Hindi siya nakahuma kaagad at nanlaki ang mga mata niya sa pagkakatitig rito partikular na sa dibdib nitong may tumutulo pang tubig. Nang mapunta sa mukha nito ang tingin niya ay kumindat ito at ngumisi na nagpabalik ng huwisyo niya.
"Gusto mo ba ang nakikita mo? Hindi ba parang harassment 'yan?"
Ipinilig niya ang ulo at noon lang napansin na nanginginig pala ang dalawa niyang kamay sa pagkakahawak sa tray.
"Oops. Yung kamay mo. Huwag mong ibabagsak yang hawak mo." Mando nito sa kanya.
"Anong gagawin ko?" Natatarantang tanong at sinikap na ipirmi ang mga kamay.
"Diyan ka lang huwag ka munang kumilos. Magdadamit lang ako."
"Magdadamit ka eh nandito ako?"
"Eh ano? Mas gusto mo akong ganito?" Humarap pa talaga ito at inilahad ang sarili.
"Ang bastos mo. Sige na."
Wala sa sariling pinanood niya ang pagsusuot nito ng damit at nang shorts na ang isusuot nito ay luminga muna ito sa kanya.
"Gusto mo humarap pa ako sa'yo?" Tumigil ito at saglit na humarap. Dahil doon ay napapahiyang napapikit siya hanggang sa maramdaman niya ang paggaan ng bitbit niya at ang pagbango ng naamoy niya. "Bitaw na."
Pagdilat niya ay nasa harapan na niya ito at hawak na rin ang tray na bitbit niya. Maayos na itong nakadamit pero ang buhok nito ay basang-basa pa at may tumutulo pang tubig.
Bumitaw siya at inihawak sa seradura ang kamay na hindi gumagalaw sa pagkakatayo. Sa tingin niya ay hindi siya makakaamin dito kung ganoong hiyang-hiya siya sa ginawi niya.
"Aalis na ako." Paalam niya at hinila ang seradura.
"Hintayin mo 'to." Tumalikod na ito at lumakad papunta sa may lamesa. Ipinatong nito ang tray doon.
"B-babalikan ko na lang."
"Huwag kang lalabas, sinasabi ko sa'yo." Ngani-nganing sumigaw siya sa may pinto upang kuhanin ang pansin ni Aling Celing kung hindi lang ito muling nagsalita. "Isara mo."
Dahan-dahan niyang isinara muli ang pinto at iniiwas ang paningin rito. Pinapatuyo na nito ang buhok gamit ang tuwalya habang palakad-lakad sa loob ng silid. "M-may ipapagawa ka ba?"
"Mag-uusap tayo. Maupo ka." Turo nito sa upuang naroon. Mag-isa lang 'yun kaya hindi niya alam kung saan naman ito pu-pwesto.
Sunod-sunuran siyang naupo sa itinuro nito habang ito ay nagpunta sa banyo at pagbalik ay wala na ang ginagamit na tuwalya kanina. Diri-diretso itong lumapit sa tabi niya at nilagok ang isang basok ng tubig. "G-gusto mong maupo habang kumakain?" Alok niya sa upuan.
"No. Just sit down." Tumusok ito ng biko at sumubo. "Gawa ni Nana?"
"Oo."
Katahimikan ang sunod na namagitan sa kanila kaya ipinako niya ang tingin sa lamesa. Dinig niya ang pagkabog ng dibdib niya sa bawat nguya nito at pakiramdam niya'y naghihintay lang siyang mapasahan ng sentensya. Iyon na kaya ang oras upang sabihin niya rito ang nararamdaman niya? Pero hindi naman ito nagtatanong.
Ilang minuto siyang naghintay na matapos ito sa pagkain hanggang sa wakas ay naubos nito ang laman ng platito. Sunod nitong ininom ng isang lagukan ang juice bago siya binalingan nito.
"So, kumusta?" Parang noon lang siya nito muling nakita sa tabi nito.
"Anong kumusta?" Kumunot ang noo niya. "Naghihintay ako ng sasabihin mo. Sabi mo mag-uusap tayo?"
"Oo nga. Ito na 'yun."
"Bakit mo ako kinukumusta eh nandito lang naman ako. Wala namang iba sa karaniwan ang nangyayari sa akin."
"Okay." Anito at lumakad palayo. "E yung tungkol sa sinabi ko noong nakaraan, napag-isipan mo na ba ang tungkol doon?"
"Alin sa mga iyon? Marami kang sinabi."
Mabilis itong umikot paharap. "Yung sinabi ko na ako lang ang gustuhin mo. Gusto mo na ba ako?" Parang batang tanong nito.
Ilang beses siyang napakurap-kurap ng tingin dito at parang umaamot ng lakas na napahawak siya sa gilid ng lamesa. Ito na yata ang pagkakataong hinihintay niya! Gayunpaman ay hindi niya makuhang magsalita at nanatili lang na nakatitig dito hanggang sa magbago ang eskpresyon ng mukha nito.
Lumapit ito sa upuan at iniikot siya paharap dito. Itinukod nito ang isang kamay sa lamesa at ang isa naman ay sa may uluhan niya. Kinakabahang itinuon niya ang tingin sa may damit nito habang ang dalawang kamay ay nakahawak sa magkabilang gilid ng inuupuan.
"Sinabi ko na hindi ganoon kahaba ang pasensya ko 'di ba?" Halos pabulong na wika nito. "Pero ginawa ko ang abot ng makakaya ko para lang bigyan ka ng space. Para makapag-isip at para ma-realize mo na gusto mo rin ako. Tapos ngayon ay hindi mo man lang alam ang ibig kong sabihin doon sa mga ginawa at pinagsasabi ko? Anong gagawin ko sa'yo?" Parang frustrated na tanong nito.
"Galit ka ba? Sorry-" Naputol ang sasabihin niya ng bigla nitong sunggaban ang labi niya. Magaan lang iyon noong una at nang mapansin nitong hindi siya nakahuma ay inulit nito iyon. Ang dalawa nitong kamay na nakatukod kanina sa lamesa at sa kanyang uluhan ay ginamit nito upang maitayo siya at kalauna'y naikulong siya sa dalawang bisig na iyon. Siya nama'y naiharang sa kanilang gitna ang dalawa niyang kamay at pilit itong itinutulak kahit parang wala naman siyang lakas.
"I like you, woman. I really do. Mababaliw na ako sa'yo." Nagpapanting ang bagang na wika nito kahit nakadikit pa ang labi sa kanya. "Alam mo bang sinunod ko pa si Nana na huwag daw kitang madaliing magdesisyon but you are taking time. Sobrang tagal ko nang naghihintay." Ang hindi kaya nito pagkausap sa kanya nitong mga nakaraang araw ang tinutukoy nito? Sobrang tiim ng pagkakatitig nito sa kanya ngunit sa halip na matakot ay kakaibang ligaya ang hatid niyon sa kanya. Gusto siya ni Luis!
"B-bitawan mo na ako. Nakakahiya sa kanila. Baka kung ano pa ang isipin nila." Hindi niya maiwasang magkanda-utal dahil sa pagkakalapit nilang iyon. Nasasagi ng labi niya ang labi nito habang nagsasalita siya habang ang katawan naman nila'y sobrang dikit na kung iisipin ay imposible ng makahinga ng maayos. Iyon marahil ang dahilan kung bakit pakiramdam niya'y hihimatayin siya sa titig nitong iyon.
"So be it. Mas maiging malaman na nila para wala ka ng magawa." Ang tungki naman ng ilong niya ang hinalikan nito. Ang dalawang palad niyang nakaharang sa pagitan nilang dalawa kanina ay hindi niya namalayang bumaba na pala at nakahawak na sa magkabila nitong bewang.
"Luis-" Muli nitong sinakop ang bibig niya upang maputol ang kanyang sasabihin. Paputol-putol ang halik nito at hindi niya alam kung iyon ba ay upang pasabikin lang siya o pinipilit pa nitong pigilan ang sarili.
"Mahal kita, Dianne. Mahal kita, mahal kita, mahal kita." Bulong nitong muli sa may bibig niya. Dahil doon ay hindi na niya napigilan ang sariling mapaluha habang nakangiti. Hindi niya lubos akalain na sasabihin nito ang mga salitang iyon na matagal niya na ring kinikimkim sa sarili niya. Bumitaw ito ng yakap sa kanya at hindi alam ang gagawin na hinawakan naman siya sa mukha. "Sorry... Sorry..."
Tinitigan niya rin ito pagkatapos niyang punasin ang mga luha sa pisngi. "Gusto din kita."
Natigil ito sa ginagawa at bahagya pang napanganga. "Ano?"
"Gusto rin kita."
"Gusto mo ako?" Hindi makapaniwalang tanong nito at humiwalay sa kanya. Paatras itong naglakad papunta sa kama nito at pabagsak na naupo pero ang mga mata ay nanatiling nakapako sa kanya. "Totoo?"
"Oo."
Mula sa pagkakatitig sa kanya ay napangiti ito at nagpatumba pagkuwa'y tinakpan ang mga mata. Siya man din ay isinara niya ang mga labi kahit na natatawa sa kinatatayuan. Ilang sandali silang ganoon nang bigla itong bumangon at sa pagkakataon na iyon ay puno ng saya ang nakikita niya sa mga mata nito. Lumapit ito at ipinatong ang isang kamay sa kanyang ulo.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin kaagad?"
"Hindi ka naman nagtatanong eh." Nahihiyang nag-iwas siya dito ng tingin.
Pinaningkitan siya nito ng mata at akmang pipitikin siya sa noo kaya natakpan niya iyon. Ito naman ay nagbago ng isip at sa halip ay ang labi ang pinadapo roon na tumama sa likod ng palad niya.
"Natakot ba kita kaya mo sinasabi sa akin 'yan?" Hindi pa rin makapaniwalang tanong nito. Hawak na nito sa isa nitong kamay ang dalawa niyang palad habang ang isa nitong kamay ay nakasapo sa baba niya. "Sabihin mo kung natatakot ka lang."
Umiling siya.
"Good." Ilang sandali lang silang nagkatitigan maya-maya ay napangiti na naman ito hanggang sa tuluyan itong matawa at makabitaw sa kanya. Nakitawa siya rito noong una pero nagtaka rin siya kung bakit ganoon ang reaksyon nito. Pinaglalaruan lang ba siya nito? Nang mapansin nitong nananahimik na siya ay tumigil ito at hinawakan siya sa mukha. "Sorry. Hindi ko lang mapigilan."
"Niloloko mo lang ako, no?" Pigil ang inis na tanong niya. Parang hindi kasi ganoon ang reaksyon ng mga napapanood niya sa T.V. kapag nagkakaaminan na ang mga bida. Ibang-iba kaysa sa ginagawa nito ngayon.
"Of course not." Sinubukan nitong sumeryoso pero natatawa talaga ito kaya siya na ang bumitaw rito at sinuntok ito sa braso.
"Gusto mo lang talagang malaman kung gusto kita di ba? Tapos ngayong alam mo na pinagtatawanan mo na ako. Salbahe ka."
"Aray ko naman." Sinapo nito ang nasaktang braso at ikinunot ang mukha pero halatang natatawa pa rin. "Isipin mong kaso na naman to. Kanina may s****l harassment ka sa akin tapos ngayon naman assault. Grabe ka."
"Salbahe ka talaga." Kinagat niya ang ibabang labi upang pigilang mapahikbi. "I hate you na. Ayoko na sa'yo."
"Uy teka lang naman. Ang bilis naman 'nun. Kakasabi mo lang na gusto mo ako tapos ngayon hate mo na ako kaagad? Hindi ikaw ang tinatawanan ko, ano ka ba?" Alo nito sa kanya na umakmang yayakapin siya kaso nga lang ay malakas niya itong tinatabig.
"Eh sino? Dalawa lang naman tayo dito?"
Itinuro nito ang sarili. "Ako. Sarili ko ang tinatawanan ko."
"At bakit naman?"
"Wala lang."
"Kita mo. Wala kang maisagot kasi tama ako." Tumalikod siya rito pero nahila rin siya nito kaagad. Muli siyang nakulong sa mga bisig nito at hinalikan sa labi kaya naipikit niya ang mga mata. Sa pagkakataong iyon ay mas malalim at makapugto-hiningang halik na ang ibinigay nito sa kanya na nagpahina lalo sa mga tuhod niya. Kung hindi nga lang siya nito yakap-yakap ay baka bumagsak na siya sa sahig.
Dahan-dahan ang ginawa nitong pagbitaw sa labi niya hanggang sa paglalayo ng mga mukha nila. Pareho silang hinihingal habang ang mga dibdib ay parehong tumatambol sa kaba. Sa pagkakataong iyon ay wala na ang tawa nito at nakatitig na lang ng matiim sa kanya. "Hindi ikaw ang tinatawanan ko, okay? Ako 'yun. Sarili ko dahil doon sa mga ginawa ko." Mas kinabahan pa siya lalo dahil sa uri ng titig nito. "Ngayon, gusto mo pa bang magtagal dito sa kwarto ko?"
Umiling siya at dahan-dahang umalis mula sa pagkakahawak nito na akala mo'y isang bomba na anumang oras ay pwedeng sumabog. Hindi siya ganoon ka-inosente pagdating sa uri ng tingin nito. Bilang nurse ay alam niya ang bawat physical na reaksyon ng lalaki sa mga stimuli at ang tingin nito ngayon ay hindi magandang pangitain. Mas nakakatakot pa iyon kaysa noong gabi ng party bagama't hindi ang mga iyon nagkakalayo. Mabilis siyang tumalikod at kinuha ang tray na nasa lamesa nito. Kahit umaalog-alog ang dalawang baso habang naglalakad siya palabas ng kwarto ay himalang hindi iyon bumagsak hanggang sa nakababa siya sa kusina. Mabuti na lang at wala doon sina Aling Celing at Ate Mercy kung kaya ay walang nagtanong sa kanya kung bakit natagalan na maibaba ang mga ginamit ni Luis sa meryenda samantalang maghahapunan na.
.....
Habang nasa hapunan ay pinilit ni Dianne na mai-pokus ang atensyon sa kinakain kahit na ramdam na ramdam niya ang tingin ni Luis mula sa katapat na upuan. Simula kanina pagbaba niya kasama sina Mayor at Misis Ignacio ay tahimik na ito pero maya-maya ang tingin sa kanya bagama't pilit na itinatago sa mga kasama nila sa lamesa.
"Luis," Tawag ng mama nito sa katabing upuan. "Lalamig na na 'yang pagkain mo. Wala ka bang gana?"
"Okay lang po ako, Ma. Kain lang kayo."
"Bakit tamilmil kang kumain?"
Ramdam niyang bumaling muna ito sa kanya bago ibinaba ang tingin at tinusok ng hawak na tinidor ang ulam na isda. "Nabusog po ako doon sa meryenda na niluto ni Nana."
"Ah." Tango ng ginang. "Pero kumain ka pa din. Mamaya ay magutom ka pa."
"Yes Ma." Masunuring sagot nito at sa sulok ng mga mata niya ay muli itong tumingin sa kanya bago tumingin kay Mayor na katabi niya. Parang nagkakaintindihan ang tingin ng dalawa bago ibinaling ang atensyon sa kani-kanilang pagkain.
Natapos sila sa hapunan na parang hindi sumasayad ang pagkain sa kanyang tiyan bagama't naubos niya ang laman ng kanyang pinggan. Dahil maya-maya pa naman ang oras ng inom ng gamot ni mayor ay nanatili muna sa may salas ang mag-asawa pagkatapos kumain at nanood muna habang nagpapababa ng kinain. Nag-prisinta na lang siyang tumulong na maghugas ng pinggan at pinayagan naman siya ni Aling Celing.
"Aling Celing ako na po dito. Kumain na po ba kayo?" Tanong niya rito. Naroon ito sa may likod niya at nagpupunas sa kanugnog ng lababo.
"Oo. Nauna kami kanina ni Mercy. Paano ay nagugutom na yung isa kaya sinamahan ko na. Ayun tuloy at nanonood na lang siya." Luminga ito sa sala.
"Bakit hindi ho kayo manood din? Ako na po ang tatapos nito." Nagsasabon na siya ng mga pinggan.
"Bayaan mo na ako rito. Minsan na lang kitang makasama eh."
"Miss niyo na po ba ako?"
"Oo naman. Alam mo naman na maliban kay Luis ay ikaw lang ang inalagaan ko."
"Salamat, Aling Celing."
"Kumusta naman kayo?"
Kinabahan siya. " Nino po?"
"Sino pa ba, e di si Luis."
Naisara niya ang bibig ng wala sa oras dahil sa hindi niya alam kung anong sasabihin.
"Huwag ka ng mahiya sa akin. Nagsabi na sa akin si Luis." Tumabi ito sa kanya. "Basta't ang maipapayo ko lang sa'yo... sa inyong dalawa na hindi kayo magmadali. May dapat na panahon ang mga bagay-bagay at ang huli ay dapat na ihuli. Nakukuha mo naman hindi ba?"
Nakakaintinding tumango siya. "Naintindihan ko po at wala ho kayong dapat na ipag-alala." Napaisip siya ng ilang saglit at napakunot-noo. "Wala naman ho kaming... relasyon."
Binalewala nito iyon. "Pasaaan ba at darating din kayo doon. Basta't ang sabi ko ay huwag kayong magmadali."
Noon niya lang din naisip na wala pala silang usapan tungkol sa relasyon. Sinabihan siya nitong mahal siya. Nagsabi rin siyang gusto niya ito. Hinalikan na siya nito- ng ilang beses na nga- pero hindi pa niya matatawag na mag nobyo sila lalo at wala rin namang binaggit si Luis tungkol doon.
Nahihiyang tumango siya. Kung malalaman lang ni Aling Celing na nauna na ang dapat na huli ay madidismaya ito sa kanya.
Nakaakyat siya sa kwarto niyang iyon ang nasa isip niya.
.....
Nakahiga na sa kama si Dianne nang makarinig ng katok sa kanyang pinto. Dali-dali niya iyong pinuntahan sa pag-aakalang emergency pero bahagya siyang nagulat nang ang nakapamulsang si Luis ang tumambad sa kanya. Kahit may inaalala siya ay hindi pa rin niya maiwasang hindi kabahan sa simpleng presensya nito doon sa pintuan. Kaunting bukas lang ang ginawa niya sa pinto at humalukipkip siya roon sa espasyo.
"Bakit?" Mahinang tanong niya.
"Just want to say goodnight." Sagot din nito sa mahinang boses.
"Okay."
"Goodnight." Anito.
"Goodnight din."
Hindi ito nagtangkang halikan siya ulit o pumasok ng kwarto. Bago ito tumalikod ay ipinatong lang nito ang isang kamay sa ulo niya at ginulo ang kanyang buhok. Habang sinusundan ito ng tingin ay dalawa tuloy bigla ang alalahanin niya. Tungkol sa kung ano ba talaga ang relasyon nila at kung ano ang ibig sabihin ng paglalagay nito ng kamay sa kanyang ulo?
Gawain na kasi nito iyon high school pa lamang sila.
.....