CHAPTER 37

4850 Words
At nang hayaan na siya ng kasambahay na tingnan ang batang babae ay malaya na rin siyang pinagmasdan ito at inoobserbahan niya ito nang maigi. Lalo siyang nakaramdam ng poot sa Demon Lord dahil pati ang walang kamuwang-muwang na bata ay dinadamay nito sa curse. Naisip nito na hindi na niya pwedeng pabayaan ang bata. Hindi na siya papayag na pati ang isang bata ay mawala ng dahil lang sa isang sumpa. Ang sumpa ng kamatayan. Kaya kahit na anong paraan ay gagawin niya para lang masalba niya ang buhay ng bata. "P-pero paano ko siya mahahawakan ng hindi siya matatakot?" Bulong niya sa sarili habang pinagmamasdan ang batang babae na naglalaro. Hindi rin naman niya ito pwedeng kausapin dahil baka matakot ito at tumakbo. "Demon Lord, ano ba itong ginagawa mo sa akin at maging sa batang ito. Sinusumpa ko kapag nakumpleto ko na talaga ang marka ko. Maglalaho ka na ng tuluyan sa buhay ko." Hindi niya alam na ang bawat iniisip pala niya at sinasabi ay naririnig at nalalaman ng Demon Lord. Kaya kahit na anong sabihin niya patungkol dito ay tinatawanan lang nito. "Wala ka ng magagawa, Mark. Lahat ng binigyan ko ng curse ay kailangan mong mahanap nang sa ganun ay makumpleto mo ang marka mo at matalo mo ako ng tuluyan. Muling umalis si Demon Lord sa underworld. Pinuntahan nito si Mark para guluhin ang isipan nito. Lingid naman sa kaalaman ni Mark na nasa likuran na pala niya ang Demon Lord. Muli itong nagpanggap bilang tindero naman ng sorbetes. Alam ng Demon Lord na kapag ganun ang kanyang ayos ay hindi siya mahahalata ni Mark. Patuloy lang ang kanyang pagpapanggap bilang tindero para mapagmasdan niya ang bawat kilos at galaw ni Mark. Sa kabilang banda naman si Mark ay abala pa rin sa panonood sa batang babae. At nang mapagod ang bata sa paglalaro ay tumakbo ito sa kanyang yaya para humingi ng maiinom. Habang binubuksan ng katulong ang kanyang tubig ay nakita naman ng batang babae ang isang ice cream stand kung saan ang tindero nito ay ang Demon Lord. Tumakbo ito papunta sa ice cream stand at bumili. Hindi naman alintana kay Mark na ang tindero ng ice cream ay ang kinaiinisan niyang Demon Lord. Habang pinagmamasdan ni Mark ang bata at ang ice cream stand ay biglang nanlaki ang mga mata nito dahil nasaksihan niyang muli ang pamumula at pagliyab ng mata ng batang babae, kasabay sa pamumula ng mata ng tindero ng ice cream. Pupuntahan sana niya ang bata para ilayo sa tindero, ngunit naunahan na siya ng yaya nito. Pagkatapos makabili ng ice cream ng bata ay muli itong bumalik sa kanilang pwesto. Napabuntong-hininga na lang si Mark dahil sa kanyang nakita. Nang makabalik na ang bata sa kanyang yaya ay tiningnan muli ni Mark ang tindero ng ice cream. Laking gulat nito ng maglaho na lang itong bigla ng hindi man lang niya napapansin. May kutob na siya kung sino ang tindero na 'yon. Pero hindi na 'yon ang naging palaisipan sa kanya. Dahil hanggang sa ngayon ay iniisip pa rin niya kung anong klaseng curse ang nasa batang babae. Habang kumakain ang bata ng ice cream ay sinisilip siya nito. Napapangiti ang bata kay Mark. Pero siya naman ay hindi umiimik. Senyales na kaya 'yon na alam na ng batang babae na gusto siyang makausap ni Mark? Muli siyang sinilip ng bata at sa pangalawang pagkakataon ay namutla at natakot na si Mark dahil hindi lang ang mata ng bata ang nakikita nitong nagliliyab. Unti-unti rin lumalabas ang sungay nito sa ulo. Pumikit siya ng panandalian para mawala ang kanyang nakikita pero ng imulat niya ang kanyang mga mata ay nagulat ito ng makita niyang nasa tabi na niya ang batang babae. Napaatras si Mark sa kanyang kinauupuan. Pero inalis niya ang takot dahil pagkakataon na niya 'yon para makaharap niya at makausap ang batang babae. At nang nagkaroon na siya ng pagkakataon na makausap ito ay tinanong na niya ang pangalan nito. "Bata, pwede bang malaman ang pangalan mo?" "Bakit po?" Hindi na muna nagtanong si Mark dahil nakita niya na pinagmamasdan sila ng kasama nitong katulong. Ngumiti na lang ito para hindi matakot ang bata sa kanya. Nang tiningnan naman niya ang mata ng bata ay wala naman siyang nakitang kakaiba rito. Hinihintay niyang mamula ito para mahawakan na niya ang bata. Pero hindi naman nag-iiba ang kulay ng mga mata nito. Nainip ang bata kaya umalis na ito sa kanyang tabi. At nang paalis na ang bata ay naglakas na siya ng loob na hawakan ito. Nagulat ang bata at nakaramdam ng takot dahil sa biglaang paghawak ni Mark sa kamay niya. Nakita rin ito ng katulong kaya pinuntahan nito ang kanyang alaga at hinila ang braso nito para makalayo kay Mark. Nagalit ang katulong sa kanya dahil nakita nito na nanginginig ang katawan ng bata sa takot. "Kuya, anong ginawa mo sa alaga ko? Bakit takot na takot ito sa'yo?" "Ha? Wala naman akong ginagawa sa kanya, ah!" "Kung wala bakit nanginginig ito sa takot. Umayos ka kuya baka isumbong kita sa pulis. Akala ko natutuwa ka lang sa alaga ko dahil kamo ay naaalala mo sa kanya ang kapatid mo. Kidnapper ka siguro, ano?" "A-ako kidnapp–" "Uy ate, sandali lang naman gusto ko lang naman makausap ang alaga mo. Nasa panganib kasi siya." Hindi ito pinaniwalaan ng katulong kaya dali-dali silang umalis ng kanyang alaga. Hinabol naman sila ni Mark. "Ate, sandali lang! Makinig ka sa akin. Nasa panganib ang alaga mo! A-ate!" Sa takot na mapagkamalang kidnapper ay hindi na nito nagawang sundan ang katulong at ang batang alaga nito. "Paano na 'yan? Ano na ang gagawin ko?" Samantala, sa underworld naman ay may nagsasaya na dahil may isang kaluluwa na naman siyang makukulong sa kanyang palasyo. Halos walang pagsidlan ang kasiyahan ang Demon Lord. Kaya habang ang Demon Lord ay nagsasaya, si Mark naman ay halos magwala na sa galit ng dahil sa kanya. "Anong gagawin ko?" Sa sobrang inis nito sa sarili ay hindi na niya magawang ngumiti. Muli niyang tiningnan ang katulong at ang batang babae, pero hindi na niya makita ang dalawa, marahil ay nakasakay na ang mga ito at umuwi. Napaupo at napasigaw na lang ito sa sobrang inis. "Demon Lord! Demon Lord, magpakita ka! Hinahamon kita!" Nang marinig ng Demon Lord ang hamon niya ay pinagbigyan naman siya ng Demon Lord nagpakita nga ito sa kanya. Pero gumamit na naman ito ng ibang anyo para walang makapansin sa kanya. "Kamusta na ang alaga ko? Nagtagumpay ka na ba sa iyong misyon? Mukhang hindi mo na ako matatalo niyan. At unti-unti ko na rin nakukuha ang mga kaluluwa ng mga binigyan ko ng curse. At wala ka pa ring nagagawa?" Pagkasabi nito ng kailangan marinig ni Mark ay naglaho na ito ng hindi man lang siya pinagsalita. At nang maglaho ang Demon Lord ay napabuntong-hininga na lang si Mark. Bakas sa mukha niya ang galit dahil hindi na naman nito napagtagumpayan ang isa na naman niyang misyon. Muli siyang nakaramdam ng takot para sa batang babae dahil kahit na gustuhin niya itong tulungan ay wala na siyang magagawa. Napagpasyahan na lang niyang bumalik ng bahay para basahin muli ang itim na libro. Habang siya'y naglalakad ay nakakita siya ng isang chapel, naisip nitong pumasok doon. Dahil mula ng mamulat siya sa mundo ay hindi pa ito nakakapasok ng simbahan. Pero nang tangkain niyang humakbang papasok ng chapel ay may kung anong pwersa ang pumipigil sa kanya para makapasok sa loob. Nakakaramdam din siya ng pag-iinit ng buong katawan na animo'y sinusunog ang buo niyang katawang tao. Takang-taka naman siya kung bakit ganun na lang ang kanyang nararamdaman. Naisip niya tuloy na baka may kinalaman ang mga marka niya sa katawan kung bakit hindi niya magawang umapak sa loob ng chapel. Kaya umatras na lang siya at lumayo na muna rito. "Bakit ganun ang aking naramdaman?" Pagtatakang tanong sa sarili. Kaya pala ni minsan sa buhay niya ay hindi siya dinala ng kanyang naging foster parents sa simbahan. Ngayon ay kasama na sa kanyang misyon ang alamin kung paano siya makakapasok sa loob ng simbahan. Eksakto pag-uwi niya ng bahay ay siya ring dating ni Renzo galing trabaho. "Mark, kadarating mo lang?" "Oo. Bakit ikaw ngayon ka lang din nakauwi? Marami bang customer sa restaurant?" "Medyo." Hindi na masyadong nagkwento si Renzo tungkol sa restaurant dahil alam naman nito na malulungkot lang si Mark. Kahit hindi aminin ni Mark kay Renzo ay ramdam ng kaibigan ang kagustuhan nitong makabalik sa trabaho. Habang nag-uusap pa ang dalawang magkaibigan ay dumating na rin si Mr. Lawrence. Pagbaba nito ng kotse ay halatang wala ito sa mood. Dahil ni hindi man lang sila nito kinausap. Dire-diretso itong pumasok sa loob ng bahay. "Bakit kaya hindi tayo pinansin ng papa mo?" "Baka may problema sa opisina. Huwag mo ng pansinin 'yun. Tara, pasok na tayo sa loob. Kumain ka na ba?" "Hindi pa nga, eh." "Pasok na tayo ng makakain. Gusto ko na rin kasi magpahinga. Sakit ng katawan ko." "Ganun ba? Sige, pasok na tayo." Pagbungad pa lang ng dalawa sa pintuan ay nakita na nilang nagtatalo ang mag-asawa. Hindi na nila ito pinansin. Kunwari ay wala silang nakikita at naririnig. "O, nandyan na pala kayong dalawa. Kumain na kayo." Mahinahong sabi ng ginang sa dalawa sabay pasok sa kwarto nilang mag-asawa. Sinundan naman nito ni Mr. Lawrence. At doon nila ipinagpatuloy ang kanilang bangayan. Napapailing na lang si Renzo sa kanyang naririnig. "Naku masanay ka na, Mark. Ganyan talaga sila lalo na kapag walang naabot na pera si papa kay mama. Paniguradong may giyera." Natawa naman si Mark sa tinuran ng kaibigan. Pagkatapos nilang kumain ay si Renzo na mismo ang kusang nagligpit ng kanilang pinagkainan. Pinapasok na nito si Mark sa kwarto para hindi na nito marinig ang away ng kanyang mga magulang. Dahil kahit papaano ay nahihiya si Renzo sa kaibigan. Pagkatapos niyang makapaghugas ng kanilang pinagkainan ay pumasok na rin ito sa kwarto. "Bakit ang tagal mo naman atang maghugas ng plato?" "Wala lang." "Wala lang? Meaning? Trip mo lang tagalan?" "Bakit ba ang paghuhugas ko ang pinagkakaabalahan mo. O, bakit hawak mo na naman 'yang itim na libro? Baka kung ano na naman ang makita mo riyan, ha?" "May gusto lang ako alamin." "Ah, okay. Ligo lang ako. Para makatulog na." "Sige." Habang naliligo si Renzo, si Mark naman ay abala sa pagbabasa ng itim na libro. Habang binabasa niya ito ay biglang may umukit sa isang pahina. Tiningnan niya ito at nagulat siya sa kanyang nakita. Guhit ito ng isang batang babae na nasa balon. "Ano kaya ang ibig sabihin nito?" Tanong niya sa sarili habang iniintindi niya ang larawan na bigla na lang umukit sa pahina ng libro. Paglabas ni Renzo sa banyo ay kaagad niya itong ipinakita sa kaibigan. Pero tulad ng dati ay wala pa rin itong nakikita na kahit na anong guhit sa pahina nito. Napakamot na lang ng ulo si Mark dahil ang linaw-linaw ng guhit nito sa libro. Pero si Renzo ay wala ni isang naaaninag. "Hindi mo ba nakikita?" "Ang alin?" "Itong nakaguhit sa libro." "Wala nga. Blanko pa rin ang pahina na 'yan." "Bakit ano ba ang nakikita mo?" Hindi na sumagot si Mark. Bumalik na lang siya sa kanyang kama at ipinagpatuloy ang pagbabasa ng itim na libro. Maya-maya pa ay nakaramdam na ng antok si Renzo kaya nagpaalam na ito sa kaibigan. "Uy Mark, mauna na ako sa'yo matulog." "Sige, sige." Siya naman ay wala pa ring tigil sa pagbabasa. Habang nagbabasa ito ay unti-unti na ring napapapikit ang kanyang mga mata hanggang sa tuluyan na itong antukin. Nakatulog ito na naiwang bukas ang itim na libro. Ilang minuto lang ang lumipas at ang itim na libro ay kusang lumipat sa pahina kung saan ay may guhit ng batang babae na nasa balon. Biglang nagliwanag ang libro at nagpalipat-lipat ito ng pahina hanggang sa magbukas ito sa isang pahina na may guhit ng isang balon at isang batang babae na nasa loob ng balon. Sa sobrang antok ni Mark ay hindi na nito nagawang magpalit ng damit na pantulog. Habang mahimbing siyang natutulog ay may lumabas na kamay sa itim na libro at gumapang ito sa mukha niya. Pagkatapos ay pumasok na ito sa isang panaginip na animo'y totoong-totoo. Sa panaginip nito ay naglalakad siya sa isang lugar kung saan nababalot ito ng kadiliman. Habang naglalakad siya ay nakakita ito ng malaki at lumang bahay na katabi ang isang malaking balon. Hindi nito pansin ang balon na nasa gilid lamang ng bahay na luma. Lakad siya nang lakad hanggang sa makarating siya sa loob ng bahay. Doon ay marami siyang nakikita na tao na nakadamit ng luma. Patuloy lang siya sa paglakad sa loob ng bahay hanggang sa marating nito ang isang kwarto. Binuksan niya ito at tiningnan niya ang kabuuan ng kwarto. Sa di-kalayuan ay may nakikita siyang batang natutulog at nakatalikod sa kanya. Nilapitan niya ito para makita kung sino ba ito. Nang makalapit siya sa bata ay nakita nito ang suot nitong damit na parang pamilyar sa kanya. Lalo siyang kinabahan ng makita niya ito ng malapitan. Ang batang babae ay ang bata na gusto niyang tulungan. Tulog na tulog ito. At nang akmang hahawakan na niya ito ay bigla itong bumangon sa kama at kumaripas ng takbo. Sa gulat niya ay tumilapon si Mark sa sahig. Tinawag niya ang batang babae. "Bata! Bata! Sandali lang!" Dahil sa sakit ng kanyang pagtilapon sa sahig ay nahirapan itong makatayo ng diretso. Dahil sa kagustuhan niyang habulin ang bata ay pinilit niyang tumayo kahit masakit ang kanyang hita at balakang. At kahit na iika-ika siyang lumakad ay hinahanap pa rin niya ang batang babae. Habang naglalakad siya sa pasilyo ng bahay ay nagpapatay sindi ang ilaw. Pero imbes na matakot siya ay ipinagpatuloy lang niya ang kanyang paglalakad. Hanggang sa mapasok niya ang isang kwarto na punong-puno ng itim na libro. Inusisa niya ito at tiningnan niya ang isang libro. Nanlaki ang kanyang mata ng makita niya ang itim na libro na nasa kwarto na kahalintulad din ng kanyang itim na libro. Ibinalik na niya ang libro kung saan niya ito kinuna. At kaagad siyang lumabas ng kwarto. Ipinagpatuloy lang niya ang paghahanap sa batang babae. Hanggang mapasok naman nito ang paliguan. Doon ay pumasok siya at tiningnan kung ano ang mayroon sa loob niyon. Pagpasok niya ay nakaramdam na siya ng kakaiba sa paliguan na 'yun. Humakbang pa siya hanggang mapunta siya sa mismong paliguan na may nakasarang kurtina. Dahan-dahan pa niyang binuksan ang kurtina at mula roon ay nakita niya ang batang babae na naliligo sa bathtub. Tuwang-tuwa pa siya ng makita niyang nagtatampisaw ang bata sa bathtub. "Bata, gabi na bakit naliligo ka pa?" Tiningnan lang siya nito at nginitian. Muli ay nakita niya ang mapupula nitong mga mata na animo'y nagliliyab. Hindi na siya natakot dito bagkus ay kinausap niya ang batang babae. At nang sumagot ito ay ibang lengwahe na naman ang isinagot nito. Iyon din ang lengwahe na narinig niya nung nasa opisina sila ng dati niyang manager. Pagkatapos niyang marinig ang lengwahe na 'yon ay may nakita siyang putol na kamay na may mahahabang kuko. Papunta ang mga kamay na ito sa leeg ng batang babae. Balak nitong sakalin ang bata. Kaya napasigaw si Mark. "Huwag!" Nagulat ang batang babae sa malakas na sigaw ni Mark. Pagkatapos nitong sumigaw ang sunod niyang nasaksihan ay ang paglunod nito sa bata sa bathtub. Nais niyang tulungan ang batang babae pero hindi niya maihakbang ang kanyang mga paa papunta sa bathtub. At nang makita niyang nakayuko na ang ulo ng bata sa bathtub ay saka lang nito naihakbang ang kanyang mga paa. Nalapitan na niya ang batang babae. Nang akmang tutulungan na niya itong umahon sa bathtub ay bigla naman itong tumayo. Napamura pa si Mark dahil sa gulat nito sa pag-ahon ng bata sa bathtub. Muli niya itong hinabol. Kung saan-saan na siya sumusuot para lang mahabol ang batang babae. Nahinto lang siya sa pagtakbo ng makita niya ang isang kwarto na nagliliwanag. Dahan-dahan niyang pinihit ang doorknob ng pinto ng mabuksan niya ang pinto ay natakot siya sa kanyang nakita. Isang pamilyar na mukha ang kanyang naaninag. "Manager?" Lalo siyang natakot ng tawagin nito ang kanyang pangalan. "Mark! Mark! Please, help me!" Sa takot niya ay bigla niya itong isinara at kumaripas na siya ng takbo. Sa pagtakbo niya ay nakarating siya sa exit ng bahay. Nakita na niyang lumabas ang batang babae. Kaya sinundan niya rin ito sa labas. Muli niya itong tinawag at kinausap. "Bata! Pwede ba kitang makausap. Huwag kang matakot sa'kin. Tutulungan kita. Halika rito. Huwag kang magtago riyan." Tinitingnan lang siya ng bata mula sa gilid ng puno. Hindi ito lumalabas patuloy lang siyang nagkukubli roon. Kaya siya na ang lumapit dito. Nang makalapit siya sa batang babae ay itinulak naman siya nito. Muling tumakbo ang bata at huminto ito sa harap ng malalim na balon. Dali-daling tumayo si Mark para lapitan ang bata. Pamilyar ang lugar na 'yun sa kanya. Unti-unti niyang nilalapitan ang bata at unti-unti ring dumidikit ang bata sa balon. "Bata, lumayo ka riyan. Baka mahulog ka sa balon. Malalim 'yan! Halika na! Pumasok na lang tayo sa loob ng bahay." Pero tinititigan lang siya nito at unti-unti pa itong lumalapit sa balon. "Bata, ang paa mo! Lumayo ka na riyan! Parang awa mo na bata, umalis ka na riyan!" Ganun pa rin ang ginagawa ng batang babae. Palapit siya nang palapit sa balon. Parang nanadya pa ito. Tinanggal nito ang kanyang tsinelas at hinulog isa-isa sa balon. Napapapikit na lang si Mark dahil sa katigasan ng ulo ng batang babae. At nang malingat si Mark ay muntik ng mahulog ang isang paa ng bata sa balon. Pero imbes na matakot ang bata ay tinawanan pa siya nito. Nilapitan na niya ang bata. "Bata, huwag kang matakot sa'kin. Lalapit na ako riyan, ah! Tara na!" At nang malapit na siya sa bata ay bigla namang tumalon ang bata sa balon. Napatakbo si Mark pero huli na ang lahat, nahulog na ang bata sa malalim na balon. Pero hindi siya tumigil hanggat hindi siya nakakahanap ng bagay na pwedeng pang-ahon sa bata sa balon. At nang ikot ito nang ikot ay may naririnig siyang tumatawag ng kanyang pangalan. "Mark! Mark! Uy Mark, gising! Binabangungot ka, Mark. Uy!" At pagkatapos nun ay nagising na si Mark. "Sama ng panaginip ko." "Teka, kuha kita ng tubig." Tumango lang si Mark. Napapaisip pa rin siya sa napanaginipan niya dahil parang totoong-totoo ito. Naawa siyang bigla sa bata. Hindi maalis sa isip niya, paano kung totoong pangyayari 'yon. Napabuntong-hininga siya ng ilang beses. "Inom ka na muna ng tubig." "Salamat." "Ano bang napanaginipan mo? At parang pagod na pagod ka. Mabuti na lang at hindi ka narinig nila papa. Nagsisisigaw ka kasi. Kaya nga nagising ako dahil sa lakas ng sigaw mo." "Sorry, naistorbo ko pa ang pagtulog mo. Huling naaalala ko ay nagbabasa lang ako ng itim na libro pagkatapos ay nakatulog na ako. Hindi ko naman na ganun kahimbing ang pagtulog ko. "Ano nga ang napanaginipan mo?" "Siya pa rin." "Sino? Yung batang babae pa rin ba?" "Oo. Sa maniwala ka at hindi siya 'yung nakita ko na nakaguhit sa pahina ng libro. Iyong pinapakita ko sa'yo kanina, pero wala ka naman kamong naaninag." Muli itong napabuntong-hininga. Hindi talaga siya makapaniwala kung paano nagkaroon ng koneksyon ang itim na libro sa batang babae na 'yun. "Sige, matulog ka na ulit, Renzo." "Ikaw?" "Maya-maya na lang." Pagkatapos ay nakatulog ng muli si Renzo. Habang si Mark naman ay binuksan na naman ang kanyang itim na libro at hinanap ang pahina na nakitaan niya ng balon na may bata. Laking gulat nito ng wala na ang pahina na pinaglalagyan ng guhit na 'yon. "Saan na napunta 'yun?" Kahit saan niya hanapin ay hindi na niya makita-kita ang guhit na 'yon. Hindi naman siya tulog nang makita niya 'yon kaya imposibleng mawala ang guhit ng bata na nasa balon. Hindi na niya makuhang matulog. Hindi na siya dalawin ng antok. Kaya ang ginawa na lang nito ay ang magbasa nang magbasa ng itim na libro. Ilang oras din ang ginugol niya sa pagbabasa. Pero kahit anong gawin niya ay hindi na niya mahagilap ang guhit ng bata at balon. Isinara muna niya ang itim na libro para bumaba at kumuha ulit ng tubig. Pagbaba niya ng hagdan ay nakita niya si Aling Clara na nasa lamesa at umiiyak. Nilapitan niya ito para tanungin kung bakit gising pa ito. Pero ng lalapitan na niya ang ginang ay bigla itong naglaho sa kanyang paningin. Kukurap-kurap pa siya para makita niyang muli ang ginang sa lamesa pero hindi na ito nagbalik. Kahit gustuhin man niyang sumigaw nang sumigaw o magtatakbo sa takot ay parang nakakabit na sa kanya ang ganung sitwasyon. Sa ayaw niya at gusto ay wala na siyang magagawa dahil parang nakasanla na ang kanyang kaluluwa sa Demon Lord. Pagkakuha nito ng tubig ay nagmamadali na ito sa pag-akyat dahil hindi siya nakakasigurado kung ano pa ang susunod niyang makikita. Pagpasok ng kwarto ay natulog na rin ito. Dahil magbabakasakali siyang makita ulit sa parke 'yung batang babae. Bago siya pumikit ay nagawi ang kanyang paningin sa itim na libro. Tinititigan niya ito. Hindi niya alam kung antok lang ba 'yun o pawang katotohanan ang kanyang nakikita. Ang itim na libro ay nakabukas at nagliliwanag. Hindi na niya tiningnan ito bagkus ay nagtalukbong na lang ito ng kumot para hindi niya makita ang pagbubukas sara ng itim na libro. Pero parang tinatawag siya nito. Nagtakip na lang din siya ng tenga para hindi nito marinig ang tawag ng itim na libro. "Patulugin mo naman ako!" Pagkatapos niyang sabihin yun ay nakatulog na ito ng mahimbing. Kinabukasan ay maagang nagising ang lahat. At dahil lunes ay kanya-kanya sila ng kilos. Nahihiya naman si Mark kaya tumulong na lang ito sa pagtatalop ng gulay. "Mark, maaga ka atang nagising? Nginitian lang nito ang ginang. At nang marinig 'yon ni Renzo ay sumingit na ito sa usapan. "Anong maaga? Baka naman hindi ka pa natutulog kaya maaga kang bumaba? Tama ba ako?" "Nakatulog naman ako, hindi ba?" "Sana nga." "O siya sige, maupo na kayo at maghahain na ako." "Mama, si papa po? Pumasok na po ba siya?" "Bumili lang ng dyaryo at pandesal sa labas." "Ah, okay." Nang makabalik si Mr. Lawrence ay nakapaghain na ang ginang ng almusal. "Nandyan ka na pala. Maupo ka na riyan. Ay teka, akin na nga pala 'yang pandesal." Habang kumakain si Mr. Lawrence ng pandesal ay sinasabayan naman nito ng pagbabasa ng dyaryo. Pagkatapos ay sabay-sabay na silang kumain. Pero hindi sila kumpleto dahil ang panganay na anak na si Clarence ay maagang umalis papasok ng trabaho. Habang sarap na sarap ang lahat sa pagkain, si Mr. Lawrence naman ay may biglang nasambit sa kanyang binabasang dyaryo. "Nakakaawa naman 'tong bata sa balita." "Bakit po?" "Nakita 'yung batang babae na nasa balong malalim at wala ng buhay." Nang marinig 'yun ni Mark ay bigla itong natigilan sa kanyang pagsubo. At nakinig ito sa sinasabi ni Mr. Lawrence. Hindi mapalagay si Mark kaya hiniram nito sandali ang dyaryo kay Mr. Lawrence. Pagkakita niya sa dyaryo ay namilog ang kanyang nga mata. "Oh my–" "Mark, bakit?" "Renzo, ito 'yung batang–" "Patingin nga!" Inabot ni Mark ang dyaryo kay Renzo. Binasa niya itong mabuti. Parehong-pareho ang kwento nito sa kinukwento ni Mark sa kanya kagabi. Nagkatinginan ang dalawang binata na animo'y nag-uusap ang kanilang mga mata. Pagkatapos nilang kumain ay nagmamadaling na silang makabalik ng silid. Hindi na muna nila ibinalik ang dyaryo para maikumpara nila ito sa sinasabi ni Mark. Dali-daling tiningnan ni Mark ang imahe sa itim na libro. Pero wala na nga pala ito sa libro kagabi pa. Napapalatak ito ng hindi na niya nakita ang guhit na sinasabi nito kay Renzo. "Renzo, 'yan 'yung bata na nakita ko sa panaginip ko at ang nasa itim na libro." "Huwag mong sabihin na siya 'yung batang sinasabi mo na customer natin sa restaurant?" "Siya nga 'yun, Renzo." "What the–" "Grabe na palala na nang palala ang mga nakikita ko. Naguguluhan na ako sa sarili ko." "Hindi kaya kamukha lang niya 'yung batang customer natin?" "Hindi ako maaaring magkamali. Siyang-siya talaga 'yung batang sinasabi ko sa'yo." "Nakakatakot naman. Dalawa na ang namamatay na tao na may kinalaman sa'yo at sa librong itim." "Hindi lang 'yun. Paano kung marami pang katulad nila?" "Ano namang ibig mong sabihin dyan?" Hindi na nakasagot si Mark. Muli nitong tiningnan ang dyaryo. Pagkatapos ay tumingin ito kay Renzo. "Bakit ganyan ka na naman makatingin sa akin?" "Naisip ko lang. Paano kung pati kayo ay madamay?" "Ha? Bakit kami madadamay?" "Sa kamalasan na nangyayari sa buhay ko." "Hindi na naman kita maintindihan, Mark." Nagkibit-balikat si Mark. Napasandal ito sa pader at nag-isip. Hindi na siya maaaring magtagal sa bahay na kasama niya ang pamilya ni Renzo. Maaaring pati ang pamilya nito ay madamay sa sumpa niya. Kaya kahit mahirap ay mas pipiliin niyang lumayo para hindi na madamay pa ang tumulong sa kanya. Kaya napagpasyahan nitong bumalik na lang sa luma nilang bahay. Tutal ay marunong na siyang mamuhay na mag-isa. Iniisip lang niya kung ano ang magandang dahilan para payagan siya ni Mr. Lawrence na bumukod ng bahay. Nang mapansin ni Renzo na malalim na naman ang iniisip niya ay binato niya ito ng throw pillow sa mukha. Kaya muli itong napatingin sa kanya. Napabuntong-hininga ito bago nagsalita. "Renzo, wala ka bang pasok?" "Ano ka ba? Hindi ba't day-off ko ngayon?" "Talaga?" "Oo. Bakit mo naman naitanong? Aalis ba tayo?" "Ha? Hindi." Mas lalong ayaw na niyang makasama ang kaibigan ngayon. Hindi kasi siya nakasisiguro sa ngayon na hindi mapapahamak ang kaibigan kapag lagi itong nakadikit sa kanya. Kaya hanggat maaari ay lalayo siya rito para hindi ito magaya sa mga taong kilala niya na binawian ng buhay dahil sa sumpa. Gusto sana niya munang mapag-isa pero paano niya sasabihin ito sa kaibigan. Mukhang nakakahalata na ito na iniiwasan niya ito. "O ano hindi ba tayo gagala ngayon, Mark? Libre ako ngayon. Tara na, pasyal naman tayo. Hindi puros itim na libro na lang ang pinagkakaabalahan mo riyan." "Ayoko! Wala ako sa mood umalis. Dito na lang tayo. Magpahinga ka na lang muna. Hindi ba't sabi mo ay masakit ang katawan mo?" "Ay oo, tama ka naman dyan. Sige, papahinga na lang muna ako. Eh, ikaw? Anong gagawin mo? Huwag mong sabihin na maghapon kang magbabasa ng itim na libro mo?" "Pwede rin." "Ay naku ewan ko sa'yo, Mark. Sige, idlip na muna ako." "Sige." Nang makasiguro siya na tulog na nga si Renzo ay kinuha na nito ang kanyang bag at ang ilang mga gamit. Nagpasya na siyang umalis para wala ng madamay pa sa pamilya ni Renzo. Pero bago siya umalis ay nag-iwan ito ng sulat para sa pagpapaliwanag nito sa kanyang biglaang pag-alis. Dali-dali siyang bumaba ng hagdan. Siniguro niyang walang makakakita ng pag-alis niya. Sinilip muna niya sa sala kung naroon ba ang ginang. Dahil madalas ay nakikita niya 'yun na nananahi ng damit sa may sala. At nang masiguro niya na wala ng tao ay nagmamadali na itong makalabas ng bahay. Paglabas niya ng pinto ay wala ng kasiguraduhan na makakabalik pa ito. Sa huling pagkakataon ay sinulyapan nito ang bahay at napabuntong-hininga bago tuluyang lumayo sa lugar na 'yon. Malungkot man siyang umalis ay baon-baon naman niya sa puso niya ang mga alaala ng masasayang araw na nakasama niya ang pamilya ni Mr. Lawrence. Nang makalayo na siya sa lugar ng kaibigan ay muli siyang nag-alala para sa sarili niya. "Saan kaya ako pupunta?" Bulong niya sa sarili habang pumapara ng taxi na masasakyan. Habang nag-aabang siya ng taxi ay may tumabi sa kanya. Hindi na siya nagulat. Tinanong pa nga niya ito kung siya ba ang Demon Lord. Laking gulat naman ng Demon Lord sa kanya dahil hindi ito nagalit ng sumulpot ito sa tabi niya. "Mukha atang may problema ang alaga ko?" Nilingon lang siya nito pero hindi siya nito kinausap. Halatang may iniinda ito kaya hindi siya makausap ng matino ng Demon Lord. Pinitik ng Demon Lord ang kanyang daliri para madala niyang muli si Mark sa underworld. Hindi naman na nanibago si Mark. Parang nasanay na lang din siya sa ginagawa ng Demon Lord sa kanya. "Anong ginawa natin dito?" "Gusto ko lang ipakita sa'yo ang mga kaluluwang nakuha ko dahil sa kapabayaan mo." Nilibot niya ang kanyang mata hanggang sa makita niya ang batang babae na namatay sa balon. "Anong ginagawa rito ng bata? Bakit hindi mo pakawalan ang kanyang kaluluwa. Bakit mo pa kailangan ikulong ang kanilang mga kaluluwa sa impyernong ito. Hindi ba dapat ay hinahayaan mo na lang sila na umakyat ng langit?" "Langit? Anong langit ang pinagsasabi mo? Sila ang nagdala ng kaluluwa nila dito sa purgatoryo ko. Hindi mo ba naaalala na may ginawa silang masama bago nila lisanin ang mundong ibabaw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD