Ilang minuto ng mabilis na pagpapatakbo ni Luis ng sasakyan ang tiniis ni Dianne hanggang sa wakas ay bumagal iyon at tuluyang pumasok sa parking lot ng isang mall. Hindi niya alam kung ano ang sadya nito roon pero ano't-anuman ay gusto niyang manatili na lang sa loob ng sasakyan kaysa sumama o sumunod dito. Ganoon din naman e, hindi sila nag-uusap. Ano ang mabuting maidudulot ng pagbuntot-buntot niya dito. Mas maigi pa nga sana kung ihinatid muna siya nito sa San Isidro bago ito nagpunta kung saan-saan para naging komportable sana ang lakad nito.
Sinundan niya ng tingin ang kilos nito. Pinatay na nito ang makina ng sasakyan at tinanggal ang susi sa manibela. Inaasahan niyang bababa na lang ito basta pero bumaling ito sa kanya kaya nagtagpo ang mga mata nila. Mag-iiwas sana siya ng tingin pero naunahan siya nito.
"Follow me. I'll meet someone inside at hindi ko alam kung magtatagal ang pag-uusap namin." Seryoso nitong turan.
"Ayos lang. Dito na lang ako." Tiningnan niya ang inuupuan at tingin niya'y komportable naman doon kahit walang aircon.
"Sumama ka. Kakasabi ko lang na baka magtagal ang pag-uusap namin 'di ba? Mainit dito."
Nakaisip siya ng mas magandang plano. "E kung mauna na lang kaya ako?"
"May sasakyan ka pauwi?"
"Bus. Marami namang bus dito."
"O, di sige. May pera kang pamasahe?"
Umiling siya ng mahina.
"Wala ka pa lang pera. Paano ka uuwi, aber?"
Hindi siya sumagot at tumingin sa harapan. Hindi man lang ito magkusang bigyan siya kahit isang-daan para pamasahe niya.
"Bumaba ka na diyan at sumunod ka sa akin." Nauna na ito pero bumalik agad. "I-lock mo ang pinto diyan sa tabi mo." Anito at umalis na. Walang lingon-likod. Hindi man lang ito nag-isip na hindi niya alam kung saan ito hahanapin sa loob ng tatlong palapag na mall na iyon na bagama't hindi kalakihan ay palagi namang dinudumog ng mga tao kaya laging siksikan. Nanlalaki ang ilong na bumaba siya pagkatapos niyang masigurado na naka-lock na ang pintuan sa tabi niya. Tinungo niya ang entrance at nang makapasok ay nanatili siya sa kinatatayuan at tinanaw ang loob niyon upang hagilapin ang posibleng puntahan nito.
Dahil kani-kanina pa nagbukas ang establisyemento ay marami-rami ng tao roon kaya hindi niya kaagad ito nakita. Mula sa kanyang kinatatayuan ay nagsimula siyang lumakad papasok. Ang first floor niyon ay puro tindahan ng appliances, damit, sapatos, at kung ano-ano pa. Ang second floor naman ay puro kainan at mga palaruan para sa bata habang ang third floor naman ay ang cinema. Saglit siyang nagpaikot-ikot sa pinaka-gitna niyon at tiningala din ang taas pero panay railing lang ang nakita niya. Napasimangot na siya. Hindi pa kasi nito sinabi kung saan ito pupunta e.
Inisip niya ang posible nitong sadyain doon. Bibili kaya ito ng damit o di kaya sapatos? Hindi e. May kikitain daw ito kaya posibleng mga kainan ang puntahan nito.
Agad niyang tinungo ang malapit na escalator at umakyat sa second floor. Mula sa pinag-landingan niya ay lumakad siya pakanan na kung saan ay may pizza parlour, bakery, at noodle house sa hilera.
Mula sa paglalakad sa labas ay panay ang silip niya sa mga salamin ng tindahan upang tingnan kung naroon si Luis pero nabigo siya kahit doon sa mga kaharap niyon. Nakakaramdam na rin siya ng kaba dahil wala man lang siyang kapera-pera. Kapag iniwanan siya nito ay siguradong maglalakad siya pabalik ng San Isidro. Sinubukan niya ring tawagan ito sa cellphone niyang nakasuksok sa kanyang bulsa pero wala naman siyang load. Bumalik siya sa gitna at iyong pakaliwa naman ang tinalunton niya. Katulad kanina ay panay ang tingkayad niya upang makita lang ng maayos ang loob ng mga kainan na madalas ay natatakpan ng pangalan o disenyo ang mga salamin mula baba hanggang gitnang bahagi.
Kaya ganoon na lang ang pagluwag ng hininga niya nang makita ito sa loob ng isang japanese restaurant. Nakaupo ito paside-view mula sa kinaroroonan niya sa harap ng isang lamesa, todo ngiti, habang may kausap na babaeng maiksi ang buhok at maputing batok.
Saglit siyang napatitig rito at pinagmasdan ang ngiting iyon. Kahit papaano ay nakaramdam siya ng inggit sa kausap nito na kung ngitian nito ay ganoon na lamang samantalang sa kanya ay ang sungit nito. Parati pang pautos kung magsalita ito sa kanya o di kaya nama'y lagi siyang inaasar at ang malala pa ay hindi siya nito kinakausap ng maayos simula kanina. Inabandona niya ang nararamdaman at gumilid.
Ang problema niya ngayon ay kung ano ang gagawin roon? Kung lalapitan niya ito o titingnan niya lang mula sa labas ng restaurant. Kapag lumapit siya dito at hindi siya nito pinansin ay magiging kahita-hiya naman siya sa kasama nito pero kung doon lang din naman siya sa labas ay para din naman siyang pulubi sa paghihintay rito.
May nakita siyang nakahilerang upuan sa labas ng restaurant at ilang segundo ring pinakatitigan iyon. Walang nagbabantay na waiter sa pinto at wala rin namang customer kaya dahan-dahan siyang lumapit at naupo. Doon nalang niya hihintayin na matapos ito sa pakikipag-usap sa babae.
May ilang minuto na rin siyang nakaupo roon sa labas at tumitingin lang sa mga dumadaan nang may lumabas na babaeng waiter sa entrance. Ngumiti ito agad at lumapit sa kanya. "Magandang tanghali po. Pasok na daw po kayo sabi nung kasama niyo." Sabi nito at may itinuro sa loob.
"Ha?" Takang tanong niya. Konkretong pader ang nasa likod niya kaya hindi niya alam kung paano siyang nakita ni Luis roon. Diyata't nakita siya nito habang papunta siya sa upuang iyon. Tumanggi siya rito. "Naku huwag na po. Dito na lang ako maghihintay."
"Pero sabi niya po, papasukin ko raw kayo."
Isenenyas niya rito ang dalawang kamay. "Hindi na po. Salamat. Pakisabi na dito ko nalang siya hihintayin."
Nag-aalangang umalis ang waiter sa harap niya at pumasok. Sinundan niya ng tingin ang entrance at nakahinga siya ng maluwag ng hindi ito muling lumabas. Inabala na lang niya ulit ang kanyang sarili sa pagtingin sa mga taong dumadaan sa harap ng restaurant.
"Hindi ka ba talaga papasok?" Mahinang tanong ni Luis na hindi niya namalayang lumabas pala. Lumapit ito at tumayo sa may gilid niya.
Tumingala siya rito pero hindi ito nakatingin sa kanya. Sa labas ito nakatingin na parang umiiwas sa kanya. Umismid siya. Nag-abala pa itong lumabas samantalang hindi nga siya nito matapunan ng tingin.
"Hindi na. Dito na lang kita hihintayin."
"Matigas talaga ang ulo mo no?" Medyo humina ang boses nito sabay tingin sa kanya ng mariin nang may isang pareha ng customer ang pumasok sa loob.
"Dito na nga lang ako. Mag-usap na kayo at kumain para makauwi na tayo."
Humugot ito ng malalim na hininga na parang nauubusan ng pasensiya pagkatapos ay tiningnan nito ang orasang pambisig na suot. "Kapag hindi ka kumilos ngayon bubuhatin kita papasok." Banta nito na tila inis na inis. "Isa..." Akma na sana siyang hahawakan nito pero tumayo siya at umilag pagkatapos ay nagma-martsang pumasok sa loob ng restaurant. Pagkapasok niya sa loob ay natigil din siya bigla dahil nagmukha siyang dugyot kumpara sa mga suotan ng mga tao sa loob. Kung hindi pa siya nito linagpasan at hinila ang laylayan sa kanyang braso ay hindi pa siya kikilos palapit sa lamesa nito at ng kasamang babae.
"It must be Dianne. Hi. It's nice to see you." Malapad ang ngiting wika ng babae kaya kitang-kita niya ang mapuputi nitong ngipin na tila perlas sa ganda. Tumayo ito at nakipag-kamay sa kanya. Hindi lang pala ngipin nito ang maganda dahil nakita niya kung gaano kaganda ang maliit nitong mukha na magkakasya siguro sa isa niyang palad. Ang mata nito'y medyo singkit, maliit na ilong na hindi naman katangusan at ang labi ay manipis na manipis. Kung nagkataon sigurong titibo-tibo siya ay baka nagkagusto na siya rito. Kahit nga ngayon na alam niya kung kanino tumitibok ang puso niya'y medyo nakaramdam pa rin siya ng kaba ng magdaop ang palad nila matapos niyang ipunas iyon sa kanyang damit.
Pilit na ngiti ang ibinigay niya rito. "Hi." Alam nito ang pangalan niya, marahil ay nabanggit siya dito ni Luis kanina habang hinihintay siya.
"I'm happy to see you... finally. Luis here always talks-"
"Tama na." Naputol ang sasabihin pa sana nito ng sumingit si Luis sa gitna nilang dalawa at pinaghiwalay pa ang kamay nilang magkadaop pa rin. "Maupo ka na." Baling nito sa kanya.
Natawa ang babae sa iginawi ng binata. "Ang possessive mo naman." Anito at muling naupo. Siya nama'y hinila ni Luis sa tabi nito sa bahaging hindi nakatapat sa babae.
Pilit na lang niyang nginitian ito bago pairap na tumingin sa gawi ni Luis na noo'y hindi pa rin siya tinitingnan.
"You know what?" Baling ng babae sa kanyang nakangiti. "This man has always been like that, sobrang possessive, but it's kind of sweet."
Napaka-lambing ng boses nito kaya tuloy ay hindi niya alam kung papaano ngingiti dito kung ganoong unti-unti siyang may maramdaman na pinong kurot sa kanyang puso. Makikita namang sweet talaga ito sa babae na hindi mapagkit ang tingin dito simula pa kanina nang umupo siya.
"Enough with that. Let's talk about the business instead." Mahinang saway ni Luis dito.
"Gosh, wala ka pa rin pasensya. As impatient as ever, Dianne." Muli itong tumingin sa kanya. "I'm Melanie by the way."
Melanie. Melanie? Napaisip siya. Ito kaya iyong kausap ni Luis kaninang umaga habang nasa sasakyan sila?
"Hi." Muli niyang bati at nahihiyang ngumiti siya ulit dito.
Ngumiti at nag-hi rin ito ulit pero maya-maya ay nagreklamo. "Why don't we eat first? Nagugutom na kaya ako."
"As always, pagkain muna." Turan ni Luis.
"Just like Dianne?" Tinitigan ito ni Luis na sinalubong naman nito ng mapagbirong titig din at maya-maya'y ito na unang umiwas. "Alright. Hindi ko na gagawin." Natatawa nitong wika at tumingin sa gawi niya. Nahihiyang nag-iwas siya ng tingin.
Tinawag ni Luis ang waiter na naroon at umorder ng makakain nila. Dahil lahat ng nasa menu ay hindi niya alam banggitin ay hinayaan na lang niya itong omorder para sa kanya. Si Melanie ay ganoon din ang ginawa.
Ilang minuto ang lumipas bago dumating ang order nila at sa loob ng mahabang minutong iyon ay hindi tumingin sa kanya si Luis kahit isang beses man lamang kaya nagtataka siya kung bakit pa siya nito pinasunod doon. Para naman siyang hangin kung i-trato nito. Kung wala nga lang si Melanie doon ay baka isipin ng mga tao na multo ang isa sa kanilang dalawa.
"Wow. I love sushi." Tuwang-tuwang wika ni Melanie nang makita ang nakahain sa harapan nila. "Oh my favorites. Tempura and Beef Odon. Hindi mo pa rin nakakalimutan yung mga paborito ko."
"Paano ko makakalimutan ang mga iyan sa loob ng tatlong araw lang?" Kunot ang noong tanong ni Luis sa kaharap habang inilalagay sa harapan nilang tatlo ang kanilang pagkain. "I even wonder kung bakit dito pa tayo pumunta? Hindi ka ba napurga sa Japanese foods sa loob ng ilang taon na pagkain natin nito?"
"No. Bakit naman ako mapupurga? Basta ikaw ang kasama ko, never."
"Ang sweet." Pang-aasar ni Luis sa babae na nagpasubsob ng kanyang atensyon sa pagkain.
Ayaw man niyang maramdaman iyong sakit sa dibdib niya, iyong pinong kurot sa puso, alam niyang hindi niya iyon napagtagumpayan dahil sa narinig na iyon. Mataman lang siyang nakikinig sa mga ito at paunti-unting sumusubo ng pagkaing unang beses niyang natikman ngunit hindi niya malasahan. Siguro ay dahil sa pagpipilit na pigilan ang luhang nagsisimulang mamuo sa mga mata niya na kinailangan niya pang ikurap-kurap ang dalawang mata upang mawala lang ang panlalabo niyon.
"You okay?"
Binalingan niya si Melanie sa tanong nito. "Oo."
"Akala ko umiiyak ka na diyan. Parang namumula kasi yung mata mo."
"Maanghang." Mabilis niyang wika upang itago ang nararamdaman. "Parang maanghang yung pagkain."
"Really? But Japanese foods are usually in the mild side. 'Di ba?" Baling nito sa kaharap at saka tumingin ulit sa kanya. "Baka hindi ka lang sanay."
"Baka nga." Aniya at muling ibinaling ang tingin sa pagkain habang ang mga ito nama'y itinuloy rin ang naudlot nilang kwentuhan. Habang nakikinig siya sa mga ito ay noon niya lang din napag-tanto kung gaano ka-lapit ang mga ito. Isa sa patunay niyon ay ang pagiging komportable ng dalawa kahit sa biruang taboo na hindi katanggap-tanggap sa mga katulad niyang probinsyana.
Hindi na lang siya sumali sa mga ito hanggang sa mapunta ang usapan nila sa 'business' na una nang inungkat ni Luis kanina.
Magiging partners ang mga ito sa bubuksan nilang law office sa San Isidro.
.....
Maghahapon na nang matapos ang pag-uusap nina Luis at ni Melanie. Lumabas silang magkakasama ng mall at noon ay nakita niya kung gaano kaibang-iba ang babae sa kanya. Matangkad ito at balingkinitan ang katawan na binagayan ng puting-puti nitong balat na lumutang pa lalo sa suot nitong long white skirt at itim na blouse. Marami nga silang nadadaanan kanina na nagsunuran dito ng tingin dahil sa angking ganda nito. Pakiramdam niya tuloy ay para siyang naging muchacha sa tabi nito.
Ihinatid nila ito ni Luis sa sasakyan nito pagkalabas nila at saka sila pumunta sa sariling sasakyan. Mula ng umandar ang sasakyan sa harapan ng mall kanina at hanggang ngayong mga bente minutos na ang itinatakbo niyon ay nanatiling nakapako sa labas ng bintana ang paningin ni Dianne. Ibayong sakit ang nararamdaman niya sa pagkakataong iyon at ayaw niyang malaman iyon ng kasama. Ang kaninang pinong kurot sa puso niya ay patuloy pa rin niyang nararamdaman lalo na kapag naiisip ang kwentuhan ng dalawa. Ang tinginan ng mga itong tila hindi mapagkit sa isa't-isa na minsan ay may kasama pang kindatan. Kung hindi siya masasaktan sa ganoon ay martir na siguro siya.
Si Luis na noon ay abala rin sa pagmamaneho ay naging tikom rin ang bibig habang nasa biyahe sila. Pagkatapos nilang magpaalam kay Melanie kanina ay nagbago ito ng hilatsa ng mukha at naging seryoso na. Tila ito naging ibang tao pagkasarang-pagkasara ng pintuan ng sasakyan sa tabi nito na mas lalong ikinasama niya ng loob. Kapag napapabilis ang takbo ng sasakyan ay hindi siya makapag-reklamo dahil hindi ito nakikipag-usap sa kanya. Ang ginagawa niya na lang ay hinihigpitan niya ang kapit sa hawakan sa may taas niya banda upang hindi lang siya masubsob kapag bigla itong pumi-prino o kaya ay lumiliko.
Ilang mahabang minuto pa ang tiniis ni Dianne bago sila nakarating sa San Isidro. Pagkapasok ng sasakyan sa garahe ng mga Ignacio ay hindi na niya hinintay na mapatay nito ang makina ng sasakyan. Bumaba na siya kaagad at iniwanan ito.
Takang-taka naman si Aling Celing sa mukha niya nang magkasalubong sila sa may sala. Tinanong siya nito kung anong problema pero hindi niya sinabi ang nangyari. Nagpaalam siya rito at dumiritso sa kanilang silid.
Doon ay nahiga siya at natulog pagkatapos niyang magmukmok.