CHAPTER 35

3070 Words
Nang halos hindi na siya makagalaw ang una niyang ginawa ay ang nabasa niya sa itim na libro. Sinubukan nitong ibuka ang kanyang palad at ikinumpas ito tulad ng nakasulat sa libro. Nang nagawa niya 'yon ay unti-unti na siyang nakakagalaw. Naihahakbang na rin niya ng dahan-dahan ang kanyang mga paa patungo sa loob ng opisina. Hindi na muna niya binigyan ng pansin ang batang babae dahil nawala bigla ito sa kanyang paningin. Habang nakataas ang kanyang kanang kamay ay hindi rin makakilos ng maigi ang malaking alupihan na nakapulupot sa leeg ng manager. Kaya nagawa na niyang pumasok ng tuluyan sa loob ng opisina. Hindi na magawang makapagsalita ng manager dahil hirap na ito sa paghinga. Kaya nang makita niya 'yon ay nagmadali na ito sa kanyang ginagawang orasyon. Binigay na rin niya ang kanyang buong lakas para labanan ang kung ano man ang malakas na pwersa na nakapalibot sa buong katawan ng manager. Nang makapagsalita ito ay muli niyang sinubukan na hingan ng tulong si Mark. "Mark, please help me!" Tumango lang si Mark sa sinabi ng manager sa kanya. Hindi niya magawang sumagot dahil sa chant na kanyang sinasambit kasabay nang pagkumpas ng kanyang kamay. At nang dalawang kamay na ang kanyang ginamit ay lalong lumakas ang kanyang kapangyarihang magtaboy ng kalaban. Nang makita niyang hirap na hirap na ang manager ay ibinigay na niya ang kanyang buong lakas. Ngunit, hindi siya nagtagumpay. Napatay niya ang malaking alupihan at nagmarka na ito sa kanyang katawan pero kasabay din nito ang kawalan ng hininga ng kanyang tinulungan. Hindi na kinaya ng manager ang lakas ng curse na napunta sa kanya kaya binawian din ito ng buhay. Pagkatapos ng nangyari ay nawalan na naman ng malay si Mark at muli siyang dinala sa hospital. At ang manager ay diniretso na sa morgue. At dahil sa pangyayaring 'yon ay hindi na makababalik pang muli si Mark sa restaurant. Dahil sa hindi maipaliwanag na dahilan na pagkamatay ng manager ay tinanggal si Mark sa trabaho. Pagkamulat ni Mark ay nakita niyang nasa hospital na naman siya. Pilit siyang tumatayo pero hindi niya maikilos ang kanyang kaliwang paa. Nakita siya ni Renzo kaya tinulungan niya ang kaibigan para makatayo. "Huwag mo na munang pilitin ang sarili mo kung hindi mo pa kaya. Baka kung mapaano ka pa n'yan." "Renzo, anong nangyari bakit hindi ko maikilos ang aking paa?" "Mamaya pupunta ang doktor mo rito, siya na lang ang magpapaliwanag sa'yo kung bakit nagkaganyan ang kaliwang paa mo." "May nangyari na naman ba sa restaurant? Naulit na naman ba 'yung nangyari sa gym ng school? Sagutin mo ako, Renzo." "Hindi ko kasi alam ang buong pangyayari, Mark. Basta nakita ka lang daw ng janitor na nakabulagta na sa sahig." Hindi na dinetalye pa ni Renzo ang buong pangyayari. Maging ang misteryosong pagkamatay ng manager ng restaurant. At wala ring kamalay-malay si Mark na wala na siyang babalikan na trabaho. "Ang huli kong naalala ay 'yung batang baba–" Naaalala na niya ang buong nangyari maging sa batang babae. "Nasaan na nga pala 'yung batang babae? Nakita rin ba siya sa opisina?" "Wala naman na 'yong batang babae nang makita ka na nasa sahig." "Ha? Paano nangyari 'yun? Teka, kamusta na nga pala si manager? Kung sa office ako nakita ng janitor na nakabulagta. Ibig sabihin ay naroon din si manager ng mga oras na 'yon." Tumango lang ang kaibigan. Hindi niya kasi alam kung kailangan pa ba malaman ni Mark ang misteryosong pagkamatay ng manager. Ikukwento na sana ni Renzo ang buong pangyayari, kaso bigla namang nahinto ang kanilang pag-uusap ng biglang dumating ang doktor ni Mark. "Mark, kamusta na ang pakiramdam mo? Feeling good na ba?" "Medyo okay naman na po ako. Kaya lang po parang hirap pa rin po ako maigalaw ang kaliwang paa ko po. Ano po bang nangyari sa paa ko, dok?" "Nagkaroon ka ng mild fracture. Pero magiging okay din naman 'yan kapag nag undergo ka ng therapy." "Matatagalan po ba ito, dok? May trabaho pa po kasi ako. Baka makasagabal lang po kapag gumamit ako ng saklay sa trabaho." "Maybe one week or two. Depende sa response ng katawan mo sa therapy. Kung masunurin ka naman wala naman sigurong magiging problema sa recovery mo." "Ganun po ba? Sige po, pipilitin ko po na maging mabait para mas mabilis ang recovery ko." "Very good. O siya, balikan na lang kita ulit bukas, okay?" "Okay po, salamat po." Pag-alis ng doktor ay umamin na si Renzo sa kaibigan patungkol sa nangyari sa restaurant. Siya na mismo ang nagsabi kaysa malaman pa nito sa ibang tao. "Uy Renzo, kamusta na kako si manager? Okay lang ba siya?" "Mark, wala na si manager." "A-ano? Paano nangyari 'yun? Hindi ba at ako lang naman ang nasaktan?" "Wala ni isa sa amin ang nakakita ng mga pangyayari." "Paanong wala? Ni wala man lang ba sa inyo ang nakarinig?" Pero ang totoo ay nakita ng lahat ang buong pangyayari. Ayaw lang muna niya ipaalam kay Mark kung ano talaga ang totoong nangyari sa manager. Kahit ang mga pulis ay hindi alam kung paano namatay ang manager. "Wala nga. Ang kulit mo! Pahinga ka na nga lang diyan." Lumabas muna si Renzo para makahinga dahil parang sasabog na ang kanyang dibdib sa pagsisinungaling sa kaibigan. Paglabas ni Renzo ay siya namang dating ni Mr. Lawrence sa kwarto ni Mark. "Kamusta ka na, Mark? Maayos na ba ang pakiramdam mo?" "Medyo okay na po ako. Mr. Lawrence, may nabanggit po ba sa inyo si Renzo sa totoong nangyari sa restaurant?" "Wala naman. Bakit hindi mo pa ba alam na wala na ang manager ninyo?" "Alam ko na po 'yon. Kaya lang hindi naman masabi-sabi sa akin ni Renzo kung ano ang buong pangyayari." "Hayaan mo kapag nakausap ko siya ay ako mismo ang magtatanong sa kanya. May kailangan ka pa ba?" "Wala na po." "Sige, papasok na muna ako sa opisina." "Okay po." Nang maiwan na si Mark na mag-isa sa kwarto ay nakatulog na muna ito. Sa sobrang lalim ng kanyang pagtulog ay hindi na nito namalayan ang oras. Nagising siya na mag-isa pa rin sa kwarto. Madilim at napaka tahimik sa loob ng kwarto niya. Sinubukan niyang tawagin si Renzo para magpatulong sana pumunta ng banyo, pero parang walang nakakarinig sa kanya. Ang buong kwarto ay nababalot ng dilim. Nais na niyang tumayo pero hindi siya makatayo-tayo mag-isa. Pilit din niyang inaangat ang kanyang mga paa pero hindi pa rin niya magawang pakilusin ito. "Ano ba itong nangyayari sa akin? Saka bakit ba ang dilim-dilim naman ng kwarto ko." Sabi nito sa sarili habang pinipilit tumayo. Muli niyang tinawag ang kanyang kaibigan dahil hirap na siyang kumilos. "Renzo! Uy Renzo, nasaan ka ba? R-Renzo!" Nagulat na lang siya ng may biglang nagsalita sa kanyang harapan. Pamilyar ang boses na 'yon kaya hindi na siya natakot ng marinig niya ang boses na 'yon. Unti-unti itong lumalapit sa kanya. At nang malapit na ito sa kanya ay bigla itong nagsalita. "Kamusta ka na, Mark?" "D-Demon Lord? Anong ginagawa mo rito? Ikaw na naman ba ang may gawa ng lahat sa restaurant?" "Ako? Bakit ako? Nakita mo bang nandun ako?" Pinagpapawisan ng malamig si Mark dahil sa takot sa Demon Lord. Takot na takot siya sa laki nito at ang mata na mistulang apoy na nagngangalit. Pero hindi siya nagpapahalata na natatakot siya rito. "Kamusta na ang mga marka mo? Sapat na ba 'yan para talunin ako?" Tiningnan ni Mark ang bagong marka niya na nakaukit naman ngayon sa kanyang dibdib. Hindi maipagkakaila na natatakot na rin siya sa mga nangyayari sa kanya. May isa na namang namatay ng dahil na naman sa curse. "Kailan ba matatapos ito, Demon Lord? Bakit kailangan may magbuwis ng buhay para lang sa isang curse? Ano ba talaga ang plano mo sa akin, ah!" Hindi na sumagot pa ang Demon Lord, bagkus ay naglaho na ito ng walang sabi-sabi. "Demon Lord! Ang daya mo talaga! Wala ka talagang awa! Kapag nakompleto ko na ang mga marka. Sisiguraduhin ko na mawawala ka na riyan sa underworld. Pinapangako ko 'yan!" Pagkatapos niyang sabihin 'yon ay nakarinig siya nang malakas na pagtawa na nanggaling sa ilalim ng lupa. Ibinato niya sa sahig ang baso na nakalagay sa tabi ng kama. Gusto lang niyang iparating sa Demon Lord na galit na galit siya rito. Pagkatapos maglaho ng Demon Lord ay nagbukas na ang lahat ng ilaw sa kwarto at muli ng nagbalik si Renzo. "Saan ka ba galing, ha? Kanina pa kita tinatawag." "Lumabas lang ako sandali. Bakit?" "Sandali lang ba 'yon?" "Oo. Ano ba ang ibig mong sabihin?" "Bakit parang ang tagal saka gabi na, hindi ba?" Takang-taka na naman si Renzo sa mga pinagsasabi ng kaibigan. Kaya wala itong nagawa kung hindi ang mangamot na lang ng ulo. "Renzo, gabi na ba?" "Tigilan mo nga ako. Anong gabi na!" Binuksan ni Renzo ang kurtina para makita ni Mark na maliwanag pa sa labas. Napabuntong-hininga na lang si Mark nang makita niyang totoo ang sinasabi ng kaibigan. "Bakit mo ba kasi sinasabing gabi na? May nangyari na naman ba sa'yo kanina habang nasa labas ako?" "W-wala. Paano nga pala ako makababalik nito sa trabaho?" "Ha?" Napalingon bigla si Renzo sa kanya ng tanungin nito ang tungkol sa trabaho. Hindi na siya nagsinungaling sa kaibigan sinabi na niya ang tungkol sa pagpapatanggal kay Mark sa trabaho. "Mark, huwag kang mabibigla, ah!" "Bakit naman ako mabibigla?" "Kasi–" "Kasi? Ano ba 'yun?" "Wala ka na kasing babalikan na trabaho sa restaurant." "A-ano? Sigurado ka ba riyan? Paano nangyari na wala na akong babalikan? H-hindi kita maintindihan." Bumuntong-hininga muna ng malalim si Renzo bago nagsalita. Nakatingin naman ng diretso si Mark sa kanya habang naghihintay ng kasagutan. "Wala kasing makapagsabi sa misteryosong pagkamatay ni manager. Pagkatapos ay ikaw pa ang nakitang kasama sa opisina. Kaya–" "Ano?" "Inisip ng mga pulis na ikaw ang gumawa ng karumal-dumal na pagpatay kay manager." "Ha? A-ako? Bakit naman ako? Hindi ba nila nakita na kasama ako sa aksidente? Pagkatapos ay ako ang pagbibintangan nila? Hindi naman ata tama ang paratang nila sa akin. Napailing na lang si Renzo sa tinuran ng kaibigan. Naaawa siya kay Mark dahil mula ng mahawakan nito ang itim na libro ay sunod-sunod na ang mga masasama at kakaibang pangyayari sa buhay nito. Kung pwede nga lang niyang sabihin dito na itapon na lang ang itim na libro ay matagal na niyang sinabi ito. Pero hindi niya kontrolado ang pag-iisip ng kaibigan. Pagkatapos malaman ni Mark na wala na siyang babalikan na trabaho ay nagpasya na lang itong bumalik sa dati niyang tirahan. Pagkaraan ng tatlong araw ay nakalabas na ng hospital si Mark at muli na rin siyang nakapaglakad. Habang nag-aayos ito ng gamit ay may biglang bumulong sa kanyang tenga. Iyong pamilyar na boses na naman na 'yun ang naririnig niya na bumubulong sa kanya ngayon. Tinakpan na lang niya ang kanyang tenga para mawala ang boses na 'yun. Pero kahit na anong takip ang gawin niya ay naririnig pa rin niya ito. At dahil masyado na siyang inaabala nito ay napasigaw siya nang malakas sa kanyang likuran. Laking gulat naman niya ng napasigaw rin ang nars na nasa likod niya na nag-aayos lang ng kama na kanyang hinigaan. Nilingon niya ito para tanungin. "Nars, kanina ka pa ba nariyan?" "Opo. Bakit po, sir?" "May naririnig ka ba na nagsasalita?" "Po?" "N-never mind!" Umiling-iling na lang ang nars sa winika ni Mark sa kanya. Nang matapos na niya ang kanyang ginagawa ay inaya na siya ni Renzo na umuwi. "Tara na, Mark. Baka kasi gabihin pa tayo sa daan." "Sige, saglit lang." Kinalabit nito ang nars bago lumabas ng kwarto saka sinabing, "Nars, sigurado ka wala kang narinig na nagsasalita kanina?" "Sir, wala nga po talaga! Huwag mo naman po akong takutin, sir." "Hindi naman kaya kita tinatakot." Pagkatapos niyang makausap ang nars ay lumabas na ng kwarto ang dalawang magkaibigan. At dahil sa sinabi ni Mark ay hindi na itinuloy ng nars ang pagliligpit ng kama. Sumunod na rin itong lumabas sa kanila saka ito tumakbo nang mabilis. Nagulat naman ang dalawang magkaibigan ng kumaripas ng takbo ang nars. At nauna pa ito sa kanila sa labas. Natawa naman si Mark sa ginawa nito. "Loko ka talaga! Bakit mo naman tinakot 'yung nars." "Hindi ko naman alam na matatakutin pala siya." Sabay pa sila na tumawa nang malakas. Paglabas nila ng hospital ay nakaabang na si Mr. Lawrence sa labas ng pinto. "Nandyan na pala kayo! Tara na, baka gabihin pa tayo sa daan." "Mr. Lawrence, bakit ang aga niyo naman po atang lumabas ng opisina?" "Tinawagan kasi ako ni Renzo. Kailangan niyo raw kasi ng masasakyan." Napatingin na lang si Mark kay Renzo at lihim itong napangiti sa kanya. Habang nasa loob sila ng sasakyan ay inilabas ni Mark ang itim na libro. Nang makita ni Mr. Lawrence ang itim na libro ay muli niya itong inusisa. "Nauubos na ba ang pahina ng libro na 'yan?" "Hindi pa naman po. May mga pages lang naman po na nasusunog na at nagiging abo." "Ganun ba? Nahanap mo na ba ang panulat d'yan para hindi 'yan tuluyan na maabo?" "Hindi pa nga rin po. Saka may nakapagsabi naman po sa akin na hindi ko na raw po maibabalik ang panulat dito." "May nakapagsabi? Sino naman 'yun?" Hindi na sumagot si Mark dahil hindi naman nito pwedeng sabihin sa mag-ama ang tungkol kay Demon Lord. Ibinalik na muna ni Mark ang itim na libro sa kanyang bag at para makapag pahinga muna siya habang nasa byahe pa sila. Habang nakatingin siya sa labas ng bintana ng kotse ay nakita niyang muli ang batang babae na naging customer nito sa restaurant. Hinabol niya ito ng tingin. Eksakto naman na huminto ang sasakyan dahil naka red light ang sign. Kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na tingnan ito. At nang titigan niya ito ay tiningnan din siya nito ng masama. Nililiit niya ang kanyang mga mata dahil hindi nito maaninag ang mata ng bata. Kaya naisipan niyang buksan ang bintana ng kotse para mailabas niya ng bahagya ang kanyang ulo. Nang makita na niya ito ng malapitan ay muli siyang natakot sa batang babae. Dahil ngumisi ito sa kanya habang nagliliyab na naman na parang apoy ang mga mata ng batang babae. Pero sa pagkakataon na 'yun ay nilakasan na niya ang kanyang loob. Ayaw na niyang maulit pa ang nangyari sa manager. Nang dahil sa kapabayaan niya ay nahirapan at namatay ito. Kaya ng makipag titigan sa kanya ang batang babae ay tinitigan na rin niya ito ng diretso para makita niya ng malinaw kung isa ito sa binigyan ng curse ng Demon Lord. At kapag nagkataon ay mahihirapan siya rito dahil hindi niya matutunton kung saan nakatira ang batang babae. Kinalabit niya nang kinalabit si Renzo hanggang sa magising ito. "Bakit na naman ba, Mark?" "Halika lumapit ka rito sa bintana. Hindi ba't siya 'yung bata na customer natin?" "Siya ba 'yun? Baka kamukha lang. Gigisingin mo ako para tanungin lang kung 'yan 'yung batang babae na kumain sa restaurant?" "Sigurado ako. Siyang-siya 'yun, eh." "O eh, ano naman ngayon kung siya nga 'yung batang sinasabi mo?" Naguguluhan naman ang ama sa pinagtatalunan ng dalawa. Tiningnan na rin niya kung sino ba ang pinagkakaabalahan ng dalawa. "Sino ba 'yang pinagtatalunan niyo?" Singit ni Mr.Lawrence na nagtataka. At nang hindi siya sinagot ng dalawang binata ay itinuon na lang nito ang atensyon sa pagmamaneho. Nang makaliko na ang sasakyan sa parke ay pinakiusapan ni Mark si Mr. Lawrence na ihinto muna saglit ang sasakyan. "Mr. Lawrence, ihinto niyo po muna ang kotse." "Ha? Bakit?" "Basta po, sandali lang naman po, Mr. Lawrence." Pagkatapos ay bumaba si Mark at pumunta sa kinaroroonan ng batang babae. "Uy Mark, saan ka na naman ba pupunta?" "Sandali lang ako." Hindi na nila napigilan si Mark. Sinundan na lang ng mag-ama kung saan pupunta si Mark. At nang makahanap si Mr. Lawrence ng mapaparkingan ng sasakyan ay sinundan na nila si Mark. Sa sobrang tagal nila sa paghahanap ng mapaparkingan ng kotse ay hindi na nila naabutan kung saan nagpunta si Mark. At nang hindi na nila ito nahabol ay bumalik na ang mag-ama sa kotse. "Ano ba ang nangyayari sa kaibigan mo, Renzo?" "Hindi ko nga rin po alam, papa. Mula lang naman ng mabasa niya ang itim na libro ay nagkakaganyan na siya." Napapalatak na lang si Mr. Lawrence sa kanyang narinig. Malayo na ang narating ni Mark. Maging siya ay hindi na rin niya nakita kung saan pumunta ang batang babae. "Nasaan na kaya 'yung bata na 'yun?" Bulong nito sa sarili habang naglalakad sa gitna ng parke. Malaki ang parke kaya hirap din siyang makita ang batang babae. At dahil hindi na niya talaga ito makita ay nagpasya na siyang bumalik sa kotse. Mabuti na lang at umikot siya at nakarating siya sa lugar na pinag parkingan ng kotse. Basang-basa na siya ng pawis ng makabalik ito sa loob ng sasakyan. "Nakita mo ba naman ang hinahanap mo?" "Hindi ko nga po naabutan, eh." "O ano, uwi na ba tayo? Baka mamaya kasi ay bumaba ka na naman." "Sige po, uwi na po tayo." Pagkatapos ay pinaharurot na ni Mr. Lawrence ang sasakyan. Pagdating nila sa bahay na tatlo ay sinalubong sila sa labas ng ina ni Renzo. Nakangiti ito habang nag-aabang sa pinto. Hindi alintana sa kanya ang mga nangyari sa anak niya at kay Mark. Ang tanging alam lang niya ay naaksidente si Mark sa restaurant ng hindi sinasadya. Hindi nila pwedeng sabihin ang totoo sa ginang. Dahil kapag nagkataon ay magagalit ito sa kanila. Pagbaba ng tatlo sa kotse ay sinalubong kaagad ni Mr. Lawrence ang kanyang asawa. Isang matamis na halik sa pisngi ang sinalubong ni Mr. Lawrence sa kabiyak. Nang makita 'yun ni Mark ay bigla siyang nakaramdam ng lungkot. Naalala niyang bigla ang mga nag-ampon sa kanya. Ganun din kasi kalambing si Mr. Vil sa asawa nito. "Eksakto at nakapagluto na ako ng hapunan. Magsipag bihis muna kayo at maghahain na ako. Bilisan niyo ng tatlo at gutom na kami ni Clarence. "Yes, my dear." Natawa naman ang ginang sa tinuran ni Mr. Lawrence. Pabirong naduduwal naman si Renzo ng marinig niya ang sinabi ng kanyang ama sa ina. Napapabuntong-hininga na lang si Mark habang pinagmamasdan ang dalawang mag-asawa. Marahil ay nami-miss na nito ang mga nag-ampon sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD