Sa bawat tingin ng mga tao sa kanya ay napapailing siya. Bumalik siya sa may bintana para tingnan muli ang nagaganap sa loob ng bahay. Naroon pa rin ang kaibigan nitong si Tricia. Hindi niya matawag-tawag ang kaibigan dahil sa dami ng tao na nag-uusyoso sa loob. At nang mapalingon si Tricia sa bintana ay kinawayan niya ito. Nakita naman siya kaagad ng kaibigan kaya tumayo muna ito sa upuan para puntahan ang kaibigan sa labas ng bahay.
"Mark?"
Ngumiti si Mark nang lapitan siya ni Tricia.
"Anong ginagawa mo rito? Bakit hindi ka pumasok sa loob?"
"Hindi na. Dito na lang tayo sa labas mag-usap."
"Ha? Bakit? Tungkol saan na naman ba ang pag-uusapan natin? Bilisan mo lang at kailangan ako ni kapitan sa loob."
Pinag-isipan muna ni Mark kung tama bang sabihin na ang totoo kay Tricia. Tumingin-tingin muna si Mark sa loob ng bahay at nang makita niyang nasa loob pa rin ang kapitan ay hinila niya ang braso ni Tricia papalayo sa mga tao.
"Uy, ano ba Mark? Parang napaka importante naman ata ng sasabihin mo at kailangan pa nating lumayo sa mga tao."
"Oo, tama ka. Napaka importante nga ng sasabihin ko sa'yo."
"Eh, ano na nga 'yon? Bilis!"
"Hindi ba't kanina ay galing si kapitan sa bahay. Alam mo bang–"
At dahil sa tagal ng sasabihin ni Mark ay lumabas na ang kapitan at tinawag na muli si Tricia. Hindi na niya naituloy ang kwento niya dahil sa paggambala ng kapitan.
"Uy! Tricia!"
Tawag niya sa kaibigan na nagmamadali nang makapasok muli sa bahay ng kapitan.
"Teka lang, balikan kita maya-maya. Huwag ka na munang uuwi, ah!"
Napailing na lang si Mark dahil hindi na naman niya natuloy ang kanyang kwento. Pakiwari niya ay alam na ng kapitan kung ano ang sadya nito sa kaibigan. Kaya marahil ay sinadya ng kapitan na tawagin ang kaibigan para hindi nito masabi ang totoo kay Tricia. Nanulis bigla ang nguso ni Mark sa ginawa ng kapitan. Kung hindi man niya naikwento ngayon sa kaibigan ang tungkol sa pagnanakaw ng kapitan ay marami pa rin namang oras para masabi niya ang totoo kay Tricia.
Muli siyang sumilip sa bintana. Nagulat siya sa kanyang nakita. Halos mangilabot siya sa kanyang nasaksihan.
"Iyon na kaya ang sinasabi sa itim na libro na kapalit ng pagnanakaw sa gintong butil?"
Bulong niya sa sarili. Hindi naman siya mapakali sa labas nais niyang tulungan ang kapitan at ang anak nito. Pero kapag nakita naman siya ng mga tao sa kanyang gagawin ay baka lalo lang siyang iwasan at layuan ng mga ito.
Nag-isip-isip pa siya ng ibang paraan para matulungan ang anak ng kapitan. Gusto niyang tawagin muli si Tricia pero hindi siya makasingit sa mga nakikiusyoso sa labas.
"Bahala na!"
Ang tanging nasabi ni Mark sa sarili. Pilit siyang pumasok sa loob ng bahay na ikinagulat naman ng kapitan at ni Tricia. Hindi na niya inisip ang sasabihin ng kapitan o ni Tricia o maging ng mga tao sa labas. Ang gusto lang niya mangyari ay ang matulungan ang batang nilulukuban ng sumpa. Nilapitan niya ang bata at hinawakan niya ito sa ulo. Nagalit naman ang kapitan at tumayo ito sa kanyang kinauupuan.
"Mark, anong ginagawa mo sa anak ko?"
Hindi siya pinakikinggan ni Mark. Si Tricia naman ay pinipigilan ang kapitan na makalapit kay Mark.
"Kapitan, hayaan na lang po muna natin si Mark. Alam po niya siguro ang kanyang ginagawa."
Pagsisinungaling ni Tricia. Pero kahit siya ay hindi niya alam ang ginagawa ni Mark. Tinitingnan nila ang ginagawa ni Mark at napapatingin sila sa isa't isa kapag nakikita ng kapitan at ni Tricia na may kinakausap si Mark na hindi nila nakikita. May pagkakataon pa nga na napapasigaw si Mark sa sakit. At nang maitaboy niya ang demonyo na sumanib sa bata ay bigla na lang siyang hinimatay. Nagkagulo naman ang lahat ng himatayin bigla si Mark.
Tumakbo kaagad si Tricia at ang kapitan para tulungan si Mark. Hiniga muna nila ito sa isang upuan at hinintay na magkamalay ito. Habang tulog pa si Mark ay siya namang gising ng anak ng kapitan. Pinuntahan ito ng kapitan at niyakap nang mahigpit.
"Tay, ano pong nangyari?"
"Wala. Ang importante ay magaling ka na, anak."
Pagkatapos ay si Mark naman ang unti-unti ng tumayo sa upuan. Binigyan nila kaagad ito ng maiinom. At sa tuwa ng kapitan ay nayakap niya nang mahigpit si Mark. Binulungan niya si Mark at humingi ito ng tawad sa kanyang ginawa.
Tumango at ngumiti naman si Mark dahil sa paghingi ng tawad sa kanya ng kapitan. Bakas na bakas sa mukha ni Mark ang pagod at sakit ng likod dahil sa panibagong marka na umukit sa kanyang likuran. Kahit sobrang sakit ng marka niya sa likod ay hindi siya nagpapahalata sa lahat para hindi na siya usisain ng mga tao maging ng kapitan at kaibigan nito. Halos ang lahat ng nakasaksi sa kanyang ginawa ay nag kumpulan sa labas ng bahay. Marahil ngayon ay alam na ng lahat na hindi panganib sa kanila si Mark. Maaari pa nga itong makatulong sa kanila kung kakailanganin nila ng tulong. Pero malamang sa bawat tulong niya ay may kapalit na marka na balang-araw ay maaaring ikapahamak niya.
Nang medyo ayos-ayos na ang pakiramdam ng anak ng kapitan ay kinausap na ito ni Mark.
"Kamusta na ang pakiramdam mo? May nakikita ka pa ba ngayon na kakaiba?"
Tumingin naman ang bata sa kanyang paligid at umiling ito.
"Wala na po. Saan na 'yon napunta, kuya?"
"Huwag mo na lang alamin ang mahalaga ay wala na siya sa'yo. Lagi ka kasi ng magdarasal para hindi na siya bumalik sa'yo. Okay ba 'yon?"
"Opo."
At nang masiguro ni Mark na ayos na nga ang pakiramdam ng bata ang hinarap naman niya at kinausap ay ang kapitan.
"Hindi naman po siguro lingid sa inyo na masama ang magnakaw, hindi po ba kapitan?"
"Oo, pasensya na talaga. Nagawa ko lang naman 'yun dahil nabighani ako sa ganda ng gintong butil na hawak mo."
"Pwede ko ho bang mabawi na ito para hindi na kayo balikan ng gumambala sa anak niyo."
"Ay, oo. Sandali lang at kukuhanin ko."
Nang marinig ni Tricia ang lahat ay hindi ito makapaniwala na nagawa 'yon ng kapitan kay Mark. Tinapik niya ang balikat ni Mark at nginitian niya ito. Pagbalik ng kapitan sa sala ay ibinalik na nitong muli ang gintong butil kay Mark. Lingid naman sa kanilang kaalaman na kanina pa pala nagmamasid ang matandang lobo sa kanila. Nakita rin nito ang aktwal na pagbabalik ng gintong butil kay Mark. Napangisi ito ng makita niya ang gintong butil.
Pagkatapos maisoli ng kapitan ang kanyang ninakaw na gintong butil ay nagpaalam na ang dalawang magkaibigan sa kanya.
"Kapitan, mauna na po kami. Baka po kasi gabihin na naman kami sa daan."
"O siya sige, salamat sa inyong dalawa. Mag-ingat kayo sa dadaanan niyo. Tricia, ingatan mo ang kaibigan mo, ah!"
"Opo. Alam ko na po ang ibig niyong sabihin, kapitan. Sige po."
"Sige."
Nang makapagpaalam na ang dalawa ay magkaakbay pa silang lumabas ng bahay. Laking gulat naman ni Mark ng makita niya ang mga usisero na nakangiti sa kanya paglabas nila ng bahay ng kapitan. Kung dati-rati ay ang sasama ng tingin sa kanya ng mga ito kapag nakikita siyang dumadaan, ngayon naman ay halos sambahin na siya ng mga ito. Abot hanggang tenga ang ngiti ng mga ito sa kanya. Napapangiti na lang din siya kapag nakikita niyang nakangiti sa kanya ang mga ito. Sa tuwa ni Mark ay napabulong ito kay Tricia.
"Tricia, tingnan mo 'yang mga usisero halos abot hanggang tenga ang ngiti nila sa akin."
"Ayaw mo ba nun? Atleast ngayon ay hindi ka na nila tinitingnan ng masama."
"Oo nga. Kaso nakakailang naman 'yong ngiti nila sa akin."
"Alam mo ikaw hindi talaga kita maintindihan. Dati-rati na ang sama ng tingin nila sa'yo nagrereklamo ka. Ngayon naman na nginingitian ka na nila ay may reklamo ka pa rin? Ang gulo mo talaga! Bilisan mo na nga lang maglakad dyan."
"Huwag mo naman ako madaliin sa paglalakad, masakit pa kaya ang buong katawan ko."
"Oo nga pala. Bakit ka nga pala hinimatay kanina?"
"Hindi ko rin alam."
Iyon lang ang tanging naisagot niya sa kaibigan. Dahil hindi pa nito pwede sabihin ang totoo sa pagkatao niya o maging sa mga marka niya sa katawan. Kung si Mark ay may malaking sikreto sa pagkatao niya. Si Tricia naman ay may sikreto rin na maaari niyang ikagulat kapag nalaman niya ito. Hindi lang si Tricia kung hindi ang buong nayon ay may sikretong tinatago sa kanya.
Habang naglalakad sila pauwi ay nakasalubong na naman nila ang matandang lalaki. Huminto ang dalawa sa pag-aakala na haharangin na naman sila nito. Pero laking gulat nila ng hindi man lang sila pinansin ng matanda. Napakamot na lang ng ulo si Mark dahil dinaanan lang sila ng matanda.
"T-tricia, nakakapanibago naman ata 'yung matanda na 'yon. Hindi man lang ata tayo tiningnan ng masama."
"Oo, nakakapanibago nga. Bakit kaya? Hindi kaya dahil wala na 'yung asong itim?"
"Hindi naman siguro. Hindi ka ba natatakot?"
"Matatakot saan?"
"Sa kanya."
"Bakit naman tayo matatakot sa matandang 'yon?"
"Wala lang. Parang may kakaiba kasi sa kanya."
"Kung anu-ano na naman ang pumapasok sa isip mo. Huwag mo na nga lang pansinin 'yon. Tara na, bilisan mo na nga lang maglakad."
"Oo na, oo na."
Pero si Mark ay may nerbyos na naramdaman dahil ang alam niya kapag ganun ang isang tao ay may binabalak itong masama. Bago pa man sila makalayo ay nilingon pa niya ang matanda. Nagulat na lang siya ng biglang ngumisi ang matandang lalaki sa kanya. Sa takot niya ay kumaripas ito ng takbo papalapit sa kaibigan. Nagulat naman si Tricia ng makita nito na pinagpapawisan ang kaibigan.
"O, bakit?"
"W-wala. Bilisan mo na kasi maglakad."