Bakas na bakas sa mukha ni Mark ang inggit dahil nakikita niyang kumpleto ang pamilya ng kaibigan niyang si Renzo. Bago siya nagpalit ng damit ay muli niyang tiningnan ang mag-asawa. Napapangiti siya ng palihim. At nang makita ng ginang na nakatingin si Mark sa kanilang mag-asawa ay bigla itong nailang. Kaya itinulak nito ang asawa papalayo sa kanya.
"B-bakit my dear?"
"Tumigil ka na nga riyan. Magbihis ka na nga rin at para makakain na tayo. Gutom na ang panganay mo."
"Sige, sige."
At nang mapansin ni Mark na naiilang na ang ginang sa tingin niya ay pumasok na ito ng kwarto. Hindi na muna ito nagbihis. Humiga muna ito at tumitig sa kisame. Inalala niya ang masasayang araw na kasama niya ang mga nag-ampon sa kanya. At nang makatapos si Renzo maligo ay naabutan nitong tulala na naman ang kaibigan habang nakatingin sa kisame. Para mapatayo niya ito sa kama ay binato niya ito ng unan sa mukha. Saka lang ito bumalik sa kanyang ulirat.
"Uy Mark! Tamang daydream ka na naman dyan. Maligo ka na nga para makakain na tayo. Baka magalit si mama sa sobrang tagal natin magbihis."
"Oo na, oo na!"
"Bilisan mo!"
Nang makatayo siya sa kama ay binato rin niya ng unan si Renzo sa mukha. Natawa na lang si Renzo sa ginawa ng kaibigan. Habang naliligo si Mark ay iniisip pa rin nito ang batang babae at ang nagliliyab na mga mata nito.
"May curse kaya 'yung bata na 'yon?"
Tanong niya sa sarili habang nagkukuskos ng katawan. Halos kinse minutos na itong nasa banyo. Kaya binulabog na siya ng katok ni Renzo.
"Mark, ano ba 'yan? Bakit ba napakatagal mo namang maligo? Daig mo pa ang babae, ah! Bilisan mo nga riyan. Kanina pa tawag nang tawag si mama."
"Oo, nariyan na!"
"Ayun lumabas din! Tagal maligo. Sige na, magbihis ka na. Mauna na ako sa'yo. Dali-dalian mo kung ayaw mong masermonan."
Ngiti lang ang tanging sinagot ni Mark sa kaibigan. Habang nagbibihis ito ay bigla siyang nakaramdam ng pag-iinit ng kanyang mga marka. Halos lahat ng marka ay sabay-sabay na umiinit. Halos maluha siya sa sakit ng kanyang mga marka. Habang nag-iinit ang mga ito ay lalo siyang nakaramdam ng pagkamuhi kay Demon Lord.
Hirap siya sa pagsuot ng damit dahil sa mga marka niya. Kung saan-saan kasi ito nakapwesto. Ang pinakamasakit sa kanya ay 'yung nasa pwesto ng dibdib. Humarap siya sa salamin at laking gulat nito ng may unti-unting sungay na tumutubo sa kanyang ulo. At dahil sa takot ay pinagpupukpok nito ang kanyang ulo para matanggal ang nakalabas na sungay. At dahil sa katagalan niyang magbihis ay sinadya na siya ni Mr. Lawrence sa kwarto.
"Mark, matagal ka pa ba riyan?"
"Mr. Lawrence, nandyan na po."
Sabay suot nito ng t-shirt para hindi makita ang kanyang mga marka. Nagmadali na rin ito sa pagbaba. Paglabas niya ng kwarto ay pinagtinginan siya ng tatlo. Nahiya naman siya kaya sinabayan niya ito ng yuko.
"Tagal mo!"
Pang-aasar sa kanya ni Renzo. Kahit sa pag-upo ay hiyang-hiya ito. Nahahalata naman siya ng mag-asawa na naiilang pa rin ito sa kanila. Habang kumakain ay nakayuko lang ito. Pakiwari tuloy ng tatlo ay may itinatago ito sa kanila.
"Mark, okay ka lang ba?"
"Opo."
Nag-aalala sa kanya si Mr. Lawrence. Marahil ay alam nito ang mabigat na pinagdadaanan ng binata. Kaya habang kumakain ito ay kinakausap siya ni Mr. Lawrence. Kapansin-pansin rin ang pamumula ng kanyang leeg. Nung una ay hindi pa ito pansinin, pero habang parami nang parami ang kanyang marka sa katawan ay unti-unti na rin ang paglabas ng kulay pulang balat sa kanyang katawan. Nababahala na sa kanya si Mr. Lawrence.
"Mark, ano ba 'yang namumula sa leeg mo?"
"Ano po 'yun, Mr. Lawrence?"
"Bakit kako namumula 'yang leeg mo?"
"Baka allergy lang po. Huwag niyo na po alalahanin ito. Malayo naman po ito sa bituka."
Nagawa pa niyang tumawa para mawala ang atensyon sa kanya ni Mr. Lawrence. Pagkatapos nilang kumain ay nagtungo na ang dalawang magkaibigan sa kwarto. At mula roon ay nagsimula na naman si Mark magbukas ng itim na libro. Tinitingnan lang siya ni Renzo. Ayaw naman na siyang pakialaman nito. Marahil ay natatakot na rin siya sa maaari na namang lumabas sa libro. O may mangyaring masama na naman kay Mark.
Dahil kapag may binabasa ito sa itim na libro ay kung anu-ano na ang nakikita nito na hindi naman niya nakikita. Tahimik lang si Mark na nagbabasa ng orasyon. Isa-isa niya 'yung tinatandaan. Para kung sakali na may makaharap na naman siyang tao na may curse ay handa na siyang bawiin ang curse nito at mailipat sa katawan niya. Nais makiusyoso ni Renzo sa ginagawa ni Mark. Pero kapag lumalapit si Renzo sa kanya ay lumalayo ito.
Kaya hanggang sa matapos niya ang orasyon ay hindi na muna siya kinausap ni Renzo. Napipikit na siya pero kailangan niyang mahanap ang orasyon para sa batang babae. Pero paano niya matutulungan ang bata kung hindi naman nito alam kung saan nakatira ito. Mag-isa na lang siyang gising dahil si Renzo ay tulog na tulog na. Marahil ay sa sobrang pagod nito sa trabaho.
Gusto pa niya sana ito kwentuhan pero hindi na niya magising dahil sa sobrang lalim ng tulog nito. Kaya mag-isa niyang inintindi ang mga orasyon. Maraming orasyon para sa iba't ibang klase ng curse. Kaya medyo hirap siyang kabisaduhin dahil sa dami ng orasyon na nakasulat sa itim na libro. Nang makaramdam na siya ng antok ay isinara na niya ang itim na libro at muli niya itong pinasok sa kanyang bag.
Kinabukasan ay maagang nagising ang lahat. Siya lang ang naiwan na tulog. Hindi na muna siya ginising ni Renzo dahil alam nito na napuyat ito kakabasa ng itim na libro. Pero nagulat ang lahat ng marinig nila na bumababa ito ng hagdan. At nang makita siya ni Renzo ay nilapitan niya ito.
"Bakit gising ka na agad? Hindi ba't napuyat ka sa kababasa ng itim na libro kagabi?"
Hindi kumibo si Mark. Hindi naman alintana ng dalawa na nakikinig pala ang ginang sa kanilang pinag-uusapan. Nagkibit-balikat ito saka nagtanong kay Mark.
"Mark, akala ko ba ay hindi mo na babasahin ang itim na libro."
"Opo. May tiningnan lang naman po ako kagabi sa libro."
Pagsisinungaling nito para hindi na humaba pa ang usapan. Pagkatapos siyang tanungin ng ginanag ay nagpaalam muna ito sa kanila.
"Saan ka pupunta? Gusto mo bang samahan kita?"
"Hindi na. Gusto ko lang mamasyal."
"Pasyal? Magandang ideya 'yan. Sama ako."
Kumikindat si Renzo kay Mark para hindi makahalata ang ina. Hindi naman nagustuhan ni Mark ang nais nitong sabihin. Hindi siya pumayag na samahan ni Renzo. Dahil gusto niya kapag hinanap nito ang batang babae ay walang sagabal sa kanyang gagawin. Ayaw rin niyang madamay ang kaibigan kung sakaling malakas ang makakaharap niya. Kaya umiling siya ng sabihin ni Renzo na gusto nitong sumama sa kanya.
"Ayaw mo lang siguro may kasama, ano? Sige, ikaw ang bahala. Sasamahan ka na nga ayaw mo pa!"
Ngumiti lang si Mark kay Renzo saka ito umalis. Magbabakasakali siyang makita niya ang batang babae sa may parke na pinuntahan nila kung saan niya nakita ito. Bago siya tuluyang makalabas ng pinto ay hinabol siya ni Mr. Lawrence.
"Mark, sandali nga!"
Bumalik naman kaagad si Mark sa loob ng bahay. Pinaupo muna siya ni Mr. Lawrence dahil gusto siya nitong kausapin.
"Sigurado ka ba sa gagawin mo?"
"Po? Ano po ba ang ibig niyong sabihin?"
"Huwag ka ng magsinungaling. Alam ko naman na hindi ka mamasyal. May hahanapin ka, hindi ba?"
"Opo."
"Mag-iingat ka sana. Hindi biro 'yang gagawin mo. Alam mo naman siguro kung gaano ka delikado ang itim na libro. Lalo na kapag napasakamay 'yan ng masama."
"Mag-iingat naman po ako, Mr. Lawrence. Sige po, mauna na muna po ako. Huwag na po kayong mag-alala sa akin. Babalik din po ako agad. Promise!"
"Sige, ikaw ang bahala! Basta mag-iingat ka lang. Hindi naman ako nagkulang ng pagpapa alaala sa'yo."
Maging si Renzo ay pinag-iingat ang kaibigan. Nakatingin lamang ang ginang. Dahil isa rin naman siya na hindi pabor sa gagawin ni Mark. Kaya ng makaalis na si Mark ay pinagsabihan ng ginang si Renzo na huwag lagi itong sama nang sama kay Mark dahil baka mapahamak ito.
Wala silang kamalay-malay na narinig ni Mark ang lahat ng sinabi ng ginang kay Renzo. Isa sa kapangyarihan ni Mark ay ang sense of hearing. Maari niyang marinig ang usapan ng mga tao kung nais nitong marinig ang mga pinag-uusapan nito.
Pero hindi sa lahat ng oras at pagkakataon ay magagamit niya ito. May mga pagkakataon lang na sobrang lakas ng kanyang pandinig. At nang matapos na ng ginang pagsabihan si Renzo ay pumasok na ito ng kanyang kwarto. Si Mark naman ay madali lang na nakahanap ng masasakyan. Saglit lang ay nakarating na siya kaagad sa parke. Umupo muna siya sa ilalim ng puno at doon siyang matiyagang naghihintay.
Malakas ang kutob niya na makikita nito ang batang babae. At dahil nga sabado ay maaaring mamasyal ang batang babae sa parke. Kapag na siguro naman niyang hindi curse ang nakapaloob dito ay hindi na niya ito pagkakaabalahan. Halos kalahating oras na rin siyang nag-aabang sa ilalim ng puno. Nang may narinig na siyang isang kumpol ng mga batang parating ay kaagad itong tumayo sa kanyang kinauupuan.
"Sana makita ko na ang batang 'yun."
Sabi nito sa sarili habang iniisa-isa niyang tingnan ang mga dumating na bata sa parke. At nang makita na niya ang lahat ay bumalik na siya sa kanyang upuan. Pagkalipas ng halos dalawang oras ay dumating na ang kanyang hinihintay. Marami itong kasama na kapwa bata. Muli siyang tumayo at tiningnan niya ang kulay ng damit ng batang babae. Kung sakali kasi na makapuslit ulit ito ay alam na niya ang kulay ng damit ng bata.
Hindi niya ito malapitan dahil marami itong kasama kaya sa malayo lang niya ito pinagmamasdan. Wala naman kakaiba sa batang babae. At wala rin siyang nakikita na nakasakay sa likuran nito. Pero hindi na muna siya umalis. Gusto niyang makasiguro na wala nga itong curse. Nang biglang napunta ang pinaglalaruan nilang bola sa paa ni Mark ay hindi nito ibinalik ang bola. Para kunin ito ng batang babae. At nang makita niya na papalapit na sa kanya ang batang babae ay kinuha nito ang bola para maabot sa bata.
Sa ganung paraan ay makikita nito kung isa nga ang bata sa binigyan ng curse ng Demon Lord. At nang nasa harap na niya ang bata ay inabot na nito ang bola. Pero bago niya ito ibinigay ay pinatingin niya muna ito sa kanya. Nangilabot siya ng makita niya na ng harapan ang mga mata nito. Hindi siya nagkamali may kakaiba nga sa batang ito. Kaya ng maabot niya ang bola rito ay dinamplisan niya ang kamay nito para maramdaman ang presensya na nakapaloob sa katawan nito.
At nang madikit ang kamay nito sa kanyang kamay ay naramdaman nito ang sobrang init sa kamay nito. Kaya ng umalis na ang bata ay hindi na rin nito inalis ang kanyang paningin dito. Ni hindi na niya magawang kumurap. Dahil baka pagkurap niya ay matakasan na naman siya nito. Kaya habang tinitingnan niya ito ay nag-iisip na siya kung paano niya ito makakausap ng hindi matatakot sa kanya. Kaya lang naisip din niya na baka mapagkamalan siyang kidnapper ng mga kasama nito.
Nag-isip siya nang nag-isip ng magandang approach sa bata. Nang mapagod ang mga bata ay isa-isa muna itong umupo. Ang batang babae naman ay umupo malapit sa puno na inuupuan din ni Mark. At kapag binabalak niyang kausapin ito ay bigla na ang itong lumalayo. Mukhang mahihirapan siyang tulungan ito. Nakakaawa pa naman ang bat kapag talagang lumabas na ang curse sa kanyang katawan. Maaari siyang pahirapan nito kagaya ng ginawa sa manager ng restaurant.
Kapag lumalayo ang bata ay sinusundan niya ito ng tingin. May nakakahalata na sa mga kasama ng bata na tinitingnan niya ito at sinusundan ng tingin. Ang isang kasambahay ay lumapit na sa kanya naglakas ito ng loob na kausapin siya.
"Excuse me po. Pwede po bang magtanong?"
"Opo. Ano po ba 'yon?"
"Tanong ko lang bakit pa panay ang tingin mo sa alaga ko?"
"Ha? Iyon ba? Pasensya ka na, ha! Naaalala ko lang kasi sa kanya ang kapatid ko. Huwag niyo naman po sana bigyan ng masamang kahulugan. Sadyang nami-miss ko lang ang kapatid ko."
Pagsisinungaling niya para hindi siya pag-isipan ng masama. At nang malaman na ng kasambahay ang rason ay hinayaan na niya itong tingnan ang kanyang alaga.