kaibigan mo, hindi ba?" "Opo, kapitan." "Alam na ba ni Mark ang pakay ko sa kanya?" "Hindi pa nga po. Balak ko palang po sana sabihin pag-uwi. Pero tutal nandito na rin naman po kayo, bakit hindi na lang po kayo ang magsabi sa kanya." Napakunot ng noo si Mark dahil hindi niya alam kung tungkol saan ang kanilang pinag-uusapan. Sumali na siya sa usapan ng dalawa para mag-usisa. "Mawalang galang na po, kapitan. Tungkol po ba saan ito?" "Mark, nais ko lang sana makita ang gintong butil. Kung okay lang sa'yo." "Ah, 'yun lang po ba? Sige po." "Talaga? Ay, salamat naman kung ganun." Nang masabi na ng kapitan ang pakay niya kay Mark ay sabay-sabay na silang pumunta sa lumang bahay. Napatingin si Mark kay Tricia at ganun din naman si Tricia sa kanya. Nang malapit na sila sa tarangkahan ng gate ng lumang bahay ay muli silang natigilan sa paglalakad. Nakasalubong naman nila ang matandang lalaki na animo'y galit na galit kay Tricia. Halos hindi maalis ang tingin ng matandang lalaki kay Tricia. At dahil sa takot ay dali-dali na silang naglakad patungong gate. At nang muling nilingon ni Tricia ang matanda ay bigla na lang ito naglaho na parang bula. At dahil doon ay nakahinga na siya ng maluwag. Tuloy-tuloy na sila sa lumang bahay. Habang papaakyat ang kapitan sa huling baitang ng hagdan, sa bungad pa lang ng pinto ay may nararamdaman na siyang kakaiba sa lumang bahay. Napatingin siya kay Tricia dahil sa naramdaman niya. "Kapitan, ayos lang po ba kayo?" Tumango naman ang kapitan sa tanong ni Tricia. Pagpasok ng pinto ay lalo siyang nakaramdam ng malakas na presensya. Hindi na muna niya ito sinabi sa dalawang magkaibigan para hindi ito mag-usisa. Niligid ng kapitan ang kanyang mga mata sa kabuuan ng lumang bahay. Naglakad-lakad pa ito para lang makita ang mga antigong muwebles. Isa-isa pa niya itong hinahawakan at tinitingnan ng maigi. Nakita naman ng dalawang magkaibigan ang interes ng kapitan sa mga gamit ng pamilya ng kanyang tiyahin. "Ang gaganda po ng mga muwebles, ano po?" "Oo. Totoong antigo ba ang mga ito, Tricia?" "Opo, kapitan. Sa mga magulang pa po 'yan ng Tita Belen. Minana rin po ata ng lolo at lola ng tita ang mga 'yan. Kaya ilang henerasyon na rin po ang nagmamay-ari ng mga antigo na 'yan." "Ganun ba? Nakakatuwa naman, 'no!" "Opo." Nang matapos makita ng kapitan ang mga gamit sa lumang bahay ay bumalik na ito sa sala. Ang gintong butil naman ang nais nitong makita. Kaya ng hanapin niya ito ay kinuha kaagad ni Mark ang mga gintong butil sa cabinet. Hindi niya kinuha ang lahat para hindi pag-interesan ng kapitan. Kumuha lang si Mark ng isang piraso at pinakita niya agad sa kapitan. Nanlaki ang mga mata ng kapitan nang makita niya ang gintong butil. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Tinititigan niya itong mabuti saka niya ito kinagat. Takang-taka naman ang dalawang magkaibigan sa ginawang pagkagat ng kapitan sa gintong butil. "Kapitan, ano po ang ginagawa ninyo sa butil?" "Kinakagat ko para malaman ko kung purong ginto nga ito." Nagkatinginan ang dalawa. Dahil matagal na nilang alam na ginto nga mga butil na iyon. Hindi lang nila pinapaalam ang totoo para hindi ito pag-interesan ng kahit sino. Pero mukhang may isa ng magtatangkang hingin ito. "Mark, binebenta mo ba ito?" "Po?" "Bibilhin ko sana kahit magkano." "Kapitan, pasensya na po. Hindi ko po kasi ipinagbibili ang gintong butil." "Ganun ba? Sayang naman. Isa lang ba ang gintong butil na ito?" "Hindi po." "Ang ibig mong sabihin ay marami pa ito?" Sa puntong 'yon ay nais pa ng kapitan na makita ang ibang butil. Hindi naman pinagdamot ni Mark ang mga gintong butil dahil alam din naman niyang hindi naman niya pagmamay-ari ang mga butil na 'yon. Kaya bumalik siya sa kwarto at kinuha pa niya ang ibang butil sa cabinet. Napabuntong-hininga muna siya bago niya ipakita ang iba pang kasamahan nito. Nang makita 'yon ng kapitan ay lalo siyang namangha dahil sa kinang ng mga gintong butil. Isa-isa niya 'yon inilabas sa lalagyan habang nakatingin naman sa kanya ang dalawang magkaibigan. Napalunok ang kapitan habang tinitingnan niya ito isa-isa. At sa ganda ng mga iyon ay nanuyot bigla ang kanyang lalamunan kaya naisipan nito na humingi na rin ng maiinom kay Mark. Kumuha naman kaagad si Mark ng maiinom sa kusina. Walang kamalay-malay si Mark na kumuha na ang kapitan ng isang pirasong butil na kaagad naman nitong itinago sa bulsa ng kanyang pantalon. Paglabas ni Mark sa kusina ay pakuwaring inabot ng kapitan ang mga gintong butil sa kanya. Ni hindi man lang namamalayan ni Mark na bawas na ito ng isang butil. Tiwala siya sa kapitan kaya hindi na nito binilang ang mga butil. Dali-dali pa niyang ipinasok ang mga ito sa cabinet. Sa pag-aakala na kompleto pa ang mga ito. Maya-maya pa ay nagpaalam na ang kapitan sa dalawang magkaibigan. At pagkatapos ay sumunod na ring nagpaalam si Tricia. Maging si Tricia ay hindi nito alam na nabawasan na ng isa ang mga gintong butil. Sinabihan pa nito si Mark na mag-iingat sa magtatangkang magnakaw ng mga butil. Pagkatapos ay lumabas na ito ng pinto. Sinamahan pa siya ni Mark hanggang sa tarangkahan ng gate. "Tricia?" "Bakit, may sasabihin ka?" "W-wala. Sige, ingat ka rin sa pag-uwi." Saka ito tumalikod at bumalik na sa loob ng bahay. Pagpasok niya ay dumiretso na ito sa kwarto para kuhanin muli ang lalagyan ng gintong butil. Pagkatapos ay binilang niya ito isa-isa. Marahil ay kinukutuban siyang kulang na ito. Kaya hindi siya nagdalawang-isip na bilangin ito. Habang binibilang niya ito ay napailing na siya dahil kulang na ito ng isang butil. Hindi nga siya nagkamali sa kanyang kutob dahil pinag-interesan na nga ito ng kapitan. Wala na rin naman na siyang magagawa. Hindi na niya makukuha ito mula sa kapitan. Habang nag-iisip ay napapabuntong-hininga siya dahil alam niyang may kapalit ang bawat butil na nanakawin sa kanya. Hindi pa niya alam kung ano ang kapalit nito pero malakas ang kutob niya na kasama 'yun sa sumpa. Natatakot siya sa maaaring mangyari sa kapitan. "Sana nga ay nagkakamali lang ako ng kutob ko." Bulong niya sa kanyang sarili. Pagkatapos ay ibinalik na nito ang mga gintong butil sa cabinet. Hindi siya makapaniwala na gagawin 'yon ng kapitan. Sa kabila ng tiwala niya sa kapitan ay nagawa pa rin siyang pagnakawan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD