CHAPTER TWENTY-FIVE

2524 Words
Hanggang kinagabihan ay hindi na muling lumabas si Dianne sa kwarto nila. Hinugasan niya lang kanina ang kanyang pinagkainan at itinaon niyang wala noon sa paligid si Luis para hindi niya ito muling makita. Naiinis siya sa pang-aasar na ginagawa nito sa kanya na parang wala lang nangyari sa loob ng ilang taon. Na parang nagkakausap sila sa mga taong iyon. Kumbaga ay naiinis siyang isipin na wala lang dito ang muli nilang pagkikita samantalang siya ay apektadong-apektado. Wala noon sina Aling Celing at Ate Mercy sa kwarto dahil kasalukuyang naglillinis ang mga ito ng pinagkainan noong hapunan kaya mag-isa lang siya sa kanilang silid at nagpabaling-baling sa kanyang higaan. Maya-maya ay naupo siya kipkip ang mga tuhod niya sa dibdib. Luminga-linga siya sa buong kwarto. Wala siyang magawa sa loob at hindi na rin naman siya makatulog. Sinubukan niyang magbilang ng tupa upang makatulog lang ulit pero hindi iyon nangyari sa halip ay tila naging gising pa lalo ang utak niya. Hanggang sa mga oras na iyon hindi pa rin niya nache-check si Mayor Igancio sa kalagayan nito dahil sa pag-aalangan niyang magkasalubong silang muli ni Luis paglabas niya. Tumayo siya at nag-inat inat. Hindi siya nakakapag-ehersisyo palagi dahil sa schedule niya pero kapag may pagkakataon ay sinusubukan naman niya. Nakaka-ilang jumping jack pa lang siya ng makarinig ng katok mula sa labas. Hindi iyon bumukas kaagad kaya kinabahan siya. Si Luis lang ang gumagawa ng ganoon dahil ng dalawang kasama ay kaagad na pipihit ng seradura kapag ang mga ito ang kumakatok. Sumampa siya sa higaan niya at nagtalukbong ng kumot. Ilang sandali ang lumipas bago siya nakarinig ng katok muli. Sa pagkakataong iyon ay may kasama ng boses ni Aling Celing kasabay ng pagbubukas ng pintuan kaya nakahinga siya ng maluwag. Tinanggal niya ang pagkakatalukbong ng kumot niya at naupo pero ganoon nalang ang naramdaman niyang pagsisisi ng sa likuran ni Aling Celing ay nakasunod ang taong pinaka-iniiwasan niya. Hindi nakangiti pero hindi rin naman nakasimangot sa pagkakatingin sa kanya. "Nagpasama si Luis, Dianne." Paliwanag ng matanda sa kanya at binalingan si Luis. "O paano? Lalabas muna ako." "Sige po, Nana. Salamat ho." Para siyang na-estatwa sa pagkaka-upo at nanatili lang na tiningnan ang papalabas na si Aling Celing hanggang sa nawala ito sa paningin niya. Nang tuluyang magsara ang pinto ay saka niya lang naisip na ayaw niya palang mapag-isa kasama ang lalaki. Tumayo siya at umaktong lalakad palabas nang magsalita ito. "Huwag ka ng sumubok. Sit down." Maawtoridad nitong utos sa kanya na may kasamang pang pagturo kung saan siya dapat maupo. Para siyang tuod na napasunod dito. Umupo siya sa kutson at muling kinumutan ang sarili hanggang sa bewang at umiwas ng tingin dito. "Hindi ka lumabas para sa hapunan?" Nakapamewang na tanong nito sa kanya. "Bakit?" "Busog pa ako." "Hindi ka ba lalabas ng silid hangga't narito ako?" Kung magtanong ito ay para siyang may kaso na ini-interrogate upang mapaamin ng kasalanan. "Wala akong sinasabing ganoon." Simangot niya sabay irap dito. "Hindi ka lumalabas ng silid. Hindi ka kumakain. Anong gusto mong gawin ko?" "Wala ka namang kailangang gawin. Sabi ko, busog nga ako." "You've been like that since I arrived. Ayaw mo akong makita?" Hindi siya sumagot. "Ayaw mo akong kausapin?" Tiningnan niya ito ng diretso. "Ano bang kailangan mo? Bakit ka nagpunta rito?" "To talk to you. I wanted to tell you things I didn't have a chance to say earlier kaso ayaw mong makipag-usap sa akin." Lumapit ito at tumayo sa harapan niya kaya napatingala siya rito. "Like?" "Like..." Nag-apuhap ito ng sasabihin pero lumipas na ng halos isang minuto ay walang salitang namutawi sa bibig nito. "Kung gusto mong sabihin na joke lang yung mga ginawa mo kanina, ayos na sa akin iyon. Hindi mo kailangan humingi ng tawad." "No. Hindi ako pumunta para mag-sorry." "Para saan nga?" Dinampot nito sa may pinto ang isang paper bag na hindi niya napansin kanina. "Para dito." Iniabot nito iyon sa kanya pero hindi niya agad kinuha. "Kunin mo na. Mabigat kaya 'to. Nangangalay ang braso ko." "Ayaw ko nga." Hindi naman niya sinabi na bitbitin nito iyon tapos kung magreklamo ito ay parang kasalanan niya. "Tsss. Ang tigas ng ulo. Kunin mo na." Nagtagpo ang kilay niya sa kakulitan nito. Naiinis nga siya dito tapos uutusan pa siya. "Ayaw ko nga." Bumuntung-hininga ito at inilapag ang paper bag sa tabi niya. "Pasalubong ko yan. Tingnan mo." Masama ang loob na nag-iwas siya ng tingin. Naiinis rin siya sa sarili niya kung bakit naiinis siya dito. Wala naman itong kailangang ihingi ng tawad sa kanya pero bakit ganoon ang nararamdaman niya? "Fine. Sorry. Sorry sa ginawa ko kanina. Nagbibiro lang naman ako." Anitong inilahad ang dalawang kamay sa harap. Ibinalik niya dito ang tingin pero umiling siya. "Mag-sorry ka sa hindi mo pagkausap sa akin sa loob ng sampung taon." "Ano?" Gulat ang nakita niyang rumihistro sa sinabi niya. "Bakit ako magso-sorry? Ikaw itong ayaw kumausap sa akin sa tuwing tumatawag ako. Di ba dapat ay ikaw ang mag-sorry sa akin?" "Anong ayaw kitang kausapin?" "Bakit naman hindi kita kakausapin, aber? Kapag tumatawag ako at itinatanong ko kay Nana kung nasaan ka, bigla ka nalang daw umaalis. O anong ibig sabihin niyon?" "Pero di mo naman sinasabi na ako ang kakausapin mo e. Nagtatanong ka lang." "Ganoon din 'yun." Iyon ba ang dahilan kung bakit wala lang dito ang pagkikita nilang muli? Kaya ba ito ang nanghihingi ng sorry niya dati noong unang magkausap sila dahil pakiramdam nito'y siya ang umiwas sa kanilang dalawa? "Galit ka pa rin?" Ipinatong nito ang isang kamay sa ulo niya kaya bahagya siyang napatingala rito. Sa pagtingala niyang iyon ay tila may sumipa sa dibdib niya lalo na nang magkatitigan sila. "Kaunti." Aniya at pinalis ang kamay nito sa kanyang ulo sabay iwas ng tingin. "Lumabas ka na." "Ako ang dapat na magalit a. Ako ang di mo kinakausap dati tapos sinusungitan mo pa ako ngayon. Masaya akong makita ka pero parang ikaw ay hindi." Muli siyang tumingala rito. "Masaya ako." "Hindi halata sa'yo." Pinag-krus nito ang dalawang braso sa may dibdib. "Ganyan ba ang mukha ng masaya? Ano nalang ang mukha ng malungkot kung ganyan ka?" "Ang sama mo talaga. Sige na. Lumabas ka na." Lumakad-lakad ito bago muling humarap sa inuupuan niya. Tumitig ito sa kanya ng matiim na parang may gustong sabihin pero hindi nito iyon itinuloy. "Okay. Lalabas na. Buksan mo nalang yan kung kailan mo gusto." Turo nito sa paper bag. Hindi siya sumagot rito at hinayaan niya itong lumakad na papunta sa pintuan pero pagkarating nito roon ay hindi ito kaagad nagbukas. Hawak-hawak lang nito ang door knob pero hindi nito iyon pinipihit pabukas. "Sige na, labas na. Kanina ka pa dito." Tumayo siya at lalapit sana nang sumenyas na naman ito. "Sit down." Muli ay napasunod siya dito. Umupo siya sa gilid ng kutson at hinintay na magbukas ito ng pinto pero sa halip ay lumakad ito pabalik sa harap niya. "Ano naman kung kanina pa ako?" "Ano..." Nag-isip siya. "Baka kasi kung ano ang isipin nila." "Katulad ng ano?" Mula sa pagkakatayo ay nakita niya ang unti-unti nitong pagyuko hanggang sa nagpantay ang mga mukha nilang dalawa. Nanlaki ang matang napatitig siya rito kasabay ng pagsipa ng kung ano sa kanyang dibdib. Alam niyang bumibilis ang t***k ng puso niya. "K-kuya Luis... ang lapit mo naman yata." Matiim itong nakatitig lang sa kanya at umayos ng tayo. Akala niya ay lalakad na ito palabas pero nagulat siya nang bigla nalang nitong kabigin ang batok niya at sa kanyang pagka-bigla ay hindi niya namalayang yumuko ulit ito dahil ang sunod niyang naramdaman ay ang paglalapat ng mga labi nilang dalawa. Magaang halik lamang iyon na ilang segundo lamang ang itinagal pero ang heartbeat niya ay daig pa ang nakipag-marathon sa sobrang bilis. Kung gaano ito kabilis na nakalapit sa kanya ay siya rin namang bilis nitong nakapunta sa pintuan at binuksan iyon. Pero bago ito tuluyang lumabas ay may sinabi muna ito. "Hindi mo ako kapatid." Tulalang sinundan niya ang tuluyang paglaho nito sa paningin niya pagkatapos ay parang wala sa isip na dinama niya ang bibig. Ano ang nangyari? ..... Kinabukasan ay nakipag-sabayan ng gising si Dianne sa mga kasama upang mag-prepara ng almusal kahit na pinipigilan siya ng mga ito. Iyon din kasi ang paraan na naisip niya upang makakain siya ng agahan habang tulog pa ang iba lalo na si Luis na ayaw niya munang makita. Paano ay lubos ang pagkalito niya sa ginawa nito kagabi na hindi halos nagpatulog sa kanya. Hindi na nga niya napuntahan si Mayor buong maghapon kahapon at lalo na kagabi para kumustahin ito upang makaiwas lang na magkita silang dalawa. Pagkaluto nila ng almusal ay kumain na kaagad sila pero maya-maya ay sumisimple siya ng tingin sa may dako ng hagdanan sa pag-aalalang biglang sumulpot roon si Luis. Matapos silang mag-almusal ay tumulong muna siya sa pagluluto ng almusal ng mga amo nila bago siya nag-presentang siya na ang kakatok sa kwarto nina Mayor pero nakisuyo siya kay Ate Mercy na ito na lang ang kumatok kay Luis para sa almusal na sinang-ayunan naman nito. Sabay silang umakyat sa hagdanan para tunguhin ang mga pakay nilang silid ngunit nagulat na lang siya nang si Luis ang nagbukas ng pintuan ng magulang nito. Nanatili sa ere ang kamay niya nang ito ang bumungad sa kanya at unti-unti namang napa-awang ang bibig niya. Kaya nga siya nag-presenta na magulang nito ang katokin niya para hindi siya mautusan nina Aling Celing na ito ang kanyang gisingin pero ito pa tuloy ang nagbukas sa kwartong iyon. Nakita niya rin ang pagkagulat sa mukha nito at ang pag-iwas ng tingin sa kanya tapos ay nilakihan nito ang pagbukas ng pinto sabay linga sa magulang nito. "Si Dianne, po." "Hija, halika pasok." Malakas na tawag ni Misis Ignacio. Naiilang na nilagpasan niya ang binata at pilit ang ngiting ibinungad sa mag-asawa. "Magandang umaga, po. Baba na raw po kayo para sa almusal." "Dapat si Mercy na lang ang inutusan mo dito. Hindi mo naman na kailangang gawin yan e." Salubong ng ginang habang sa likuran nito ay naroon si Mayor at nakaupo na sa may kama. "Naku, ayos lang po. Wala hong problema." Binalingan niya ang esposo nito. "Kumusta po ng pakiramdam niyo, Mayor? Pasensya na ho di na ako nakaakyat kagabi dito." Ikinampay ni Mayor ang kamay nito sa hangin. "Wala namang problema 'yun. Mabuti nga at nakapag-pahinga ka. Wala naman bang nanggulo sa'yo?" Parang may lamang sabi nito. Napakurap siya ng mata sa tanong na iyon ng ginoo pero umiling naman siya. "Wala naman po." Iniwasan niyang tumingin sa likod niya nang marinig niya ang bahagyang pag-ubo ni Luis mula sa may pinto. "Nainom naman ho ninyo iyong mga gamot ninyo?" Pag-iiba niya sa usapan nila. "Oo. Huwag mong alalahanin iyon." "Sige po. Baba na po tayo?" Aya niya ulit sa mga ito. Noon naman biglang sumulpot si Ate Mercy sa pintuan habang malakas ang boses na nagsasalita. Lahat sila ay napatingin sa pinto. "Dianne? Dianne, wala si Luis sa..." Naputol ang sasabihin sana nito nang makita sa gilid ng pintuan ang hinahanap sa kabilang silid. "Ah. Andito pala. Sabi kasi ni Dianne ako na daw ang kumatok sa kwarto mo. Andito ka pala." Bahagyang ngumiti rito ang binata na agad namang tumingin sa kanya ng nakataas ang kilay. Nag-iwas siya rito ng tingin at nilapitan ang ama nito. "Tara na ho." Natatawang humawak ang ginoo sa braso niya at tumayo pero bumitiw naman kaagad. "Malakas pa ako, Dianne. Kaya ko ang sarili ko." "Sige po. Susunod na lang po ako sa inyo." Magkakasunod nga silang lumabas ng silid. Magkaabay ang mag-asawa na nauna na sinundan ni Ate Mercy. Hahabol sana siya sa kasama kaso nga lang ay nahawakan siya ni Luis sa braso dahilan upang matigil siya. Nakakunot ang noong nakatitig ito sa kanya pagkalingon niya. "Gusto mo akong iwasan?" Dahil hindi niya alam ang gagawin ay umiling lang siya rito. "Bakit si Ate Mercy ang inutusan mong kumatok sa pinto ko?" Umiling siya ulit habang kunot ang noong nakatitig rin dito. "E anong dahilan?" Humigpit ang hawak nito sa kanya. Muli ay iling ang isinagot niya sa tanong nitong iyon. Hindi niya alam ang gagawin at hindi niya rin maalis ang pagkakatingin rito kahit tila inis na ito sa kanya. Gumalaw ang panga nito nang itikom nito ang bibig. Ilang segundo lang silang nagtitigan na parang nagsusukatan kung sinong mananalo bago ito humugot ng malalim na hininga at nagbanta. "Sige huwag kang sumagot at hahalikan ulit kita." Awtomatiko niyang naitakip ang dalawang palad sa kanyang bibig at nanlaki ang kanyang mga mata sa pagkakatitig rito habang sa labi nito'y nakita niya ang unti-unting pagsilay ng nakakalokong ngiti. "Gusto mong subukan?" Umiling siya takip-takip ang bibig ng mga kamay. Nunca na hayaan niya itong gawin ang ginawa nito kagabi. Hindi na nga siya nakatulog sa isang halik na iyon ano pa kaya kapag inulit nito iyon? Ayaw niyang masiraan ng bait sa pag-iisip ng dahilan kung bakit nito iyon ginawa. "Aba't..." Hinuli nito ang mga kamay niya at pilit na inalis sa pagkakatakip sa kanyang bibig na pilit naman niyang ibinabalik nang sumungaw si Ate Mercy sa harapan nila. Salitan ang tingin na ipinukol nito sa kanilang dalawa na may halong pagdududa. "Kayong dalawa, umamin nga kayo. Ano bang pinag-aawayan niyo e ang aga-aga? Mabuti at hindi kayo nakita ni Mayor. Kapag nalaman niyon na may problema kayo baka dumagdag pa 'yun sa sakit niya." Mahabang litanya nito sa tonong pigil na pigil- upang siguro'y hindi sila marinig ng mag-asawa na noon ay bumababa na ng hagdanan- habang magkatagpo ang dalawa nitong kilay. "Tigilan niyo na 'yan. Ang lalaki niyo na pero para pa rin kayong mga bata. Away pa rin kayo ng away." Pinandilatan sila nito. "Isusumbong ko kayo kay Nana. Maghiwalay na kayo." Nagkatinginan sila ni Luis at dahil nagkahiyaan ay unti-unti silang naghiwalay. "Sumunod kayo sa akin." Utos nito sa kanilang dalawa at saka tumalikod at nauna. Paglinga niya sa gawi ni Luis ay seryosong na ang mukha nito. Akala niya ay tumiklop na ito kay Ate Mercy pero bigla iting nagsalita nang humakbang siya. "May utang ka sa akin." Nang maintindihan niya ang sinabi nito ay hindi siya nagsalita bagkus ay inundayan niya ito ng kamao bago siya nagtatakbo upang habulin ang kasama na noo'y nasa hagdanan na. Tumatawa naman itong naiwan doon sa itaas at hinabol ng tingin ang pagbaba niya. Nang maglaho ang tawa ay matamis na ngiti na lang ang tanging naiwan sa mukha nito. Siya nama'y pagkatapos magpaalam sa mag-asawa ay pumasok muna sa silid nila at naligo. Marami-raming gawaing bahay na gagawin sina Aling Celing para sa preparasyon ng blowout ni Luis na inihahanda ng magulang nito. Pasasalamat para sa pagpasa ng kanilang nag-iisang anak sa bar exam kaya inimbitahan ng mag-asawa ang lahat ng kakilala ng mga ito. Kung kailan iyon, 'yun ang hindi niya alam. Sa tingin niya rin naman ay wala siya 'nun dahil sa trabahong nasa kabilang bayan. Basta ang alam niya lang, mga kakilala lang ng pamilya ang karamihan sa mga dadalo. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD