Pagkarating nila sa kabilang bayan ay nagtaka si Dianne kung bakit isang pamilyar na kalsada ang binaybay nila. Hindi niya naisantinig ang iniisip dahil sa lagi nitong banta kahit mapatingin lang siya dito kaya hanggang sa dumating sila sa kainan na iyon ay nakamata lang siya.
"Baba na." Utos nito saka bumaba na ng sasakyan. Ayaw niya sanang kumilos sa kanyang pagkakaupo kung hindi lang siya nito sinenyasan mula sa entrance na pumasok na.
Nakasimangot siyang sumunod dito at hindi na nagawa pang pagmasdan ang mascot sa labas ng Jollibee na dati-rati ay pinaka-hinahangaan niya. Nadatnan niya ito sa isang lamesang pandalawahan na anyong naiinip.
"Upo ka muna order lang ako." Iniwan siya nito at nagpunta sa counter para sa kanilang order. Pagbalik nito ay may bitbit na itong tray ng pagkain at may isa pang crew na nakasunod dito.
"Salamat." Ngiti niya sa crew pagkatapos nitong mai-set lahat ng dala nito at dahil doon ay isang nagbabantang tingin ng ibinigay ni Luis sa kanya.
Sinalubong niya ang tingin nito pagkatalikod ng crew at tinaasan ng kilay. "Bakit?"
"Di ba sinabi ko sayo na huwag kang ngiti ng ngiti kung kani-kanino? Nakalimutan mo?" Mababa ang boses na sabi nito. Siguro ay upang hindi marinig ng nasa kabilang lamesa ang sinasabi habang tinatanggal ang balot ng kanin.
"Bahala ka nga. Alangan namang simangot ang ibigay ko kasama ng pasasalamat di ba?"
"Oo nga 'no?" Sarkastikong wika nito na tumaas pa ang sulok ng labi. "Pero mas alangan kung hindi kita singilin sa mga utang mo. Marami-rami na." Kinuha nito ang kanin sa pinggan niya at tinanggalan iyon ng balot saka ibinigay muli sa kanya gayunpama'y nainis pa rin siya sa sinabi nito.
"Huwag mong sabihin na pati ito utang ko?" Tukoy niya sa pagkain na bahagya niyang inusog palayo.
Iniusog naman nito iyon pabalik sa kanya at nagsimulang sumubo. "Ito? Bayad ko 'to noong hindi ko kayo nadala ni Carla dito nang makapasa ako sa entrance exam ko. Binabayaran ko lang ngayon."
Napatitig siya rito. Naaalala pa pala nito iyon? Napakatagal na noon at akala niya'y limot na nito ang pangakong iyon sa kanila ni Carla. Hindi niya ipinahalatang na-touch siya sa gawi nitong iyon.
"Paano bayad to, e wala naman si Carla dito ngayon?"
Siningkitan siya nito ng tingin. "Huwag mo na siyang alalahanin, nabayaran ko na siya dati pa."
"Tagal mong magbayad sa akin ha." Bulong niya at sumubo na rin. Katulad noon ay gustong-gusto pa rin niya ang amoy at lasa ng manok na kinakain niya kaya kahit naiinis siya sa kaharap at plano sanang magpanggap na hindi nasasarapan sa pagkain ay hindi niya nagawa. Magana siyang sumubo ng sunod-sunod hanggang sa balatan na niya ang kanyang extra rice.
"Ang takaw mo pa din." Hindi niya ito pinansin at itinuloy lang ang pagkain pero maya-maya ay nagsalita ulit ito. "Ganyan ka din ba katakaw kapag si Jez ang kasabay mo?"
"Siyempre. Pagkain naman ang kinakain ko." Irap niya rito. Kung anu-ano na lang ang naiisip nitong itanong sa kanya. Mga bagay na wala namang kinalaman sa ginagawa niya. Anong kinalaman ni Jez sa kinakain niyang manok?
"Hindi ko na papupuntahin yun sa bahay."
"Sino, si Jez?"
" Uhuh." Parang nagbago ng timpladang sagot nito.
"E di huwag."
Tumitig ito. "Wala lang sa'yo kasi nagkikita kayo sa trabaho?"
Sinalubong niya ang tingin nito. "Bakit ka ganyan magtanong? Huwag mong sabihin na nagseselos ka?" Pang-aasar niya.
"Oo."
Napanganga siya sa sinabi nito habang hawak-hawak ang buto ng manok na sinisipsip niya. Oo daw?
"Itikom mo yang bibig mo baka langaw ang sunod mong manguya." Saway nito sabay pitik ng mahina sa noo niya. "Huwag mong sabihing umaasa ka?"
"In your dreams." Palis niya kaagad sa kamay nito. Tinapos niya ang pagkain at nagpaalam ritong pupunta ng c.r. upang maghugas ng kamay. Habang nananalamin ay ilang beses siyang napairap sa sariling repleksyon ng maisip ang pagbilis ng t***k ng puso niya ng sabihin ni Luis na 'oo.' Sa kaunting segundong iyon ay alam niyang umasa siya.
Hindi niya alam kung gaano na siya katagal sa loob ng c.r. nang may kumatok sa pinto niyon. Dahil isahan lang iyon ay kaagad niyang binuksan ang pintuan at bumungad sa kanya ang pila ng tatlong babaeng naghihintay na makapasok sa loob. Humingi siya ng tawad sa mga ito at nagmamadaling umalis roon.
Wala na si Luis sa inuupuan nila kanina kaya dumiritso na siya sa labas. Doon ay naabutan niya ito na nakatayo sa may pinto ng driver's seat na anyong naiinip.
"Ang tagal mo namang mag-hugas ng kamay. Halika na. Mali-late ako sa lakad ko." Agad nitoong sita pagkakita sa kanya.
"Di sana hindi mo na ako isinama 'di ba?" Ganti niya pagkabukas niya ng pinto sa tabi niya. Agad siyang nagsuot ng seatbelt para sa kanilang pag-alis pero ito ay nanatili lang nakamata sa kanya. "Akala ko ba mali-late ka na, bakit hindi ka kumikilos diyan?"
Noon lang ito pumasok sa sasakyan at nagsuot rin ng seatbelt pagkatapos ay pinaandar muna nito ang makina ng sasakyan bago ito nagsalita.
"Gusto mo ng ice cream?" Parang lumambot ang boses nito sa tanong na iyon. Hindi siya kumibo at itinuon lang ang tingin sa labas ng bintana. "Bili tayo ng ice cream."
Sa ice cream house na dati nilang binilhan sila sunod na pumunta. Nag-iba na ang lugar dahil mas lumaki na iyon at di-hamak na mas dumami ang mga lamesa para sa kanilang mga customer. Maging ang mga katabi niyon ay nagbago rin. Kung dati-rati ay iilang tindahan lamang ang katabi ng ice cream parlour na iyon, ngayon ay punong-puno na ng mga establishment ang hilerang iyon katabi nito. Makikita rin na sa gawi ng sea side na karugtong ng dati nilang binisita ay puno na ng mga restaurant at iba't-ibang establishment, tuloy ay hindi na gaanong makita ang dagat mula doon dahil natatakpan na ng mga tindahan.
"Baba tayo." Aya nito pagkatapos nitong maiparada ang sasakyan sa harap ng tindahan pero hindi siya tuminag. Ito ang galit kanina dahil mabagal siya tapos ngayon ay kung saan-saan ito nagpupupunta.
"Okay. Dito ka na lang. Ako na lang ang bababa." Iniiwas niya ang tingin dito hanggang sa nakabalik ito bitbit sa dalawang kamay ang may kalakihang cup na may lamang ice cream. Inilapit nito ang isa sa kanyang mukha kaya nilingon niya ito.
"Akala ko ba mali-late ka? Bakit di pa tayo dumiritso doon sa pupuntahan mo?"
"Isa nga ito sa pupuntahan ko." Tumaas ang kilay nito bilang alok sa kanya ng ice cream na hawak pa rin nito. "Sige na, matutunaw na 'to."
Padaskol niyang kinuha iyon at ilang segundo ang lumipas bago nagpasyang sumubo ng isang kutsara.
"Masarap pa rin di ba?" Tanong nito na sumubo rin sa baso nito. "Walang thank you?" Pabirong wika nito. Tiningnan naman niya ito at nagpasalamat. "Parang labas sa ilong yung thank you mo."
"Nag-pasalamat na ako, ano pa ba ang kailangan mo?" Naiinis na talaga siya sa kaartehan nito.
"Galit ka ba?" Nag-aalalang tanong nito at inilapag pa ang ice cream na hawak sa ibabaw ng dashboard.
"Naiinis ako sa'yo." Sagot niyang diretso ang tingin sa kalsada. Wala siyang pakialam kung amo pa rin niya ito. Masama ang loob niya at gusto niyang malaman nito iyon.
"Bakit?"
"Anong bakit? Eh masama nga ang loob ko e."
"Tumingin ka sa akin." Napilitan siyang tumingin rito. "Anong ikinagagalit mo?"
"Hindi ako galit. Naiinis ako."
"O sige, babaguhin ko ang tanong. Anong ikinaiinis mo sa akin? Ayaw mo bang nakikita itong gwapo kong mukha?"
Gusto naman niyang sumang-ayon sa sinabi nitong gwapo ito pero nunca na aminin niya iyon dito. Baka yumabang pa ito lalo. "Ang lakas naman ng loob mo."
"O sige, seryoso na. Anong ikinaiinis mo sa akin?"
Sa harap ng sasakyan siya tumingin upang umiwas sa nakakapasong tingin nito habang naghihintay ng kanyang sagot gayunpaman ay hindi siya nagkaila dito.
"Naiinis ako dahil hinalikan mo ako. Naiinis ako dahil madaling-madali ka sa akin tapos ikaw naman itong ayaw kumilos. Naiinis ako kasi ang yabang mo. Naiinis ako kasi ang bossy mo. Naiinis ako dahil lagi mo akong iniinis sa mga joke mo." Dire-diretso niyang wika na nagpatigil dito. Katulad niya'y tumingin ito sa harap na parang ninanamnam ang mga sinabi niya.
"Okay, got it." Maya-maya ay sabi nito sa seryosong tono at bumaling sa kanya pero sa halip na magmukha itong humihingi ng tawad dahil sa mga binaggit niya ay mukhang siya pa ang na-intimidate dito. "I'll be serious then."
Bigla siyang kinabahan sa tono ng pananalita at sa naging kilos nito. Kinuha nitong muli ang ice cream sa pinagpatungan nito kanina at hindi na siya nito muling kinausap hanggang sa naubos iyon at pinaandar ang sasakyan. Tuloy ay hindi niya maitanong dito kung saan ang sunod nilang punta.
.....
Nang pumarada sa harapan ng St. Anthony's ang sasakyan nila ay may hinuha na si Dianne kung sino ang pakay nila pero hindi siya nagtanong kay Luis. Simula kasi nang umalis ang sasakyan nila sa harap ng ice cream parlour ay hindi na ito muling kumibo sa kanya. Hindi na siya nito kinausap ni nilingon man lang. Parang wala itong kasama sa loob ng sasakyan kung umasta at ngayon nga ay bumaba ito ng sasakyan na hindi nagsasabi kung kailangan ba niyang bumaba at sumama dito o doon lang siya sa loob ng sasakyan.
Dahil wala itong binanggit sa kanya ay nanatili siya sa kanyang pagkaka-upo sa sasakyan sa loob ng ilang minuto bago siya nakatanggap ng tawag mula kay Doctor Arevalo. Pinapapunta siya nito sa opisina nito upang mapag-usapan ang tungkol sa operasyon ni Mayor Ignacio.
Mabilis ang kilos na bumaba siya ng sasakyan at tinungo ang kinaroroonan ng opisina ng doktor. Ang isip niya'y nagtatanong sa biglaang pagbabago ng ugali ni Luis na hindi man lang nagsabi sa kanya kung ano ang pakay sa pagpunta nilang iyon doon. Tungkol na pala sa operasyon ng ama nito ang sadya tapos wala man lang itong binanggit.
Pagkarating niya sa opisina ay nadatnan niya roon ang tatlong doktor na nakatayo sa may hilera ng lamesa maliban kay Doctor Arevalo na nakaupo sa desk nito. Si Luis ay nasa upuan sa harap ng lamesa at bahagyang tinapunan lang siya ng tingin pagkapasok niya.
"Dianne, halika. Maupo ka dito." Turo nito sa upuan sa harap ni Luis.
"Salamat po." Ngiti ang isinukli niya rito saka siya naupo sa harap ng binata na noon ay madilim ang mukha pero kahit nasagi niya ang paa nito ay hindi ito nag-abalang tingnan siya.
"It's good that you are here. Ikaw ang dati pang nagbabantay kay Mayor at the same time nag-a-administer ka rin ng gamot niya, kung kailan siya iinom, at kapag may changes sa nararamdaman niya ikaw ang nagsasabi sa akin kaya mas maganda rin na narito ka."
Mataman lang siyang nakikinig dito.
"Mayor Ignacio is asking about the possibility of operation, tinawagan niya ako, nagka-usap kami and he sent here his son para alamin ang procedure na gagawin. But, before we do that there will be tests to be done first like CT scans and all and that will require his presence but don't worry about that, we already agreed with the date of the tests." Tumigil ito saglit at tiningnan ang tatlong doktor.
"Just in case the operation is really required since wala pa nga yung results, Doctors here will be assisting me with the operation. Doctor Dolor will be the anesthesiologist, and the other one here will be my assistant during the surgery. What I will ask about you two is to be there always with Mayor Ignacio before, during, and after the operation."
Tumango-tango siya habang nakatingin sa doctor. Iyon din naman ang plano niya, ang bantayan si Mayor Ignacio. Kahit mag-leave pa siya sa kanyang trabaho ng mas matagal basta masigurado lang na okay ito.
Mataman niyang pinakinggan si Doctor Arevalo sa mga sinabi nito. Kung ano ang procedure na gagawin at kung ano ang worst case scenario kung bakit kakailanganin ang surgery. Ayon dito, dahil sa marami-raming beses na pagsakit ng ulo ni Mayor ay maaari daw na may namuong dugo na sa ugat nito sa ulo. Maaari raw na nakaranas na ng stroke si Mayor Ignacio pero hindi lang napansin dahil hindi rin naman ito palaging nagpa-patingin sa doctor.
"Once lumabas ang result ng tests at finalized na yung operation, saka na lang natin pag-usapan kung gaano katagal sa ospital si Mayor. That will be base kung ano ang kinalabasan ng surgery."
Tumikhim si Luis na ikinatingin niya dito. "Kung required po talaga ang surgery, would that be a major surgery, Doc?" Tanong nito sa seryosong tinig. Alam niyang nag-aalala ito sa ama at naintindihan niya. Kita niya kung gaano ka-close ang buong pamilya sa isa't-isa. Ngingitian niya sana ito pero hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin ito tumitingin sa kanya. Kay Doctor Arevalo lang nakatutok ang mata nito na parang walang nakaupo sa upuang nasa harapan nito.
"Kung tama ang hinala ko sa dahilan ng pag-sakit ng ulo ng ama mo, the required operation will be minimally invasive surgery. It's not a major one but there could still be some complications if not handled properly. But, don't worry, the risk here is lower. The operation will just take one to two hours to the maximum."
Parang nakahinga naman ng maayos doon si Luis at saglit na napatingin sa kanya pero kaagad ding nagbaling ng tingin sa tatlong doktor na nasa may likuran niya.
"Paano, makipag-coordinate na lang kami kay Mayor tungkol sa schedule o di kaya sayo Dianne. Okay lang ba?"
"Yes po, Doc. Anytime po."
"I might let my son here help me with scheduling." Tiningnan nito ang isang doktor na nakasalamin na ngumiti naman sa kanya. "He's the son I'm talking about- Martin. He is one of the resident neurologists in this hospital."
Bahagya siyang ngumiti sa doktor na tinukoy nito pagkatapos ay muling ibinalik kay Doctor Arevalo ang tingin. Iyon siguro ang anak ng doktor na matagal ng gustong ipakilala raw sa kanya. "I still have the same number, Doc. Kung ma-schedule agad ang tests ni Mayor sa lalong madaling panahon ay mas mabuti po."
"Yeah, I know. Tatawagan ko ulit si Mayor Ignacio para sa confirmation ng date."
"Sige po, Doc. Balitaan niyo na lang po kami." Paalam ni Luis dito at tumayo na. Tumayo rin naman si Doctor Arevalo at kinamayan ito. Pagkatapos nitong magpaalam sa iba pa ay umalis ito ng silid at iniwanan siya. Nagtataka naman ang tingin ni Doctor Arevalo sa kanya na nginitian niya lang. Nagpaalam na rin siya sa mga ito at sumunod palabas. Naabutan niyang nakaupo na si Luis sa driver's seat. Umaandar na rin ang makina ng sasakyan indikasyon na siya na lang ang hinihintay.
Pagkaupong-pagkaupo niya ay pinasibad na nga nito ng takbo ang sasakyan. Hindi man lang nito tinapos na maisuot niya ang kanyang seatbelt kaya muntikan na tuloy siyang mauntog ng bigla itong kumabig pakanan. Tiningnan niya ito para tanungin kung ano ang problema nito pero hindi na rin niya itinuloy. Paano ay kitang-kita niya ang pagtatagpo ng kilay nitong pinangingilagan niya. Pakiramdam niya'y kung magtatanong siya ay hindi basta sagot lang ang ibabalik nito kung hindi matalim na tingin at paasik na sagot kaya hinayaan na lang niya ito sa pagmamaneho. Kumapit na lang siya ng mahigpit sa hawakan at kahit ang tanungin ito kung saan ang sunod nilang punta ay hindi na niya ginawa kahit alam niyang hindi iyon ang daan pauwi ng San Isidro.
.....