CHAPTER THIRTY SIX

2631 Words
Dire-diretsong gumilid si Dianne sa mga lamesang nadadaanan niya papunta sa lamesa nila ni Jez pagkalabas niya sa may likod ng bahay. Nang madaanan niya ang mag-asawang Ignacio sa lamesa ng mga ito ay humihingal niyang ipinaalam na nakabalik na siya saka siya naupo sa inuupuan kanina at ininom ang laman ng basong naroon sa tapat ng kanyang upuan. "Anong nangyari sa'yo? Para kang hinabol ng aso ah." Nagtatakang tanong ni Jez sa kanya. Hawak nito ang cellphone at siguro ay nagti-text kay Carla. Nilingon niya ang pinanggalingan at nakita niyang palabas din mula roon si Luis na noon ay gumigilid din sa mga upuan at lamesa. Nag-iwas siya kaagad ng tingin nang magtagpo ang tingin nila na akala mo ay napapaso roon. "Siya ba yung tinatakbuhan mo?" Baling ni Jez sa kanya. "Nag-selos ba?" "Anong selos?" Kunot-noong tanong niya. Ibang-iba ito kanina kaysa sa Luis na nakilala niya. Parang ang agresibo nito na akala mo ay maninibasib na. Hindi niya rin makalimutan ang huling salita nito bago siya lumabas ng silid na akala mo'y sirang record player na paulit-ulit tumutugtog sa isipan niya. Lahat ng mga iyon pati ang ikinilos nito ay hindi niya lubusang nakuha ang ibig sabihin basta't ang alam niya lang ay inutuasan siya nitong gustuhin ito at huwag siyang magkagusto sa iba. Naguguluhan tuloy siya kung tama ba iyong narinig niya o may problema na siya sa kanyang tainga. "Sa tingin ko palang sa'yo ay parang may sinabi siyang hindi maganda, tama ba?" "Hindi ko alam." Ibinalik niya sa lamesa ang baso at bumuntung-hininga. Umakbay ito sa upuan niya matapos isuksok ang cellphone sa bulsa. "Sa tingin ko ay meron nga." "Jez-" Tawag ng pamilyar na boses sa may gilid niya na nagtanggal sa kamay ng kanyang katabi na nakaakbay sa kanyang upuan. "Kumusta kayo dito?" "Luis, pare. Akala ko ay hindi mo na ako kakauspin pa. Mabuti at nakalapit ka dito." Malapad ang ngiti ni Jez at tumayo. Iniumang nito ang kamay upang makipag-kamay kay Luis na mahigpit namang tinanggap ng binata. Nagkamay ang mga ito sa may bandang likod lang niya. "Pasensya na, pare. Para sa lahat at... salamat." Bakas ang sensiridad sa boses ni Luis sa sinabing iyon sa kaibigan na sinagot naman ni Jez ng tapik sa balikat nito. "Wala kang dapat ipag-alala. Ginawa ko lang ang lahat bilang kaibigan mo." Napaisip tuloy siya sa sinabing iyon ni Jez na binalewala niya rin makaraan lang ang ilang segundo. Tutal ay hindi naman siya kasama sa usapan ng mga ito. "Salamat. Babalik muna ako doon. Iwanan ko kayo ulit pero walang-" Tumigil ito sa pagsasalita at hinawakan siya sa ulo kaya napatingala siya sa mga ito. "Ano ba?" Pinalis niya ang kamay nito pero humawak ito sa sandalan niya. "Seloso ako, pre." Narining niyang wika nito na ikinakunot niya ng noo. Natawa si Jez. "Sa tingin ko nga." Akala niya ay aalis na ito pero tumabi ito sa kanya ng nakatayo at ibinaba ang mukha malapit sa kanyang mukha na naging dahilan upang magtayuan ang buhok sa kanyang batok. "Narinig mo 'di ba? Seloso ako. Don't talk to other men or even just a smile at them." Pagkatapos ay muling hinawakan siya sa ulo at umalis papunta sa upuan nito kanina sa tabi ni Melanie. Katakot-takot na kabog ang naramdaman niya sa dibdib niya at hindi alam ang sasabihin na tumingin kay Jez. "Narinig mo naman di ba? Nagseselos daw siya. Gustong-gusto gusto ka ng mokong na iyon." Umupo ito sa tabi niya pero may distansya na. "Ako?" Turo niya sa sarili. "Gusto niya ako?" "Iyon ang sabi niya." Namula ang mukhang sinundan niya ng tingin si Luis. 'Yun ba ang ibig sabihin ng mga sinabi nito doon sa loob kanina at habang kausap si Jez? Hindi niya alam ang iisipin niya. Ang puso niya'y kumakabog ng sobra at hindi niya alam kung dahil ba iyon sa tuwa na nalaman niyang pareho sila ng nararamdaman o dahil sa mga tingin nito mula sa kinauupuan kahit malayo sa kanya. Tamilmil siyang kumain dahil sa pag-iisip. Ni hindi na niya nakumusta pa muli si Mayor hanggang sa ihatid niya ito sa kwarto ng mag-asawa bago pa lumalim ang gabi upang makapag-pahinga na. Bumaba lang siya ulit upang magpaalam kay Jez na lilipat siya sa loob kasama si Aling Celing at nanatili na roon hanggang sa natapos ang pagtitipon. Nang matapos ay tumulong siya sa pagliligpit ng mga gamit na agad ding natigil nang makita si Luis na papalapit sa kanya. Agad siyang nagtatakbo paakyat sa taas at inilock ang pintuan niya. Hindi na siya nakabihis dahil sa pagod. Nahiga na lang siya kaagad at natulog. ..... Kinabukasan ay maaga pa rin na nagising si Dianne upang gawin ang kanyang trabaho. Naligo muna siya saka pinuntahan ang silid ng mag-asawa para sa morning monitoring at para sa gamot ni Mayor. Pagkapasok niya sa silid ay nadatnan niyang tulog pa ang mag-asawa na alam niyang napuyat noong gabi. Ginising na lang niya si Mayor para sa pakay niya at matapos niyon ay pinayuhan niyang matulog ulit dahil medyo mataas ang bp nito saka siya lumabas at bumaba sa kusina upang tulungan sina Aling Celing at Ate Mercy sa pagluluto at paglilinis. Mataas na ang araw nang tawagin ang mag-anak at si Melanie para sa almusal. Nang makita niyang pababa na si Luis ay nagmadali siyang lumabas ng bahay at nagwalis sa bakuran para lang makaiwas dito. Hindi niya alam kung totoo ba ang mga sinabi nito noong gabi at hindi pa siya handang kausapin ito at malamang totoo iyon. Hindi niya alam kung anong magiging reaksyon niya. Nangangalahati na siya sa pagwawalis sa mga naiwang kalat sa bakuran nang sumulpot roon si Melanie. Kumuha ito ng walis at tumabi sa kanya. "Bakit hindi ka sumabay sa amin sa almusal?" "Hindi pa ako nagugutom." Kaila niya. "Mamaya na lang ako pagkatapos nito." "Okay. Then, what happened last night?" Tanong nitong hindi tumitingin sa kanya. "Alin?" "I know na sumunod si Luis sa'yo. Nakikita kita mula doon sa upuan ko." Parang wala lang para dito ang itinatanong pero kung may gusto ito kay Luis at kung may relasyon ang dalawa- kahit ano pa man iyon- ay alam niyang masakit iyon para dito. "Nang lumabas ka ay saka rin siya lumabas. What happened?" "Wala." Tanging nasabi niya. Pinangako niya sa sariling walang makakaalam ng nangyari dahil baka pinagti-tripan lang siya ng binata. Paano kung dahil lang iyon sa nainom nito at kapag nagkita na sila ulit ay hindi na nito matandaan ang pinagsasabi nito? Isa pa ay ayaw niyang saktan ang babae. Mabait ito at alam niyang totoo ang ipinapakita nito sa kanya. "Okay. Just in case that you want to say about anything, I'm just here." Ngumiti ito sa gawi niya na sinuklian niya ng pinong ngiti. Ipinagpatuloy nila ang pagwa-walis nang hindi na ito nagtatanong tungkol kay Luis hanggang sa natapos sila sa bandang harapan. Nang maipon ang mga kalat ay sinalok niya iyon gamit ang dust pan at ipinasok sa isang sako. "Salamat sa tulong mo. Pumasok ka na. Baka magalit pa si Luis kapag nalamang pinatulong kita." "Hey. You didn't ask me. Kusa akong tumulong, so don't worry about him." "Salamat. Sige na. Pasok ka na. Papasok na rin ako. Kakain muna ako bago magpatuloy." "Okay. If you need help, tawagin mo lang ako, ha." Anito at pumasok na. Iginilid niya ang sako at pagkatapos ay saka siya pumasok at umakyat muna sa taas upang kumustahin si Mayor na hindi niya nakausap ng maayos kanina. "Kumusta po ang pakiramdam niyo?" Tanong niya rito pagkapasok. Nakatayo ito sa may bintana at nakatanaw sa labas habang si Misis Ignacio ay nasa kama at nagbabasa ng kung anong dokumento. Inulit niya ang bp ng ginoo na medyo mataas noong umaga. Mabuti na lang at sa pagkakataong iyon ay bumalik na iyon sa normal kaya nawala ang pag-aalala niya. "Ayos lang ako kaya bumaba ka na ulit at kumain ka na. Hindi ka sumabay sa amin sa almusal." "Hindi pa ho ako nagugutom kanina eh pero bababa na po ko ngayon. Nagugutom na po ako." Tinanguan siya ng mga ito kaya lumabas na rin siya at bumaba papuntang kusina. Doon ay naabutan naman niya ang dalawang kasama na kumakain na sa maliit na lamesa. Binati niya ang mga ito at dumulog upang kumain kasama ang mga ito. "Saan ka ba galing?" Ang katabing si Aling Celing ang unang nagtanong sa kanya. "Sa taas po, kay Mayor. Chineck ko po ulit yung bp. Mataas po kasi kanina pero okay na po siya ngayon." "Ganoon ba? Baka dahil 'yun sa puyat kagabi." Tumingin ito sa kanya. "Nagkita na ba kayo ni Luis? Kanina ka pa hinahanap niyon." Kinakabahan siyang umiling. "Bakit daw po?" "Hindi ko alam. Hindi naman sinabi." Ang katapat niyang si Ate Mercy ay napansin niyang matamang nakatingin lang sa kanya at hindi nagsasalita kaya nag-alala siyang nakita sila nito ni Luis noong paalis sa silid ng mga ito noong gabi kaya sa lamesa niya ipinako ang tingin. "Ah, Dianne-" Tila hindi nakatiis na tawag ni Ate Mercy sa pangalan niya. Kinakabahan naman siyang nag-angat ng paningin rito. "Po?" Pakiramdam niya tuloy ay napakalaking kasalanan ang nagawa niya sa reaksyon niyang iyon. "Nakita ko si Doc Martin kagabi, hinahanap ka. Nagkausap ba kayo?" Lihim siyang nakahinga ng maluwag sa itinanong nitong iyon gayunpama'y nakonsensya rin siya dahil sa hindi pagharap sa doktor noong gabi. "Nakita ko po siya noong pumasok ako sa loob kaso hindi ko na po siya nakita noong lumabas ako ulit kaya hindi na kami nagka-usap." "Ganoon ba? Hindi ka na namin nakita noong paalis na siya kaya ibinilin niyang tawag ka na lang daw kung may problema kay Mayor." "Sige po. Salamat." Tahimik niyang muling ipinagpatuloy ang pagkain nang magsalita muli si Aling Celing. "Nakita ko si Luis kagabi na papasok doon sa pasilyo. Naroon ka ba sa silid noon?" Mula sa pagkakapako ng paningin sa pinggan ay dahan-dahan ang kanyang pagtaas ng mukha pero hindi rin siya nakahuma kaagad. "Bakit? May ginawa ba siya sa'yo?" Nag-aalalang tanong nito na kahit si Ate Mercy ay biglang natigil sa pagkain. "May ginawang masama ba si Luis?" "Wala ho." Noon niya lang naalalang sumagot na nilakipan niya ng pag-iling. "Eh bakit ganyan ang hitsura mo? Para kang namumutla? Magsabi ka ng totoo, Dianne " "Okay lang po ako, Aling Celing." Matipid niyang sagot at saka ibinalik muli ang atensyon sa pagkain. Walang kibong nagkatinginan na lang ang dalawa sa itinugon niya. Nang matapos siyang kumain ay nagpaalam naman siyang pupunta sa may likod bahay upang ipagpatuloy ang ginagawa kanina dahil kung meron man siyang kailangang gawin iyon ay ang umiwas na makausap o makita man lang si Luis. Pinagbawalan siya ng dalawa pero hindi rin siya nagpapigil kaya sinabi na lang ni Aling Celing na patutulungan siya kay Ate Mercy pagkatapos ng mga itong malinis ang kusina at ang bahaging hindi niya nalinis sa bandang harap ng bahay. Katulad sa harap ay marami ring kalat doon sa may likod ng bahay pagkarating niya roon. Kinuha niya ang walis na ginamit sa paglilinis kanina at nagsimulang magwalis na sinamahan na rin niya ng manaka-nakang pagbubunot ng mga d**o. Naka-squat siya ng upo at buhos ang atensyon sa ginagawa nang bigla na lang may sumulpot sa harapan niya. Agad na uminit ang pakiramdam ng tainga niya nang mag-angat siya ng tingin at makita niya kung sino iyon. "Nandito ka pala. Ang hirap mong hagilapin ah." Nakapamulsa ito at nakataas ang kilay sa pagkakatingin sa kanya. "A-ano ang kailangan mo?" Hindi niya mabawi ang tingin dito pero ang kamay niya'y tuloy sa paghahagilap ng mga damong binubunot niya. Tumikhim ito at tumingin muna sa ibang direksyon bago muling tumingin at lumakad palapit sa kanya. "Tumayo ka." Para siyang tuod na sumunod lang dito. Nang makatayo ay ipinagpag niya ang kamay sa suot niyang pambaba. "Tumingin ka sa akin." Utos nito na ikinakaba niya. Makikita nito ang pamumula ng mukha niya kaya nagakunwari na lang siyang nagpapagpag pa rin ng kamay. "Bakit ba?" Naramdaman niya ang pag-daiti ng daliri nito sa baba niya kaya natigil siya sa ginagawa at napasunod ng tingin dito. Seryoso ang mukha nito pero ang mga mata ay may kislap na parang natatawa. "Nagba-blush ka?" Ikinunot niya ang noo dito sabay kuyom sa isang kamay at isinuntok sa dibdib nito. Napaigik ito ng wala sa oras sabay bitaw sa kanya. "Aray ko. Alam mong ang bigat ng kamay mo tapos nanununtok ka." Reklamo nitong hawak-hawak ang bandang natamaan sa dibdib. "Kung ano-ano kasing itinatanong mo eh, nakakainis ka." Ganoon pa man ay hindi niya maiwasang mag-alala rito dahil talagang napalakas ang suntok niyang iyon. "Masakit talaga?" Nanaig sa kanya ang pag-aalala at nilapitan ito sabay hawak sa nasaktang parte ng dibdib nito. "Oo. Dito." Turo nito sabay hinawakan ang kamay niya at ipinatong sa parteng iyon na nasuntok niya. "Sorry." Aniya rito at pinag-igi ang paghaplos roon. "Gusto mo ba ng ice? Pakiramdam mo ba ay magkakaroon ng pasa?" "Tingnan mo nga kung namumula?" Ginawa niya ang sinabi nito. Itinaas niya ang suot nitong damit at maiging pinagmasdan ang parteng iyon na nasuntok niya. Parang wala namang marka. Inangat niya ang paningin dito at nakita niya ang nakakaloko nitong ngiti na pigil pigil nito kanina pa. "Niloloko mo ako, no?" Bumitaw siya rito at kinuha ang walis. Iniumang niya iyon dito na mabilis din naman nitong naagaw sa kanya kaya ang dust pan naman ang binalingan niya. "Sige, isusumbong kita kay Nana." Tumatawang banta nito at lumayo ng kaunti sa kanya. "Bakit anong ginawa ko sa'yo?" Usig niya rito. Hindi pa rin binibitiwan ng hawak na dust pan. Kumindat ito sa kanya at nagsalita ng abot lang sa pandinig niya. "Na nanghahawak ka ng dibdib." "Aba't..." Amba niya rito ng dust pan pero nakatakbo ito papunta sa likuran niya. Nahawakan nito ang kamay niyang may hawak sa dust pan at naagaw nito iyon at iniitsa sa kung saan. Sakto namang lumabas si Aling Celing at nakita sila sa tagpong iyon. "Hoy hoy! Ano yan? Anong ginagawa mo kay Dianne, Luis?" Nagmadali itong makalapit sa kanila habang ang mga mata ay hindi napaknit sa pagkakatingin habang ikinukulong siya ni Luis sa dalawang braso nito. "Ano yan? Bakit mo yakap-yakap si Dianne ng ganyan?" "Siya po ang may kasalanan, Nana. Hahampasin niya po ako ng dust pan o." Turo nito sa dust pan gamit ang nguso na nasa di-kalayuan. "At saka kanina Nana, sinuntok niya po ako." "Siya po ang nauna, Aling Celing. Nanggugulo po siya sa ginagawa ko." Ipinatong ng binata ang baba sa may balikat niya kaya nanlaki ang mga matang pinagsisiko niya ito. Pinandilatan ito ni Aling Celing. "Bitawan mo na si Dianne." "Nana naman." Reklamo nito at mas lalo pang hinigpitan ang yakap sa kanya. "Baka bigla na naman akong batuhin nito." "Luis!" Sa tonong iyon ng matanda ay himalang kaagad na napabitaw si Luis sa kanya at lumapit dito. Tila nagtatampong tinanong nito si Aling Celing. "Sino po ba talaga ang alaga niyo? Ako o si Dianne?" Tinampal ito sa braso ng matanda bago sumagot. "Ikaw ang alaga ko pero iyang si Dianne, mahal ko yan kaya huwag mong ginaganyan." Sabay linga nito na sinundan ni Luis. Nakangiting sinalubong niya ang tingin ni Aling Celing habang nang si Luis naman ang nakatinginan niya'y binilatan niya ito sabay porma ng bibig ng 'buti nga'. Sa halip na gumanti ito ay nakangiti itong tumingin lang sa kanya at makaraan ang ilang saglit ay ibinalik ang tingin kay Aling Celing. "Okay na po sa akin 'yun, Nana." Hinalikan nito ang matanda sa noo. "Mahal ko rin po ang mahal ninyo." Matapos niyon ay lumakad ito ng diri-diretso papasok habang si Aling Celing naman ay makahulugan ang ngiting nagpapalit-palit ng tingin sa papalayong si Luis at sa kanya. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD