CHAPTER THIRTY

2640 Words
Matapos ang ilang araw na pananatili sa ospital ay pinayagan na rin si Mayor na makauwi ng bahay upang doon na tuluyang magpagaling. Dahil tapos na rin ang kanyang leave ay kinailangan na rin niyang bumalik sa trabaho kinabukasan lang ng pag-uwi nito. Tatlong araw na nang makabalik siya sa kabilang bayan pero sa tatlong araw na iyon ay lagi naman siyang may komunikasyon sa San Isidro ukol sa kalagayan ni Mayor Ignacio. Maayos naman daw ang kalagayan ng ginoo at tuloy-tuloy ang magandang response ng katawan sa gamot kaya kahit paano ay mas napapanatag siya. Malaking bagay rin na pang-araw na siya at nakakapag-pahinga sa gabi kaya siguro mas magaan ang kanyang pakiramdam. Ngayon ay naghahanda na siya para sa kanyang rounds at halos kakasimula niya pa lang ng trabaho nang tawagin siya ng isang kasama. Sabi nito ay may naghahanap daw sa kanya sa may information ng hospital at ayon dito ay urgent daw kaya nagmadali siyang hanapin ang kanilang bagong supervisor upang magpaalam rito. Nang payagan siya nito ay lakad-takbo siyang nagtungo sa information at doon ay nakita ang may sadya sa kanya na kaagad nagpabangon ng kanyang kaba. Si Luis. Kaba na dulot ng paglukso ng puso niya nang makita ang mukha nito at ang pag-aalala kay Mayor Ignacio sa umagang iyon. Nakaupo ito sa upuan malapit sa entrance at nakatingin na sa gawi niya nang makita niya ito. Lumakad siya palapit dito. "Bakit ka nandito?" Tanong niya kaagad. "May sadya ako diyan sa kabila." Anito at pinagala ang tingin sa loob ng hospital. "Halika, usap tayo." "Bakit may nangyari ba? Saan ba tayo?" Eksaherado niyang tanong ng hawakan nito ang siko niya. Paano kasi ay parang bigla siyang napaso ng madaiti ito sa kanya. "Diyan lang sa labas." Kaagad niyang iwinaglit ang braso nito nang makalabas sila. Bago lang ang supervisor nila at ang pagkakaalam niya ay medyo masungit raw ito. Hindi pa niya iyon personal na nararanasan dahil ilang araw na rin siyang pawala-wala sa trabaho pero hangga't maaari ay ayaw niyang maranasan iyon. Tiningnan niya ang kanyang pambisig na orasan bago ibinaling ang pansin dito. "Ano bang sasabihin mo? May nangyari ba sa San Isidro?" Umiling ito at itinuro ang upuan roon. "Maupo ka muna." Kokontrahin pa sana niya ito pero seryoso itong nakatitig sa kanya kaya tumahimik siya at napaupo na lang. "Anong sasabihin mo bakit ka nagpunta dito?" "Para mag-offer ng trabaho." Nagtatakang tiningala niya ito. "Anong trabaho?" "Nurse. Private nurse ng Papa." "Bakit? Maayos naman ang lagay ng Papa mo 'di ba?" "Tama ka." Anito at tumingin sa malayo. "Pero ikaw lang ang gusto niyang mag-alaga sa kanya." "Ano bang sinasabi mo? Okay naman yung resulta ng surgery kaya pagkatapos ng recommended rest ng doktor sa kanya hindi na niya 'nun kailangan ng tagapag-alaga. Magsabi ka ng totoo. Hindi ba niya 'to alam? Hindi ako pinayagan dati ni Mayor na lumipat sa municapal hospital ng San Isidro e." Duda niyang tanong rito. "Ito ba yung hindi nagsasabi ng totoo?" Tumitig ito sa kanya. "Nakatingin ako ng diretso di ba?" Tumango siya at biglang nalungkot sa naiisip na pag-alis sa kanyang trabaho. Alam niyang malaki ang utang na loob niya sa pamilyang Ignacio pero hindi niya naisip na ang kanyang pag-alis sa hospital na iyon ay mas mapapaaga kaysa sa akala niya. "Dodoblehin ko ang sahod mo kaya pag-isipan mo ng maayos." Muling wika nito at tumingin sa malayo. Sinundan niya ang tingin nito pero agad ding napatigil. "Totoo?" Biglang nanlaki ang mga mata niya. Mas malaking sahod mas makakaipon siya para sa pambili ng dating kinatitirikan ng bahay nila. Pagkatapos ng ilang segundong tuwa ay agad din siyang nalungkot. Dalawang buwan nalang pala ay tuluyan ng ibebenta ang lugar na iyon at hindi sasapat na pandagdag ang kikitain niya sa dalawang buwan sa kanyang naiipon na pera. "Papayagan kitang mag-advance." Nakataas ang isang kilay na imporma nito sa kanya. "Bakit may pera ka ba?" Walang tiwalang tanong niya. Baka mamaya ay mawalan lang siya ng trabaho dahil dito tapos wala pa yung bahay na gusto niyang mabili. "Minamaliit mo ba ako? Huwag mong kalimutan ang negosyo ng mama. May share na ako dun simula noong nag disi-otso ako." Lihim siyang napa-ismid. Alam niyang may negosyong real properties ang mama nito sa iba't-ibang probinsya at Maynila na mina-manage ng isa nitong kapatid at nitong kailan niya lang nalaman ang tungkol roon, ang hindi niya alam ay shareholder na pala si Luis sa negosyong iyon na kahit siguro hindi na ito mag-abalang mag-trabaho ay pwedeng masuportahan lahat ng pangangailangan at luho nito habang buhay. Kaya pala ang lakas ng loob na mag-alok pautang sa kanya. "Magkano ang interes?" Curious niyang tanong. "Tanggapin mo ang trabaho saka ko sasabihin sa'yo kung magkano." Ilang saglit din silang nagsusukatan lang ng tingin doon nang biglang may tumawag sa kanilang dalawa. Sabay silang napalingon roon na agad lumapit sa kanila at yumakap sa kanya kaya napatayo siya bigla. "Ang tagal nating di nagkita a. Kumusta?" Malapad ang ngiti na wika ni Jez sa kanya pagkatapos ay saka ito bumaling sa kaibigan na biglang sumama ang tabas ng mukha. "Pre, kumusta? Mabuti at nagkita tayo dito. Parang pinagtataguan mo na yata ako e." Biro nito kay Luis. "Jez, ikaw pala." Bating ganti niya sa binata na may kasamang ngiti na kalauna'y naging alanganin nang makita ang hitsura ni Luis. Noon naman may biglang tumawag sa kanya mula sa entrance ng hospital. Ang bago nilang supervisor iyon. Nanlalaki ang matang nagpaalam siya sa magkaibigan bago patakbong tumungo sa kinaroroonan nito. Bago siya tuluyang nakapasok ay narinig niya pa ang bilin ni Luis. "Pag-isipan mo!" ..... Matapos ang dalawang araw ay nakapag-desisyon na rin si Dianne na mag-resign sa kanyang trabaho at tanggapin ang alok ni Luis bilang private nurse ng Papa nito. Habang pinag-iisipan ang desisyong iyon ay pakiramdam tuloy niya ay wala siyang utang na loob na kinailangan pang alukin ng mas malaking sahod upang mag-alaga sa taong tumulong, nagpapatira at nagsilbing ama niya ng ilang taon kaya namam pagkatapos lang ng ilang araw ay nagpasa na siya ng resignation. Mabuti na lang at pumayag ang hospital sa immediate resignation nang makita ng mga ito ang rason ng kanyang pag-alis. Kaagad niya ring inayos ang pag-alis sa kanyang maliit na apartment nang payagan siya ng ospital kaya medyo marami siyang bitbit nang umuwi siya ng San Isidro. Nang malaman ni Luis na nag-resign na siya sa trabaho ay nag-alok itong ipasundo siya kay Kuya Diego pero tinanggihan niya iyon ngayon tuloy ay ilang bag ng mga personal niyang gamit ang bitbit niya. Pagbungad niya sa may gate ng bahay ay nakaabang na sa kanya roon ang dalawang kasama na may nakaabang na malapad na ngiti habang sa may tarangkahan naman ay naroon rin si Misis Ignacio. Kahit ilang araw pa lang silang hindi nagkikita-kita ay mahigpit na yakap agad ang isinalubong sa kanya nina Aling Celing at Ate Mercy. Pagkatapos siyang kumustahin ng mga ito ay binitbit ng mga ito ang mga dala-dalahan niya patungo sa loob at siya nama'y naiwan sa may tarangkahan ng yakapin siya ng ginang. "Kagabi ko lang nalaman na uuwi ka na pala, Dianne." Pauna ng ginang na bahagya pang inayos ang buhok niyang gulo-gulo dahil sa kanyang biyahe sa ordinary bus. "Masaya ako, hija. Masaya kaming lahat na bumalik ka na." Ngumiti siya dito ng matamis pero na-guilty din siya dahil sa rason ng kanyang pagtanggap sa trabaho. Pumasok silang magkaabay pero ang isip niya'y nasa pinag-usapan nila ni Luis. Sasabihin na lang niya dito kung anong napagdesisyunan niya. "Tulog pa iyong pasyente mo kaya magpahinga ka muna." Imporma ng ginang sa kanya. "O gusto mo bang kumain muna?" "Okay lang po ako, Ma'am Agnes. Kumain naman ho ako bago umalis. Magbibihis lang po ako pagkatapos ay puntahan ko na po si Mayor." "Hija, hindi mo naman kailangan magmadali. Sige na. Pahinga ka muna." "Sige po. Salamat po." Matapos niyang magpaalam dito ay dumiritso siya sa silid at nadatnan ang dalawa na nakaupo sa higaan niya. Hinihintay na pumasok siya. "Dito ka na ulit, Dianne?" Hindi makapaniwalang tanong ni Ate Mercy. "Hindi ka na aalis ulit?" "Opo, Ate." Nakangiting sumiksik siya sa mga ito. "Dito na po ako, kasama niyo ulit." "Masaya kami, Dianne." Ani ni Aling Celing na tila naluluha pa. "Mabuti at pinakinggan naman ni Luis yung request namin." "Ano pong request?" "Sabi kasi namin ay kung pwede kaya na dito ka na ulit sa San Isidro mag-trabaho para hindi ka na biyahe ng biyahe. Kahit diyan sana sa hospital, aba'y akalain naman namin na dito ka mismo sa bahay magta-trabaho." Matamis ang ngiting sumilay sa labi niya at niyakap ang dalawa. "Na-miss ko po kayo, sobra." "Kami nga din e. Kapag kasi malayo ang trabaho mo saglit ka lang dito tapos babalik ka na ulit doon. Buti ngayon ay hindi ka na aalis." Wika ni Ate Mercy na pinisil pa ang kanyang pisngi. "Ate, Nana, saglit lang po." Aniya nang may maisip. Tiningnan niya ang kanyang relo. "Kumain na po ba 'yun si Mayor?" Tumango ang mga ito. "Naligo na ho?" Muling tumango ang dalawa. "Sige po. Magbibihis lang po ako at i-check ko po yung mga gamot niya." Tumayo siya at kumuha ng kanyang bihisan sa dala niyang bag pagkatapos ay dumako sa banyo. Ang mga ito ay naiwang nakamata lang sa pintong pinasukan niya hanggang sa makalabas siya ulit. "Trabaho kaagad Dianne?" Hindi nakatiis na tanong ni Aling Celing. "Hindi ka muna magpapahinga o kakain man lang?" "Busog pa ho ako. Puntahan ko na po si Mayor." Nagmamadaling wika niya saka lumabas ng pinto. Hindi na niya nakita ang pagkibit-balikat ng dalawang kasamang iniwanan niya. ..... "Dianne, nandito ka na nga." Halata ang sayang bumakas sa mukha ng ginoo ng makita siya. Nagising ito habang binabasa niya ang medical record nito na nasa lamesa. "Opo, Mayor. Kumusta kayo?" Umupo ito sa higaan kaya tinulungan niyang makasandal ito sa pinagpatong-patong na unan at saka siya naupo sa tabi nito. "Mas maayos naman ako ngayon, tingin ko." "Hindi po ba nahihilo o kahit anong masakit na nararamdaman?" Umiling ito at ngumiti. "Maayos na ang pakiramdam ko. Nagtataka nga ako kung bakit hindi pa ako pinapayagan ng doktor na pumasok sa opisina e. Malakas na ako, tingnan mo." Itinaas-baba nito ang dalawang kamay na parang nag-e-exercise kaya sinaway niya ito kaagad. "No extreme exercise po muna baka mapagod kayo at bumuka yang inoperahan sa inyo." Natawa ito. "Parehong-pareho kayo ni Luis. Ayaw din akong pakilusin halos." "Baka ho kasi bumuka yang sugat niyo. Mahirap na." Tiningnan niya ang sugat nitong may b*****e pa at nakita niyang bagong palit lang iyon at malinis naman ang halos pahilom na rin na sugat. "Sino po ang nagpalit ng bendahe niyo?" "Si Luis iyan. Pwede na ngang nurse ang batang iyon e pero ang sabi ko ay ikaw ang gusto kong nurse." "Si Mayor talaga." Mas lalo siyang na-guilty sa sinabi nito kaya nag-desisyon siyang kausapin si Luis pagkatapos niya roon. "Ayos lang ba sa'yo na ako ang pasyente mo? Na hindi ka na sa hospital magta-trabaho?" Nag-aalalang tanong ng ginoo na sinagot niya ng malapad na ngiti. "Mas masaya po akong kayo ang pagsisilbihan ko sa laki ng utang na loob ko po sa pamilya niyo." Umiling-iling ito. "Ano bang utang na loob ang sinasabi mo? Hindi mo ba alam na para kaming nagkaroon ng isa pang anak ng dahil sa'yo? Welcome ka dito anytime kaya huwag mong isipin yang mga utang na loob na yan." Pinilit niyang itago sa ginoo ang hitsura niya sa narinig pero nakita rin nito ang pagsinok niya. "Umiiyak ka?" Umiling siya at pasimpleng pinahid ang luha. "Hindi po." "Halika. Tulungan mo na lang akong tumayo at maglakad-lakad. Namamanhid na ang mga paa ko sa kakahiga." Kaagad niya itong tinulungan upang makatayo. Nang makatayo ito ay pinunasan muna nito ang ilalim ng mga mata niya saka sila naglakad-lakad sa loob ng silid. Kailangan niya talagang makausap kaagad si Luis. ..... Buong maghapon na hindi nakausap ni Dianne si Luis dahil nasa Sentro pala ito at inaasikaso ang law office na bubuksan roon. Gabi na nang ito ay dumating at tama namang kakalabas niya lang sa kwarto nina Mayor Ignacio bitbit ang mga ginamit sa paglilinis sa sugat nito habang ito ay paakyat ng hagdanan. Didiritso sana ito sa kwarto nito ng tawagin niya ang pansin. "Ah... ano." Hindi niya alam kung anong itatawag rito. Kung 'sir', 'kuya', o 'boss'. Isa iyon sa lilinawin niya dito. "Pwede ba kitang makausap?" "Magbibihis lang ako." Tiningnan nito ang suot na pantalon at long-sleeve cotton shirt. Sa balikat nito ay may nakasukbit rin na bag na sa tingin niya ay puro dokumento ang laman. "Saglit lang naman e." "Halika sa kwarto." Tumalikod na ito sa kanya at humakbang patungo sa silid nito. Bigla siyang naeskandalo sa naisip nito. "Hoy, teka. Ayoko dun." Sa narinig nito ay bigla itong napaatras ng lakad pabalik sa kinatatayuan nito kanina. "Anong hoy? Hoy ang tawag mo sa akin?" "E di ko alam kung anong itatawag ko sa'yo eh. Boss ba?" "Hindi 'boss' at lalong hindi 'hoy'." Madiin nitong wika. "Sir?" Bumuntung-hininga ito bago sumagot ng hindi. "Eh 'kuya' kaya?" Sa tanong niyang iyon ay tumalikod ito sa kanya at nang tumapat ito sa pinto ng silid ay saka luminga. "Bahala ka." Blangko ang mukhang wika nito bago tuluyang pumasok sa loob. Bumaba siya ng hagdanan na hindi sigurado sa kanyang ginawa. Siguro ay mas maigi na iyon kaysa sa 'hoy'. ..... Tapos na ang gawain niya sa araw na iyon bilang pribadong nurse ni Mayor Ignacio nang ipatawag siya ni Luis. Nasa library daw ang huli at hinihintay siya. Mahinang katok ang ginawa niya bago niya pinihit pabukas ang pintuan. Sa malaking mesa ay naroon ito habang sa harap ay may dokumentong binabasa. "Maupo ka." Seryosong wika nito na saglit lang siyang tinapunan ng tingin. Bigla siyang kinabahan sa aura nito kaya kaagad siyang tumalima. "Kontrata mo." Iniabot nito ang papel na hawak-hawak nito pagkapasok niya. "Basahin mo muna bago mo pirmahan." Pinasadahan niya ng basa ang kontrata at nakita niyang domoble nga ang halaga na kikitain niya bilang pribadong nurse ni Mayor Ignacio at wala iyong eksaktong hangganan. Ang nakalagay roon ay kung hanggang kakailanganin ng pasyente ang tulong niya. Saglit siyang natuwa sa nakitang iyon pero kaagad ding nasupil iyon. Kailangan na lang siguro ay tanggapin niya na hindi na niya mabibili ang dating tinitirikan ng bahay ng ama. "Huwag mo ng doblehin yung sasahurin ko. Aalagan ko ang Papa niyo ng maayos, pangako." Kunot-noong tumingin ito pero walang salitang namutawi sa bibig na parang naghihintay na dugtungan niya ang kanyang sinabi. "Malaki ang utang na loob ko sa pamilya niyo at ayokong magmukhang oportunista na pinakikinabangan ang pagkakasakit ni Mayor. Magta-trabaho ako bilang nurse niya kahit maliit ang sahod." Bumalik ito sa kawalan ng reaksyon pero mataman siyang tiningnan. "Sigurado ka? Kahit mababa ang sahod?" Napalunok siya bago nagsalita. "Oo." "Sige." Bumaba ang balikat niya sa narinig. Sandali niyang pinagsisihan ang mga sinabi rito pero muling nanaig sa kanya ang utang na loob sa pamilya. Sigurado ang mukhang tumingin siya rito. "Ganunpaman ay itong halaga rin ang inirekomenda nilang dalawa kaya wala na tayong magagawa. Gustuhin ko mang bawasan ay hindi pwede." "Talaga?" Nagulat siya. Alam pala nina Mayor at Ma'am Agnes ang sahod na inalok sa kanya ni Luis? Hindi siya makapaghintay na makapag-pasalamat sa mag-asawa. Tumango lang ito. "Kaya pirmahan mo na." "Sigurado kayo, alam nina Mayor 'to?" "Oo, kaya pirmahan mo na." Magaan ang loob na pinirmahan niya ang kontrata at ibinalik iyon dito. Binasa nito iyon saglit pagkatapos ay ibinigay sa kanya ang isang kopya habang ang kopya nito ay inilagay sa drawer. "Yung tungkol sa utang, gusto mo na bang pag-usapan ang tungkol doon?" Maya-maya ay wika nito. Nagliwanag ang mukha niya sa tanong nitong iyon. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD