CHAPTER THIRTY SEVEN

2546 Words
Matapos ang party at ang araw na may sinabi si Luis kay Aling Celing ay hindi na ito muling lumapit at nakipag-usap sa kanya na lihim niyang ipinagdamdam. Pakiramdam niya'y pinaglalaruan lang ng binata ang damdamin niya na matapos sabihin ang mga bagay na nagpaasa sa kanya ay bigla na lang siyang hindi kinausap para klaruhin ang mga sinabi nito. Hindi naman sa hindi siya nito pinapansin. Kapag nagkakasalubong sila ay alam niyang tumititig ito sa kanya at nginingitian siya pero hindi na ito nagtatangkang lumapit sa kanya. Noong isang beses na nadatnan siya nito sa kusina at kumukuha ng tubig para sa ama nito ay nanatili ito sa may kabilang bahagi ng lamesa habang nakatingin sa ginagawa niya hanggang sa nakaalis siya. Hindi niya tuloy maiwasang maturete noon. Kapag naman nagpapapang-abot sila sa kwarto ng magulang nito ay dali-dali itong nagpapaalam at mabilis na lumalabas na ipinagtataka niya rin. Mabuti na nga lang at sa umaga na lang sila madalas na magkita dahil naging abala na ito sa opisina nila ni Melanie at kapag araw naman ng sabado at linggo ay madalas na itong nagkukulong sa silid dahil may inaaral umanong kaso. Ayaw man niyang mag-isip ng negatibo ay pilit na umuukilkil sa isip niya na pinaglalaruan lang siya nito. Na marahil ay sinusubukan kung papaano nitong mapapaamo ang probinsyanang katulad niya katulad ng ginagawa nito sa mga babae sa Maynila na ikinangingitngit niya. "Bakit mukhang hindi yata maganda ang mood mo?" Puna ni Ate Mercy sa kanya isang tanghali. Nakaupo siya sa may puno ng hagdan at kakagaling niya lang sa taas para sa gamot ni Mayor Ignacio. "Ilang araw ko nang napapansin na tahimik ka. Ano bang problema mo?" "Wala po, Ate Mercy." Kunot ang noong sagot niya. Ang mga mata niya ay nakatuon ang tingin sa ilalim ng tsinelas na kanina pa niya itinataas baba. "Wala pero ganyan ang hitsura mo?" Umupo rin ito sa katabi niya. "Naglalaro ka ba?" Nilinga niya ito at umiling. "Nag-iisip lang po ako." "Kung mayroon kang problema ay pwede mo akong kausapin." "Nagka-boyfriend ka po ba Ate Mercy?" Bigla niyang tanong rito na ikinatawa nito. "Hindi po?" "Iyon ba ang problema mo?" "Hindi po 'yun." Bigla niyang bawi saka umiwas rito ng tingin. Mamaya ay baka ano pa ang isipin nito at ikwento pa kay Aling Celing. "May nanliligaw na ba sa alaga namin?" Binunggo siya nito gamit ng balikat kaya muli siyang napatingin. "Si Doc ba?" Umiling siya. "Hindi rin naman si Jez, hindi ba?" Umiling ulit siya. "Sino kaya ang iniisip ng Dianne namin?" Tumingin ito sa kisame na akala mo ay nag-iisip. "Wala 'yun Ate Mercy, huwag mo ng isipin." Kaila niya at saka humanda upang tumayo nang hawakan siya nito sa braso. "Bakit po?" "Tsismis." Bulong nito malapit sa may tainga niya saka tumingin sa taas ng hagdan. Muling kumunot ang noo niya sa sinabi nito. "Bakit po? Ano po ba yun?" Hinila siya nito palapit. "Nakita ko kagabi." "Ang alin po?" "Hindi alin. Sino?" Paglilinaw nito. "Sino po?" "Si Melanie." May bumundol na kaba sa dibdib niya pagkarinig sa pangalang iyon. "Nasa kama ni Luis kagabi noong tinawag ko siya para sa hapunan." Hindi siya kumibo at nanatili lang sa pwesto niya. Naghihintay siya ng karugtong sa sinasabi nito. "Ang siste ay naroon din si Luis." "Sa kama po?" Puno ng kuryosidad ang boses niya kahit pakiramdam niya'y may nakaharang sa lalamunan niya. "Oo. Sa kama. Walang baro ang diyaske." Tila gumuho ang pakiramdam niya. May mga sinabi pa ang kausap pagkatapos niyon pero hindi na niya naintindihan ang mga iyon. Nagmadali siya sa pagpapaalam rito at umakyat papunta sa kanyang silid at pumasok ng banyo. Mukhang tama nga ang naisip niya. Pinaglaruan lang siya nito. Habang kinikilig siya sa pinagsasabi nito ay naroon ito at kaulayaw si Melanie sa silid nito. Siguro ay pinagtatawanan pa siya ng dalawa habang pinag-uusapan kung paano siyang magpapaka-hangal sa lalaki. Nangngingitngit ang kalooban na pigil-pigil niya ang mga luha sa pagpatak. Kung mayroon man siyang maipagmamalaki ay iyon ang hindi pagsasabi kay Luis ng damdamin niya. Mabuti na lang, bulong niya sa sarili. Noon din ay nakaisip siya ng plano kung paano makaka-iwas pansamantala dito at malaking bagay iyong natanggap niyang mensahe galing doon sa dating may-ari ng bahay sa kabilang barangay. Mapapaaga raw ang alis ng mga ito. ..... Kimi at alumpihit si Dianne habang papalapit sa kwarto nina Mayor habang bitbit sa dalawang kamay ang tray ng merienda. May gusto siyang ipakiusap sa mag-asawa at lihim niyang inaasam na sana ay pumayag ang mga ito. Sabay na tumingin sa kanya ang dalawa nang bumukas ang pintuan at sumungaw siya. Itinulak niya ang pinto gamit ang balikat at lumapit sa dalawang magkaharap sa maliit na lamesa. Nagbabasa si Mayor ng diyaryo habang ang ginang naman ay may binabasang dokumento. "Dianne halika. Anong dala mo?" Inilapag ni Misis Ignacio ang papel na binabasa nito at nginitian siya. "Maupo ka dito." Itinuro nito ng isa pang upuan na naroon. "Nagluto po si Aling Celing ng meryenda kaya ito pinadalhan po kayo. Biko po ito." Inilapag niya ang dalawang platito ng biko sa harapan ng mga ito kasunod ang tubig pagkatapos ay naupo na. "Wow, yung paborito ko." Inilapag din ni Mayor ang diyaryo sa tabi nito ngunit medyo nadismaya nang makita ang kaunting biko sa lagayan sa harap nito. "Bakit kaunti lang?" "Kailangan hong ingatan ang pagtaas ng blood pressure, Mayor. Kaya yan lang po muna." "Paminsan-minsan lang naman eh." Reklamo pa rin nito na sinaway na ng asawa. "Huwag matigas ang ulo. Sa susunod na lang kapag magaling ka na." Tumango-tango ito. "Wala naman akong magagawa." "Ano ang atin Dianne?" Usisa ni Misis Ignacio nang manatili siya roon at nakatingin sa mga ito. "May sasabihin ka ba?" "Opo sana eh. Kung papayagan lang naman ho ninyo." "Ano ba yun?" Sumubo na rin ang ginang sa dala niyang meryenda. "Magpapaalam ho sana ako na kapag umalis na yung dating may-ari noong bahay sa kabilang barangay, pupuntahan ko ho sana para matingnan o malinisan man lang kaya magpapaalam po sana ako ng day off." "Walang problema sa amin. Kailan mo balak puntahan?" "Isang linggo na lang daw ho ay aalis na raw sila. Napaaga po." "Oo sige. Puntahan mo. Kung gusto mo ay isama mo si Diego at si Mercy at ng sa ganoon ay may makatulong ka." Presenta ni Mayor Ignacio na sinegundahan naman ng asawa nito. "Naku huwag po. Kaya ko po iyon. Masayado na pong nakakahiya sa inyong lahat kapag isinama ko pa sila." "Dianne." Saway ni Misis Ignacio sa kanya. "Huwag kang mahiya sa amin ano ka ba? Ang tagal na namin na kasama ka ay nahihiya ka pa rin? Tigilan mo na yan." "Pasensya na po. Pero okay lang po talaga ako. Kaya ko naman ho 'yun mag-isa." "Ikaw talaga." Inilapag ng ginang ang hawak na tinidor at hinarap siya. "Nasa opisina si Luis at Melanie, ano?" "Opo." Nagtaka siya kung bakit napasama ang dalawa sa usapan na iyon. "Alam mo, sa totoo lang gusto ko si Melanie pero sa inyong dalawa, siyempre ay mas gusto kita." Bigla nitong wika kaya napa-iba siya ng pwesto ng upo. "Gusto mo si Luis, hindi ba?" "Ma'am Agnes..." Aniya na hindi alam ang isasagot at nagpalipat-lipat ang tingin sa mag-asawa. Hindi siya handa sa tanong na iyon mula dito at hindi niya alam kung magagalit ba ang mga ito sa isaagot niya. "Agnes-" Saway rin ni Mayor Ignacio nang makitang hindi siya komportable. "Ano ba yang mga itinatanong mo?" "Sshhh. Gusto ko lang malaman kung tama ang hinala ko." Ganting saway nito sa asawa at muling binalingan siya. "Gusto mo ang Luis ko, hindi ba?" Nakagat niya ang loob ng bibig bago siya nagsalita na nakatungo ang ulo. "Ma'am Agnes, sorry po. Hindi ko po sinasadya Ma'am. Huminga ito ng malalim. "Ibig sabihin ay gusto mo nga si Luis?" Dahan-dahan siyang tumango. Ngumiti ito sa asawa nito. "Sabi ko na at tama ako. Hindi alam ni Luis?" Umiling siya. "Hindi po." Hinawakan ng ginang ang kamay niya. "Mga bata kayo." Naiiling rin nitong wika na natatawa. "Matagal ko nang alam kaya huwag kang mag-alala. Masaya ako para sa anak ko, Dianne." "Po?" "Gusto ka rin naman ng batang iyon." Wika ng ginang na nagpakaba sa kanya. Sinabi rin iyon ni Luis sa kanya pero sa ginagawa nito at ipinaparamdam sa kanya nitong mga nakaraang araw ay hindi niya iyon lubusang mapaniwalaan kahit sa bibig pa ng ginang nanggaling ang mga salitang iyon gayunpama'y kakaibang damdamin pa rin ang lumukob sa kanya. "Bakit hindi mo sabihin sa kanya? Mamaya niyan maunahan ka pa ni Melanie?" Suhestiyon nito na nagpatigil kay Mayor Ignacio sa pagkain. "Agnes, tigilan mo ang mga bata. Huwag mo silang pangunahan, ano ka ba?" Malambing na saway nito sa asawa at tumingin sa kanya. "Basta't anuman ang mangyari, huwag mo akong iiwanan ha. Ikaw ang paborito kong nurse." Napangiti siya sa dalawa at tumango-tango. Hindi niya akalain na magkakaroon siya ng kakampi sa katauhan ng magulang ni Luis. "Opo Mayor, huwag ho kayong mag-alala." "Paano? Sasabihin mo ba kay Luis?" Muling tanong ng ginang na ikinalito niya. Gusto niya muna sanang umiwas rito pero kung ganito namang may suporta galing sa magulang nito ay gusto niyang subukan. Susubukan niyang alamin kung totoo ba ang sinabi ni Luis sa kanya. Kung totoo bang mahal siya nito ng sa ganoon ay mawala na ang agam-agam niya. "Susubukan ko po." Lumapad ang ngiti ng ginang at ang asawa naman ang hinarap. "Nakakatuwa ang mga bata. Naaalala ko tuloy noong tayo ang nagliligawan." Natawa naman ang ginoo sa narinig at kinintalan ng halik ang ginang sa pisngi. Nangiti siya sa sweetness ng dalawa na parang hindi kumukupas sa paglipas ng mga taon. Iyon at iyon pa rin ang nakikita niya simula noong unang mapunta siya sa bahay na iyon. Magalang siyang nagpaalam sa dalawa ng tila hindi na mapansin ang presensya niya. "Ma'am Agnes, Mayor. Baba na po ako." "O sige, hija. Basta't huwag mong kalilimutan yung pinag-usapan natin ha?" Anang ginang. "Opo. Salamat po." Magaang ang loob na lumabas siya ng silid at bumaba sa may kusina. Hindi niya alam kung paanong sasabihin kay Luis ang damdamin niya para dito pero hanggang hindi pa siya nakakapunta sa dating tirahan ay susubukan niyang ipaalam iyon. Kung sa anong paraan, pag-iisipan niya pa. ..... Kung dati-rati ay nagkukulong si Dianne sa loob ng kanyang silid sa oras ng dating ni Luis galing sa opisina, ngayon ay lumabas siya at nanatili sa may salas upang hintayin ito. Nagkunwari na lang siyang nanonood ng telebisyon pagkatapos niyang tumulong kina Aling Celing sa pagluluto upang hindi gaanong mahalata na naghihintay talaga siya. Karaniwang dating nito ay lagpas alas-singko ng hapon pero ng partikular na hapong iyon ay medyo natagalan ito. Umabot na ng alas-sais ay hindi pa rin ito dumadating na lihim niyang ipinag-alala. Gusto na sana niyang tawagan ito sa cellphone pero pinigilan niya ang sarili. Hindi rin kasi niya alam ang sasabihin dito kung magkakausap sila. Naghintay pa siya ng ilang minuto hanggang sa marinig ang pagdating ng isang sasakyan. Sigurado siyang si Luis na iyon dahil hindi naman nila ipinatawag si Kuya Diego kaya walang dahilan upang pumunta ito sa oras na iyon. Bumusina ang sasakyan na kaagad nagpatayo sa kanya. Nakita niyang palapit si Aling Celing mula sa kusina para siguro pagbuksan ang gate pero sumenyas siyang siya na at nagmadaling lumabas. Kahit kabado ay pinanatili niyang walang emosyon ang mukha ng makita ang dalawa sa unahan ng sasakyan nang mabuksan niya ang gate. Nag-hi pa sa kanya si Melanie nang tumapat ang sasakyan sa kanya bago tumungo sa garahe. Mabigat ang loob na itinulak niya ang gate pasara. Iyong taong gusto niyang makita tuloy ay hindi man lang sumilip sa kanya. "Na-miss mo na ba ako kaya ka nagkaka-ganyan?" Anang tinig galing sa likod niya na hindi niya namalayang nakalapit na pala. Puno ng kaba sa dibdib na nilinga niya ito at inirapan. "Miss mo mukha mo. Wala lang ibang magbubukas kaya ako nandito." Pagsisinungaling niya. "Ganoon ba?" Lumapit ito at nakitulak din sa gate hanggang sa naisara nila iyon. "Akala ko na-miss mo na ako." Muling baling nito at ngumiti bago siya tinalikuran. Diretso itong lumakad papasok at iniwanan siya roon na hindi alam ang gagawin. Gusto na niyang ipagsigawan rito ang totoo niyang nararamdaman pero natatakot rin naman siya na baka laro-laro lang dito ang lahat. Paano siya kapag nagkaganoon? Naalala niya ang suporta galing sa magulang nito saka siya huminga ng malalim at sumunod papasok. Naabutan niya ito sa may kusina at may ibinibilin kay Aling Celing. Nang malingunan siya nito sa may likod ay ngumiti na naman ito sa kanya habang ang matanda ay mataman lang na nakatingin sa kanilang dalawa. "Padala na lang po, Nana." Narinig niyang wika nito bago tumalikod. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa nakaakyat ito ng hagdanan. "Ano po yun, Aling Celing?" Usyoso niya sa matanda at lumapit rito. "Hatiran ko daw sila ng maiinom ni Melanie." "Ako na po." Prisinta niya. Siya mismo ay nagulat sa sarili nang sabihin iyon. Hindi niya alam kung saan galing ang lakas ng loob niya. "Sigurado ka?" "Opo. Ano po ba ang gusto niyang inumin?" "Tubig at juice daw." "Eh yung ginawa niyong meryenda po?" "Sige, magsama ka rin." Nagsalin siya ng dalawang baso ng tubig at gumawa ng juice para sa dalawa saka iyon inilagay sa isang tray. Sinamahan niya rin iyon ng dalawang platito ng biko pagkatapos ay binitbit paakyat ng hagdan. Una niyang kinatok ang pintuan ni Melanie na tuwang-tuwa sa dala niya pagkakita niyon pagkabukas nito ng pinto. "Thank you dito, Dianne. Luto ito ni Nana?" Tanong nito pagkapasok niya. "Oo." Matipid niyang sagot at ipinatong sa bedside table ang dalawang baso at ang platito ng biko. Hindi niya kinalimutang ilagay rin doon ang tinidor na dala. "Pasabi thank you." "Sige. Sabihin ko." Aniya saka lumabas. Binagalan niya ang lakad habang papalapit sa kwarto ni Luis. Nang tumapat na siya roon ay nakailang beses muna siyang huminga ng malalim bago niya nakuhang kumatok. "Pasok." Mahinang sagot nito mula sa loob pagkatapos ng ilang beses niyang katok. Gamit ang siko ay itinulak niya ang pintuan matapos niya iyong pihitin. Madilim pa sa loob ng kwarto at hindi pa nabubuksan ang ilaw kaya natigil siya sa may pintuan. "Tao po?" Kunot noong wika niya nang walang makita sa dilim. Paano'y pati ang bintana ay sarado din at natatakpan pa ng kurtina. May bitbit siyang dalawang basong may laman kaya hindi niya maiangat ang isang kamay upang hanapin ang switch ng ilaw. "Huwag mong bubuksan ang ilaw." Ani ni Luis na hindi niya alam kung nasaan. "Huwag kang gagalaw." "Asan ka ba? Bakit kasi di ka kaagad nagbukas ng ilaw mo?" "Naligo ako." "Nasa banyo ka pa?" Parang hindi naman galing sa banyo ang boses nito. "Magbibihis na." "Magbibihis ka?" Napaatras siya ng tayo dahil sa narinig at napasandal sa may pader malapit sa pinto. Pagkadaiti ng ulo niya roon ay narinig niya ang magkasunod na pagtunog ng switch ng ilaw at ang sumunod roon ay ang pagbaha ng liwanag sa buong silid. Para siyang na-estatwa ng makita ang hitsura nito. Nakatapi lang ito ng tuwalya mula bewang pababa habang ang mahabang buhok ay basang-basa pa. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD