CHAPTER THIRTY FIVE

2714 Words
Parang nabatu-balani si Dianne sa tingin ni Luis at hindi agad nakahuma. Napaka-gwapo nito kahit simpleng pantalon at long-sleeve cotton shirt lang ang suot nito. Karaniwan na nitong suot ang ganoon pero may kakaiba pa rito sa gabing iyon na hindi niya mawari kaya hindi rin niya nabawi agad ang tingin. Nang mapatingin siya sa katabi nitong naka-abrisiyete rito ay saka niya lang napagtanto kung ano iyon. Todo ang ngiti nito kay Melanie pero nang mapatingin sa kanya ay parang bumubuga ang mga mata nito ng apoy. Napapasong nagbawi ng tingin si Dianne at itinuon ang pansin kay Jez kahit halos wala na siyang maintindihan sa sinasabi nito. Ngumingiti siya kahit ang tanging naiintindihan niya lang sa sinasabi nito ay ang pangalan ng kaibigan niya. "Hindi ka nakikinig sa akin. Yung taong 'yun ba ang iniisip mo?" Hindi siya luminga dito nang magtanong ito. Kinailangan pa siyang kalabitin nito ng ilang beses upang makuha lang ang atensyon niya. "Sorry. Ano 'yun?" Nahihiyang hingi niya ng paumanhin dito. "Ang sabi ko hindi ka na nakikinig sa akin. Sinong iniisip mo? Yung mokong na iyon?" Itinuro nito ang kinaroroonan ni Luis na noon ay umupo na sa isang lamesa pero ang mga mata ay nakapako sa kanila. Kinawayan ito ni Jez pero hindi man lang ito gumanti ng bati sa kaibigan nito. Sinaway niya si Jez sa pamamagitan ng paghila ng kamay nito dahil siya ang nahihiya sa ginagawa ni Luis dito. Hindi man lang kasi nito kinausap si Jez samantalang ang ilan sa dating kaklase ng mga ito ay nilapitan na nito. "Tigilan mo nga yan. Ano bang sinasabi mo?" Tinawanan siya nito. "Huwag ka ng magkunwari. Alam kong gusto mo ang mokong na yun." "Kanino mo nalaman 'yan?" Natilihan siya sa sinabi nito sabay linga sa paligid at baka may makarinig. "Si Carla ba?" Umiling ito. "Hindi. Sa tagal nating magkaibigan sa tingin mo hindi ko malalaman? At saka kung hindi mo talaga gusto 'yun bakit hindi ka tumingin sa iba? Kita mo si Doc Martin? Kanina pa 'yan tingin ng tingin pero hindi mo man lang napapansin." Sinundan niya ng tingin ang binanggit nito at nakita nga niyang nakatingin sa gawi nila ang doktor na tinutukoy nito. Malapad ang ngiting ibinigay nito sa kanya na sinagot naman niya ng tipid na ngiti at saka ibinalik ang atensyon kay Jez. "Tigilan mo na yan. Kung ano-anong pinag-i-iisip mo." "Sus. Pareho lang kayong dalawa. Ako ang nahihirapan sa inyo." Padaskol nitong sabi na ikinakunot niya ng noo. "Bakit ka naman mahihirapan sa amin? Huwag mo akong alalahanin at lalong huwag mong alalahanin yung iba. Masaya 'yun baka hindi mo lang alam." Aniya ng maisip ang naabutan sa kwarto nito noong nakaraang araw. Ilang gabi na siyang torture ng isiping iyon at gusto naman muna niyang makalimot. Muli itong tumingin sa gawi ni Luis pagkatapos ay bumaling sa kanya. "Gusto mong sumayaw?" "Ayaw." Dinampot nito ang kamay niya at hinila siya patayo. "Halika na." Hinila siya nito papunta sa gitna na nagsilbing open space para sa mga gustong magsayaw na noon ay may ilang pareha na. Bantulot siyang nagpahila rito dahil slow dance ang tugtog pero nadaanan nila sina Mayor at Misis Ignacio na in-engganyo siya. "Di ako marunong sumayaw, Jez." Aniya rito sa medyo malakas na boses upang marinig lang siya. "Okay lang. Magaling ako." Pabirong pagbibida nito. "Slow dance lang 'to kaya di kailangang magaling. Hawak ka lang sa akin-" Inilagay nito ang kaliwa niyang kamay sa may balikat nito at ang kanan naman ay hinawakan nito. "-at ilalagay ko sa gilid mo yung kanan ko, okay lang ba?" Hinging pahintulot nito pero bago pa siya naka-oo ay nagawa na nito na bahagyang nagpapitlag sa kanya. "Okay na, sabay ka lang sa akin." Nahihiyang ginawa niya ang sinabi nito. Hindi siya sumasayaw at kahit naging escort niya ito noon sa senior prom niya ay hindi naman talaga sila sumayaw. Naupo lang sila at kumain hanggang sa natapos ang programa. Nakadagdag sa hiya niya ngayon ang mga matang nakatingin sa kanila dahil kaunti lamang silang nasa gitna kaya pakiramdam niya'y namumula na siya. Sa sulok ng mga mata niya ay nakita niya rin si Luis, umiinom habang kausap ang tuwang-tuwang si Melanie habang itinuturo sila ni Jez na muling sumaling sa sugatan niyang puso. Buti na lang at medyo malamlam ang ilaw kaya hindi mahahalatang may luhang kumikislap sa mga mata niya. Sa iba niya rin ipinako ang paningin. "Okay ka lang?" Tanong ni Jez na bahagyang inilapit ang bibig sa tainga niya upang marinig niya. Tumango siya. "Huwag mong tigasan ang katawan mo. Sabayan mo lang ako. Isipin mong ako ang gusto mong kasayaw." Kantiyaw nito sa may tainga niya. "Nahihiya ako." Sagot niya. "Nakatingin silang lahat." "Huwag mo silang isipin. Enjoy-in mo lang ang tugtog at ako ang bahala." Pilyong ngiti nito sa kanya. Huminga siya ng malalim at nagpatangay sa galaw nito. May ilang pares pa na pumagitna at sumayaw katulad nila kaya nabawasan ang hiyang nararamdaman niya. "Sumandal ka sa akin, dali." Ani nito maya-maya. "Ha?" "Sandal ka, bilis." Ito na mismo ang humila sa kanya para lang makasandal siya dito pero kaagad din naman siyang lumayo. "Kung ano-anong ginagawa mo ano?" Aniya rito. "Ang KJ mo. Hayaan mo na. Sayaw na lang tayo." Nagdududa siyang ipinagpatuloy ang sayaw nila nang bigla na lang niyang nakita sina Melanie at Luis sa may likuran ni Jez. Halos magkadikit na ang mukha ng dalawa at halos magkayakap na. Iniiwas niya ang tingin sa mga ito at pigil-pigil ang luhang nag-yayang umupo kay Jez. Pumayag naman ito at inalalayan siya sa pag-upo. "Okay ka lang?" Puno ng pag-aalalang tanong nito nang makaupo sila. Dinampot nito ang baso ng tubig sa harap niya at ibinigay sa kanya. Inabot naman niya iyon at nilagok ang laman. "Gusto mo ng kumain?" "Salamat. Ayos lang ako." Hindi naman siya nagugutom at kahit marami ang pagkain sa harapan niya ay tila siya nawalan ng gana. Napatingin siya muli sa pinakagitnang bahagi ng harden at nakasalubong naman niya ng tingin si Melanie. Ngumiti ito sa kanya kaya nginitian niya rin ito. "Banyo lang ako sa loob, ha?" Paalam niya kay Jez. "Balik na lang ako." "Sige lang. Dito lang ako." Bago siya pumasok sa loob ay nagpaalam muna siya kina Mayor at Misis Ignacio sa pag-aalalang hanapin siya ng mga ito. Dahil maraming tao sa may salas ng bahay ay nagpasya siyang sa may likod dumaan papasok ng kusina. Gusto naman muna niyang makahinga mula sa rami ng tao at sa ingay ng tugtog sa labas kaso nga lang ay hindi rin naman siya makakadaan ng hagdan paakyat kaya sa dating kwarto na lang sa ibaba siya tutuloy. Ilang grupo ng kadalagahan ang nadaanan niya sa may kusina kausap si Aling Celing. Kinawayan niya ito upang magpaalam na papasok siya sa silid pero hindi siya nito nakita kaya dumiritso na siya ng lakad papunta sa pasilyo. "Ms. Dianne." Tawag ng isang boses sa kanya. Nilinga niya ang nagsalita at nakita niya si Martin na palapit sa kanya. "Hi." Bati nito. Bahagya siyang yumukod ng tuluyan itong makalapit. "Doc, hello po. Ano po ang atin?" "Ano- Bantulot nitong sabi na tila nahihiya. "May itatanong lang sana ako." "Ano po ba 'yun? Si Mayor po ba?" Bigla siyang nag-alala. "Hindi. Hindi." Isenenyas nito ang dalawang kamay. "Personal sana eh. Pwede ba kitang makausap?" Medyo nakahinga siya ng maluwang pero siya? Kakausapin nito tungkol sa personal na bagay? Mabilis siyang nag-isip ng idadahilan. "Pwede po bang mamaya? Pinatawag ho kasi ako noong isa naming kasama. Pupuntahan ko pa lang ho siya." Pagsisinungaling niya. Bigla siyang nahiya sa ginagawa kaya tumungo siya. "Okay lang naman. Sige. Mamaya na lang." Ngiti nitong paalam at dumako sa may tarangkahan. Saglit niya itong sinundan ng tingin bago siya lumiko papasok ng pasilyo at pumasok ng kwarto. Tila siya nakahinga ng maluwag ng maisarado niya ang pintuan. Kulob iyon kaya hindi gaanong dinig ang ingay sa labas. Lumakad siya papunta sa dating higaan at padapang nahiga. Wala pang isang minuto siyang nasa loob ng silid ng tumunog ang pintuan pabukas. Hinayaan niya lang iyon sa pag-aakalang isa kina Aling Celing at Ate Mercy iyon pero lumipas ang ilang sandali ay walang nagsasalita ni lumalapit para tapikin siya. Bumalikwas siya ng bangon ng maisip na baka isa iyon sa mga bisita na namali ng pasok ng pinto pero mas nagulat siya ng makitang si Luis iyon. Nakasandal lang ito sa pintuan at matalim ang tingin sa kanya. "May kailangan kayo?" Nagpapanting ang bagang na ini-lock nito ang pintuan na ikinabahala niya. "Kayo, inyo, po, opo, ho. Pakiusap lang, drop all of those. I don't need those words. Stop respecting me." Naguguluhang tumitig siya dito. "How was your dance?" Tanong nitong hindi nagbabago ang reaksyon ng mukha. "Was it something enchanting or something you've dreamed of?" Namulsa ito at isinaldal sa pader sa may likod nito ang isang paa. "Did he kissed you already?" Napakunot siya ng noo. Si Jez ba ang tinutukoy nito? "And the doctor, did he just come from here?" Turo nito sa baba. "Nakasalubong ko siya doon sa may salas." Pinag-iisipan siya nito ng masama? Namuo ang luha niya sa mga mata dahil sa naiisip nito sa kanya. Siya talaga? Nang makita nito ang reaksyon niya ay biglang nagbago ang eskpresyon nito at humakbang palapit sa kanya. "Bakit? Bakit ka umiiyak?" Nag-aalalang hinawakan siya nito sa magkabila niyang mukha at tinitigan siya. Amoy niya mula rito ang alak na nakita niyang iniinom nito kanina sa labas. "Sinong nanakit sa'yo?" Mas lalo siyang naiyak sa tanong nito. Bakit ganoon? Bakit parang punong-puno ng concern ang boses nito na akala mo ay mahalaga siya rito? Pinunas rin nito ang mga luha niya gamit ang mga hinlalaking daliri nito. "Lasing ka ba?" Sa halip ay tanong niya. Masama pa rin ang loob niya dito pero kahit kailan yata ay hindi niya kayang magalit dito. Magdamdam man siya rito pero makalipas lang ang ilang saglit ay nawawala rin iyon na parang walang nangyari. Umiyak man siya at durugin man nito ang puso niya ay babalik at babalik siya sa pagmamahal niya rito. Umiling ito. "Huwag mong ibahin ang usapan. Sino ang may gawa niyan sa'yo? Si Jez? Yung doktor?" Hinawakan niya ang braso nito at pilit niyang inalis mula sa pagkakahawak sa kanya. "Bakit naman ako iiyak ng dahil sa kanila?" "E bakit ka umiiyak?" "Kung ano man ang dahilan akin na lang po 'yun. Huwag niyo akong alalahanin baka pagod lang po ako." Bumitaw ito at biglang bumalik ulit sa reaksyon nito kanina. "Hindi ba't kakasabi ko lang kanina, stop using those words. I'm fed up hearing those words from you. Hindi mo ba ako pwedeng kausapin ng walang po, ho, opo? Stop respecting me, I said." Huminga siya ng malalim. "Sige." Nang wala ng narinig mula dito ay humarap siya papunta sa pinto upang makalabas roon pero sumenyas ito. "Balik." Turo nito sa kanyang higaan. "Pero hahanapin na ako sa labas." Nagtagpo ang dalawang kilay nito at tinapunan ng masamang tingin ang gawing pinto. "Nino? Ni Jez o yung doktor?" "Silang lahat. Ang magulang mo. Sina Aling Celing at Ate Mercy. Si Melanie." May kurot sa puso ang huling pangalan na binanggit niya. Baka kung ano ang isipin ng mga ito kapag nalamang magkasama sila sa kwartong iyon. "Stop thinking about them. If you are tired then rest. Babantayan kita." Pinanlakihan niya ito ng mga mata. "Anong babantayan? Ano ang iisipin nila kapag nalamang nandito tayo pareho? Lumabas na tayo." "Why? Do you really want to have a dance with Jez?" Hinaklit siya nito palapit at hinapit ang bewang niya na ikinadagundong ng dibdib niya. "Anong feeling? Kung gusto mo lang namang sumayaw ay kaya ko rin iyon." Halos maduling na siya sa sobrang lapit ng mukha nito sa kanya. Mas naamoy niya rin ang alak mula sa hininga nito na hindi umepekto upang mandiri siya. "Anong ginagawa mo?" Tanong niya nang gumalaw ito. Hindi na halos lumabas ang mga salitang iyon sa kanya dahil sa higpit ng pagkakahapit nito sa kanya maliban pa sa sobrang lapit ng mukha nito. Ibinaba niya ang tingin sa may damit nito dahil sa takot na ipagkanulo siya ng sariling damdamin. Natakot siyang baka siya na mismo ang humalik sa lalaki kahit kakabanggit niya lang sa pangalan ni Melanie. "Gusto mong sumayaw 'di ba? Sumasayaw tayo." Karay nito sa kanya na para siyang papel. "O gusto mo bang mas dikit pa dito?" "Nasasaktan ako." Itinulak niya ito pero masyado itong malakas para magalaw man lang."Lalabas na ako. Baka naghahanap na sila sa atin. Si Mayor, ang Mama mo, sina Aling Celing." "At si Jez?" Sa halip na pakawalan siya nito ay mas humigpit ang hawak nito sa kanya. Halos marinig na niya ang pagtunog ng ipin nito sa sobrang pagtatagis niyon. "Hindi ganoon kahaba ang pasensya ko Dianne kaya huwag mo akong sagarin." "Nasasaktan ako, Luis. Bitawan mo ako." Kahit nakakaramdam siya ng takot dito ay kontrolado niya pa rin ang kanyang boses. Hindi siya magpapatalo rito. "What's with him that you like so much? Hindi naman hamak na mas magandang lalaki ako roon." Anito sa boses na parang paos. Ang mga mata nito ay matalim na nakipagtitigan sa kanya. "Ano bang kinalaman niya sa akin bakit puro siya ang itinatanong mo? Siya kaya ang kausapin mo." Pa-pilosopo niyang wika na hindi naman nito nagustuhan dahil pahakbang siya nitong itinulak hanggang sa maramdaman na lang niya ang paghanggan ng likod niya sa may pader. Ang isa nitong braso ay nakapaikot pa rin sa bewang niya at ang isa naman ay humahaplos sa kanyang mukha at buhok. Kumakabog ang dibdib niya at hindi niya alam kung paano aalis dito kaya nanlaki na lang ang mga mata niya sa pagkakatitig sa lalaki. "I'm losing all my patience with you, alam mo ba 'yun?" Anas nito at tinitigan siya. Matiim at mapanganib. "That eyes has been haunting me since I first saw it. You've been with me for all those years that I'm away. I'm treasuring you for heaven's sake! Tapos ngayon ay gugustuhin mo yung Jez na 'yun na tino-two time ka?" Dahil sa ingay ng puso niya hindi niya nasundan ang lahat ng sinabi nito. Ang tanging naintindihan niya lang ay may gusto daw siya kay Jez? Anong kalokohan 'yun? "Si Jez? Gusto ko si Jez? Saan mo nalaman yun?" "Your smiles ang laughs says it all at lagi din kayong magkausap." Muli ay nag-igtingan ang panga nito. "Kaibigan ko si Jez, kaibigan mo din siya. Hindi ko siya gusto." Nahintakutan niyang sagot. "Boyfriend siya ni Carla kaya nakakausap ko siya." Kumunot ang noo nitong tila inaarok ang katotohanan sa sinabi niya pagkatapos ay bigla na lang napamura. "Damn it." Lumuwag ng bahagya ang pagkakahawak nito sa bewang niya pero muli ding hinuli ang tingin niya. "Yung doktor?" "N-nakakausap ko lang siya tungkol kay Mayor." "Goodness." Parang di makapaniwalang bulalas nito. Bumitaw na ito ng tuluyan at humakbang paatras palayo sa kanya. Nagbago rin ang aura nito mula sa pagiging mabalasik hanggang sa maging maamo iyon. "Wala kang gusto sa kanilang dalawa? Wala kang iniyakan sa kanila?" Kunot-noong umiling siya. Nanatili itong nakatitig sa kanya hanggang sa humakbang siya paiwas rito. Ayaw na niyang alamin pa kung anong nangyari at ganoon ang inasta nito. "Balik. Ako na ang lalabas. Stay here and have some rest." Tumango siya at hindi na kumilos sa kinatatayuan sa pag-aalalang bumalik na naman ito sa gawi kanina. "One more thing-" Anito at mabilis na lumapit muli sa kanya kaya napaatras siya sa may pader katulad kanina. Ang kaibahan nga lang ay hindi na siya nito hawak at may ngiti ng nakasilay sa labi nito. Para siyang na-estatwa sa pagkakatayo habang ang dalawang kamay ay naikuyom sa magkabila niyang tagiliran. "-you are not allowed to like anyone. Ako lang ang tingnan mo. Sa akin ka lang magkagusto." Bumaba ang tingin nito sa labi niya. "Walang ibang pwedeng humalik sa'yo." Nakita niya ang unti-unting pagbaba ng mukha nito sa kanya pero bago pa man nangyari ang iniisip niya ay bumalik na siya sa huwisyo. Mabilis siyang umiwas rito at nagtatakbo palabas ng kwarto hanggang sa narating niya ang kusina. Nang makarating siya sa likod ng bahay ay daig pa niya ang nag-marathon sa lakas ng pintig ng puso niya. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD