Pagkatapos niyang maibalik ang mga gintong butil sa cabinet, ang kinuha naman niya pagkatapos ay ang itim na libro. Gusto niyang alamin sa itim na libro kung may nakasaad ba rito tungkol sa mga gintong butil na kanyang itinatago. At kung hindi siya nagkakamali ay nakita at nabasa na niya ang tungkol dito kamakailan lang. At dahil hindi siya tumigil sa paghahanap ng sagot sa libro ay muli niya itong nakita. Binasa na niya itong mabuti at inintindi ang bawat paliwanag sa itim na libro. Maraming haka-haka tungkol sa gintong butil. Isa sa nabasa niya ay ang pwede itong gamitin sa panggagamot pero may masamang epekto ito sa taong manggagamot. Ang pangalawa ay pwede itong gamitin panlaban sa masasama. At ang panghuli ay ang sumpa ng kamatayan. Kung sino man ang magtangkang nakawin o ibenta ito, maaaring buhay ng pamilya niya ang kapalit.
At nang mabasa niya ang ikatlong paliwanag sa itim na libro ay bigla siyang nakaramdam ng takot para sa kapitan. Gustuhin man niyang bawiin ang ninakaw ng kapitan na gintong butil sa kanya ay malamang hindi na niya ito mababawi. Dali-dali niyang isinara ang itim na libro at ibinalik ito sa cabinet. Naisip niyang puntahan si Tricia para tanungin kung may alam ba ito sa ginawa ng kapitan. Silang dalawa lang naman ang naiwan sa sala ng mga oras na 'yon kaya naisip niyang may alam si Tricia sa ninakaw ng kapitan.
Nagmadali na siya sa pagbihis para maabutan pa niya si Tricia sa bahay ng tiyahin nito. Pagkatapos ay dali-dali na siyang lumabas ng bahay. Bumalik siya sa loob ng kwarto dahil naisip niyang dalhin na lang muna ang itim na libro at ang mga gintong butil. Nagtungo siya sa cabinet at kinuha ang libro at ang mga butil. Pagkatapos ay inilagay na niya ang mga ito sa kanyang bag. Napaisip siyang bigla na hindi na niya pwedeng iwanan ito sa bahay sa kadahilanan na may nagtangka ng nakawin ito. Hindi na niya mapapatawad ang kanyang sarili kapag may nangyaring masama sa sino mang magtatangka pang nakawin ang gintong butil.
Dahil sa kanyang pagmamadali ay muntik pa siyang mahulog sa hagdan. Pinagtawanan na lang niya ang kanyang sarili habang dahan-dahan ng bumaba ng hagdan. Bago pa siya makaapak sa huling baitang ng hagdan ay napaatras muna siya dahil sa kanyang nakita. May isang malaki at mahabang ahas ang nakaharang sa huling baitang ng hagdan. Kaya hindi nito magawang bumaba. At dahil malaki ang ahas at nakakatakot ang hitsura ay unti-unti na siyang pumapanhik ng hagdan.
Hindi niya malaman kung paanong nagkaroon ng ganung kalaking ahas sa ibaba ng hagdan. Maliban na lang kung may sadyang naglagay nito. Tumingin siya sa paligid pero wala ni isang tao siyang nakikita sa labas. At dahil sa takot na matuklaw siya nito ay bumalik na muna siya sa loob ng bahay. Sa hindi malaman na dahilan ay biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso. Tinanong niya ang kanyang sarili.
"Dahil ba ito sa kaba o dahil sa sumpa?"
Nagtungo muna siya sa sala at umupo. Nag-iisip siya ng paraan kung paano siya makakalabas ng bahay ng hindi siya nakikita ng ahas. At nang mapatingin siya sa kusina ay dali-dali siyang nagtungo roon. Naalala niyang bigla na may daanan nga pala roon palabas ng kusina. Pagpasok niya ng kusina ay nakita niya ang pinto na hinarangan niya ng mga upuan. Inalis niya ang mga ito. Pagkatapos ay dahan-dahan niyang pinihit ang doorknob ng pinto. Hindi siya gumagawa ng kahit na anong ingay. At nang makalabas siya ng kusina ay marahan siyang bumaba ng hagdan.
Nang makababa siya ng hagdan ay kumaripas na ito ng takbo papuntang gate. Hindi na niya nagawang lingunin pa ang ahas dahil sa takot na habulin siya nito. Nang makalabas na siya ay tiningnan pa niya mula sa tarangkahan ng gate ang ahas. Pero wala na ito sa hagdan.
"Saan na kaya 'yon napunta? Hindi kaya pumasok na 'yon sa bahay?"
Tanong niya sa sarili. Napapabuntong-hininga siya habang iniisip kung saan na napunta ang malaking ahas. Paano kung pumasok na nga ito sa loob ng bahay? Ano kaya ang kanyang gagawin? Sa takot ay humingi na siya kaagad ng tulong sa kaibigan. Tinakbo na niya ang papunta sa bahay ng tiyahin ni Tricia. Halos hingalin siya sa pagtakbo.
"Tricia! Aling Belen! Tao po!"
Pero walang nakakarinig ng tawag niya.
Kaya nilakasan niya ang kanyang pagtawag.
"Tao po! Tao po! Tricia! Aling Belen!"
Habang tinatawag niya ang mag tiyahin ay sinasabayn pa niya ito ng malakas na katok sa gate. At nang hindi pa rin siya marinig ni Tricia at ni Aling Belen ay ginamitan na niya ng bato ang kanyang pagkatok sa gate. Mas malakas at mas rinig kaysa sa kanyang tawag. Maging ang kapitbahay ay dinig na ang kanyang pagkatok.
Sa lakas ng katok nito ay lumabas na ang kapitbahay na katabi lamang ng bahay ni Aling Belen.
"Hoy! Nakakabulabog ka na! Ano ba sa akala mong ginagawa mo riyan? Pwede mo naman gamitin ang doorbell ng gate."
Napanganga na lang si Mark ng malaman nito ang tungkol sa doorbell. Sa tagal na kasi niyang pumupunta sa bahay ng matanda ay ngayon lang niya nakita na may doorbell pala sa labas ng gate. Lihim siyang natawa sa kanyang sarili. Pagkatapos ay humingi na lang siya ng despensa sa kapitbahay na kanyang naistorbo dahil sa lakas ng kanyang pagkatok. Tumango naman ang ginang sa paghingi nito ng despensa. Ibinaba na niya ang bato at sinubukan na niyang mag doorbell.
Halos sunod-sunurin naman niya ang pagpindot sa doorbell. Pagkatapos ng mahabang doorbell ay saka lumabas si Aling Belen. Nakita pa niyang tayu-tayo pa ang buhok nito at nakasimangot nang lumabas ng pinto.
"Sino ba naman 'yang kung makapindot ng doorbell ay–"
Nang makita ni Aling Belen na si Mark pala ang nasa gate ay nagbago ng bigla ang timpla ng mukha nito.
"Ikaw pala! May kailangan ka ba, hijo? Kung si Tricia ang hanap mo ay wala siya rito. Sinundo siya ni kapitan kani-kanina lang."
"Ganun po ba? Naku pasensya na po, Aling Belen. Nakakahiya naman po at mukhang naistorbo ko pa po ang pamamahinga ninyo."
"Sus, wala 'yon. Puntahan mo na lang siya sa bahay nila kapitan. Alam mo naman na siguro kung saan nakatira si kapitan?"
"Ay, opo. Kagagaling nga lang po namin kanina roon. Sige po salamat po. Pasensya na po ulit, Aling Belen."
"Ayos lang. Sige, ingat ka na lang sa pagpunta mo roon, ano?"
"Sige po, salamat po ulit."
Nang malaman ni Mark kung saan nagpunta si Tricia ay nagdadalawang-isip pa ito kung pupuntahan pa ba niya ito o hindi na lang. Pero kailangan niya ang tulong ng kanyang kaibigan. At dahil may kasalanan sa kanya ang kapitan hindi kaya ito magtago kapag nalaman nito na papunta ito sa kanyang bahay. Habang naglalakad ay iniisip na nito ang kanyang sasabihin kapag nakaharap niya ang kapitan.
"Umamin kaya siya sa kanyang kasalanan?"
Tanong ni Mark sa sarili. Saka napailing habang naglalakad. Sa kanyang paglalakad ay may nakasabay pa siyang malaking aso. Hindi niya mawari ang kanyang nararamdaman habang kasabay niyang naglalakad ang isang malaking aso sa daan. Pinapaalis niya ito ngunit hindi siya pinakikinggan nito. Halos dumikit na ito sa kanya. Binilisan na lang niya ang kanyang paglakad para makarating siya ng buhay kila kapitan.
At nang malapit na ito sa bahay ng kapitan ay bigla na lang lumayo ang aso sa kanya. Nakahinga lang siya ng maluwag ng lumayo na ito ng tuluyan. Animo'y may isip ang aso habang papalayo ito sa kanya. Dahil tinitingnan pa siya nito hanggang sa makapasok na siya sa eskinita patungo sa bahay ng kapitan. Tila hinatid lang siya ng malaking aso papunta kila kapitan.
Pagpasok ng eskinita ay natatanaw pa rin niya ang malaking aso na nakatingin lang sa kanya. Nagmadali na siya papunta sa bahay ng kapitan at ng nasa gate na siya ay pumasok na lang siya ng diretso ng hindi man lang kumakatok. Pagpasok niya ay nakita niyang nakabukas maging ang pinto at ang mga bintana ng bahay. Nagulat pa siya ng makita niya na halos mapuno ang bahay ng kapitan.
"Ano kayang mayroon sa loob?"
Pagtatakang tanong niya sa sarili. Napapahimas pa siya ng baba habang tinitingnan ang mga taong nag-uusyoso sa loob ng bahay ng kapitan. Sa dami ng tao sa labas ay hindi niya magawang pumasok sa loob. Sumilip na lang din ito sa bintana tulad ng iba. Habang nakasilip ay nakita niya si Tricia sa tabi ng upuan ng kapitan. Hindi niya magawang tawagin ito dahil malayo ang pwesto ng upuan ng kaibigan.
Pilit niyang isinisingit ang sarili sa bintana para makiusyoso sa nangyayari sa loob. Nang hindi na siya makasingit ay naglakas na lang ito ng loob na magtanong sa isa rin na nakikiusyoso.
"Ale, pwede po bang magtanong?"
"Oo naman. Bakit ano ba 'yun?"
"Ano po bang nangyayari sa loob?"
Ngumisi lang ang ginang sa kanya pero hindi siya nito sinagot. Pagkatapos ay nilayuan na lang din siya nito. Napabuntong-hininga na lang siya sa ginawa ng ginang. Sa pakiwari niya ay iniiwasan ng mga tao na sabihin ang totoong nangyayari sa loob. At nang hindi siya makapagtanong ay nagtiyaga na lang siyang maghintay sa labas. Hihintayin na lang din niyang lumabas ang kaibigan. Napapakamot na lang siya ng ulo sa kada tingin ng tao sa kanya. Halos lahat ng tao sa labas ng bahay ay sa kanya nakatingin. At kapag may napapatingin sa kanya ay ibinabaling niya ang tingin niya sa iba.