CHAPTER THIRTY FOUR

2705 Words
Mula sa pagkakaestatwa ay unti-unting napaupo si Dianne sa gilid ng kama habang binabalikan sa isip ang mga nangyari. Tuliro pa rin ang utak niya sa halik ni Luis na maya't mayang umuukilkil sa kanyang isip at tila ayaw ng umalis kahit palisin pa niya iyon ng pilit. Nagsasalimbayan sa utak niya ang mga naganap na parang imahinasyon niya lang pero ipinapaalala iyon ng katotohanan sa pamamagitan ng kanyang labi na hanggang sa mga sandaling iyon ay ramdam pa rin ang paglapat ng labi ng binata sa kanya. Ibang-iba iyon doon sa unang halik nito sa kanya na nagpanginig sa buong katawan niya. Kung hindi nga lang siya nito hawak sa magkabilang balikat kanina ay baka bumigay ang mga tuhod niya at tuluyan na siyang natumba. Nalilitong nagpatumba siya sa kama at natulalang tumingin sa kisame. Ano ba ang ginagawa ni Luis sa kanya? Minsan ay ang sungit nito. Noong nakaraan lang ay hindi siya nito pinapansin at kinakausap. Sa ibang pagkakataon naman ay parang ang protective nito habang sa iba naman ay sobrang bossy. Tapos ngayon ay ito? Gino-good time ba siya nito? Ano ba ang dapat na mararamdaman niya? Naiinis na ipinukpok niya ang dalawang kamao sa magkabila niyang gilid at nanggigigil na isinipa sa ere ang dalawang paa. Dapat ay hindi siya kinikilig at umaasa sa ginawang iyon ng binata pero gusto nang magtatalon ng puso niya. Dapat ay mainis siya sa trip na iyon ng lalaki pero sa halip ay gusto niyang tumalon dahil sa saya. Hinawakan niya ang tapat ng puso at ilang beses na pinayapa iyon. Kinailangan niyang ulit-ulitin sa sarili na wala lang ang halik na iyon para bumalik siya sa huwisyo. Umupo siya sa kama at inayos ang nagulong higaan. Tamang-tama naman na may kumatok sa pinto na muli niyang ikinataranta kung hindi niya lang narinig ang boses ni Aling Celing. Dahan-dahan siyang lumapit doon at marahang hinila ang door knob. Bumungad sa kanya ang matanda na may dalang tray ng tubig. Napakunot siya ng noo. "Bakit po kayo nagdala niyan?" "Ipinaakyat ito ni Luis. Muntik ka na daw mabagsakan ng maleta kaya namutla ka sa takot kaya pidinalhan ka pero tingin ko naman ay mukhang ayos na ang kulay mo." Nag-iwas siya rito ng tingin. "Kuu, yung batang yun alalang-alala e. Ako naman nataranta na." Nahihiyang nakamot niya ang bandang tainga. "Aling Celing naman, hindi na kayo dapat nag-abala. Bababa naman ho talaga ako e at saka huwag niyo ho akong dadalhan ng kahit ano dito. Hindi naman po ako bisita eh." "Papapasukin mo ba ako o hindi?" Biro nito sa kanya. Niluwagan naman niya ang bukas ng pinto kaya pumasok ito. Nang mailapag nito sa maliit na cabinet ang tray ay saglit nitong pinagmasdan ang kabuuan ng kwarto bago siya nito tiningnan. "Uminom ka muna." Tumalima siya pagkatapos ay naupo sa tabi nito. Hinawakan nito ang dalawa niyang kamay at ikinulong sa mga kamay nito. "Sinabi niyang dito ka na lang daw muna at baka maghanap ka na naman ng magagawa. Kaya huwag matigas ang ulo at baka madisgrasya ka. Mahirap na." Umingos siya. "Aling Celing, disgrasyahin din ang tingin niyo sa akin?" "Iyon ang sabi ni Luis hindi ako." Tawa nito. "Pabayaan mo siyang mag-asikaso sa bisita niya. Naroon siya ngayon sa kwarto ni Melanie at siya na daw ang tutulong." Kung kanina ay hindi magkamayaw ang puso niya sa kilig ngayon naman ay parang nanahimik iyon dahil sa narinig. "O siya bababa na muna ako at magpapahinga rin ako ha. Dito ka na lang din muna." "Sige po, Aling Celing. Salamat ho." Bago ito lumabas ay hindi nito kinalimutang bitbitin ang tray at ang basong said ang laman. Muli siyang naiwan sa silid na nag-iisip kung anong ginagawa ng dalawa hanggang sa sumakit ang ulo niya. ..... Kinagabihan pagkakadulog sa lamesa ay hindi alam ni Dianne kung papaano titingin ng diritso sa mga kasama dahil hanggang sa mga oras na iyon ay pakiramdam niya'y namumula ang mukha niya sa tuwing mapapatingin siya sa gawi ni Luis na maganang kumakain sa may harapan niya na maya-mayang tumatawa sa biruan ng mama nito at ni Melanie. Buong maghapon siyang nagkulong sa kanyang silid at maliban sa pagkausap kay Mayor Ignacio at pagmonitor dito ay wala na siyang ibang ginawa. Kahit ang mga pasalubong ni Melanie na ipinapabigay sa iba ay hindi na niya nakuha sa silid nito sa pag-aalalang magpang-abot sila ni Luis. "Dianne," Baling ni Melanie sa kanya. Mula sa kanyang pagkakayuko ay tumingin siya dito. "Nakalimutan mo yung mga pasalubong ko sa room. Okay lang ba pabigay mamaya?" "S-sige." Paputol niyang sagot dahil biglang nag-angat din ng tingin si Luis at tumingin sa kanya bagaman at hindi ito nagsalita. "Nasa bed lang yung mga 'yun pakuha na lang." Tumango siya at muling sa pagkain itinutok ang pansin. Hanggang sa natapos sila ay nanatiling nakapako sa lamesa ang tingin niya. Pakiramdam niya tuloy ay para siyang may nagawang kasalanan sa kanyang ginagawi habang ang binata ay patawa-tawa lang sa harapan niya. Nang magyayang pumunta ng salas si Mayor upang manood muna ng T.V. ay noon naman siya umakyat para kunin ang mga pasalubong sa kwarto ni Melanie. Pagkababa niya ay isa-isa niyang ibinigay ang mga iyon sa kasama at habang nasa salas sila lahat ay binuksan nila ang mga iyon. Tuwang-tuwa sina Aling Celing sa natanggap ng mga ito kaya pati siya ay nakigalak na rin. Isang naka-frame na maliit na painting ng lamesang puno ng pagkain ang sa kanya na napagpasyahan niyang ilagay sa tabi ng kanyang kabinet dahil sa nakakatuwang kulay niyon. Umakyat siya ng kwarto at isinabit nga iyon ng makarinig ng katok mula sa pintuan. Saglit niyang iniwan ang ginagawa at binuksan ang pinto. Bumungad sa kanya ang kunot noong si Luis na bahagyang itinulak ang pinto at tiningnan ang isinabit niya. "How about my gift? Nakita mo na?" "Ano yun?" Hindi niya alam ang gift na sinasabi nito. "Yung pasalubong ko pag-uwi ko." Paalala nito kaya agad niyang binalikan sa isip ang pasalubong na binabanggit nito. Iyon yung dinala nito sa silid nila nina Aling Celing at pagkatapos ay... Nanlaki ang mga mata niya sa naalalang unang halik nito sa kanya kaya humakbang siya palayo rito iyon nga lang ay malaya itong nakapasok sa kanyang silid. "Naalala mo na? Tuwang-tuwang ka sa regalo ni Melanie habang yung sa akin ay itinapon mo na yata." Wika nito habang mabagal na naglalakad papasok. Nakapamulsa ito na akala mo ay nagmomodel habang humahakbang. Sinalubong niya ang tingin nito. "Ginamit ko na di mo lang nakita." "Talaga lang ha. Anong laman nung paper bag?" Walang tiwalang tanong nito. Tumigil ito ilang hakbang mula sa kanya. "Ano..." Nag-isip siya ng mga bagay na pwedeng kumasya sa maliit na lagayan na iyon pero isang beses lang siyang pwedeng sumagot. Dahil sa ginawa nito noong ibinigay iyon ay nakalimutan na niya iyong buksan at basta na lang niyang isiniksik sa lagayan niya ng damit. Kahit nitong naglipat siya ay hindi pa rin niya iyon nabigyang pansin. "I can't believe that you didn't even open it." Bulalas nitong umiiling."Matagal kong pinag-isipan 'yun tapos di mo man lang binuksan." "Sorry na." Ikinunot niya ang ilong. "Nakalimutan ko lang." "Labas sa ilong." Ingos nito at sumenyas. "Kunin mo na ngayon. Tingnan mo kung kakasya sayo." Inirapan niya ito sa ginagawang pagmamando sa kanya kaya sa halip na sundin ito ay nilapitan niya ito at itinulak palabas ng kwarto. "Teka lang, bakit?" Protesta nito at pilit na pinapalis ang mga kamay niya. "Nasa loob ka na naman ng silid ko. Lumabas ka. Nakakahiya kina Mayor kapag nakita ka nila rito." "Bakit ka mahihiya? May ginagawa ka bang mali?" Pinanlisikan niya ito ng mata. "Ako wala pero ikaw..." "Ano ako?" Pambubuska nito at hinuli ang mga kamay niya. "Basta lumabas ka na. Huwag mo akong pahirapan sa mga ginagawa mo." "Alin ba? Yung halik?" "Shhh." Saway niya sabay tingin sa nakabukas na pinto. "Ang lakas ng boses mo." Irap niya. "Lahat. Lahat ng ginagawa mo kahit ito. Sige na labas ka na at kung pwede ay huwag mo ng gagawin iyong ginawa mo kanina." "Yung halik nga." Binitawan siya nito at tumawa. "Iyon yung concern mo?" Nakagat niya ang loob ng labi niya sa nakitang reaksyon nito. "Hoy, huwag mo akong itutulad sa mga babae mo sa Maynila ha. Anong akala mo, casual lang sa akin ang halikan? Kung sa'yo oo, sa akin hindi. Kaya lumabas ka na ngayon na. Kung gusto mo ng halikan punta ka doon sa silid sa tabi mo." Nag-iinit na ang magkabilang tainga niya dahil sa nararamdamang inis. Saglit itong nanahimik at nanatili lang nakatingin sa kanya na parang di makapaniwala sa narinig. Nang makita sigurong seryoso siya ay nagtaas ito ng kamay at tinungo ang pinto pero bago pa man ito lumabas ay binalingan ulit siya. "Let's talk again about that kapag hindi ka na galit." Pagkatapos ay lumabas na ito at siya nama'y bumalik sa kama at nagngingitngit na nahiga. ..... Nang mga sumunod na araw ay hindi na muling napag-isa si Dianne kasama si Luis. Sa tuwing magtatagpo sila ay umiiwas na siya kaagad bago pa man siya nito kausapin. Nakatulong rin na lagi siyang isinasama ni Melanie sa kung saan-saan sa pagbili ng mga bagay na kailangan para sa party kaya lumipas ang tatlong araw na naging tahimik ang buhay niya. Ang party na iyon ay hindi lamang bilang pasasalamat ng pamilya Ignacio para sa pagpasa ng binata sa bar exam kung hindi bilang opisyal na pagpapakilala na rin sa bubuksang law office nina Luis at Melanie sa San Isidro. Si Misis Ignacio ang natuka sa pagbibigay ng mga imbitasyon bilang ito ang maraming kakilala na inimbitahan ng pamilya. Dalawang araw bago ang nasabing party ay nagusap-usap silang tatlo nina Aling Celing at Ate Mercy kung anong isusuot nila dahil ayon kay Misis Ignacio ay hindi raw sila ang magse-serve ng pagkain. Naka-catering ang pagkain at may mga servers din kaya lahat sila ay parang host daw ng party ayon dito na ikinatuwa naman ng dalawa dahil unang beses daw ng mga itong makaka-attend ng ganoon. Casual attire lang naman ang nakalagay sa invitation kaya sinabi na lang niya sa mga ito na kahit ano ang isuot nila basta pasable para sa party na iyon. Matapos niyon ay naghalungkat na siya ng kanyang damitan upang tingnan kung ano ang pwede niyang maisuot at noon niya lang nabigyang pansin ang paper bag na nakasiksik sa isang tabi. Kinuha niya iyon at dinala sa higaan saka niya iyon binuksan. May katamtamang laki ng box sa loob niyon na nang buksan niya ay tumambad ang isang relong parisukat na kulay itim ang strap at gold naman ang case. Mataman niyang tiningnan ang brand niyon at napakunot noo. Hindi iyon expensive brand na karaniwang makikita sa mga magazine pero alam niyang may kamahalan pa rin ang brand na iyon at hindi iyon pangkaraniwang ibinibigay sa kung sino lang na kakilalang naiwan sa probinsya. Bakit siya nito binigyan ng ganoon kamahal na pasalubong? Maaaring mura lang iyon para dito pero hindi siya ang tipong magsusuot ng ganoon kamahal sa braso niya. Muli niyang ipinasok iyon sa papaer bag at tumayo. Tinungo niya ang pinto bitbit iyon at lumabas. Ibabalik niya iyon dito. Tumungo siya sa tapat ng silid nito at kumatok. Walang sagot noong una kaya inulit niya sabay tingin sa baba sa pagbabaka-sakaling nasa may salas ito pero hindi niya ito natanaw kaya kumatok ulit siya. Matapos ang huling katok ay doon lang siya may naulinigan galing sa loob. Mga paa iyon na papalapit sa pintuan. Nang bumukas ay inaantok na mukha ni Luis ang tumambad sa kanya na parang kagigising lang dahil sa magulong buhok nito samahan pa na wala itong suot pang-taas dahilan upang iiwas niya kaagad ang mata rito. "Bakit?" Naghikab ito pagkatanong. Inabot niya rito ang bitbit na hindi nagtataas ng tingin. Magkakasala siya sa abs nito. "Hindi ko matatanggap 'to pero salamat." Tila pagod itong umalis sa may harap ng pinto at pumasok sa loob. Akala niya ay kukuha lang ito ng maisusuot pero lumipas na halos ang dalawang minuto ay hindi pa ito muling lumabas. Itinulak niya ang pintuan at nakita niyang may lamesa na pala ito doon sa loob ng kwarto nito na noon ay may mga nakapatong na mga papel. Nakaupo ito sa upuang naroon at inaantok ang mga matang nakatingin sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay may baro na ito. "Hindi ko na maibabalik yan doon sa pinagbilhan ko kaya tanggapin mo na." Bale-walang sabi nito at umaktong ipapatong ang ulo sa lamesa at matutulog. "Alam kong mahal 'to kaya di ko to matatanggap. Ibigay mo na lang sa iba." "Nabigyan ko na ang Mama kaya sayo na lang." "Salamat na lang pero nakakahiya sa magulang mo kapag nalamang binigyan mo ako ng ganyan kamahal na pasalubong." Ipinatong niya iyon sa lamesa. "Dito na 'to ha?" Bigla itong tumayo kaya tumunog ang upuan ng mausog. "Ang ingay niyo naman." Reklamo ng boses sa may kama nito na noon niya lang napansin dahil medyo nakatalikod siya sa bahaging iyon. "May natutulog dito o." Sabay silang napalingon at doon ay nakita niya si Melanie. Kaya pala ang tagal nitong magbukas ng pinto dahil may kasama pala ito roon. Parang may sumipa sa dibdib niya sa realisasyon iyon na sinundan ng pagkadurog ng puso niya ng pinung-pino. Pigil-pigil ang luhang lumabas siya kaagad ng silid na hindi na ulit nagsasalita o tinitingnan ulit ang lalaki sa kabila ng pagtawag nito sa pangalan niya. Mabilis na tinungo niya ang silid at inilock iyon pagkatapos ay ibinuhos ang mga luhang hindi na niya napigilan pa. Kahit sige ang kastigo niya sa sarili na wala siyang karapatang umiyak ay hindi niya pa rin mapigil ang sarili. Ano bang inaasahan niya, na may pagtingin si Luis dahil sa ilang beses nitong paghalik sa kanya? Napakalaki niyang tanga sa pag-aalaga niya ng damdamin dito. Sampung taon niyang iningatan ang munting pagkagusto dito na hindi niya namalayang naging pag-ibig na pala nang umuwi ito at ngayon ay ito ang napala niya. Sabagay, wala naman itong sinasabi sa kanya. Siya lang itong kinilig rito. Siya lang itong nagmahal. Siya itong umasam kahit alam niyang suntok sa buwan ang magkaroon ng tugon iyong damdamin niya. ..... Sumapit ang pagtitipon. Pilit na ngumingiti si Dianne sa mga taong lumalapit sa kanya kahit na karamihan sa mga iyon ay hindi niya kakilala. Simula kanina nang magsimula ang party ay nanatili lang siyang nakaupo sa may bandang likod ni Mayor Ignacio. Marami na kasing tao kaya inaalala niya pa rin na baka ma-trigger ang hypertension ng ginoo pero malaki ang tulong ng presensya ni Doctor Arevalo at ng anak nitong si Martin na nakaupo sa di-kalayuan para mapanatag siya. Maingay sa buong kabahayan na napuno ng mga bisita. Kani-kanina ay dumating si Jez kasama ang ilang dating kaklase at guro noong high school kaya parang naging reunion ang pagtitipong iyon ng klase ni Luis na simula rin noong nakaraang araw ay pinakainiwasan niya na. Ang ilan na nakakilala sa kanya ay lumapit at nakipag-kwentuhan saglit pero si Jez na sige ang kwento tungkol kay Carla ay pumirmi sa kanyang tabi at hindi maubos ang sinasabi. Napaghalataan tuloy na in-love na in-love ito sa kaibigan niya. "Nagtapat ka na?" Gulat niyang wika rito na natatawa. Tumango ito at lumapad ang ngiti. "Kami na." Napanganga siya sa sinabi nito dahil sa gulat. Nakakausap niya si Carla pero hindi nito binanggit ang tungkol roon. Magkatipan na pala ng dalawa ay hindi pa niya alam. Hinawakan siya nito sa kamay at bahagyang lumapit sa may tainga niya dahil sa ingay. "Sabi niya ako daw ang magsabi sayo para makita yung reaksyon mo. Iku-kwento ko sa kanya 'yan." Tawa nito. "Pinagkaisahan niyo pa talaga ako ha, pero natutuwa ako para sa inyo." Sinsero niyang wika na nilakipan niya ng pakiusap. "Huwag mong sasaktan si Carla, Jez." Nagtaas ito ng kanang palad na parang nanunumpa. "Pangako. Alam mo naman kung gaano ko katagal pinaghirapan 'to." Ramdam niya ang damdamin ni Jez para sa kaibigan niya kaya hindi niya maiwasang maging emosyonal. Tumango siya at mamasa-masa ang matang tumingin sa isang bahagi ng harden kung saan naman ay nakasalubong niya ang nagbabagang tingin ng taong iniiwasan niya. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD