Araw ng unang sahod ni Dianne. Umaga pa lamang ay gumayak na siya para sa mga pang-umagang gawain hanggang sa oras ng almusal kung saan ay kasama niya sa pagbaba si Mayor sa kusina. Wala noon si Misis Ignacio na pumunta ng Maynila dahil sa meeting kasama ang kapatid na namamahala sa business nito kaya a-apat lamang silang nakadulog sa lamesa.
Katulad ng mga nakaraan ay nagku-kwento si Melanie na akala mo ay hindi nauubusan ng sasabihin tungkol sa mga bagay-bagay mula sa kasong hawak nito kasama si Luis, sa progreso ng paggaling ni Mayor hanggang sa mapadako ang usapan sa kanya.
"You're glowing, Dianne. Gusto ko ang kulay mo. Do you have any particular beauty regimen?"
Mula sa atensyon sa kinakain ay nagtaas siya ng mukha upang salubungin ang tingin nito pero hindi niya maiwasang mapatingin rin kay Luis na nasa tabi lang nito at mataman rin na nakamata sa kanya. Ilang araw na nakakalipas simula nang umamin sila sa isa't-isa pero hanggang sa mga oras na iyon ay wala pa ring klaro kung ano ba talaga sila.
Minsan ay bigla na lang siya nitong susunggaban at yayakapin na parang hindi inaalala ang mga makakakita sa kanila at kapag umuuwi ito galing sa trabaho ay magre-request ito na dalhan niya ng meryenda sa loob ng silid nito kaya nahahalikan siya nito ng libre pero kahit isang beses ay hindi nito binabanggit kung ano bang relasyon ang mayroon sila.
Pakiramdam niya tuloy ay para siyang may bawal na relasyon dito dahil sa mga ginagawa nila bagama't hanggang sa ganoon lang naman sila umaabot. Kung ang tinutukoy ni Melanie na glow ay ang hiyang nararamdaman niya sa tuwing titingnan siya ni Luis o kahit na sino sa loob ng bahay, may kalakip kasi iyong pag-aalala na baka malaman ng mga ito ang ginagawa nilang dalawa at hindi niya iyon beauty regimen. Hindi niya planado iyon at lalong hindi niya iyon ginusto.
Tipid niyang nginitian si Melanie na noon ay nahihintay ng sasabihin niya pagkatapos ay umiling dito.
"So, that is really natural? Wow." Anito at sumubo ng pagkain at bumaling kay Luis. "You know how I like girls with morena skin, right? I think it suits me best also."
Totoo? Naiinggit ito sa kulay niya? Pero napakaganda nitong babae. Mala sutla sa kaputian ang balat nito at mahihiya ang sinuman na tumabi rito kung ipangangalandakan nito ang taglay na kulay.
"Stop complaining. Kumain ka na lang diyan kung ayaw mong iwanan kita dito." Saway ni Luis na sige rin sa pagkain pero mahahalatang nagbago ang aura.
"I'm not complaining, I am just fascinated with Dianne's skin tone." Tumitig ito sa kanya na nagbigay ng discomfort sa kanya. Mabuti na lang at tumikhim si Luis kaya nabaling uli dito ang atensyon ng babae. "What?" Makahulugang tingin ang ibinigay rito ni Luis na pagkuwa'y tinanguan nito. "Fine."
Kung anuman ang ibig sabihin ng tinginang iyon ay hindi niya alam pero lihim iyong nagbigay ng kurot sa puso niya.
"Dianne, pwede paabot ng kanin?" Pakisuyo ni Mayor sa tabi niya pero naunahan siya ni Luis at ito ang nag-abot sa ama nito.
"Mayor, huwag na po madami, ha." Paalala niya. Nakinig naman ito at kakaunting kanin na lang ang kinuha sa pinggan.
"Natawagan mo na ba si Doc?" Tanong ng ginoo.
"Hindi pa ho." Kailangan niya pa palang mag-update kay Doctor Arevalo tungkol sa monthly health monitoring ni Mayor Ignacio dahil doon magbabase ang doktor kung bababaan ba ang dosage ng gamot na iniinom ni Mayor o mayroong kailangan palitan. "Mamaya po pagkaakyat nalang ninyo sa taas. Baka ho kasi gusto niya din kayong makausap."
"Para saan, Pa?" Singit ni Luis.
"Doctor's order. It's just monitoring." Matipid na sagot ng ginoo at muling itinuon ang atensyon sa pagkain.
"Sinong doctor ang kakausapin mo?" Tanong ulit ni Luis pero hindi siya tumingin dito kaya hindi niya alam na sa kanya pala naka-direkta ang tanong nitong iyon. "Dianne-" Seryosong tawag nito sa pansin niya. "Sinong doctor ang tatawagan mo?"
"Ah. Si Doctor Arevalo."
Binitawan nito ang kutsara. "Alam ko. Yung tatay o yung anak?"
Sabay na nagtaas ng tingin sina Melanie at Mayor Ignacio at salitan silang tiningnan.
"Depende sa availability nila. Kapag available si Doctor Arevalo, siya yung makakausap ko pero minsan nagbibigay din siya ng instruction kay Martin tapos si Martin na yung nagsasabi sa akin. Pero ngayon dahil kailangan kong i-report yung progress ni Mayor, dapat ay si Doctor Arevalo ang makausap ko."
"Okay." Anito at matapos pa ang ilang subo ay tumayo na. Matapos nitong magpaalam sa ama ay nauna na itong umakyat at iniwanan sila. Sinundan na lang niya ang likod ni Luis habang nagtataka kung bakit naging ganoon ang iginawi nito.
"I'm smelling something sweet and jelly." Ngiti ni Melanie sa kanya. Siya nama'y hindi kumibo at nanatiling kumain hanggang sa naubos ang laman ng pinggan pagkatapos ay sinamahan niyang umakyat si Mayor sa taas para sa gamot nito at sa tawag na gagawin sa doktor.
.....
Pagkatapos niyang makausap sa telepono si Doctor Arevalo at ang dietician ni Mayor Ignacio ay nagpaalam na siya rito at pumasok sa kanyang silid. Lagpas alas nueve na iyon ng umaga kaya tantiya niya ay nakaalis na sina Melanie at Luis papunta sa opisina ng mga ito.
Nilakihan niya ang bukas ng bintana at hinayaang pumasok ang malamig na hangin na nanggagaling doon. Dumungaw siya at tiningnan ang langit. Simula noong umaga ay makulimlim na iyon bagama't hanggang sa mga oras na iyon ay wala namang ulan.
Nang makaramdam ng antok ay humiga siya sa kama at ninamnam ang lamig ng hangin. Bumaling siya sa maliit na cabinet at nakita niyang may nakapatong roon na puting sobre. Umupo siya at umusog roon. Kinuha niya ang may kakapalang sobre na sa labas ay may nakasulat na pangalan niya at ang buwan na natapos. Tiningnan niya ang laman niyon.
Sahod niya? Binilang niya iyon at kumpletong sahod nga niya ang halagang iyon.
Tiningnan niya ang loob ng sobre sa pagbabaka-sakaling may lamang sulat o maiksing good morning message man lang pero wala. Naiinis niyang inilapag iyon at muling nahiga.
Hindi sila nagpang-abot kaninang umaga noong unang punta niya sa kwarto nina Mayor. Sa kusina naman ay biglang nagbago ang timpla nito at hindi man lang nagpaalam bago umakyat upang maghanda sa pagpasok. Hanggang sa nakaalis ito ay hindi niya man lang ito natingnan sa mukha ng maayos at sa buong umagang iyon ay ang pag-uusap lang nila sa hapag-kainan ang pag-uusap na naganap sa pagitan nila.
Pabuntung-hiningang tumagilid siya ng higa. Na-miss niya ito bigla.
Upang palisin ang nararamdamang lungkot ay tumayo siya at iniligpit ang pera pagkatapos ay bumaba at tinungo ang kusina. Nadatnan niya roon sina Aling Celing at Ate Mercy na naghahanda ng pagkain para sa tanghalian.
"Anong ginagawa mo dito?" Bungad ni Ate Mercy pagkarating na pagkarating niya doon.
"Tutulong po ako."
"Hindi pwede." Pagsusungit nito. "Mamaya ay mapagalitan kami ni Luis kapag nalaman na nandito ka na naman."
"Bakit naman po siya magagalit? Ayaw pa ba niya 'nun, masusulit niya yung bayad niya sa akin?" Biro niya at lumagpas dito. Tumabi siya kay Aling Celing. "Ano po ang iluluto niyo?"
"Heto. Salmon naman." Naghuhugas ito ng isda sa lababo. Panay sila isda dahil iyon ang isa sa mga pagkaing mabuti para sa kalusugan ni Mayor Ignacio kasama ang gulay. "Ano ba ang sabi ng doktor? Ganoon pa rin ba yung pagkain niya?"
"Opo. Ganoon na po talaga 'yung pagkain ni Mayor. Hindi na po yan magbabago pero pwede po tayong gumawa ng sa atin." Masaya niyang ngiti sa mga ito. Si Ate Mercy ay lumapit din at naki-usyoso. "Sahod ko po ngayon. Ano pong gusto niyong pagkain?"
"Kaya pala ganyan ang ngiti mo." Puna ni Aling Celing. "Huwag ka ng gumastos at marami namang pagkain rito. Gamitin mo nalang 'yan para sa mas mahalagang paggagamitan mo."
"Oo nga naman, Dianne." Segunda ni Ate Mercy. "Alam naming malaki-laki ang bayaran mo kaya huwag ka ng gumastos tutal marami namang pagkain. Kita mo, may isda tayo at mayroon pang dalawang luto ng gulay. Sapat na 'yun."
Umingos siya. "Gusto ko po sana kayong i-treat eh."
"Para sa ulam? Huwag na." Pinal na sagot ng matanda saka hiniwa ang isda.
Lamukos ang mukhang dumako siya sa maliit na mesa kung saan nakalagay ang mga gulay na lulutuin nila. Kinuha niya ang kutsilyo at binalatan ang kalabasa. Isa ang kalabasa sa pinakamasustansiyang pagkain na nakakapag-pababa ng dugo at madalas nga ay isa iyon sa niluluto nila.
"Kung gusto mo ay magluto na lang tayo mamaya ng saging na saba, yung nilaga lang para pwede yung pasyente natin."
"Wala po tayong saging, Aling Celing."
"E di iyon ang bibilhin mo."
Tumango siya. "Sige po. Kami na lang ni Ate Mercy ang pupunta sa palengke para bumili ng saging mamaya pong hapon."
"O sige. Sa ngayon ito na muna ang asikasuhin natin."
Tahimik na nilang ipinagpatuloy ang pagluluto at nang matapos sila ay pinuntahan naman niya si Mayor Ignacio upang pababain para sa tanghalian. Nasa may bintana ito at nakatanaw sa labas.
"Pwede ba akong lumakad na ng malayo-layo? Napapagod ako na hanggang diyan sa labas lang ang naabot ko. Baka pwede namang lumayo-layo?"
Nilapitan niya ito at tumanaw din siya sa may bintana. "Pwede naman po. Gusto niyo po bang sumama mamaya? Hindi naman po mainit sa labas ngayon. Bibili po kami ni Ate Mercy sa palengke ng saba na pang-laga."
Parang bata ang ginoo na nagliwanag ang mukha. "Oo sige. Huwag niyo akong iiwanan."
"Opo. Ako po ang nag-alok sa inyo e."
"O sige."
"Pero ngayon ho ay kain muna tayo ng tanghalian dahil iinom na kayo ng gamot."
Magkasabay silang bumaba sa kusina at kasama sina Aling Celing ay sabay-sabay silang kumain ng tanghalian.
Katulad ng napag-usapan, pagkatapos nilang kumain ay pinagpahinga niya lang saglit si Mayor pagkatapos ay tinawag na niya ito upang makaalis na sila papuntang palengke kasama si Ate Mercy. Pero bago sila umalis ay sinabihan niya itong magsabi sa kanya kung sakaling makaramdam ito ng pagkahilo o anumang hindi maganda habang nasa labas sila at sumang-ayon naman ito. Nilakad lang nila ang papunta roon upang makapaglakad-lakad ang ginoo at balak niyang mamaya na pauwi sila sasakay sa trycicle dahil may bitbit na rin sila.
Nakakatuwang makita na lahat ng makasalubong nila ay bumabati kay Mayor Ignacio at ang iba ay masaya pang nakikipag-kamay. Hanggang sa nakarating sila sa palengke ay hindi lang yata bente katao ang nakamayan nito. Pati ang mga nagtitinda ay hindi rin nakatiis at nakipag-kamay rin kay mayor na naging dahilan upang sumaya ito hanggang sa nakauwi sila sakay ang isang trycicle.
Pagkarating nila ay nadatnan na nila sa bahay si Misis Ignacio na kaagad nag-alala sa asawa pero nang makitang masaya ang esposo nito ay kumalma din naman kaagad.
Ilinaga nila ang nabiling saba at nang maluto ay saba-sabay silang kumain niyon sa may harden.
Isa-isa niyang tiningnan ang mga kasama. Nakakatuwang isipin na kahit maliit lamang ang naibigay niya sa mga ito ay nagbigay pa rin iyon ng tuwa sa kanila at maliban pa roon ay nakalimutan niya rin pansamantala si Luis at ang pagsusungit nito noong umaga.
.....
Nanatili si Dianne sa loob ng silid hanggang hapon. Nang marinig niya ang busina ng sasakyan sa labas ng gate ay dumungaw siya sa bintana at sinilip iyon.
Gusto niyang makita si Luis pero hindi niya alam kung papansinin ba siya nito sa pagkakataong iyon. Nanatili siya roon sa bintana hanggang sa tuluyang nakapasok ang sasakyan sa may garahe kung saan ay natatakpan na ng bubong.
Luminga siya sa may lamesita niya at nakita sa ibabaw niyon ang cellphone niya. Mapa-Maynila o San Isidro ay walang silbi sa kanilang dalawa ang bagay na iyon. Paano ay wala namang gumagamit niyon sa kanilang dalawa para kausapin ang isa kapag may problema man sila o wala.
Bumalik siya sa kama at naupo.
Naisip niyang magdala na lang ulit ng meryenda sa lalaki upang makausap lang niya ito pero kaagad din niyang inalis ang ideyang iyon sa pwede niyang gawing dahilan. Kapag kasi pinaiwanan lang nito iyon ay wala na siyang magagawa pa.
Nahiga siya at ginalugad sa utak ang solusyon na maaari niyang gawin nang bigla siyang napatayo. Kinuha niya ang perang natanggap kaninang umaga sa pinagtaguan at kinuha ang kalahati. Inilagay niya iyon sa ibang sobre at isinuksok sa bulsa saka nagmamadaling bumaba sa kusina. Naabutan niya roon si Aling Celing kaya tinanong niya ito kaagad kung nahatiran na si Luis ng meyenda.
Nag-prisinta siyang siya na ang maghahatid nang malaman na hindi pa ito nahahatiran. Siya pa mismo ang nagbalat ng bagong saing na saba.
"Hatiran ko na din po si Melanie." Madali niyang sabi.
"Huwag na. Titimplahan ko pa 'yun ng juice kaya si Mercy na ang pahahatirin ko. Sige na dalhin mo na yan doon."
"Sige po." Mabilis siyang lumakad palabas ng kusina at umakyat ng hagdanan pero nang malapit na siya sa may pinto ng silid ay bigla na lang siyang kinabahan. Ilang beses siyang huminga ng malalim bago kumatok ng sunod-sunod at kahit walang sagot mula sa loob ay binuksan na lang niya iyon at pigil ang hiningang pumasok.
Padapa itong nakahiga sa kama. Pagod nga siguro ito na hindi man lang nakuha pang magbihis ng suot na damit.
"Nana, palagay na lang po diyan." Mahinang wika nito na halos hindi umabot sa kanya.
Ilinapag niya ang dala sa lamesa at nanatili doon sa loob habang nakatingin dito.
"May kailangan pa kayo, Nana?"
"Ano-"
Bumaling ang mukha nito paharap sa kanya nang marinig siyang magsalita gayunpama'y parang balewala lang dito ang presensya niya.
"Nagdala ako ng meryenda. Baka gusto mong kumain muna."
"Uh." Tanging binanggit nito at bumalik sa pagbaling sa kabila.
"Ano-" Kagat ang labing nag-apuhap siya ng sasabihin. "K-kami ni Ate Mercy yung bumili niyan kanina sa palengke. Kasama namin si Mayor kasi gusto na niyang maglakad-lakad sa labas..." Parang siyang ewan na kung ano-ano ang lumalabas sa bibig. "A-ako yung nagbili niyan. A-ko rin ang n-nagbalat."
"Uh. Salamat." Muli ay mahinang wika nito. Hindi niya na alam ang sasabihin pero nanatili lang siya roon. Makaraan ang ilang saglit ay kumilos ito sa pagkakadapa at naupo. "May kailangan ka pa?"
Noon niya naisip yung pera sa bulsa niya. Kinuha niya iyon at inilagay din sa lamesa. "Di ba sabi ko magbabayad ako kapag sahod ko? Ito na 'yun. Tingnan mo na lang kapag nakapag-pahinga ka na."
"Sige."
Alumpihit siyang nanatili sa kinatatayuan dahil sa pag-aalalang palabasin na siya nito.
"May sasabihin ka pa?" Hindi galit ang boses nito pero halatang hindi rin interesado sa kanya at sa sasabihin niya.
Tumango siyang nakasara ang dalawang labi. "Meron."
"Sabihin mo na."
Sumasakit ang dibdib niya sa pambabalewala nito gayunpama'y sinabi niya pa rin ang nasa loob niya simula pa kaninang umaga. Pinaghawak niya ang dalawang kamay sa kanyang likuran "Na-miss kita."
"Ha?" Pagka-klaro nito. Hindi yata nito narinig ang sinabi niya.
"Na-miss kita."
Sandali itong nanahimik at nakatingin lang bago sumagot. "Sige."
Tumango siya at naramdaman ang pamumula ng mga mata. Hindi niya alam ang nangyari at naging ganoon sila kaya masakit ang loob na tumalikod siya rito at nagsisising pinuntahan niya pa ito.
.....