CHAPTER TWENTY-SIX

2635 Words
Kinatanghalian ng araw na iyon habang nasa labas ng bahay si Dianne at nagdadamo sa harden ay dumating naman si Jez upang makipagkita sa kaibigan nito. Tuwang-tuwa ito nang makita siya dahil ilang araw din silang hindi nagpang-abot sa kinakainan nila, at nakipag-huntahan muna sa kanya ito at nagtanong tungkol kay Carla bagay na dinatnan ni Luis. Matigas ang mukhang ibinungad nito sa kaibigan sa halip na matuwa sa pagbisitang iyon. "Anong atin?" Nakataas ang kilay na tanong nito kaagad kay Jez pagkalabas pa lang nito ng pinto. Ang buhok nitong may kahabaan ay nakatali pa rin gamit ang ponytail. "Pre! Masaya akong makita ka. Kumusta ka na?" Masaya itong lumapit kay Luis at yumakap dito. Si Luis naman ay nanatiling parang tuod at parang hindi man lang masaya sa pagkikitang iyon at ng kaibigan. Nanatili siyang nakamasid sa mga ito at pinagmasdan ang pakikitungo ni Luis kay Jez. "Kailan ka pa dumating?" Pinagmasdan nito ang kaibigan. "Gusto ko yung buhok mo ha, long hair." Siya ang binalingan ng masamang tingin ni Luis ng nakitang nakamasid lang siya sa mga ito. Tiningnan niya ito ng nagtatanong. May isenenyas ito pero hindi naman niya naintindihan kaya nanatili siyang nakatingin rito habang nakakunot ang noo. Natatawa namang in-interpret iyon ni Jez. "Alis ka daw muna, Dianne. May sasabihin yatang importante sa akin." Pagkarinig niyon ay agaran siyang pumasok sa loob ng bahay at hindi na ito muling tinapunan ng tingin. Dumiritso siya likod ng bahay at ang mga halaman na naroon ang dinamuhan niya. Medyo mainit pa naman sa pwestog iyon dahil hindi inaabot ng lilim ng punong naroon. Medyo matagal-tagal na rin siyang nagdadamo nang biglang magsalita si Luis sa likod niya. "Kaya ka nangingitim e. Hindi ka man lang nagsu-sombrero." Paglingon niya ay may ipanatong ito sa ulo niya. Sombrerong malapad iyon na ginagamit ni Aling Celing paminsan-minsan. Inirapan niya lang ito at itinuloy ang ginagawa. Gamit ang maliit na palang meron sila ay hinuhukay niya ang mga damong tumutubo sa paligid ng mga halamang nakahilera sa may pader kaya kapag natapos siya ay gaganda pa lalo ang likod bahay ng mga Ignacio. "Tigilan mo na 'yan. Hindi mo ba nakikita na ang init-init? Katanghaliang tapat o." Muli ay hindi niya ito pinansin. Ipinagpatuloy niya ang ginagawa na hindi man lang ito linilinga. "Huwag mong sabihing ipagpapatuloy mo iyang hindi mo pagkausap sa akin? Malinaw kong sinabi sa'yo kung anong mangyayari kapag ipinagpatuloy mo 'yan." Banta nito. Naiinis niyang liningon ito at tinapun ng matalim na tingin. "Ang alin? Ang halikan ako?" "Ikaw ang nagsabi niyan." Naniningkit ang matang wika nito. "Kung gusto mo bakit hindi natin gawin?" Tumayo siya mula sa kanyang pagkakaupo at umikot paharap dito. "Ang salbahe mo talaga. Ano ba ng nangyari sa'yo sa Maynila at naging ganyan ang ugali mo? Ganyan ba ang gawain mo roon? Kung sino-sino lang ang hinahalikan mo?" Naawa siya bigla sa labi niya. Hindi pa naman sa ganoong lalaki ang iniisip niyang first kiss. Loyal ang lalaking pinangarap niyang first kiss, iyon tipong siya rin ang una na imposibleng mangyari sa lalaking ito. "Hoy..." "Salbahe." Tumitig ito sa kanya at maya-maya ay nagpanting ang panga pagkatapos ay tumawa ng hilaw. "Ako salbahe? Pero kay Jez kanina todo ngiti ka?" "Anong kinalaman niya dito, aber?" "Siyempre wala. Pero yung ngiti mo sa kanya meron." Ani nito at umiwas ng tingin sa kanya at may ibinulong "Di ko nalang sana sinabi sa kanya na samahan ka sa senior prom mo." "Ano yun?" Usisa niya at hinawakan ang braso nito na hindi naman nito nakuhang iwaksi sa halip ay tiningnan nito iyon. "Wala." "Wala naman pala e. Anong ikinakagalit mo?" "Wala. Huwag ka nalang ngingiti kung kani-kanino." Nailing siya sa sinabi nitong iyon at tinanggal ang pagkakahawak rito. "Ewan ko sa'yo, ang imposible mo. Paanong di ako ngingiti kay Jez e kaibigan ko rin 'yun? At saka anong gusto mo? Na lagi akong nakasimangot?" "Oo. Siguro." "Ewan ko talaga sayo. Iwanan mo na nga ako dito." Saglit itong nanatili pa na parang pinag-iisipan ang sinabi niya bago ito tumalikod pero maya-maya ay bumalik din ito kaagad. "Sinasabi ko sayo, huwag kang ngingiti kung kani-kanino kung ayaw mong mahalikan diyan." Hinampas niya ito sa braso kaya sinapo nito iyon na akala mo'y talagang nasaktan. "Ang bigat pa rin ng kamay mo." "Maarte ka na din talaga ngayon pero mabuti nga sa'yo." Aniya sabay dila rito na ikinalaki nito ng mga mata. "Aba't..." Hahawakan sana siya nito pero biglang sumulpot sina Aling Celing at Ate Mercy roon kaya kaagad itong napatigil. Ang ginawa nalang nito'y umakma itong tatalikod na pero nagbanta pa rin ito sa kanya. "Subukan mo lang ngumiti sa iba at makikita mo." ..... Kinahapunan noong araw na iyon ay nagpaalam siya sa mag-asawang Ignacio na bibisitahin niya ang dati niyang tirahan bagay na pinayagan naman ng mga ito. Una niyang pinuntahan si Aling Nemfa- ang kapatid ni Aling Celing- sa karinderya nito na tuwang-tuwa naman na makita siya at inalam rito ang balita tungkol sa pagbebenta ng dati niyang bahay. "Bibilhin mo ba? Aba'y kung gusto mong bilhin iyon ay puntahan natin ngayon. Sasamahan kita." "Opo sana e. Pero gusto ko ho munang malaman 'yung presyo baka kasi hindi ko ho kayanin e." "E di alamin natin." Nagpunas ng kamay ang matanda at nagtanggal ng suot nitong apron at pagkatapos nitong ihabilin ang tindahan sa isa nitong anak ay magka-abay na silang naglakad. Lumukob kay Dianne ang matinding lungkot nang makita ang kinatitirikan ng dati nilang bahay. Konkreto na ang bahay na naroon sa halip na kubo katulad ng naaalala niya kaya wala ng bakas ng kahoy o plywood siyang nakita. Sa harapan niyon ay may bakal na gate kaya nawala na rin iyong bakuran kung saan siya madalas maglaro noong bata pa siya kasama ang ama. Ang puno ng bayabas sa isang gilid kung saan siya dati ipinagtali nito ng duyan ay nawala na rin at napalitan ng isang poste. Lumabo ang mata niya nang tingnan ang kabuuan ng kabahayan. Ilang minuto pa ang lumipas bago sila may nakausap. Totoo ngang ibinebenta ang bahay dahil papaalis ang may-ari papuntang Amerika. Pinitisyon na daw kasi ng mga anak ang mag-asawa roon at wala ng pagkakataong babalik pa. Pinag-usapan nila ang presyo pero kahit ang pinakamababang presyo niyon ay kukulangin pa rin ang pera niyang naitatabi sa bangko. Lugo-lugong umalis siya kasama si Aling Nemfa. Ilang buwan nalang ang hinihintay at aalis na ang mag-asawa. Ani ng mg ito'y kung sino raw ang unang makakapag-bayad sa kanilang mga nagtanong, doon daw ng mga ito ibebenta ang bahay. "Okay lang 'yun, Dianne. Ilang buwan pa naman e. Baka sakaling makadagdag ka pa." Malungkot nalang siyang tumango at nagpaalam kay Aling Nemfa upang bumalik sa malaking bahay. Pagkarating doon ay sinabi niya ang problema kay Aling Celing na siyang sumalubong sa kanya. Naawang hinaplos na lang nito ang likod niya habang naiiyak siya. Hanggang kinagabihan niyon ay dala-dala niya ang bigat ng pakiramdam bagay na pinansin ni Mayor Ignacio ngunit upang hindi na ito mag-alala ay pinilit niya ang sariling maging masaya sa harap nito. ..... Nang sumunod na araw ay balik sa dating gawi si Dianne. Maaga niyang chineck si Mayor dahil papasok na rin ito sa opisina pagdating ng alas-otso. Pinainom niya ito ng gamot pagkatapos nitong kumain ng almusal at ihinatid ito papasok ng trabaho dahil sa pakiusap nito na malugod naman niyang pinagbigyan. Habang nasa daan ay iniiwas niya ang tingin kay Luis na nasa passenger seat sa tabi ng driver na mayroon din yatang sasadyain sa sentro kaya nagpasyang sumabay sa ama patungo roon. Hindi niya alam na sasama ito sa kanila kaya bahagya siyang nagulat pagpasok nila ni Mayor sa garahe at naroon na ito at nakaupo sa sasakyan. Dahil nakaupo na ang driver na si Diego sa manibela ay napilitan siyang batiin rin pati si Luis nang binati niya ito. Bahagya lang nagtaas ng ulo ang huli para tingnan siya pagkatapos ay muling ibinalik ang tingin sa dokumentong hawak-hawak nito. Nanibago siya sa bati nitong iyon na tila hindi siya nakita. Gayunpaman ay binalewala niya iyon at sumakay na sa likuran katabi ni Mayor Ignacio at sa likuran nito. "Kumusta ang lakad mo kahapon, Dianne?" Maya-maya pagkaandar ng sasakyan ay tanong ni Mayor. "Medyo malabo po e." Sagot niya rito. "Sa tingin ko ho ay hindi kakayanin ng budget ko." Minsan na niyang nai-kwento sa mag-asawang Ignacio ang balak na pagbili pabalik ng dati niyang tirahan kung mayroon lang din namang pagkakataon at naging buo naman ang suporta ng mga ito. Kahapon bago siya umalis para kausapin iyong may-ari ay nabanggit niya ulit kay Mayor Ignacio ang pakay sa kanyang pag-alis kaya ito nagtatanong ngayon. "Sobrang laki pa ba ng kulang?" "Medyo po e." Parang balewalang wika niya dahil sa totoo lang ay hindi na siya umaasa na maaabot ang halagang kailangan sa loob ng dalawang buwan. Kagabi rin habang naiiyak ay natanggap na niya sa sariling imposibleng mangyari iyon at piping umusal ng patawad sa magulang dahil sa pagkabigong inaasahan. "Uhuh. Baka naman may magawa pa tayo?" "Gagawin ko pa rin naman ho ang lahat hanggang sa susunod na buwan pero kung hindi po talaga kaya ay tatanggapin ko na lang po." Nginitian niya ito. Nanahimik ang matanda habang siya nama'y napukaw ang atensiyon nang tumunog ang telepono ni Luis sa unahan niya. Kaagad nitong sinagot iyon na tila masaya. "Hello, Melanie. Long time no hear." Napatingin siya sa labas ng bintana ng marinig ang pangalang binanggit nito. Pambabae iyon at tila malapit dito. "Really? Oo nga. Magkasabay pa lang tayong umuwi noong nakaraang araw pero miss na kita kaagad ngayon." Tumatawa nitong muling tugon kaya napa-ismid siya. Naramdaman niya rin ang parang karayom na iyon na pinong tumusok sa puso niya. Ang paraan ng pakikipag-usap nito sa telepono at ang boses nito ay iba sa pakikipag-usap nito sa kanya. "Why don't we do this instead, bibisitahin kita pero kailangan mo ring magpakita dito? Para makilala ka naman nila. Call?" Hinintay niya ang susunod nitong sasabihin habang mabigat ang tingin na ipinukol sa likod ng upuan ni Luis "I'll text you when." Saglit itong tumigil sa pagsasalita habang hinihintay na matapos ang kausap nito pagkatapos ay tila gulat itong nagsalita. "That soon? Wow. I never thought that it's really going to happen. No, no, no. Of course, I'm so happy that I feel so elated right now." Nakaismid niyang ibinalik sa labas ng bintana ang tingin. Sa isip niya'y hindi niya maiwasang gayahin ang sinasabi nito. Hmmp. Eksaherado naman. Pero kung sinuman ang kausap nito ay alam niyang importanteng babae iyon dito sa klase ng pakikipag-usap nito sa telepono. Patuloy siyang nakinig sa sinasabi ng lalaki hanggang sa nakarating sila sa Municipal hall nila. Tila siya nakahinga ng maluwag nang tuluyan na siyang makababa ng sasakyan dahil hindi na niya naririnig ang mga sinasabi ni Luis sa kausap nito sa telepono na parang karayom ang dating sa kanya. Inalalayan niya papasok si Mayor Ignacio na hindi mo mahahalatang may pinagdaaanang karamdaman kung ang pagbabasehan lang ay ang gawi nito sa harap ng mga ka-trabaho nito. Panay ang ngiti nito sa mga empleyado na binabati rin nito hanggang sa nakarating sila sa opisina ng butihing Mayor. "Hayaan niyo na ako dito. Umalis na kayo ng magawa ko na ang trabaho ko." Pagtataboy nito sa kanila ni Luis na nakaposte lang sa loob ng opisina. Siya ay nakatayo sa gilid ng lamesa habang si Luis ay sa malapit sa pinto. "Okay lang naman po ako. Sige lang, gawin niyo lang po ang trabaho niyo." Sagot niya. Sinenyasan ni Mayor si Luis kaya tumingin ito sa kanya. "Halika na." Binawi niya ang tingin rito at ipinako iyon sa ama nito. "Bantayan ko lang po kayo dito, madalas kasi ay dito sa opisina sumasakit ang ulo niyo e." "Ay naku hija, hindi ko kailangan ng bantay. May mga kasama ako dito. Ayan si Luis ang samahan mo. Bantayan mo at baka kung saan mapunta 'yan. Sige na, alis na kayo." Napakunot ang noong nakatingin lang siya dito na nakikiusap ang tingin. Ayaw niyang mapag-isa kasama ang anak nito pero parang hindi iyon nahalata ng ginoo dahil muli siya nitong ipinagtabuyan. "Sige na. Alis na kayo at baka gabihin pa kayo sa daan." Binalingan nito ang anak. Siya ma'y napatingin rin dito. "Ingatan mo 'to si Dianne. Lagot ka sa mama mo kapag may nangyari dito." "Of course, Pa." Anito at tinitigan siya. Siya ang unang nagbaba ng tingin ng pakiramdam niya'y napaso siya sa klase ng tinging iyon. "Halika na, Dianne." Napatango na lang siya ng mahina at binilinan si Mayor. "Huwag niyo hong kalimutan iyong gamot niyo. At saka kapag sumakit ng ulo niyo, pahinga kaagad kayo tapos patawagan niyo po kami." "Sige, sige. Mag-iingat din kayo." Bilin din nito sa kanila. "Luis..." Makahulugang tawag nito sa anak. "Don't worry, Pa." Pagkatapos niyon ay magkasunod silang lumabas ng opisina at dumiritso sa pinagpaparadahan ng sasakyan ni Mayor. "Uuwi na ba tayo?" Hindi nakatiis na tanong niya. Akala niya kasi ay may gagawin pa ito roon kaya todo-bihis ito. "Nope. Sakay ka na. Punta tayo sa kabilang bayan." "Kabilang bayan? Hoy, di mo ba nakikita ang suot ko?" Inilahad niya dito ang sarili na nakasuot lang ng malambot na pants at t-shirt na maluwag. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa at ngumisi. "Ayos naman a. Ganyan pa rin ang mga suotan mo. Parang mas naging manang lang." Nanggigil siya sa narinig kaya lumapit siya rito at kinurot ang tagiliran nito. Napaigik ito sa sakit kaya napatingin sa kanila ang ibang dumadaan doon. "Aray ko. Parang pipigtasin mo na yung tagiliran ko e." Inirapan niya ito at anyong tatalikod doon pero nahila nito kaagad ang laylayan ng suot niyang damit at pinihit siya paharap rito. "Marami ka ng utang sa akin. Huwag mong hintayin na dito ako maningil." Dagdag nito sa tila seryosong tono kaya napatigil siya. Anong utang ba ang pinagsasasabi nito? Naintindihan niya ang ibig nitong sabihin nang tumingin ito sa labi niya na siyempre pa'y kaagad niyang natakpan. "Sakay na." Utos nito. Parang sunod-sunuran siyang sumakay sa may likod ng sasakyan pagkatapos niyang buksan iyon. Ito nama'y nanatili lang sa may pintuan. "Ikaw? Ayaw mong sumakay?" Siya naman ang nagsungit rito. Madaling-madali ito sa kanya kanina tapos ngayon naman ay ito ang parang walang balak na umalis. Sinenyasan siya nito gamit ang ulo nito na hindi niya agad nakuha. "Sa harap ka maupo. Balak mo akong gawing driver?" Anito at binuksan ang pinto sa unahan. Iyon pala 'yun, hindi na lang nito sinabi kaagad. Umismid siya bago ito sinunod. Pagka-upo niya'y ito na rin ang nagsarado ng pinto sa tabi niya bago ito umikot papunta sa driver's seat. Ang ibig sabihin ay hindi nila kasama si Diego sa lakad na iyon. "Saan tayo pupunta?" "Sa kabilang bayan." Sagot nitong hindi tumitingin sa kanya. Nagmamaniobra na ito palabas ng parking. "Anong gagawin natin doon?" "Makikita mo kapag naroon na tayo." "May ka-meeting ka ba doon?" Gusto niyang malaman kung yung kausap ba nito kanina ang kikitain nito sa kabilang bayan. "Meron." Kumpirmadong mayroon nga. "Sino?" Seyoso itong luminga sa kanya. "Huwag ka munang magtanong ng magtanong. Ngayon lang ako magda-drive dito sa atin baka mabangga tayo." "Para nagtatanong lang e." Simangot niya. "Gusto ko lang naman malaman kung bakit kailangan mo pa akong isama samantalang ikaw ang may kikitain roon." "Hayst..." Tila nauubusan ng pasensyang wika nito. "Kapag di ka pa tumigil..." Awtomatiko niyang naitakip ang dalawang kamay sa kanyang bibig nang magtagpo ang mga tingin nila. Upang umiwas rito ay ibinaling niya ang tingin sa labas ng bintana habang ang mga kamay ay nasa bibig niya pa rin. Napaisip din siya sa sarili. Bakit yung kiss nalang din ang naiisip niya kapag napapatingin ito sa kanya? Siya na yata ang may problema. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD