CHAPTER TWENTY-NINE

2632 Words
Natapos ang ilang araw ng vacation leave ni Dianne sa trabaho na hindi sila nagkaka-ayos ni Luis. Bumalik siya sa trabaho at umuwi lang sa San Isidro pagkatapos ng isang linggo para sa schedule ng tests ni Mayor Ignacio na kung saan ay katulad ng suspetsa ni Doctor Arevalo ay mayroon ngang pagbabara ng ugat sa ulo ng butihing Mayor na nagdudulog dito ng paulit-ulit na pag-atake ng sakit. Pina-schedule na kaagad ng doktor ang operasyon nito at ngayon nga ay nasa hospital na sila para sa nasabing operasyon. "Doctor, gawin niyo po ang lahat upang gumaling lang ang asawa ko." Pakiusap ni Misis Ignacio habang papasok ang doktor sa loob ng operating room. Sa likod nito ay naroon si Luis at nakaalalay sa ina. Kakapasok lang noon ng stretcher lulan si Mayor Ignacio habang naroon silang lima sa labas ng operation room. Isang ngiti ang ibinigay rito ng doctor. "Huwag kayong mag-alala, gagawin namin ang lahat upang maging matagumpay itong operation na ito." Hinawakan nito sa balikat ang ginang at pumasok na sa loob. Naupo silang tatlo nina Aling Celing at Ate Mercy sa mahabang upuan habang ang mag-ina ay nananatiling nakatayo at sumisilip sa maliit na salamin sa pinto. Noong nakaraang gabi pa siya umuwi pagkatapos niyang mag-paalam sa kanyang trabaho ng isang linggong leave ulit at kahit madalas silang magkita at magkasalubong ni Luis sa bahay ng mga ito kapag pinupuntahan niya si Mayor Igancio ay hindi pa rin siya nito binabati. Ngayon nga ay umupo na ito sa tabi ng ina sa isa pang upuan sa hilera nila pero kahit isang lingon ay hindi nito ginawa sa kanya gayunpama'y pilit na lang niyang binabalewala iyon dahil sa pag-iisip sa kalagayan ni Mayor. Nalingunan niya sa kanyang tabi si Aling Celing na nagdadasal habang hawak ang kamay ni Ate Mercy at sa kabilang upuan naman ay nakita niya na umiiyak na ang ginang sa balikat ng anak nito. Sa kinakaharap na problema ng pamilya ay umusal rin siya ng piping panalalangin na maging maayos ang resulta ng operasyon. Sa loob ng mahigit isang oras ay walang anumang salitang namutawi sa kanilang lima. Tanging tango at piping ngiti ang namagitan sa kanilang lahat maliban sa kanilang dalawa ni Luis. Sabay-sabay silang nag-angat ng paningin nang tumunog ang pintuan at mula doon ay iniluwa si Doctor Arevalo na nagbaba ng suot nitong surgical mask. Naunang tumayo sina Misis Ignacio at Luis na mabilis na nakalapit dito. "Doc, kumusta po? Kumusta ang kalagayan ng Papa?" Bakas sa mukha ni Luis ang pag-aalala sa kalagayan ng ama nito. Humawak pa ito sa kamay ng ina na parang doon ay kumukuha ng lakas. "Maayos naman ang naging operasyon. Sa ngayon ay ililipat muna namin siya sa recovery room and it might take some hours bago siya ilipat sa private room." "Pwede na ba namin siyang makita doc?" Anang ginang. Umiling ito. "Sa ngayon ay hindi pa. Hintayin niyo na lang na mailipat siya sa private room." "Mga ilang oras ho ang kailangang hintayin doc?" Muling tanong ni Luis. "Usually, it takes four to six hours pero depende pa rin iyon. It might be longer depende sa kakayahan ng katawan ng pasyente. Don't worry, close monitor naman namin ang pasyente habang nasa recovery room siya at the same time ay i-a-update din naman namin kayo. Kapag nailipat na namin siya sa private room ay saka niyo siya makikita." "Thank you po, Doc. Pakibantayan na lang po ang Papa." Tumalikod si Doctor Arevalo at naiwan silang lima na nakahabol ng tingin dito. Nang mawala lang ito ng tuluyan ay saka lang sila nakahuma. "Kain muna tayo tapos mauna na muna kayo Nana na umuwi. Tatawag na lang kami kung may kailangan." Turan ng ginang sa kanila. Sa kalapit na fast food restaurant sila dumiritso. Mabuti na lang at mayroong mahabang mesang bakante sa may dulong bahagi. Lumapit sila doon at inukopa nila iyon kaagad. Hindi na umupo si Luis dahil ito ang inutusan ng mama nito na umorder ng pagkain pero nilingon siya nito bago umalis. "Samahan mo ako." Nag-aalangan man siyang tumayo ay napilitan na rin siya lalo na at tinanguan na siya ni Aling Celing. Habang naglalakad papunta sa counter ay nasa likuran lang siya nito kipkip ang shoulder bag niya. Habang naghihintay sila sa kanilang order ay umupo muna sila sa kalapit na lamesa. Kitang-kita niya ang tila panghihina nito mula sa pagkakasandal sa upuan na maya-maya ay bumununtung-hininga. Ang ingay sa paligid nila dahilan ng maraming tao na siguro ay mga kamag-anak rin ng mga naka-confine ay nalulusaw sa pandinig niya pero ang reaksyon nito ay nasusundan ng mga mata niya kahit gaano pa kaliit at kahit hindi naman siya direktang nakatingin dito. Naroong pumipikit ito na anyong nananalangin at naroon namang kinikimkim nito ang kamao. Gusto niya sana itong kausapin pero nag-aalangan siya. Pakiramdam niya kasi ay iisnabin lang siya nito katulad noong mga nakaraang araw. "Kung may sasabihin ka, sabihin mo na. Hindi yung parang chameleon yang mga mata mo sa pagkakatingin sa akin." Umirap siya ng palihim dahil sa sinabi nito. Sa chameleon pa talaga siya nito ihinalintulad? Ang nag-iisang hayop na nakikita kahit ang nasa likod ng ulo nila? May kasamaan na talaga ang ugali ng taong ito. Kung hindi lang dahil kay Mayor ay iiwanan niya na ito roon pagkatapos niya itong sabunutan. "Ano?" Parang naiinip na tanong nito. Bumuntung-hininga siya at nagpilit ng ngiti. "Ang sasabihin ko lang naman ay huwag kang masyadong mag-alala. Hindi major operation yung ginawa sa Papa mo at kung maayos naman ang naging operasyon ibig sabihin ay malayo rin na magkaroon ng komplikasyon." Tumango lang ito pero hindi nagsalita. Hinintay niyang may sabihin ito pero tinawag na't lahat ang numero nila para sa kanilang order ay hindi na ito muling kumibo sa kanya hanggang sa nakabalik sila sa kanilang lamesa bitbit ang tray ng mga pagkain. Matapos sila ay nagpaalam na sina Aling Celing na uuwi at dahil hanggang dalawa lang ang pwedeng pumasok sa private room na kasama ng pasyente ay nag-presenta na rin siyang sumama sa mga ito. Pinayagan naman siya ng ginang pero pinakisuyuan siya nitong bumalik kapag kailangan na ng kapalitan na sinang-ayunan naman niya. Pagkarating nila sa bahay ay kaagad siyang naghanda ng mga gamit ni Mayor Ignacio na dadalhin din pabalik kapag tinawagan siya at dahil busog pa naman siya ay nagpasya na lang siyang pumasok sa silid at magpahinga pagkatapos niyang magwalis-walis sa loob ng bahay. Hihintayin na lang niyang tawagan siya ng mag-ina upang pumalit sa pagbabantay kay Mayor. ..... Kinagabihan ay nagising si Dianne dahil sa malakas na yugyog ni Ate Mercy sa kanya. Tumawag na daw ang ginang upang ibalita sa kanila na nagising na si Mayor at inilipat na raw ito sa private room pero ayon dito ay uuwi daw ang ginang at kailangan niyang pumunta upang pumalit sa pagbabantay. Pupungas-pungas siyang tumayo at kaagad na naghanda. Si Aling Celing na noon ay nagluluto ng hapunan ay ipinaghanda din siya ng babaunin at kakainin sa hospital. Bitbit ang bag na pinaglalagyan ng iba pang gagamitin ni Mayor sa hospital ay lumulan siya sa sasakyan na imamaneho ni Kuya Diego. Pagkatapos lang nilang magpaalam sa mga kasama ay sumibad kaagad sila ng alis. Pagkarating nila sa hospital ay sabay sila ni Kuya Diego na umakyat sa private room ni Mayor kung saan ay nadatnan nilang naghahanda na rin sa pag-alis ang ginang na tingin niya ay parang biglang nagka-edad. "Mabuti at nandito ka na, Dianne." Salubong ng ginang at yumakap sa kanya. Hinaplos niya ang likod nito at hinayaan ito roon hanggang sa kusa itong bumitaw sa kanya. "Makikisuyo ako, ha. Ikaw muna ang magbantay rito. Kaya mo ba?" "Opo, Ma'am. Wala pong problema. Kumusta po si Mayor?" Nilinga nito ang nakahigang ginoo habang sa upuang nasa tabi nito sa kabilang panig ng kama ay si Luis na nakatanghod sa ama at noo'y di pa rin nakakabihis ng suot nitong itim na t-shirt at pantalon simula noong umaga. "Sabi ng doktor ay maayos naman daw ang response ng katawan niya sa gamot pero ayan nakatulog ulit." "Huwag ho kayong mag-alala. Magtiwala ho tayo kay Doctor Arevalo at kay Mayor." Nginitian niya ito at ginagap ang kamay. "Lumakad na ho kayo para hindi kayo masyadong gabihin." Tumango ito. "Mabuti pa nga. Kumain ka na ba?" "Hindi pa ho, pero huwag kayong mag-alala dahil pinabaunan ako ni Aling Celing. Kayo po ba?" "Sa bahay na lang ako. Bukas na ako babalik, isasama ko na lang dito si Mercy para may kasama ako." "Sige po. Mag-iingt kayo." Kinuha nito ang bag sa isang upuan at nilapitan si Luis. May sinabi ito sa binata tapos ay muling nagpaalam sa kanya. Nagtataka naman siyang sumunod dito ng tingin hanggang sa magbukas si Kuya Diego ng pinto at lumabas ang mga ito. Naiwan si Luis na nakaupo pa rin sa upuan. "Bakit di ka pa sumama palabas? Maiiwanan ka nila." Bahagya lang itong tumingin sa kanya bago sumagot. "Maiiwan din ako dito. Bukas na ako uuwi kasabay mo. Bakit may problema ka dun?" Hindi niya alam kung anong reaksyon ang gagawin niya sa mukha niya nang marinig iyon. Kaya nga siya kanina nag-presenta na umuwi muna e para pumalit sa naiwan tapos ngayon ay nagpaiwan pa rin ito. "May problema ba na nandito ako?" "Wala naman... wala." Itinago niya rito ang mukha at naghanap ng mapapatungan ng bag na noon ay sukbit pa rin pagkatapos ay ang pagkain na nasa thermal bag naman ang inilabas niya. Ipinatong niya ang mga iyon sa over-bed table at pagkuwa'y naupo sa upuang nasa gilid niyon. Kaya pala puno yung thermal bag ng mga naka-plastic container na pagkain. Akala niya'y para lang sa kanya iyon hanggang kinabukasan, iyon pala ay para sa kanilang dalawa ni Luis. Ano nang gagawin niya kung ganoong naroon rin pala si Luis? "Nagugutom na ako. Anong ipinadala ni Nana?" Nagkukumahog niyang binuksan ang mga plastic na lagayan at binanggit ang laman ng mga iyon dito. Apat na food container iyon na ang dalawa ay may lamang kanin ,gulay, at karne at ang dalawa pa'y pawang may lamang sangkap sa paggawa ng vegetable sandwich ang laman. Siguro ay iniisip ni Aling Celing na para iyon sa almusal nila kinabukasan kaya itinabi niya iyon. Tumayo ito pagkatapos ng ilang sandaling pakikinig at umikot sa kama palapit sa lamesa. Binitbit ang isang plastic container pero inilapag rin ulit. Sa sulok ng kanyang mga mata ay nakita niya ang paglapit nito sa gawi niya pero hinayaan niya lang dahil akala niya'y may kukunin lang ito pero nagulat na lang siya nang biglang tumapat ang kabilang pisngi nito sa mukha niya. "Anong ginagawa mo?" Nanlalaki ang matang tanong niya sa halos paanas na boses. Kapag bumaling kasi ito ng tingin ay siguradong magtatama na ang mukha nila. Kinakabahang isinandal niya ang kanyang likod sa upuan hanggang sa nakaliyad na siya upang magkalayo lang sila ng mukha. Ito nama'y hindi sumagot at may inabot mula sa kabinet na nasa gilid niya. Pagtayo nito sa may tabi niya ay hawak na nito ang bote ng mineral water na siya palang kinukuha nito mula roon. Ipinakita nito iyon sa kanya na bahagyang nakataas ang isang kilay pagkatapos ay nagsalin ng laman sa baso. "Ano bang akala mo?" Anito at uminom. Nang mailapag ang baso ay muli nitong binitbit ang food container at bumalik sa pwesto nito kanina. "Huwag kang mag-isip ng kung ano-ano. Nasa hospital ka." Inirapan niya ito pagkuwa'y napahiyang umayos siya ng upo. Pasimple rin niyang iniusog ang upuan patalikod sa gawi nito at kinuha ang isa pang food container na nasa harap niya. Sinunod-sunod niya ang kanyang subo hanggang sa maubos niya ang laman niyon na pagkain. Paglingon niya sa inuupuan nito para tingnan kung tapos na rin ito'y ng mapagsabay niya sa paghugas ang kinainan nilang dalawa ay nakalapag na sa kaharap nitong upuan ang bakanteng food container at sa ibabaw ay nakapatong ang walang laman na bote ng tubig. Napaisip tuloy siya kung bakit pa nito kailangang sumiksik kanina kung mayroon naman pala itong sariling tubig. ..... Kinabukasan, katulad ng sinabi ni Luis ay sabay nga silang umuwi sa San Isidro pagkatapos na dumating ang mama nito kasama si Ate Mercy upang magbantay noong araw. Sa harapan ito ng sasakyan umupo katabi ni Kuya Diego at siya naman ay sa may likuran kasama ang mga dala-dalahan niya. Dahil inaantok sa halos mag-damag na gising ay nakatulugan na niya ang biyahe nila hanggang sa gisingin na lang siya ng mga ito pagkarating nila sa bahay. Kahit papaano ay malaking bagay para sa kanilang lahat na maganda ang response ng katawan ni Mayor Ignacio sa naging surgery at maging sa gamot nito. Gumising ito noong gabi at saglit nilang kinausap pero dahil sa gamot na iniinom ay kaagad pa rin itong nakaramdam ng antok kaya hinayaan na nilang magpahinga. Lumipas ang magdamag na tanging idlip lang ang nagawa niya at kahit sanay siya sa puyat sa duty niya sa hospital ay iba pa rin pala ang pakiramdam kapag nagbantay ng pasyente. Tila mas pagod siya sa kanyang ginawa at hindi niya alam kung dahil ba iyon sa mismong puyat niya o dahil sa kasama niya. Hawak sa kamay ang thermal bag ay bumaba siya ng sasakyan na naghihikab. Hindi na niya napansin na ipinagbukas siya ni Luis ng pinto ng sasakyan na kanina pa hindi inaalis ang pagkakatingin sa kanya mula sa rearview mirror at nanatiling nakasunod ito hanggang sa gumawi sila sa b****a ng bahay. Sa may tarangkahan ay sinalubong sila ni Aling Celing na kaagad kinuha ang dala niya pagkatapos ay nagpaalam na siyang pumasok ng silid. Kaagad siyang nahiga ng hindi man lang naliligo dahil sa sobrang antok na nararamdaman. Dire-diretso na sana ang tulog niya kung hindi lang siya nagising dahil sa isang katok noong magtatanghali. Dahil puyat pa rin ay nakapikit na tinungo niya ang pintuan at binuksan iyon ng hindi sinisino ang nasa labas pagkatapos ay muli siyang bumalik sa kanyang higaan at natulog sa kabila ng amoy ng pagkain na nanunuot sa kanyang ilong. Ilang minuto pa ang lumipas ay pakiramdam niya'y mahimbing na ulit ang tulog niya dahil napanaginipan niyang dumating daw si Luis at sa pagkakataong iyon ay kinakausap siya. Kung anong pinag-usapan nila, yun ang hindi niya naintindihan at bago ito magpaalam na aalis ay kinintalan pa siya nito ng banayad na halik sa labi na nagpangiti sa kanya sa kanyang pagkahimbing hanggang sa magising siya kinahapunan. "Maganda yata ang gising mo a. Nakatulog ka ba ng maayos?" Puna ni Aling Celing. Kakalabas niya lang noon ng silid at dumako sa kusina upang maghanap ng makakain. "Opo." Ngiti niya dito. "Mabuti naman. Kumain ka na diyan. Kumatok si Luis kanina doon sa silid para dalhan ka ng tanghalian pero hindi ka daw nagising kaya ayan tinakpan ko na lang sa lamesa." Binuksan niya ang tinatakpang pagkain at bahagyang napatigil. Adobong pusit ang lutong iyon. Bagama't hindi na iyon mainit ay naroon pa rin ang aroma niyon na katulad ng naamoy niya habang natutulog siya. Tumunog ang tiyan niya kaya napatigil siya sa pag-iisip at hinarap ang pagkain. Nangangalahati na siya sa kanyang kinakain nang bumaba ng kusina si Luis na katulad niya'y parang kagigising lang din. Kahit naiilang siya na hindi siya nito kausapin ay inalok niya pa rin itong kumain at tulad ng inaasahan ay umiling lang ito sa kanya. Kumuha lang ito ng tubig sa ref at uminom pagkatapos ay umalis rin ulit. Habang sinusundan niya ito ng tingin ay bigla siyang kinabahan. Paano'y katulad ng suot nito ngayon ang suot nito sa panaginip niya. Brown shorts at black fitted shirt. Wala sa sariling nahawakan niya ang labi at ilang sandali ring napaisip pagkuwa'y umiling-iling sabay kastigo niya sa sarili dahil sa naisip. Imposible. Imposible lang kasi talaga. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD