CHAPTER TWENTY-FOUR

2552 Words
Parang katulad sa mga palabas na napapanood niya dati kasama sina Aling Celing at Ate Mercy ay naging dahan-dahan ang paglingon ni Dianne sa pinanggalingan ng boses. Para siyang nabato-balani nang makita ito at napa-nganga sa pagkakatitig sa lalaki. Kung pagbabasehan ay ang pisikal na anyo ay masasabi niyang hindi niya kilala kung sino ang nasa may likuran niya. Tumangkad ito lalo at kahit na hindi niya nakikita ay alam niyang sa ilalim ng suot nitong kulay gray na long sleeve at pantalong maong ay ang matikas na pangangatawan na halata sa tindig nitong tila batak kahit alam niyang hindi mabigat na trabaho ang napasok nito. Mula ulo pababa ay muling umakyat papunta sa mukha nito ang paningin niya. Noon pa man ay alam na niyang gwapo ito pero noon niya lang lubos na naunawaan ang salitang iyon na hindi niya nagawang ilarawan sa ibang lalaking nakasalamuha niya na. Ang kilay nitong sanay na sanay na kunutan siya noon ay parang kumapal lalo at naging sing-itim ng buhok nitong umaabot na hanggang batok ang haba. Ang mga mata nitong kay iitim pero laging nakangiti noon, ngayon ay napansin niyang malalim pala at matiim ang pagkakatitig sa kanya na para siyang gustong higupin. Gusto sana niyang mag-iwas rito ng tingin nang biglang gumuhit sa labi nito ang nakakalukong ngiti sabay linga sa paligid. Tuloy ay nakita niya ang ilong nitong hindi naman mula sa dayuhang magulang pero matangos. Nakita niya ang unti-unting paglapit nito sa kinaroroonan niya kaya noon niya lang din napansin ang tila kay lakas na pagpintig ng puso niyang animo ay may sariling isip at gustong sumalubong sa lalaki upang makita ito. Bumaling siya sa lababo nang makaramdam ng hiya at kunwari ay itinuloy ang ginagawa kahit nagtitilamsikan na sa kung saan ang sabon galing sa hawak niyang espongha dahil hindi niya iyon mahawakan ng maayos. "Excuse me." Kuha nito sa atensyin niya gayunpaman ay pinanindigan niyang may ginagawa siya kaya hindi siya lumingon ulit dito. Isang malakas na hampas sa lababo sa kanyang tabi ang nagpaikot sa kanya paharap rito. Nasa likod na niya pala ito at halos dumikit na sa kanya. Naamoy niya ang pang-lalaking pabango nitong nakakapit sa suot nitong damit at hinawakan ang hawak-hawak niyang mangkok na noon ay nanatili sa ere habang hawak-hawak niya. "Unless gusto mong makabasag, bitiwan mo 'to." Kakaibang kilabot ang naramdaman niya nang marinig ng malapitan ang boses nitong iyon. Dinaig pa nito ang radio announcer sa ganda ng boses nito bagama't natural lamang iyon at hindi modulated. Nakipag-tigasan siya ng hawak sa mangkok na sa huli ay binitiwan naman nito bago siya muling humarap sa lababo at tinapos ang ginagawa kahit parang nanginginig siya. Nang matapos ay nagbanlaw na rin siya bago ito nilinga sa kanyang likuran na hindi manlang natinag sa pagkakatayo. "May kailangan ho kayo? Tubig ho ba? Dadalhin ko nalang ho sa salas." Himala na nasabi niya ang mga iyon ng diretso rito. Malaking tulong siguro na hindi siya nakatingin sa mukha nito dahil nilagpasan niya ito. "Si Dianne ang kailangan ko." Diretsong wika ng lalaki na noon ay sumandal na sa lababong pinanggalingan niya. "Bakit?" Kunot ang noong tanong niya at binuksan ang ref at kumuha roon ng tubig. Nang makakita ng baso sa kalapit na salansanan ay nagsalin siya. "Hindi mo manlang ba ako babatiin?" Nahimigan niya ang panunudyo sa boses ng lalaki. "Hindi mo ba ako na-miss? Pagkatapos mo akong tingnan mula ulo hanggang paa at titigan ang mukha ko, tatanungin mo lang ako ng 'bakit'? Di ba dapat ang sabihin mo ay 'Na miss kita'." Napatitig siya sa lalaki at ngumiti ng pilit upang gayahin ang pang-aasar nito. "Haha.At bakit naman kita mami-miss, aber?" Natatawang lumakad ito palapit muli na naging dahilan upang muli rin ay mapatitig siya. Napaka-gwapo na nga nito ngayon. Kung pwede lang siyang tumitig rito ng hindi nito namamalayan ay gagawin niya iyon habang nangangarap siya. Nakita niyang tumaas ang isa nitong kilay na nagpabalik naman sa kanya sa tamang huwisyo. "Done?" Sumilay ang ngiti nito sa labi. Sa pagkakataong iyon ay totoong ngiti iyon at hindi na mapang-asar. "Done? Saan?" Patay-malisyang tanong niya. Alam niyang ang pag-titig niya rito ang tinutukoy nito. "Hindi ka pa rin talaga nagbabago, Dianne." Naiiling nitong wika. "Anyways, hindi mo manlang ba ako sasalubungin ng yakap? Ang tagal nating di nagkita a." Pakiramdam niya ay itinulos siya sa kanyang kinatatayuan. Kung magsalita ito ay parang walang nangyari sa pagitan nilang dalawa. Kung umasta ito ay parang hindi sila naging estranghero sa isa't-isa sa loob ng kulang sampung taon. Sa inaasta nitong iyon ay parang siya tuloy ang masama sa kanilang dalawa dahil siya ang nakakaramdam ng sama ng loob dito. Nang mapansin nitong hindi siya kumilos palapit dito ay ito na mismo ang lumapit sa kanya at yumakap na nagpagulat sa kanya. Mahigpit ang yakap na iyon na tumagal rin ng ilang segundo. Habang yakap siya nito ay bumalik sa kanya ang lahat na naging dahilan upang manubig ang mga mata niya. Kaagad itong bumitiw nang maramdaman ang pagkabasa ng suot nitong damit at tiningnan siya. "Hey, what's wrong?" Suminghot siya. "Wala. Wala ito." "Umiiyak ka pero wala? Ako pang lolokohin mo. Sabihin mo na kasing na-miss mo talaga ako." Sinimangutan niya ito at sinamaan ng tingin. "Paanong hindi ako maluluha e hindi ko kilala kung sinong yumayakap sa akin. Ngayon lang tayo nagkita 'di ba?" Pagsusungit niya rito. Mahina nitong pinitik ang noo niya na naging dahilan ng pagtulak niya rito. "Aray ko." "Ngayon alam mo na kung sino ako?" "Oo." Malakas niyang sabi. "Mapanakit ka pa rin katulad noon. Akala ko pa naman nagbago ka na." Nakangiting hinawakan nito ang baba niya at iniangat iyon. Noon ay nakita niya ang unti-unti nitong pag-seryoso at ang bigla nitong pagbitiw sa kanya ng walang sinasabi. "Nasaan sila?" Luminga-linga ito na parang naghahagilap ng ibang tao. "Nasa itaas. Nasa silid nila ang Papa at Mama ninyo. Sina Aling Celing ay nasa labas naman at nagluluto ng mga pagkain." "At ikaw?" Baling nito sa kanya. "Ako?" Turo niya sa sarili. Naguluhan siya. "Nasaan ako? Nandito ako sa kusina." "Silly. Alam ko kung nasaan ka. Ang ibig kong sabihin ay bakit naghuhugas ka diyan. Kakalabas mo lang galing sa trabaho 'di ba? Pumasok ka sa silid niyo at matulog ka muna." "Pero, tutulong pa ako dito at saka sa pagbubuhat ng mga dala niyo." "Kaya na namin yun. Nasa labas naman si Kuya Diego." Anito at lumingon pa sa pinto. "Sige na pasok na sa silid niyo. Pupuntahan ko lang sila sa taas." Hindi siya nagpatinag sa utos nito sa halip ay kumunot ang noo niya sa pagiging pala-utos nito. Akala niya ay sa telepono lang ito mahilig mang-ganun pero kahit pala harap-harapan ay bossy ito. "Bakit nakatitig ka lang diyan?" "Wala." Aniya sabay talikod papuntang silid. Hindi pala niya kayang makipag-titigan rito. Katulad noon ay pakiramdam niya'y matatalo pa rin siya. Nasa kalagitanaan na siya papasok sa pasilyo nang mapaatras siya. Nakalimutan niya si Doctor Arevalo na hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin dumadating sa bahay. Lumakad siya pabalik at gagawi sana sa may entrada ng bahay kung hindi lang siya nito naharangan. "Bakit? Saan ang punta mo?" "Hihintayin ko si Dok. Wala pa rin kasi siya." Tiningnan siya nito gamit ang nanliliit nitong mga mata. "Ako na ang bahala sa kanya. Pumasok ka na roon." Wala lang ba talaga dito ang sampung taon na wala silang komunikasyon? Bakit kung umasta ito ay parang kahapon lang sila huling nagkausap? Napaatras ulit siya at dumako papasok sa pasilyo papuntang silid pero bago siya tuluyang pumasok ay nagslita siya na tamang-tama na aabot sa pandinig nito. "Bossy!" Aniya sabay sarado ng pinto. Kung anuman ang reaksyon nito ay wala na siyang balak na alamin pa dahil alam niyang sa una ay kukunot muna ang noo nito. Ang kasunod niyon ang ayaw niyang makita. ..... Nang bago mag-tanghali ay naalimpungatan si Dianne sa ingay sa loob ng kwarto nila. Pagbukas niya ng mga mata ay hindi pala magkamayaw sina Aling Celing at Ate Mercy sa mga pasalubong mula kay Luis na nasa kanya-kanyang hawak na paper bag. Hindi na pansin ng mga ito ang presensya niya. "Nakita mo na ba si Luis? Ang laki ng ipinagbago ng batang 'yun ano. Pomogi lalo, tingin mo?" Tanong ni aling Celing sa kausap nito. "Ay totoo. Kung hindi ko nga lang kilala ang batang iyon simula noong uhugin pa lang ay baka natipuhan ko na e." Tawang-tawa namang wika ni Ate Mercy na nakatanggap ng isang hampas sa braso mula sa nakakatanda. Magpapanggap pa sana siyang tulog kung hindi lang siya nalingunan ng dalawa na nakikinig sa mga ito gayunpaman ay ipinikit niya pa rin ang mga mata niya. "Bumangon ka na diyan, Dianne. Magtatanghalian na tayo. Hindi ka na namin ginising kaninang almusal dahil sinabihan kami ni Luis na huwag ka daw namin istorbohin." Ani Ate Mercy na umupo sa higaan niya kaya bahagya iyong lumundo. "Pogi ano?" Hindi siya tuluyang nagmulat ng mata pero bahagya siyang sumilip sa mga ito. "Ikaw Mercy, huwag mo ngang ginugulo si Dianne diyan. Kita mo namang natutulog ang bata e." Sita rito ni Aling Celing na umupo rin sa kama nito. Sa tabi nito ay nakapatong na ang ilang paper bag na alam niyang pasalubong lahat ni Luis. Natuwa siya para sa matanda na hindi nakalimutan ng alaga nito. "Nana, nagtatanong lang naman ako dito kay Dianne kung pogi si Luis. E nakita mo rin naman di ba? Talaga naman kasing pogi iyong bata." "Oo na. Narinig na kita. Si Dianne ang huwag mong guluhin diyan. Ilang oras pa lang ang tulog niyan." "Sige po. Hindi na." Sagot nito pero bahagya siya nitong pinisil sa hita kaya napakislot siya. Natawa ito sa reaksyon niya dahil awtomatikong napadilat ang mga mata niya. Alam ni Ate Mercy na may kiliti siya sa hita kaya doon siya nito hinawakan. "Ayan, gising na siya." Nilapitan ito ni Aling Celing at hinampas muli sa braso. "Sinabi ko na sa'yo e." "Wala akong ginawa, Nana. Hinawakan ko lang siya sa hita pero nagising na siya." Pagpapalusot nito. Gustuhin man niyang pumikit pa ay hindi nalang niya iyon ginawa. Hindi na rin naman maniniwala ang mga ito e. "Ayos lang po Aling Celing." Aniyang umupo at kunwaring naghikab. Kumusta ho? Nakita niyo na 'yung alaga niyo?" Biglang nagbago ang mukha nito sa binanggit niya. Umupo ito sa tabi niya sa kabila at hindi maipaliwanag na saya ang nakita niya sa mukha nito. "Oo, Dianne. Ang bait pa rin talaga ng alaga ko at ang daming dala ha. Kita mo ang mga iyan?" Itinuro nito ang mga paper bag sa kabilang kama. "Bigay niya sa akin lahat iyan para daw sa ilang taon na hindi niya ako nabigyan ng regalo." Nginitian niya ito. Karapat-dapat lang naman na gantihan ni Luis ng mga ganoong regalo ang tagapag-alaga nito dahil sa kabutihan nito. "Mabuti naman ho at di siya nakalimot." "Hindi naman talaga. Iyan din si Mercy, mayroon din." Umiling rito si Ate Mercy na parang may isinesenyas ang mukha. "Oo nga, Dianne." Tiningnan niya ang dalawa ng salitan. Parang sa tingin ng dalawa ay parang may pinag-uusapan ang mga ito. "Ano po ba ang problema?" "A wala." Magkasabay na sagot ng dalawa. "Oo. Wala lang." Nag-hahagilap ng sasabihin si Ate Mercy nang hindi dinugtungan ni Aling Celing ang sinabi nito. "Hindi. Ang totoo ay meron." Biglang bawi nito. "Nagtataka kami kung bakit wala sa mga paper bag na ito ang pangalan mo." Napatawa siya. "Akala ko naman ho kung ano. Okay lang po kung wala ako. Huwag niyo akong alalahanin." Nanahimik ang dalawa sa tabi niya kaya niyakap niya ang mga ito. "Ayos lang talaga ako." Hindi naman talaga pasalubong ang kailangan niya mula dito. Paliwanag lang ay sapat na. ..... Hapon na nang magpasyang lumabas ng silid si Dianne. Sa palagay niya ay nagpapahinga na ang buong pamilya dahil tahimik na ang buong kabahayan. Pagkatapos siyang iwanan nina Aling Celing at Ate Mercy sa silid kanina ay nahiga siya at kahit papaano ay nakatulog ulit. Nagising lang siya nang makaramdam ng pagkalam ng sikmura habang ang mga kasama ay nagpapahinga naman sa silid nila kaya lumabas na siya upang maghanap ng makakain. Dumiritso siya sa kusina at tiningnan ang lamesa. Mabuti at may nakita siyang tinatakpan roon. Binuksan niya iyon at ganoon nalang ang gutom niya ng makita ang nasa loob. Lahat ng mga iyon ay mga lutong hindi niya madalas na nakakain simula ng mapirmi siya sa kabilang bayan. Kumuha siya ng pinggan at kaagad na kumuha ng pagkain. Noong umaga lang ang kain niya bago siya bumiyahe pa San Isidro at sa hapon na iyon lang masusundan ulit kaya ganoon nalang ang gutom na nararamdaman niya. Takam na takam siyang sumubo. Sinunod-sunod niya ang kanyang pagsubo hanggang sa kahit paano ay naramdaman niyang nagkalaman na ang knyang tiyan. At parang pinagtiyap naman ng pagkakataon, eksaktong sumusubo siya ng malaking kanin nang bigla siyang mapatingin sa gawi ng hagdanan. Doon ay may tila isang inukit na perpektong Adan ang papababa na nakasuot lang ng sando at shorts ang matiim na nakatingin rin sa kanya. Biglang nagtama ang mga mata nila na naging dahilan upang magbara sa lalamunan niya iyong isinubo niyang pagkain. Pinilit niyang lunukin iyon ng maayos pero nanikip sa dibdib niya ang iba kaya napaubo siya. Pinukpok niya ang dibdib sabay talikod sa gawi nito. Kung mamalasin ba naman siya, bakit sa harap pa nito siya nabilaukan? Tatayo na sana siya upang kumuha ng maiinom nang bigla nalang itong sumulpot sa harap niya ng naka-kunot ang noo at may bitbit na baso ng tubig. Walang sabi-sabing kinuha niya iyon at nilagok ang laman. Nang mahimasmasan ay nahihiya siyang tumingin ng pahaging rito. "Salamat." "Ayan ang nakukuha ng mahilig mambuso. Nagkanda-ubo ubo ka tuloy." Seryoso nitong sabi. Binalingan niya ito ng masamang tingin. "Hoy, alam kong abogado ka kaya huwag kang magbibintang. Gawa-gawa ka ng kwento diyan." Ngumisi ito at lumakad papunta sa kabilang bahagi ng mesa at ilinahad ang sarili sa kanya. "Kung gusto mo talaga 'tong makita ay ipapakita ko naman 'to sa'yo e. Sabihin mo lang total mga bata pa lang tayo ay nakita mo naman na to." Naiskandalo siya sa narinig. "Anong sinasabi mo diyan?" Tanong niya sa nanlalaking mga mata. "Di mo na ba naaalala? Gusto mo ipaalala ko ngayon?" Umakto itong maghuhubad ng sando kaya kaagad siyang umikot ng upo patalikod rito. Siyempre naaalala niya iyon. Paano ba niyang makakalimutan ang nakakahiyang tagpong iyon? "Huwag ka ng mahiya." Dugtong nito. "Nakakainis ka." Lumingon siya rito pagkasabi niyon at naramdaman niyang namula ang mga mata niya. "Ang bastos mo." Bigla itong sumeryoso nang makita ang hitsura niya. Akma sana itong lalapit nang tumayo siya sabay bitbit ng kanyang kinakainang pinggan at tumalikod rito. "Hoy, biro lang. Ito naman masyadong seryoso." Ani nito pero itinuloy niya ang paglalakad palayo."Di ako naghubad. Kita mo, may damit pa ako." Malakas nitong sabi habang hawak-hawak ang magkabilang gilid ng suot na sando. Walang lingon-likod na iniwanan niya ito. Nagtuloy-tuloy siya sa silid nila kung saan ay nadatnan niya ang dalawang kasamang mahimbing pa rin na natutulog. Doon niya itinuloy ang kanyang pagkain habang hindi napigilan ang paglabas ng luha na agad niyang pinunas gamit ang likod ng palad niya. Bakit ba naiinis siya? .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD