CHAPTER THIRTY TWO

2503 Words
Nang sumunod na mga araw ay kapansin-pansin ang pag-iwas ni Dianne kay Luis dala ng napag-usapan nila noong nakaraang araw. Sa tuwing umaga ay maaga pa rin niyang binibisita si Mayor na tuloy pa rin sa inirekomendang pahinga ng doktor kahit na tuluyan ng naghilom ang sugat nito sa ulo. Maayos na rin ang pakiramdam nito na simula noong ma-operahan ay hindi na nanakit ang ulo pero tuloy pa rin ito sa pag-inom ng gamot bilang maintenance para sa hypertension nito. Tantiyado na niya ang oras na kumakatok ang binata sa kwarto ng magulang nito kaya bago pa man dumating ang oras na iyon ay sinisigurado niyang tapos na siya sa pagmo-monitor kay Mayor Ignacio. Noong isang araw ay nagpang-abot sila roon sa loob ng silid at upang maiwasan lang ito ay nagkunwari siyang nag-check ng blood pressure ni Mayor na saglit lang naman sanang gawin pero hanggang sa nagpaalam ito ay iyon pa rin ang ginagawa niya. Kahapon naman ay eksaktong pagkalabas niya ng pinto ay siya namang dating nito. Nag-iwas na lang siya ng tingin at nilagpasan ito ng lakad na hindi binabati saka siya nagmadaling bumaba at pumasok sa silid nila nina Aling Celing hanggang sa nakaalis ito. Nakakahinga lang siya ng maluwag kapag nalalaman niyang nakaka alis na ito papunta sa bubuksan nitong opisina. "Hoy, anong ginagawa mo diyan?" Gulat siyang lumingon kay Ate Mercy na noon ay biglang sumulpot sa likuran niya. Nasa pinto ng banyo siya noon at nagpapalipas lang ng ilang minuto bago lumabas ulit. Kanina pa siya tapos sa pagpapainom ng gamot kay Mayor at hinihintay niya lang na makaalis si Luis bago siya lumabas ulit at tumulong naman sa mga gawaing bahay nila. "Wala Ate. Muni-muni lang ng kaunti." "Sus... Huwag ka ng magpalusot sa amin ni Nana. Alam namin kung bakit ka nandito. Huwag ka ng magtago diyan." Mahina siyang napatawa ng pilit. "Ate naman. Sino po bang nagtatago?" "Sino pa, e di ikaw. Halika ka sa labas. Hinahanap ka ng pinagtataguan mo." Kumapit siya sa pinto ng banyo na akala mo ay may hihila sa kanya. "Ate, pasabi na lang na may ginagawa pa ako." Nakakaintindi ang tingin na ibinigay nito sa kanya. "Nauunawaan naman kita. Alam ko kung ano ang dahilan ng pagkakaganyan mo pero maganda rin kung maintindihan mo kung bakit ayaw kang payagan na umuwi roon sa kabila kapag nakaalis na yung nakatira. Siyempre inaalala ka rin ng mga tao dito." Hindi siya umimik sa sinabi nito. Wala naman yata talagang makakaintindi sa kanya ng lubusan. "Halika dahil may ipapakisuyo yata." "Sige po. Hahabol ako sa inyo. Maghilamos lang po ako." "O sige. Sa library mo daw siya puntahan, ha?" "Opo." Matapos nga siyang maghilamos ay tinungo niya ang library katulad ng bilin sa kanya ni Ate Mercy. Mabigat ang loob na kumatok siya roon. Noong bago lang siya sa bahay ng mga Ignacio ay sa library din niya ito noon madalas na hatiran ng pagkain habang nagre-review ito. Ilang beses siyang nag-alala noon na pumasok dahil sa takot na masungitan nito at ngayon ay tila bumabalik siya sa ganoong pakiramdam. Hindi dahil sa takot siya rito kung hindi dahil sa hinanakit na unti-unting nararamdaman sa tuwing kausap ito. "Pasok." Narinig niyang sagot galing sa loob. Pinihit niya ang doorknob at tumambad ang binatang tila aristokrata sa pagkakaupo sa malaking lamesa na dati ay ginagamit lang ng ama nito. Nakasuot ito ng salamin sa mata na noon niya lang nakita at ang may kahabaan nitong buhok na madalas ay hindi niya mapansin dahil laging nakatali ngayon ay malayang tumatakip sa magkabilang pisngi nito gayunpaman ay hindi iyon nakabawas sa kagandahang lalaki nito. Agad niyang sinaway ang sarili sa naisip at iniiwas ang tingin dito. "May kailangan daw kayo?" Agad niyang tanong pagkalapit sa lamesa. Mula sa binabasa ay nagtaas ito ng tingin at tinanggal ang suot na salamin. Ilang beses na kumurap-kurap bago siya tiningnan. "Lumipat ka sa kwarto sa itaas. Iyong katabi ng silid ng Papa at Mama upang hindi ka malayo pag tatawagin ka at iyong isa naman sa may tabi ko, paki-tulungan sina Nana na maglagay ng bedsheet at mga kurtina. Darating si Melanie sa susunod na araw at iyon ang magiging silid niya." Parang may dumunggol na kaba sa dibdib niya ng marinig ang mga huling sinabi nito. Si Melanie? Iyong nakita niya magandang babae sa mall? Sa bahay na iyon titira kasama nito? "Narinig mo ba ang sinabi ko?" Doon siya parang nagising kaya napatitig siya dito. "Okay lang po ako kasama sina Aling Celing sa baba." Taranta niyang sagot at pilit na inisip ang hinanakit niya rito. "Maayos naman na rin po ang Papa niyo ngayon. Hindi na po kailangan magpalit ng gasa sa gabi kaya okay lang kahit sa baba ako." Noong bagong opera tuloy si Mayor na maya-mayang kailangang malinisan ang sugat ay hindi siya pinatulog muna sa silid sa itaas tapos ngayon kung kailan magaling na ang sugat nito ay saka siya palilipatin roon? Anong iniisip nito? "Lumipat ka sa itaas. Utos 'yun at hindi pakiusap, Dianne." Sumandal ito sa upuan. "Nasabihan ko na rin sina Nana na tulungan ka sa paglilipat ng mga gamit mo. I-check mo na lang yung silid mo pagkalabas mo." Pinigilan niyang magsalita upang mangatwiran ulit. Hindi na rin pala nito tatanggapin kahit anong rason niya. "O di sige. Lilipat kung lilipat. Ayaw ko man o hindi lilipat naman ako 'di ba?" At umanyo siyang tatalikod na. "At iyong kwarto sa tabi ko, pakitulungan din sila." Bigla nitong pahabol na hindi pinansin ang sinabi niya. "Sa susunod na araw na iyon gagamitin ni Melanie." Lihim siyang napairap. Pakialam naman niya kung sinong gagamit niyon? "Dianne, may sasabihin ka pa?" "Wala." Tuluyan na siyang tumalikod rito at lumabas ng silid. Pagpasok niya nga ng silid nilang tatlo ay nabutan niya roon sina Aling Celing at Ate Mercy na nililigpit na ang mga gamit niya at kita niya sa mukha ng mga ito ang lungkot. Lumapit siya sa kanyang higaan na hindi nagsasalita. Akala niya ay makakasama niya ulit ang mga ito sa pagtulog katulad noong bago lang siya sa bahay pero ngayon ay mahihiwalay na siya ng tuluyan sa mga ito. Nakailang buntung-hininga na siya nang lumapit si Aling Celing sa kanya at tumabi sa kanyang pagkakaupo. Hinaplos nito ang likod niya kaya napahikbi siya nang tumingin rito. "Ano bang iniiyak mo diyan? E diyan ka lang naman sa itaas lilipat?" Ani nitong pabiro pero naiiyak din. "Akala ko po kasi magkakasama na tayo dito ulit eh." Humarap siya dito. "Iba na po si Kuya Luis, Aling Celing. Ang salbahe na po ng alaga niyo." Nagbago ang reaksyon nito sa sinabi niya. Sa halip na maki-simpatya ito sa nararamdaman niya ay natawa ito habang hinahaplos ang likod niya. "Hindi mo pa kasi naiintindihan ang ginagawa niya pero pagdating ng panahon ay maiintindihan mo rin ang batang iyon." "Malabo naman kasi talaga ang pinaggagagawa ng batang iyon, Nana. Kahit sino ay mahihirapang umintindi sa kanya eh" Mula sa pagkuha ng mga damit niya sa cabinet ay lumapit si Ate Mercy sa kanila na naiiling. "Hindi na lang kasi magsabi ng diritso." "Diritsong ano po?" Pigil niya ang hikbi at nagsilid ng mga damit sa bag. Kakarating niya lang halos at kakatanggal lang ng mga damit niya sa bag tapos ngayon ay nag-i-empake na naman siya. Kahit sa loob lang iyon ng bahay ay nalulungkot pa rin siya dahil hindi na niya makakasama ang mga ito na madalas ay nakaka-kwentuhan niya bago sila matulog. "Huwag kang makinig diyan kay Mercy. Wala lang iyon." Tiningnan ni Aling Celing si Ate Mercy ng makahulugan at tumulong sa pagtutupi ng mga damit niya. "Nanggigigil na talaga ako diyan sa alaga niyo Aling Celing." Buntung-hininga niya sabay takip sa bibig ng makaramdam ng pagbabahing. Siguro ay dahil sa alikabok ng mga naiwan niyang damit dati na matagal-tagal na rin niyang hindi nakakalkal. "Alam ko naman na sa pamilya nila ako nagta-trabaho pero isipin niyo ha, bakit niya ako pauutangin ng pera na ipambibili doon sa dating tinitirikan ng bahay ng magulang ko kung hindi rin naman ako papayagang umuwi doon. Ang labo di ba? E di sana hindi na niya ako pinahiram ng pera. Nagkautang pa tuloy ako ngayon." Mahabang litanya niya na matamang pinakinggan ng dalawa. "Naisip ko nga rin yan, Dianne." Ingos ni Ate Mercy. "Malabo no? Kung hindi ko nga lang alam ang totoo sa mga -" Isang sutsot galing kay Aling Celing ang nakapagpatigil sa sinasabi nito at agad na nagtakip ng bibig saka tumingin sa kanya. Kunot naman ang noong nagpalitan ang tingin niya sa dalawa. "Ano po yun? Ano po yung totoo, Aling Celing? Ate Mercy?" "Wala 'yun. Itong si Mercy kung anong pinag-i-isip. Kuhanin mo pa yung ibang damit doon sa cabinet Mercy at nang madala na natin yung iba sa silid ni Dianne." Tahimik na tumalima si Ate Mercy. Pagbalik nito sa higaan niya ay dala na nito ang mga natitira pa niyang damit dooon na halos hindi naman na niya nagagamit dahil napagliitan na niya. "Aling Celing, meron ba kayong mga kakilala rito na pwedeng pagbigyan ng mga ito. Maliiit na po ito e, hindi ko na masusuot." Nakalimutan na niya ang itinatanong kanina at doon na sa mga damit natuon ang atensyon niya. "Aba'y oo. Itabi mo lang yung hindi mo na gagamitin at ilalagay ko sa ibang lagayan." Ihiniwalay nga niya ang mga kasuotang hindi na niya magagamit habang panay na ang bahing niya. Kumuha na lang siya ng tisyu sa may lagayan nila at suminga roon. "Ano bang nangyayari sa'yo? May sakit ka ba?" Nag-aalalang tanong ni Aling Celing sa kanya. Dinama niya ang balat at umiling. "Wala naman ho. Baka dahil lang ho sa alikabok ito." "Ako na lang kaya ang maglagay ng mga kurtina doon sa isang silid, Nana? E mukhang sinisipon itong si Dianne eh." Paalam ni Ate Mercy. "Iyong silid sa tabi ni Kuya Luis?" Tumango ito. "Naku, tutulong po ako. Ibinilin niya po iyon sa akin. Baka mapagalitan ako kapag nalaman na hindi ako tumulong sa paglilinis ng kwarto ng Melanie niya." Irap niyang wika. Bigla na namang nasira ang mood niya nang maisip ang binata. "Sigurado ka ba? E bahing ka na ng bahing diyan ah." Diskumpyadong wika ni Aling Celing. "Mamaya mauwi na yan sa totoong sipon." "Opo. Okay lang ako." "O sige. Kumilos na tayo. Ayusin muna natin iyong bago mong silid at saka natin asikasuhin yung isa." Sabay-sabay silang lumabas ng silid at umakyat patungo sa silid na uukopahin niya. Malinis naman iyon dahil regular na nalilinisan at natatanggalan ng mga agiw. Katulad ng ibang silid ay maaliwalas rin iyon dahil sa malaking bintana na nasa isang gilid at may sarili rin iyong banyo. Nilampasuhan nilang dalawa ni Ate Mercy ang silid at nilagyan ng mga kurtina. Nang matapos sila ay magkakatabi silang naupo sa katamtaman lang na laki ng kama at pinagmasdan nila ang kabuuan niyon. Maliban sa kamang inuupuan, maliit na kabinet sa gilid niyon na may dalawang drawer na nagsisilbi na ring lamesa, at malaking kabinet na nakatayo sa may paanan ng kama ay wala ng ibang makikita pa sa loob ng kwarto. "Ayan, ang ganda na ng silid mo, Dianne. Paparito ako palagi ha?" Basag sa katahimikan ni Ate Mercy. "Opo naman. Pati po ako, tutulog pa rin ako doon sa baba po ah." Nag-apir silang dalawa na tinawanan naman ni Aling Celing. "Para kayong mga bata diyan. Sige na, tama na ang pahinga. Dianne, doon naman kami sa kabila." "Sama po ako." "Huwag na kaya. Baka mapagalitan pa kami. Nurse ka dito hindi kasambahay." "Aling Celing-" Putol niya dito. "-hindi yun magagalit. Pinatawag niya pa nga ako kanina para lang siguraduhin na maayos iyong silid ni Melanie kaya sasama na ako." "Hala, bahala ka." Sumunod siya sa mga ito. Katulad ng ginawa nila sa silid niya ay ganoon din ang ginawa sa silid na uukopahin ni Melanie. Sinamahan din nila iyon ng paglilinis ng mga sulok-sulok at pagpupunas sa gilid ng mga bintana. Bago sila natapos ay sinigurado muna nilang malinis pati ang banyo ng kwarto. Pagkatapos nilang maglinis ay nagpahinga lang siya saglit at saka siya naligo. Matapos niyon ay pinuntahan niya naman si Mayor sa silid nito at chineck ang BP. Matapos nitong siguraduhin sa kanya na ayos lang ito ay lumabas ulit siya at pumunta sa kusina. Tinulungan niya ang dalawa sa pagluluto sa kabila ng protesta ng mga ito, tagpong naabutan ni Luis nang dumako ito sa may kusina upang kumuha ng maiinom. Saglit niya lang itong tiningnan at muling ibinalik ang tingin sa gulay na hinihiwa. "Nagugutom ka na ba?" Nag-aalalang tanong ni Aling Celing. "Hindi pa kami tapos magluto." "Hindi pa ho, Nana. Gusto ko lang ng kape. Dianne-" Linga nito sa kanya. "-patimpla ako ng kape at padala na lang sa library." Pagkatapos ay umalis din agad. Tumango lang siya at kumilos kaagad. Umalis siya pagkakaupo sa harap ng lamesa at kumuha ng tasa. Nagtimpla siya ng kape ayon na rin sa turo ni Aling Celing at inilagay sa tray saka iyon dinala sa library. Pagkalapag niya ng kape sa lamesa ay tumalikod na siya agad na hindi nagsasalita pero bago pa man siya makarating sa pinto ay tinawag siya nito. "Bakit ka nasa kusina?" Nilaro nito sa kamay ang hawak na ballpen. "Tumutulong magluto." "Alam ko. Nakita kita. Pagluluto ba ang trabaho ng nurse?" Pilosopong tanong nito. Humugot siya ng malalim na hininga. "Hindi po." "Kung ganoon ay bakit ka nasa kusina?" "Para mapadali yung gawain doon." "Hindi mo trabaho ang magluto. Balik ka na sa taas at tingnan mo ang Papa." Mando nito na ikinakuyom ng kamao niya. Bumalik ito sa binabasa pero ayaw humakbang palabas ng mga paa niya. "Pero trabaho ko ang maglinis ng kwarto ni Melanie? Trabaho ba ng nurse 'yun?" Kontrolado ang boses na tanong rito kahit na gusto na niya itong pukpukin ng bitbit na tray. "I ordered you to do it pero hindi ko maalala na sinabihan kitang magluto. Umakyat ka na sa taas." "Na-check ko na si Mayor bago pa ako bumaba. Mamaya pa ang inom niya ng gamot." Tumiiim ang titig nito na parang mauubusan na ng pasensya sa kanya. Kung alam lang nito. Pareho lang sila pero dahil siya ang tauhan siya na ang nagbaba ng tingin. "Sige ho. Aakyat na ho." Lumabas siya at itinabi ang tray sa lagayan nila pagkuwa'y nagpaalam siya sa dalawa na titingnan ang pasyente niya. Nakakaunawa namang tinanguan siya ng mga ito bago siya dumiritso sa itaas. Nadatnan niyang nagbabasa si Mayor Ignacio ng diyaryo. Muli niyang tiningnan ang blood pressure nito at ini-rekord iyon. Nang matapos ay nagpaalam na siyang lalabas at binilinan na lang ito na nasa tabing kwarto na siya at kung mayroon itong kailangan at pwede siyang tawagin kaagad na tinawanan lang nito. Nagtataka tuloy siyang pumasok sa bagong silid at tumambay sa may bintana hanggang sa tinawag silang kumain. Pinuntahan niya si Mayor at inabayan sa pagbaba. Doon ay wala silang kibuan ni Luis habang nanananghalian. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD