CHAPTER TWENTY-THREE

2605 Words
Nang sumunod na mga araw ay naging maayos naman ang kalagayan ni Mayor Ignacio sa pasasalamat ni Dianne. Kahit kasi nasa trabaho siya ay lagi siyang naka-monitor sa kalagayan nito sa pamamagitan nina Aling Celing at Ate Mercy na laging tumatawag sa kanya sa tuwing may nararamdaman ang nakatatandang Ignacio. Sa kaibuturan ng kanyang puso ay ayaw niya ring biguin ang pakiusap sa kanya ni Luis na bantayan niya ang ama nito kaya ginagawa niya ang lahat upang ma-monitor lang ang kalagayan ni Mayor. Katulad noong gabing iyon, habang naka-duty at nagra-rounds ay pasimple niya ring tinitingnan ang cellphone niya kung may text galing kay Ate Mercy. Sa tuwing makikita niyang wala naman ay doon siya nakakahinga ng maluwag. Wala ring ibinalita ang mga kasama niya sa malaking bahay na may problema sa pag-inom ng gamot ang ginoo kaya ibig sabihin ay maayos ang kalagayan nito sa pagkakataong iyon. "Sinong ka-text mo diyan? Kanina ko pa nakikitang panay ang tingin mo sa cellphone mo a." Pabirong sita ng isa niyang kasama. Ito ang partner niya lagi sa rounds kapag nagkakasabay sila ng shift. "Wala to. Chine-check ko lang baka may text yung kasama ko sa bahay." Iwas niya sabay tago ng telepono sa bulsa ng uniform niya. "Saan ka?" Itinuro nito ang isang pasilyong madadaanan nila. "Diyan ako." Nagpaalam siya dito at dumiritso sa iba pang assigned room sa kanya at itinuloy ang kanyang rounds. Sa ganoon madalas umiikot ang kanyang trabaho. Paminsan-minsan ay nadadagdagan lang iyon kapag may bagong pasyenteng ipinapasok na kailangan niyang i-assist. Pagkatapos ng rounds niya ay bumalik na siya sa nurses station. "Labas naman tayo mamaya, Dianne. Bagong sahod naman e." Aya sa kanya ng kasama niyang nadatnan roon. Isa iyon sa pinaka-close niya sa ospital. "Pass muna ako. Alam mo naman kailangan ko ng pera." Dumako siya sa harap ng computer at nag-update ng record ng mga pasyente niya. Sahod nga nila noong araw na iyon at dumiritso lang iyon sa savings niya na nakalaan para sa ibibili niya ng bahay niya pabalik. Nabalitaan niya kasi mula kay Aling Nemfa noong huli niyang uwi na ibebenta na raw iyon ng may-ari kaya nagkukumahog siyang makaipon kaagad at baka maunahan pa siya. "Sus naman. Minsan lang naman tayo lalabas e. Baka ito na rin ang huli nating labas kasama si Ms. Em. Magre-retire na iyon alam mo naman di ba?" Tukoy nito sa supervisor nila. Alam nga niyang malapt na ang retirement day nito, ang hindi niya lang alam ay kung kailan. "Kailan ba iyon?" "Yung labas natin?" "Hindi. Yung last duty ni Ms. Em." "Ang alam ko ay last week na niya ito." Lumapit ito sa likod niya. "Paano game ka na mamaya? Labas tayo. Kain lang tapos kaunting inuman." "Umagang-umaga inuman?" Natawa siya. "Kain lang ako." Hindi naman siguro masama kung sasama siya sa lakad na iyon total naman ay parang last kainan nila iyon kasama ang supervisor nila na naging mabuti naman sa kanilang lahat lalo na sa kanya na noong nakaraang taon lang opisyal na nagsimula pero kahit noong OJT palang niya ay nakikita na niya ito at naturuan din siya. "Sure. Sige, pwede na yan." Lumakad ito palayo sa kanya habang may bitbit na mga gamot. "Huwag ng magbabago ang isip mo ha para lahat tayong night duty ay sasama na mamaya." "Oo na. Sige." Itinuloy niya ang ginagawa hanggang sa natapos ang oras ng duty niya. Katulad nga ng napagkasunduan nilang lahat ay magkakasabay silang naka-duty sa gabi na lumabas ng hospital at humantong sa isang kainan malapit lang din doon. Napagkasunduan nalang nilang lahat na i-treat ang supervisor nila at dahil pito silang nurse na naka-duty sa gabi ay napuno nila ang lamesang inukopa nila na napuno rin ng masayang kwentuhan. Habang kumakain sila ay pansamantalang nakalimutan ni Dianne ang tungkol kay Mayor Ignacio na saka niya lang naalala nang patapos na siya. Binuksan niya ang teleponong nakasuksok sa kanyang bulsa pagkatapos uminom at nang tingnan iyon ay may text na galing kay Ate Mercy. Magpa-panic na sana siya dahil tatlong sunod-sunod iyon kung hindi niya lang nabasa kaagad ang unang mensahe roon. Nangungumusta lang ito at ipinapatanong daw ni Aling Celing kung kailan ang uwi niya. Dahil sa pag-aalalang tungkol kay Mayor ang mga sunod na mensahe ay mabilis niya ring binuksan ang mga iyon habang ang isang kamay ay nakahawak na sa kanyang bag na nakapatong sa kanyang hita para sa mabilisang tayo kung kailangan, mabuti na lamang at lahat ng iyon ay tungkol lang sa ipinapatanong ni Aling Celing kaya nakahinga siya ng maluwag. Kung kailan ang eksaktong araw ng kanyang uwi at kung maaari daw ba na mag-leave siya sa trabaho ng ilang araw ang huling text. Napaisip siya kung bakit humihiling si Aling Celing na mag-leave siya. Magsusulat na sana siya ng reply sa kasama ng bigla iyong tumunog. Napakunot siya ng noo dahil hindi naka-register ang numerong tumatawag sa kanya. Alanganin niyang pinindot ang accept button niyon pagkatapos niyang sumenyas sa mga kasama. "Hello?" "Dianne nasaan ka?" Ani ng baritonong boses na kilalang kilala niya kahit na hindi pa iyon nagpapakilala. Kinabahan rin siya bigla kaya pasimple niyang idinikit ang bag sa kanyang dibdib. "Sino 'to?" Kunwari ay hindi niya alam dahil iyon naman ang unang beses na nagkausap sila gamit ang cellphone niya. "Pambihira ka naman. Wala kang numero ko?" Nahimigan niya ang pagkainis nito sa kabilang linya at upang hindi mapako sa kanya ang atensyon ng mga kasama ay hininaan na lang niya ang kanyang pagsasalita habang patuloy sa kwentuhan at tawanan ang mga ito. "Sino ba 'to?" Isang malakas na paghinga muna ang narinig niya bago ito sumagot. "Si Luis to. Kilala mo naman siguro kung sinong Luis 'di ba?" Sarkastiko nitong tanong pero hindi niya iyon sinagot. "Nasaan ka ngayon?" "Kakatapos ko lang ng trabaho, bakit?" "Where are you exactly? Marami kang kasama?" "Kumakain ako sa labas kasama ang mga kasama ko sa trabaho, bakit?" Nilinga niya ang mga kasama nang alukin siya kung gusto raw niyang uminom. Sinenyasan niya ang mga ito gamit ang isang daliri sa bibig sabay umiling sa mga ito. "You're outside eating with your colleagues and now you are going to drink? Ihinabilin ko ang Papa ko sa'yo, Dianne. Don't forget that anytime he might need your help. Paano kapag lasing ka na tapos hindi mo mapuntahan ang Papa?" "Alam ko. Huwag kang mag-alala. Tumanggi na ako." "Then, good. Umuwi ka na." Pa-utos nitong sabi pagkatapos ay may kinausap ito sa kabilang linya. Ilang sandali rin itong may kinausap bago bumalik sa kanya. "Hindi ka raw ma-contact ni Ate Mercy. Kanina ka pa daw nila tinext pero di ka nagre-reply." Alam na niya kung paano nito nalaman ang numero niya. "Magre-reply na sana ako kaso tumawag ka." "Alam na nila kung nasaan ka pero may tanong daw si Nana. Sagutin mo raw." Naiinis man siya rito ay pinigilan niya ang sarili. Ngumiti nalang siya ng pilit pati sa mga kasama. "Opo. Masusunod po." "Good at huwag mong kalimutang umuwi na." "Opo." "Ngayon na." Utos nito na nagpatirik sa mga mata niya. Sa kanyang inis ay napatayo siya sabay sabi ng malakas na 'opo' sa gulat na rin ng mga kasama niya. "Sige na." Malakas niyang sabi sa telepono sabay pindot ng end button niyon. Lumapit siya sa kanilang supervisor at sinabi rito ang planong pag-uwi na. Idinahilan nalang niyang anak ng isang pasyente sa San Isidro ang tumawag sa kanya at siya ang nagmo-monitor sa kalusugan ng ama nito habang wala ito roon. Pumayag naman ito ganoon din ang kanilang mga kasama. Lumabas siya sa restaurant na iyon at umuwi sa maliit na inuupahang silid na inis na inis kay Luis. Kung malapit lang siguro ito ay baka nasabunutan niya na. Pagkarating niya ay doon na rin siya nag-reply sa text ni Ate Mercy kung kailan siya pwedeng umuwi pero iyong leave ay ire-request pa niya. ..... Katulad ng nakaugalian na ni Dianne, kada umaga pagkakauwi niya o bago matulog ay sinisigurado muna niyang nakainom na si Mayor Ignacio ng gamot nito. Kahit nasa opisina na ito ng ganoong oras ay tinatawagan niya pa rin ito sa cellphone nito at saka lang siya napapanatag kapag sinasabi nitong pwede na siyang matulog. Naririnig rin naman niya sa boses ng ginoo kapag masama ang pakiramdam nito dahil sa matatamlay nitong sagot at kapag ganoon ay agaran na niyang tinatawagan si Doctor Arevalo na mabilis namang dumadating sa San Isidro habang siya ay sumusunod na lang doon at muling bumabalik sa kabilang bayan bago ang duty niya sa gabi. Pinagalitan nga siya isang beses ng nakatatandang ginoo kung bakit kailangan niya pang punatahan ito samantalang simpleng sakit lang naman daw ng ulo ang naramdaman nito noon. Ani nito ay mas mahirap daw kung pati siya ay magkakasakit dahil sa kakulangan niya ng tulog dahil sa pagbiya-biyahe niya papuntang San Isidro at pabalik sa kabilang bayan. Sinigurado na lang niya rito na nakakakuha naman siya ng maayos na tulog sa mga ibang araw. Hinayaan siya nito pero paminsan-minsan ay napagsasabihan pa rin siya kaya laking pasasalamat niya nang dumating ang araw ng kanyang pag-uwi. Last day iyon ng duty niya sa linggong iyon at nag-request din siya ng ilang araw na vacation leave kaya mahaba-habang araw din siyang mananatili sa San Isidro. Pagkakataon iyon para matutukan niya ang kalagayan ni mayor at upang makapag-pahinga rin siya. Isa pang dahilan ng pag-uwi niya ay upang kausapin rin ang may-ari ng dating bahay na gusto niyang bilhin pabalik. Kung magkakasundo sila sa presyo ay baka mabawi na niya ang dati niyang bahay. Nakakahiya rin naman kasi sa mga Ignacio na hanggang sa mga araw na iyon ay sa bahay pa rin ng mga ito siya umuuwi kapag wala siyang trabaho. Ngunit habang nagliligpit siya ng mga gamit sa kanyang bag na gagamitin para sa ilang araw na pananatili sa bahay ng mga Ignacio ay nakatanggap naman siya ng tawag mula kay Ate Mercy. Ayon dito ay bigla na naman daw sumakit ang ulo ni Mayor pero agad din namang nawala. Mabilis niyang binitbit ang bag at lumabas ng silid na iyon pagkatapos ay dumako sa sakayan ng bus. Maswerte namang may bus na pinupuno roon kaya nakasakay siya kaagad. Habang nasa daan ay tinawagan niya si Doctor Arevalo at pagkatapos ay si Ate Mercy na ang tinext niya na nagbalitang hindi naman nagtuloy-tuloy ang nararamdamang sakit ng ginoo. Pagkarating niya sa bahay ay sinalubong siya kaagad ng nag-aalalang si Aling Celing. "Aling Celing, bakit po. Ano pong nangyari?" Natatarantang tanong niya sa matanda pagkapasok niya palang sa kabahayan. Sumunod ito sa kanya habang paakyat siya ng hagdan. Akala niya ay magtu-tuloy tuloy na ang pag-ayos ng pakiramdam ng butihing Mayor dahil ilang buwan rin na hindi na ito nakakaramdam ng pagsakit ng ulo. "Hindi ko nga alam, Dianne e. Basta bigla nalang sumakit yung ulo niya. Bilisan natin." Umakyat agad sila sa second floor ng bahay at dumiritso sa kwarto ng mga ito. Inabutan niyang nakahiga ang matanda habang sa gilid nito ay naroon si Misis Ignacio at pinapainom ang ginoo ng gamot. Binati siya ng ginang at hinayaan siyang lumapit kay Mayor. Inihilig niya kaagad ang ulo nito sa mataas na unan para hindi ito mapagod sa kakatingala sa kanila. Malamang ay napagod na naman ito sa opisina kaya heto at sumama ang pakiramdam. "Ano Dianne, sa palagay mo ba ay tatagal pa ako?" Biro nito. Mabuti nalang at nakakapag-biro pa ito. Ibig sabihin ay hindi pa ganoon kadelikado ang kalagayan nito. "Kayo talaga. Siyempre ho, tatagal pa kayo. Ako yata ang nag-aalaga sa inyo." Ganting biro niya habang tinitingnan ang blood pressure ng matanda. "Naabala pa tuloy kita." "Wala hong anuman. Uwi ko po talaga ngayon kaya narito ako. " Nginitian niya ito. "At alam niyo namang malakas kayo sa akin e. Kahit ano po iiwanan ko para lang sa inyo." Tinapik niya ito sa kamay. "Marami ho bang trabaho sa opisina niyo?" "Hindi. Na-excite lang ako hija. Paano ba naman, iyong kaibigan mo tumawag kahapon sa opisina, e hanggang ngayon ay naiisip ko pa rin iyong sinabi niya kaya siguro kinulang ako ng tulog kagabi." "Ano po bang sinabi niya bakit sumakit na naman ang ulo niyo?" Bahagya siyang kumunot ng noo nang marinig ang tungkol kay Luis. "Ang sabi niya kahapon ay uuwi na raw siya." Masaya nitong pagbabalita na ikinagulat niya. Kumabog ng husto ang puso niya at pakiramdam niya ay tinakasan rin ng kulay ang mukha niya. Pilit niyang nginitian ang ginoo at umupo sa tabi nito. "Mabuti naman po. Sigurado po akong na-miss niya kayo." Iyon na lang ang tanging namutawi sa bibig niya. Lumapit si Misis Ignacio at hinawakan siya sa balikat. "Hija, lahat tayo ay na-miss niya kaya mabuti rin at narito ka na. Maya-maya ay baka dumating na iyon." Bigla siyang naturete sa sinabi nito at hindi agad siya nakakilos sa pagkaka-upo. Ngayon na agad? Wala manlang pasabi? Hindi pa siya handang magpakita rito. Lihim niyang in-assess ang sarili. Ano bang hitsura niya? At ito, ano na kaya ang hitsura nito ngayon? Gwapo na ito noon kaya sigurado siyang mas gumandang lalaki pa ito ngayon. Nakailang girlfriends kaya ito sa Maynila sa loob ng kulang-kulang sampung taong hindi sila nagkita? Concious ba iyong naramdaman niya? "Ganoon po ba? Hindi po siya nagpasundo?" Linga niya sa ginang. Gusto sana niyang kahit paano ay makalayo pa roon bago ito dumating. Baka may pagkakataon pa siya. "Kanina pa umalis si Diego. Hindi na nga lang ako sumama dahil dito. Nakisabay ang pagsakit ng ulo niya e." Binalingan niya si Mayor. "Kumusta naman po ang pakiramdam niyo ngayon?" "Maayos na, hija. Hindi ko na maramdaman iyong sakit. Kanina lang iyon, siguro ay dahil sa kakulangan ng tulog." "Mabuti naman ho kung ganoon. Pero pinapunta ko ho si Dok. Maya-maya ay darating na rin iyon." "Bayaan mo siya. Mabuti nga at ng makausap siya ni Luis." Tumango siya at tumayo. Kailangan niyang makaalis roon sa lalong madaling panahon. Sinabi niya sa mag-asawang bababa na muna kaya pinatulog niya muna si Mayor pero hinila naman siya ni Misis Ignacio papunta sa likod-bahay kung saan nagluluto ng ilang putahe sina Ate Mercy at Aling Celing. Kaya pala hindi sumunod ang mga ito sa itaas, naroon pala ang mga ito at abala pa rin. "Aling Celing ano pong maitutulong ko?" Kuha niya sa atensyon ng mga ito. "Ku, ang batang ito. Hayaan mo at kaya naman namin ito. Doon ka nalang sa loob." "Dianne, samahan mo nalang ako doon sa lamesa." Aya ni Misis Ignacio at hinigpitan ang kapit nito sa braso niya. "Halika at tulungan mo akong mag-set ng mga plates." Binalingan nito ang dalawa. "Doon muna kami Nana sa loob ha." "Sige ho. Kapag may kailangan kayo ay narito lang kami." Dumako nga sila sa malaking lamesa sa kusina at doon ay magkatulong na nag-set ng mga pinggan kasama si Misis Ignacio. Nang matapos sila roon ay nagpaalam naman ang ginang na babalik ito sa itaas. Naiwan siya roon sa baba na hindi alam ang gagawin kaya inabala na lamang niya ang sarili na maghugas ng mga hugasin na nasa lababo. Mga ginamit siguro ang mga iyon nina Aling Celing kanina sa pagprepara ng iniluluto ng mga ito. Habang naghuhugas ay hindi na niya namalayan ang pagtigil ng sasakyan sa labas at ang pag-bukas ng malaking pintuan. Ang tanging nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan ay ang katok mula sa malaking lamesa at ang sunod niyon ay ang mga hakbang ng mga paa palapit sa kanya. "Ehemmm." Narinig niyang tikhim ng lalaki mula sa likuran niya. Muntik na siyang mapatalon sa ginawa niya kung hindi lang pakiramdam niya ay na-estatwa siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD