Nang makita ni Mark ang galit na mukha ng manager ay kaagad na itong bumalik sa loob. Pero bago pa man siya bumalik sa loob ay ipinagpag muna niya ang kanyang braso na akala mo ay walang nangyari.
"Sus, 'yun na 'yun? Walang kahirap-hirap!"
Mayabang na bulong niya sa sarili. Pagkatapos ay bumalik na siya sa loob. Nakita siya ni Renzo na ngumingisi habang papasok ito. Nilapitan niya ang kaibigan at inusisa niya ito.
"Saan ka na naman galing, ha?"
"May inayos lang ako sa labas."
"Inayos? At ano naman ang inayos mo sa labas?"
"Basta! Okay na ba ang order ng customer ko?"
"Okay na po ang order ng trip mong babae. Bilisan mo na at dalhin mo na sa kanya."
"Trip ka d'yan! Loko-loko ka talaga, Renzo."
Napaisip siya bigla sa sinabi ni Renzo sa kanya. Iyon nga pala ang dinahilan niya para pumayag na makipagpalit ang kasamahan niya kanina. Pagkatapos ay kinuha na niya ang tray na naglalaman ng order nito at dinala sa lamesa kung saan nakaupo ang babaeng customer.
"Ma'am, order niyo po."
Pagkatapos ay inilapag niya ito isa-isa sa lamesa. Nginitian niya ang babaeng customer at gumanti rin naman ito ng ngiti sa kanya.
"Enjoy your meal, ma'am."
"Oh, thank you so much!"
"Your welcome po. Sige po kain na po kayo."
Sa sobrang dami ng customer ay hindi na magkandaugaga ang mga staff ng restaurant maging ang dalawang magkaibigan. Hindi naman iniinda ni Mark ang pagod na pagsilbihan ang bawat customer mas napapagod pa nga siyang tingnan isa-isa ang mga ito, marahil ay gusto niya makita ang bawat tao na pumapasok sa loob ng restaurant na may dala-dala na curse. Alam niyang hindi lang isa ang makakasalamuha niya kada araw. Dahil sa dami ng binigyan ng Demon Lord ay hindi niya alam kung sinu-sino ang mayroon nito. Habang abala siya sa pagtingin sa bawat pumapasok na tao sa restaurant ay kapansin-pansin naman ang pamumula ng kanyang marka.
"Mark!"
Napalingon siya sa tumawag ng kanyang pangalan. Saka lang ito bumalik sa kanyang ginagawa.
"Ano na naman ba ang nangyayari sa'yo? Alam mo ikaw araw-araw na lang may kakaibang nangyayari sa'yo."
"Oh Renzo, nandyan ka pala! May nangyayari sa akin? Wala kaya! May iniisip lang ako. Kung anu-ano 'yang pinag-iisip mo sa akin. Pabayaan mo na nga lang ako."
"Pabayaan? Gusto mo bang pareho tayong mapagalitan ni manager?"
"Okay lang 'yon. Wala naman siya rito, "no!"
Sabay lingon sa opisina ng manager. May kakaiba talaga siyang nararamdaman sa bagong marka niya na nakapwesto sa may pulso ng kanyang kanang kamay. Tiningnan niya muli ito at hinimas-himas. Nang mapansin ito ni Renzo na may itinatago siya ay bigla itong lumapit sa kanya at nag-usisa.
"Ano 'yan?"
"W-wala. Allergy lang siguro ito."
"Kakaiba naman ata 'yang allergy na 'yan parang may korteng hayop pa. Tingnan mo maigi."
"Sus, huwag mo na nga lang pansinin 'yan. Tara na, baka makita pa tayo ni manager."
Hindi siya napakali at tiningnan niyang muli ang kanyang marka saka niya ito itinago para hindi na ulit usisain pa ni Renzo. Eksakto naman ang labas ng manager ng makita silang dalawa na nakatunganga lang habang ang iba ay abala dahil sa dami ng customer. Lumapit ang manager sa dalawang magkaibigan.
"Kayo bang dalawa ay sinuswelduhan para lang mag tsismisan sa oras ng trabaho?"
Nagkatinginan ang dalawa saka sila humingi ng despensa sa manager.
"Sorry po, sir."
Sagot naman ng dalawa sabay tapik ni Renzo sa balikat ni Mark. Kahit na napagalitan ng manager ang dalawa ay tumawa lang ang mga ito saka nila itinuloy ang kanilang ginagawa. Sa kabilang banda naman kahit na abala si Mark sa pagkuha ng order ng mga customer ay hindi pa rin niya inaalis ang tingin niya sa bawat customer na pumapasok ng pinto. Patuloy lang ang kanyang pag-obserba habang kumukuha ng mga order nito.
Ang karamihan sa mga customer ay nawi-weirduhan na sa kanya. Dahil lahat sila ay tinitingnan isa-isa ni Mark. Pakiwari pa ng ibang customer sa kanya ay may balak itong masama sa kanila. Dahil kung tumingin ito ay animo'y laging may multo sa likuran ng mga tinititigan nito. Habang titig na titig si Mark sa batang customer ay hindi na nakatiis ang kasama nito na matanda kaya tinawag nito si Mark para sitahin.
"Hijo, halika nga rito."
"Po? Ako po ba?"
"Oo, ikaw lang naman ang tinuturo ko, hindi ba?"
Galit na sabi ng isang matandang customer. Pagkatapos siyang tawagin ay nakangiti pa siyang lumapit dito.
"Ma'am, bakit po?"
Pagtataka niyang tanong sa matandang babae na customer na may kasamang dalawang bata na kanina pa niya tinititigan.
"Anong bakit po? Bakit ba panay ang tingin mo sa amin? Pati tuloy ang mga apo ko ay natatakot sa tingin mo. May binabalak ka bang masama sa mga apo ko?"
"Ano po? Wala po, ma'am. Pasensya na po kung napatingin po ako sa inyo ng masama ng hindi sinasadya."
"Tawagin mo nga ang manager niyo. Gusto ko siyang makausap."
Nakatawag naman kaagad ito ng pansin ng karamihan na nasa loob ng restaurant. Dahil halos mag eskandalo na ang matandang babae sa loob ng kainan. Lumapit naman agad ang manager nang marinig nito ang reklamo ng matanda.
"Ma'am, may problema po ba?"
Tanong ng manager na pilit na pinapakalma ang matanda.
"Oo. Kasi 'yang magaling mong waiter ay ang sama makatingin sa amin ng mga apo ko. Mukhang may balak na masama sa amin. Pagsabihan mo 'yan kung ayaw mong ireklamo ko ang restaurant ninyo."
"Yes ma'am, I will. Pasensya na po."
Tumayo ang matanda sa lamesa at inakay ang dalawang apo.
"Nawalan na ako ng ganang kumain sa restaurant ninyo. Tara na mga apo, lumipat na lang tayo ng ibang makakainan."
Pagkatapos makapagsalita ng kung anu-ano sa harap ng manager ay saka ito padabog na lumabas ng pinto ng restaurant. Halos gusto ng magpalamon ng manager sa lupa dahil sa kahihiyan. Humarap ito kay Mark at tiningnan ito ng masama. Napalunok naman si Mark ng bigla siyang tingnan ng masama ng manager. At dahil sa kaba kahit malamig sa loob ng restaurant ay pinagpapawisan si Mark.
"S-sir, magpapaliwanag po ako."
"Hey you in my office, now!"
Pasigaw na sabi ng manager kay Mark. Napatingin naman si Renzo kay Mark. Sinenyasan niya ito, ngunit nagkibit-balikat lang si Mark saka ito nagtungo ng opisina ng manager. Bago pumasok sa opisina ng manager ay napabuntong-hininga muna ito ng malalim. Muli niyang tiningnan ay kanyang marka bago pumasok. Pilit niya itong itinatago sa kanyang long sleeves na uniform.
"Bakit naman kasi sa pulso ka pa nag marka? Pwede naman sa ibang parte ng katawan ko para hindi ka makita."
Bulong niya sa sarili habang papasok ng opisina. Kumatok muna ito bago tuluyang pumasok sa loob. Dahan-dahan pa niyang pinipihit ang doorknob ng pinto. At nang makapasok na siya ay kaagad siyang kinausap ng manager.
"Maupo ka muna, Mark."
"Salamat po."
May kinuha ang manager sa kanyang drawer. Logbook at isang ballpen. Pagkakuha nito ng logbook at ballpen ay tinawag niya si Mark para paupuin sa harap ng kanyang lamesa.
"Come over here, Mark."
Lumapit naman kaagad si Mark kung saan itinuro ng manager ang kanyang uupuan. Halos sumabog na ang dibdib niya sa sobrang kaba. Ilang beses na siyang napapalunok sa nerbyos. At nang buklatin na ng manager ang logbook ay lalong bumilis ang t***k ng puso niya.
"You may sit down."
Umupo si Mark na halos hindi makahinga sa sobrang kaba. Pagkatapos ay inilapit sa kanya ang logbook at ballpen.
"Mark, sign here."
"Po?"
"Just sign here then I will explain to you later."
Hindi na nakapagsalita pa si Mark basta-basta na lang siya pinapirma ng hindi man lang niya nalalaman kung para saan ang pirma na 'yon. Pagkatapos niyang makapirma ay ipinaliwanag na ng manager kung para saan ang pirma na 'yon.
"Maybe, nagtataka ka kung para saan ang pirma na 'yan, hindi ba?"
"Opo. Sir, pwede ko po bang malaman kung para saan po 'yang pirma ko?"
"Okay. Alam mo naman na siguro ang mga regulasyon dito, right?" At aware ka naman sa mga rules ng restaurant."
"Yes, sir."
"So, in that case alam mo na kung para saan ang pirma na 'yan."
Tumango lang si Mark kahit hindi pa rin direktang sinabi ng manager kung para saan ang pirma niya. Hindi na siya nag-abalang tanungin pa ulit 'yon. Kung may mali man siyang nagawa kanina ay inaamin naman niya 'yon. Naguguluhan pa rin siya kung para saan talaga ang pirma na 'yon. Pagkatapos siyang kausapin ng manager ay pinalabas na siya ng opisina. Habang naglalakad ito palabas ng opisina ay muli niyang tiningnan ang manager.
Nanlaki ang mga mata niya ng may nakita siyang kakaibang hayop na gumagapang sa loob ng damit nito. Hindi niya masyadong maaninag ito dahil nasa loob pa ito ng coat ng manager. Nang lalapitan na sana niya ito ay bigla naman itong naglaho na parang bula. Napansin naman siya ng manager na papalapit si Mark sa kanya.
"Yes?"
"W-wala po. Lalabas na po ako, sir."
"Okay."
Ilang beses niyang isinara at iminulat ang kanyang mga mata para makita niyang muli ang kakaibang hayop na nasa loob ng damit ng manager pero hindi na niya iyon nakitang muli.
"Namamalikmata lang siguro ako."
Muli niyang bulong sa kanyang sarili. Nang maisara na niya ang pinto ng opisina ay hindi pa rin siya mapalagay sa kanyang nakita. Kakaibang hayop ang nakita niya na gumagapang sa katawan ng manager. Habang nag-iisip ay napatulala na naman ito. Napansin siya kaagad ni Renzo kaya dali-dali niya itong nilapitan.
"Uy Mark, tulala ka na naman dyan! Ano ba sabi sa'yo ni manager?"
Tanong ng kaibigan nito. Pero hindi pa rin umiimik si Mark. Hindi naman na nagtataka si Renzo sa inaasal nito kaya hinatak niya ang braso nito at hinila niya papasok sa locker room. Kumuha muna ng tubig si Renzo at pinainom nito ang kaibigan.
"Mark! Uy, Mark!"
Bumalik lang ang kanyang ulirat ng makatikim siya ng mag-asawang sampal mula kay Renzo. Napatingin ito kay Renzo at nagwika.
"A-aray! Sakit nun, ah!"
"Ay sorry, ikaw kasi ang tagal mong tulala. Bakit napagalitan ka ba ni manager?"
"S-si M-manager?"
"Ha? Umayos ka nga ng sagot mo, Mark. Gusto mo ba ulit masampal?"
Biro pa ni Renzo sa kanya. Saka ito tumawa nang malakas.
"Ano nga kasi ang napag-usapan niyo ni manager?
"Wala. Basta pinapirma niya lang ako sa logbook. Pagkatapos—"
"Pagkatapos?"
Nagdadalawang-isip pa siya kung sasabihin na ba niya kay Renzo ang nakita niyang hayop na gumagapang sa loob ng katawan ng manager. Pero tiyak naman na hindi siya nito paniniwalaan. Dahil tanging siya lang naman ang nakakakita sa mga curse na nilalagay ng Demon Lord sa mga inosenteng tao.
Gusto niyang balikan ang manager para makasiguro siyang namamalikmata lamang siya sa kanyang nakita pero paano niya gagawin 'yun kung wala naman siyang sasabihin na importante sa manager. Pero nagtatalo ang isip at puso niya. Hindi naman ganun kasama sa kanya ang manager. Kung napagalitan man siya ay dahil na rin 'yon sa kagagawan niya.
Gusto niyang patayin ang curse na bumabalot sa katawan ng manager pero paano niya 'yon gagawin. Napatingin siya kay Renzo.
"O bakit ganyan ka na naman makatingin sa akin?"
Halos kilabutan si Renzo sa titig ng kaibigan. Gusto niyang humingi ng tulong kay Renzo pero maging si Renzo ay walang alam sa nangyayari sa kanya. Hindi niya maaaring sabihin ang curse na bumabalot sa bawat taong pinagbigyan nito.
"W-wala. Tara na, balik na tayo sa labas. Baka hanapin na naman tayo ni manager.
"Sige."
"R-Renzo?"
"Bakit?"
Umiling na lang siya na parang wala lang. Lingid naman sa kaalaman niya na pinapanood lang pala siya ng Demon Lord sa underworld. Panay ngisi lang ito sa kanyang nakikita.
"Hindi mo ako kaya, Mark. Kailangan mong mahanap silang lahat kung gusto mo talaga akong mapatay."
Saka ito tumawa nang malakas. Nagulat siya sa biglang pagpitik ng dibdib niya na parang konektado sa pagtawa ng Demon Lord. Hindi na siya mapakali hanggat hindi niya nalalaman ang kalagayan ng manager sa loob ng opisina. Kaya maya't maya ang silip nito sa opisina ng manager. Ayaw niyang magaya ang manager sa mga namatay niyang magulang. Sa dahilan na hindi nila kinaya ang pwersang bumabalot sa kanilang katauhan. Kaya hanggat maaari ay kailangan niya ng ma-sealed sa katawan niya ang curse na bumabalot sa katawan ng manager.