CHAPTER THIRTY ONE

2263 Words
"Totoo yun?" Hindi makapaniwalang tanong ni Dianne kay Luis. Akala niya ay gino-good time lang siya nito kaya hindi niya masyadong binigyang pansin iyong inalok nitong pautang sa kanya na binanggit nito sa hospital at lalong hindi niya inasahang tototohanin iyon ng lalaki. Seryoso itong tumitig sa kanya. "Hindi ako ang tipong magbibiro tungkol sa ganoong bagay at dapat alam mo 'yun." "Hindi ko lang akalain na tototohanin mo." Tumango ito at may kinuha sa drawer. "Magkano?" "Agad-agad? Di mo man lang ba sasabihin kung magkano ang interes?" Gulat niyang tanong. Malaki-laking halaga ang kailangan niya. "Bakit may balak ka bang tumakbo sa utang mo kung sakali?" Ang tingin nito'y parang nananantiya kung magsasabi ba siya dito ng totoo. Siningkitan niya ito ng mata. Hindi talaga yata sila magkakaintindihan nito. "Paano ako tatakbo kung may kontrata ako, aber?" "Buti alam mo." Anito at ito na mismo ang nagsabi ng halaga habang nakatitig sa checkbook. "One million?" Napadilat siya ng husto nang marinig ang halagang yaon. Ni sa hinagap ay hindi niya inaasahang makahawak ng ganoong pera at lalong wala siyang balak magkautang ng ganoon kalaki. "Two million?" Malakas na iling ang isinagot niya. "Hindi. Baka hindi na ako matulog habang buhay kung ganyan na kalaki ang utang ko." Hindi pa naman ganoon kamahal ang mga property sa lugar nila kaya hindi naman aabutin ng ganoon ang kailangan pa niya. "Five hundred thousand lang yung property tapos mayroon na akong one hundred forty sa bangko kaya three hundred sixty na lang ang kailangan ko." Iyong pera niya sa bangko ay kombinasyon iyon ng sinasahod at allowances niya kina Mayor noong nag-aaral pa siya, iyong ibinigay sa kanya ng madrasta niya, at iyong mga naging sahod niya sa ospital. Katakot-takot na pagtitipid ang ginawa niya makaipon lang gayunpaman ay hindi pa rin iyon sumapat upang mabili ang dating tinitirikan ng bahay. Nagsulat ito sa cheke pagkatapos ay pinilas iyon at ibinigay sa kanya. Hinawakan niya iyon sa dalawang kamay at binasa ang nakasulat na parang napapaso. Ganoon lang kadali para dito ang magsulat sa cheke ng ganoon kalaking halaga? "Ganoon lang? Ipapautang mo talaga 'to sa akin?" Hindi makapaniwalang tanong rito. Tumango ito. "Oo. Maliit na halaga lang yan kaya huwag mong masyadong alalahanin." Maliit lang iyon dito? Sa kanya ay napakalaking halaga na niyon na kailangan niyang pag-trabahuan ng ilang taon. "Paano ang interes? Magkano?" "No monetary interest. Just be good with your job and some petty assistance, I guess." "Huh?" Aniya habang pino-proseso sa utak ang narinig dito. "Walang interes? Di ka ba lugi niyan? At saka anong assistance?" "Sabi mo naman hindi ka tatakbo di ba? Saka lang ako malulugi kung tatakbuhan mo ako at saka yung assistance naman, it is what is it is, assistance. Baka kailanganin ko lang ng tulong minsan sa documents katulad ng typing et cetera... et cetera." "Sigurado ka?" Kayang-kaya niya iyon. Pero bakit may pakiramdam siyang parang niloloko lang siya nito kahit na hawak na niya ang cheke sa mga kamay niya? Ika nga nila ay 'it's too good to be true' ang inalok nito sa kanya. Paano ay wala naman siyang kilalang tao na basta-basta na lang nagpapautang ng ganoon kalaking pera. "Paano yung kontrata sa utang?" Bigla niyang tanong. Baka mamaya ay iba pala ang sinasaad sa kontrata kaysa sa sinasabi nito kaya mabuti na ang sigurado. "Pinagdududahan mo ako?" Nagtagpo ang kilay nito. "Hindi no. Ikaw ang inaalala ko." Pagsisinungaling niya at naisipa ang mga paa sa ilalim ng lamesa. Sumandal ito sa upuan at maigi siyang tiningnan. "Walang kontrata. Bahala ka ring magbayad kung kailan mo gusto." Napabuga siya ng hangin sabay lapag ng cheke sa harap niya. "Totoo ba 'to? Hindi mo ba ako niloloko lang? Kung gino-good time mo lang ako sabihin mo na ngayon pa lang. Di ako magagalit sa'yo, pangako." Hindi ito umalis sa pagkakasandal sa upuan pero mas tumiim ang tingin sa kanya kaya siya na mismo ang unang nag-iwas ng tingin. "Anong mas gusto mo, may interes o wala? Ikaw ang pumili." Muli niyang naibalik ang tingin dito at huminga ng malalim. "Ayoko lang kasi yung parang nagsasamantala ako sa kabutihan niyo sa akin. Di mo ba napansin, walang kondisyon yung pagpapautang mo sa akin. Di parang nananamantala na ako kung tatanggapin ko yan." "Ako ang nag-offer sa'yo kaya desisyon ko rin kung magbibigay ako ng interes o hindi. Hindi mo kailangang mag-isip ng kung ano-ano." May bahid na ng iritasyon ang boses nito. "Paano kung tumanggi ako? Sa iba ako uutang. Yung may interes." "Ikaw ang bahala." Anito at nagkibit-balikat. "Pero bibilhin ko na yung property na gusto mo at alam mo kung magkano mo 'yun mabibili sa akin?" Masama ang hinala niya sa idudugtong nito at hindi nga siya nagkamali. "Isang milyon." Tumaginting iyon sa tainga niya. Ngumiti siya ng eksaherado dito. "Hindi ko alam kung anong iisipin ko." Iling niya. Alam naman niyang mabubuting tao ang pamilya Ignacio pero ang pautangin siya ng malaking halaga ng walang interes ay parang di niya lang mapaniwalaan. "Sigurado ka talaga na ipapautang mo 'to? Tumango ito. "Sige. Tutal sabi mo nga ikaw ang nagpapautang at ikaw din ang magbibigay ng interes kung gusto mo, di sige. Kukunin ko 'to." Dinampot niya ang cheke at tumayo. "Salamat para dito. Kada sahod nalang ako magbabawas." "Sure." Balewalang tugon nito na may binabasa ng papeles sa lamesa. "Salamat para dito Kuya Luis." Bukas sa loob na wika niya at tumalikod na iyon nga lang ay bigla itong nagtawag ulit. "Balik." Nahimigan niya ang iritasyon sa boses nito kaya napabalik siya sa pwesto kanina. "Bakit?" Ilang sandali lang itong nakatingin sa kung saan na parang tinitimbang ang sasabihin bago ito bumaling sa kanya. "Bayaran 'yan ha?" "Opo. Alam ko. Kahit singilin niyo ako kapag sahod ko walang problema." "Kung ganoon ay makakaasa ka." Pilit niya itong nginitian at nagpaalam na lumabas. Bakit parang kinabahan siya sa huling sinabi nitong? Ipinilig niya ang ulo at iwinaksi ang mga alalahanin. Pagkalabas niya ng library ay may plano na siya kung kailan bibisita sa kabilang barangay para makipag-usap sa may-ari ng bibilhing bahay. ..... "Ma'am Agnes... Mayor, tingnan niyo po." Nasa harden ang mga ito noong magtatanghaling iyon at nagpapahangin. Naabutan niya ang mga ito sa garden table na nalililiman ng nag-iisang puno na nasa harap ng gate pagkatapos niyang magpaalam kanina na sasaglit sa kabilang barangay. Mahigit isang linggo na ang nakakalipas nang makausap niya iyong nagbebenta ng property at kanina nga ay nagkabayaran na sila. Sinamahan pa siya roon ni Luis na siyang nag notarized sa dokumentong ipinapakita niya sa mag-asawa ngayon. "Wow. Deed of sale. Sayo na talaga yung property?" Tuwang kinuha ni Misis Ignacio ang papel at tiningnan. "I'm proud of you." "Patingin nga." Inabot iyon ni Mayor Ignacio at maiging tiningnan. "Magiging real property tax payer ka na. Paano yung transfer of title?" "Ipa-process pa ho. Baka abutin daw yun ng mga ilang buwan." "Ganoon nga yun. Paano na yan di doon ka na mag-uuwian kapag umalis yung dating may-ari?" Parang nalungkot na turan nito. "Opo, sana kung papayagan niyo ako." Nag-alangan siya sa sinabi dahil kahit paano ay nahihiya siya sa mga ito. Nahihiya siyang umalis at nahihiya rin siyang manatili roon lalo na at malaking halaga ang utang niya sa anak ng mga ito. Sinabi niya sa mga ito ang ginawang pagpapahiram ni Luis ng pera sa kanya kinabukasan rin mismo ng pagbibigay sa kanya ng cheke at ayon sa mga ito ay sariling pera daw iyon ng binata at depende raw dito kung saan iyon gagastusin. Nagkatinginan ang mag-asawa at sabay na bumuntung-hininga pero pagtingin naman sa kanya ay may mga ngiti sa labi kahit parehong malungkot ang mga ito. "Bakit naman hindi? Alam namin kung gaano mo na-miss yung bahay niyong iyon." May kalakip na sigla ang boses ni Misis Ignacio na ginagap ang kanyang kamay. "Pero welcome ka naman lagi dito sa bahay na ito, pwede rin dito ka na lang." Mas lalo tuloy siyang nakaramdam ng hiya sa mga ito. Lahat ng mga pangangailangan niya at pagkain ay provided ng mga ito pero kung mananatili pa siya ay parang lalabis na siya. Sabay-sabay silang napalingon sa may gate nang tumunog iyon at mula doon ay pumasok si Luis. Pagkagaling nila sa kabilang barangay ay dumaan ito sa bubuksang law office kaya nauna na siya sa pag-uwi. Nagtataka ang tingin nito sa kanilang tatlo lalo na sa mga magulang nito. "Bakit ganyan ang mga mukha niyo? Ma? Pa?" Ang papa nito ang nagsalita. "Mag-uuwian na pala si Dianne sa kabila kapag nakaalis na yung dating may-ari ng bahay. Tayo-tayo na lang ulit." "Uh?" Balewalang sagot nito at tumayo sa gilid ng ginang. "Mag-uuwian? Sino?" "Si Dianne nga." Anang ginang na hinawakan ang kamay ng anak. Tumaas ang kilay na tumingin ito sa kanya na parang naninigurado. "Talaga?" Tapos ginagap din nito pabalik ang kamay ng ina. "Hindi mo binasa ng buo ang kontrata ng employment mo? Nakalagay doon na twenty four seven ay kailangan naka-stand by ka para sa pangangailangan ng Papa at hanggang private nurse ka niya ay iyon ang magiging schedule mo." Bumitaw ito sa ina at humalik sa pisngi pagkatapos ay dumampot ng nilagang mani na pinagsasaluhan ng mag-asawa. Habang iniintindi niya ang mga sinabi nito ay lumakad ito papasok ng tarangkahan habang siya ay naiwang nakanganga sa pagkakatingin sa likod nito. Ang mag-asawa naman ay nakangiting nagkatinginan pero ng bumaling siya sa mga ito ay nagsipag-iwas naman ng tingin. "Saglit lang po ah." Paalam niya sa dalawa. Tumango naman ang mga ito at sininyasan siyang pumasok na. Nagmamadali siyang pumasok sa pinto at hinabol ang lalaki. Nakita niya ito sa landingan pagkaakyat ng hagdan. "Kuya Luis saglit lang." Tawag pansin niya rito pero hindi siya nito pinansin. Tinakbo niya ang hagdan paakyat hanggang sa maabutan niya ito malapit sa silid nito pero hindi ito nag-abalang lingunin siya. "Sabi ko saglit lang." Hinawakan niya ito sa braso at inunahan ito. "Kuya Luis!" "Uh?" Patamad nitong wika na hindi man lang tumingin sa kanya. "Ano yun? Ano 'yung sinabi mo?" Hinihingal na tanong niya kaya napalakas ang kapit niya rito. "Kung anong narinig mo, 'yon yun." "Na dito lang ako? Na hindi ako pwedeng umuwi sa dating tirahan ko?" May hinanakit na turan niya kaya napatingin na ito. "Para ano pa at pinautang mo ako para pambili niyon?" "Hey. That's not even your house. Iba yun kaysa sa dati mong bahay. Dito na ang bahay mo." Bumitaw siya rito at namewang gayunpaman ay hindi niya maiwasang maging emosyonal sa narinig. Tama naman ito. Iba na ang bahay na iyon kaysa sa bahay nila ng ama niya pero marami siyang alaala kasama ito sa lugar na iyon. "Kung ganoon din naman ay bakit mo pa ako tinulungan na mabili iyon?" Nangingilid ang luha sa mga mata niya. Anumang oras ay pwedeng magbagsakan ang mga iyon pero hindi niya gustong ipakita yun dito kaya ikinurap-kurap niya ang mga mata. "Because that's what you wanted kaya tinulungan kita but it doesn't mean na pwede ka ng umuwi roon. Sa tingin mo ba safe na mamuhay mag-isa ang babaeng tulad mo? Hindi ka ba nakikinig sa balita?" "Kaya dito na lang ako ganoon ba?" "Anong masama kung nandito ka? This has been your home for ten years. Don't you like to live with us anymore?" Nakagat niya ang gilid ng labi dahil sa hinanakit na unti-unti niyang nararamdaman. Hindi ganoon ang gusto niyang mangyari bago siya umalis sa poder ng mga ito. "Kuya Luis naman eh. Bakit ang hirap mo naman paintindihin? Hindi mo ba naintindihan na baon na baon na ako sa utang na loob sa inyo. Ito na yung chance na makakatayo ako sa sarili kong mga paa." Nanangatal na ang boses niya dahil sa pagpipigil ng boses sa pagtaas at pagpipigil na maiyak. Kapag magtatagal pa sila ng diskusyon ay siguradong maiiyak talaga siya. "Naniningil ba kami sa'yo? Naniningil ba ako? O di kaya ang Mama at Papa? Pinipigilan ka ba namin sa mga gusto mong gawin dito sa bahay na ito?" Hilam ang luha ay tumitig siya dito. Hindi nga yata talaga sila magkakaintindihan dalawa. "Yun na nga e. Hindi kayo naniningil kaya sobrang nahihiya na ako sa inyo. Pakiramdam ko ay hindi na ako makakabayad sa kabutihan niyo sa akin kung hindi ako tatayo sa sarili kong mga paa, kaya sige naman na. Pagbigyan mo na ako." Nagpanting ang panga nito sa pagkakatitig sa kanya bago ito huminga ng malalim at nilagpasan siya. "Sinabi ko sa'yo na basahin mo yung kontrata mo 'di ba? Kung gusto mo talagang umuwi sa bahay na iyon e di gawin mo. Iyon ay pagkatapos ng kontrata mo dito." Iyon lang at pagkatapos ay pumasok na ito ng silid nito. Naiwan siyang nag-uunahan sa pagtulo ang mga luhang kanina pa pinipigilan at hindi niya maiwasang magalit rito sa panggigipit nitong iyon sa kanya. Paano mangyayari na makakauwi siya kung walang end of term ang kontrata niya? Ilang minuto rin siyang nakatingin lang sa nakasaradong pintuan ni Luis bago siya nagdesisyong bumaba at pumasok muna sa silid nila nina Aling Celing upang payapain ang sarili bago muling humarap kina Mayor. Pinunas niya ang mga luha habang naglalakad. Pagkarating niya sa may kusina ay nagulat pa siya dahil nakita niyang nakamata roon ang dalawang kasama na sa hinuha niya ay nakita ang sagutan nilang dalawa ng kanilang batang amo at hindi alam kung babatiin ba siya o ano. Nilagpasan na lang niya ang mga ito at nagmamadaling pumasok sa silid. Doon ay pinakawalan niya ang masaganang luha habang nakadapa at nakasubsob ang mukha sa kanyang unan. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD