CHAPTER FORTY

2688 Words
Hawak na ni Dianne ang seradura ng pintuan nang magsalita muli si Luis. "Hindi mo ba hihintayin ang sagot ko?" Linunok niya ang nararamdamang nagbabara sa lalamunan dahil sa napipintong pagluha. Kung masakit mabalewala nito noong nasa Maynila ito ay mas masakit ngayon na naroon ito at kasama niya. "Sinabi mo na na 'okay'. May iba ka pang sasabihin?" Hindi lumilingon na sagot niya. Narinig niya ang yabag ng mga paa nito palapit sa kanya at ang sunod niyang naramdaman ay ang pagdikit nito sa likod niya. Ang isa nitong kamay ay pumatong sa kamay niya at inalis sa pagkakahawak niya sa seradura. "I miss you too." Bulong nito sa tainga niya at yumakap mula sa kanyang likod. "Eight hours tayong hindi nagkita at hindi nagkausap. Na-miss din kita." Tuluyan na siyang napaiyak. Kung bakit kasi pagdating dito ay nagiging madamdamin siya. "Shhh. Sorry na." Idinikit nito ang mukha sa kanya at maya-maya ay iniikot siya paharap dito. "Patingin nga." Nang makita nitong sige pa rin sa pagtulo ang luha niya ay yinakap siya nitong muli. "Shhh." Dahil sa dibdib nito siya nakasubsob ay nabasa ang damit nito pagbitaw niya. Hindi naman nito iyon pinansin at sinipat nito ang mukha niya. "Okay ka na?" Tumango siya. "Hindi mo ba aalamin kung bakit naging ganoon ako?" Malumanay nitong tanong na para siyang batang paslit na tinuturuan ng leksyon. Tinitigan niya ito. "Bakit?" Pinagdikit nito ang mga labi at muli siyang niyakap. "Nagseselos ako." "Bakit?" Gusto sana niyang kumawala at makita ang mukha nito pero hindi siya nito binitawan. "Kung bakit, iyon ay dahil casual lang sa'yo na banggitin ang pangalan ng taong pinagseselosan ko at kung sino, iyon ay si Doc Martin." Naalala niya ang mga itinanong nito sa kanya kanina habang nasa almusal sila. "Si Doc Martin? Nakakausap ko nga lang 'yun tungkol kay Mayor at saka hindi ko nga 'yun nakausap noong party." "Alam ko." Anito at hinalikan siya sa ulo. "Tumawag siya sa telepono isang beses, ako yung nakasagot. Sabihin ko daw sa'yo na tatawag siya para magkausap kayo tungkol doon sa itatanong niya sana sa party. Hindi ka na daw kasi niya nakita hanggang sa nakaalis siya." "Kailan siya tumawag?" "Hindi ko na matandaan." "Ah." Tanging nasambit niya. Unti-unti niya ng naintindihan ang mga ginawa nito. Hindi niya mapigilan ang pagguhit ng ngiti dahil sa nalaman. Masarap pala ang pakiramdam na may nagseselos dahil sayo. Naramdaman nito ang pag-ngiti niya at inilayo siya pagkakayakap nito. "At nakangiti ka pa talaga, ha?" "Masarap pala yung pakiramdam na may nagseselos dahil sa'yo, no?" Pinisil nito ang magkabila niyang pisngi pagkatapos ay bumitaw. Lumakad ito papunta sa lamesa at ininom ang tubig na dala niya. "Sinabi ko naman sa'yo na seloso ako di ba?" Tumango siya habang nakasunod dito ng tingin. "Ikaw ang nagbalat nito?" "Oo." Tumusok ito ng isa gamit ang tinidor at nakangiting kumagat pagkatapos ay tumingin sa kanya. "Ang tamis." "Si Mayor ang pumili niyan eh." Umiling ito at ihinawak sa kabilang braso ang isang kamay habang nakatitig. "Hindi yung saging. Ikaw." Nababaliw na nga yata siya. Kanina lang ay umiiyak siya tapos ngayon ay nag-uumapaw naman ang puso niya sa kilig. "Pagkatapos mo akong paiyakin kanina sasabihin mo yan." Ingos niya. "Sorry na." Binitiwan nito ang tinidor at lumapit muli pagkatapos ay ginawaran ng paisa-isang halik ang kanyang labi. Siya nama'y humawak na sa bewang nito. "At saka salamat din sa treat mo." "Walang anuman. Sige na kainin mo na yun. Lalabas na ako at baka mag-alala si Aling Celing. Hanggang ngayon ay di pa ako lumalabas dito." "Ano naman? Mag-boyfriend naman na tayo." "Ha?" Napabitaw kaagad siya dito nang marinig iyon. "Mag-boyfriend? Tayo?" Napakunot ito ng noo sa pagtatanong niya. "Oo. Bakit?" "Hin-di- ko-a-lam." Paputol-putol na wika niya kasabay ng mahinang pag-iling. "Tayo na talaga?" Hindi makapaniwalang tanong niya na hindi mapigilan ang pagngiti. Pinag-krus nito ang dalawang braso at mataman lang siyang tiningnan. Sumeryoso na ang mukha nito at sumingkit pa ang mga mata kaya natigil siya sa kanyang ginagawa. "Kung hindi tayo, ano ang ibig sabihin ng pagtatapat ko sa'yo at 'yung pag-amin mo? At saka ilang beses na tayong nag-kiss." Parang di rin makapaniwalang paliwanag nito. "Ano lang ang mga 'yun sa'yo?" "Galit ka?" Parang biglang bumigat ang mga paa niya dahilan upang magbago siya ng pwesto sa pagkakatayo. "E wala ka naman kasing sinsabi eh. At saka yung halik, dati mo na akong hinalikan, noong bagong dating ka. Natatandaan mo yun? Noong binigay mo yung pasalubong mo?" "At saka noong pagkagaling natin ng hospital." Inalala niya ang sinabi nito at nanlaki ang mata ng maisip iyon. "Hindi yun panaginip?" "Hindi. Totoong halik 'yun." Umingos ulit siya at luminga-linga sa buong silid. Mag-isa lang siya sa gitna niyon habang ito ay matamang nakatingin sa kanya. Para siyang specie na nasa masusing inspeksyon. "Kita mo na? Ilang beses mo na akong hinahalikan." "E di matagal ng tayo. Hindi mo lang alam." Pamimilosopo nito. "Pero, ngayon alam mo na. Tayo na. Boyfriend mo ako, girlfriend kita." Muli siyang napangiti."Totoo 'yun?" "Oo nga. Akala ko ba ako ang casual lang makipaghalikan? Sa nakikita ko ngayon ay parang ikaw ang walang commitment sa mga kiss mo? Huwag mong sabihing ilang lalaki na ang nakahalik sa'yo?" Muli itong sumeryoso. Naipadyak niya ang isang paa. "Ikaw lang, no. Nakakainis ka." "Good. Ibig sabihin lang ay maganda ang pagpapalaki ko sa'yo." Mahinang bulong nito. "Ano 'yun?" Umiling ito. "Tungkol sa commitment ang sinabi ko." "May commitment ako kaya nga ako narito ngayon eh." Inis niyang paliwanag. "Ako ang naunang nagsabi na miss kita. Pero siyempre iba pa din yung maririnig mo na opisyal na talagang kayo. Ngayon mo lang naman sinabi eh." Mula sa pagkaka-krus ng dalawang kamay ay ibinuka nito ang dalawang braso at lumakad palapit sa kanya. Malapad ang ngiting yumakap ito ng mahigpit. "I thought you might be able to read between the lines." Kinurot niya ito sa tagiliran. "Shhh. Huwag kang magulo." Saway nito sa kanya at hinawakan siya sa magkabilang pisngi. "Sige para malinaw, tayo na. Kung gusto mo ng araw, i-set natin siya ngayon tutal ngayon mo lang nalaman na tayo na pala. Okay na ba tayo?" Parang birong wika nito. "Oo." Pigil ang ngiti sa labi niya pagkuwa'y kilig na kinausap niya ang sarili. "May boyfriend na ako." "Oo. Meron na at ako 'yun, huwag mong kakalimutan." "Paano kaya kita kakalimutan?" "Malulungkot ka lang kaya huwag mo ng subukan." Buska nito sa kanya kaya napasimangot siya. Pinisil naman nito ang tungki ng kanyang ilong at mahinang bumulong. "Let's have our official first kiss?" "Uh." Pumikit na siya kaagad pero lumipas na ang ilang segundo ay hindi pa rin lumalapat ang labi nito sa kanya. Dumilat siya at nakita itong nakatitig lang habang kumikislap ang mga mata. "Bakit-" Hindi na niya natapos ang itatanong dahil noon din ay sinilyuhan nito ang labi niya ng isang malalim na halik. Awtomatiko ring napapikit siya ng lumapat ang labi nito sa kanya. Ninamnam niya ang paglilikot ng dila nito sa loob ng bibig niya pero hindi nito tuluyang pinalalim ang halik nitong iyon. Kusa itong bumitaw makaraan ang ilang sandali. Nagtungo ito sa pinto at binuksan iyon. "Gusto kong mag-stay ka lang pero hindi pa pwede. It's time to leave." Naintindihan niya ang ibig sabihin nito. "Okay. Lalabas na ako. Diyan na lang yan." Turo niya sa dalang tray kanina. Ngumiti ito at hinayaan siyang makalapit sa pintuan. Pagtapat niya rito ay hindi kaagad siya humakbang palabas. Luminga siya dito at parang may sariling isip ang mga paang tumingkayad saka niya ito ginawaran ng isang mabilis na halik sa labi pagkatapos ay tumakbong lumabas at tinungo ang sariling kwarto. Doon ay nakangiting napasandal muna siya sa kanyang pintuan bago niya tinungo ang kama na parang nanlalambot ang mga buto. Sa isip niya'y ilang ulit na niyang ni-replay ang sinabi ni Luis na sila na samantalang dati ay nagtitiyaga lang siyang silipin ito sa classroom nito. Sa wakas! Boyfriend na niya si Luis! ..... Ang sumunod na mga araw ay tila naging kapana-panabik para kay Dianne. Bagama't hindi pa nila sinasabi sa mga kasama sa bahay na mag-nobyo na sila ni Luis ay tila may piping pang-unawa naman ang mga ito sa mga nangyayari dahil sa mga tinginan nila at ang mga ngiting hindi nila itinatago kahit kaharap ang lahat bagama't iniiwasan nilang maging clingy sa isa't-isa. Noon isang araw din ay nakausap niya si Doc Martin sa kanyang cellphone dahil tumawag ito upang mangumusta at nang dumako sa intensyon nitong manligaw ang usapan ay ora mismo, binanggit niya rito sa maayos na pananalita na may katipan na siya at huwag na itong umasa pa. Naintindihan naman nito iyon at maayos na tinanggap ang kanyang sinabi. Sa huli ay nag-imporma itong pwede raw niya itong maging kaibigan na tinanggap naman niya. "Kailan ka nga pupunta sa kabilang barangay upang matingnan iyong bahay, Dianne?" Hapon noon ng ungkatin ni Ate Mercy ang tungkol doon habang nasa likod bahay sila kasama si Aling Celing at nagpapahangin doon sa mga upuan. Nakaalis na iyong dating may-ari at anumang oras ay pwede na niyang puntahan iyon upang matingnan at malinisan na rin. "Hindi ko nga ho alam, Ate. Hindi pa ho ako nakakapag-paalam eh." Bagaman at nagsabi na siya sa mag-asawang amo na pupuntahan niya ang dating tirahan, hindi pa siya ulit nakakapag-paalam sa mga ito ng may eksaktong araw kung kailan siya paparoon. "Kailan mo ba balak?" "Ngayong parating na sabado po sana." "May dalawang araw pa naman. Maigi kung makakapag-paalam ka na." "Opo." "Paano, ikaw lang ba ang paparoon?" Singit ni Aling Celing na kanina ay nakamata at nakikinig lang sa kanila. "Isama mo itong si Mercy para may makatulong ka." "Naku, huwag na po. Nakakahiya ho. Kaya ko naman ho 'yun at saka balak ko pong bumalik naman kaagad dito. Hindi po ako magtatagal doon." "Sigurado ka ba? Baka naman maraming linisin doon." Ani ni Ate Mercy. "Hindi naman po siguro. Noong nakaraan lang naman po sila umalis kaya sa tingin ko po ay hindi naman ganoon kahirap linisan iyon. Kaya ko po 'yun, Ate." "O, sige. Sabi mo eh." "E kay Luis, nagpaalam ka na ba?" Maya-maya ay muli tanong ni Aling Celing. Nang marinig ang pangalan na iyon ay awtomatikong gumuhit ang matamis na ngiti sa labi niya na kaagad namang napansin ni Ate Mercy. "Naku, naku, Nana Celing. Ulitin niyo yung tanong at may napaangiti rito." Buska ni Ate Mercy na kiniliti pa siya sa kanyang tagiliran. "Sshhh. Tigilan mo si Dianne, Mercy. Kung nakinig ka kasi sa akin dati e di sana ay may asawa ka na ngayon kaso ang tigas ng ulo mo eh." "Si Nana naman. Ako na naman ang nakita." "Huwag mo kasing tinutukso 'yan si Dianne." Paninita ni Aling Celing kaya malapad niya itong nginitian. "Kita mo at namumula na ang pisngi oh." Akala niya ay ipinagtatanggol siya nito yun pala ay gagatong lang kay Ate Mercy. "Mag-nobyo na ba talaga kayo?" Dugtong na tanong nito. Tumango siya. "Opo. Sabi niya po." "Naku diyaskeng bata at hindi mo sinabi sa akin kaagad. Kung hindi pa ako nagtatanong ay hindi ko pa malalaman." Umakma itong kukurutin siya sa singit na nailagan niya kaagad. "Aling Celing naman. Akala ko kakampi ko kayo." "Kakampi mo ako kahit kailan. Biro lang 'yun." Lumapit ito ng upo at inipit nito sa likod ng kanyang tainga ang ilang hibla ng buhok na kumawala sa pagkakatali at tinapik ang balikat niya. "Basta 'yung payo ko sayo huwag mong kakalimutan." "Opo, Aling Celing. Pangako po." Tumayo si Ate Mercy sa upuan nito at pumagitna sa pagitan nilang dalawa sabay akbay ng dalawang braso. "Isali niyo naman ako diyan sa usapan niyo. Nandito lang ako eh." "Kanina ka pa kasama, Mercy. Itinatanong ko lang dito kay Dianne kung nagpaalam na siya kay Luis." "Kahit hindi na siguro, Nana." Tango ni Ate Mercy." Sabado naman 'yun eh. Pihadong narito 'nun si Luis. Baka masamahan niya pa nga si Dianne pagpunta doon." "Mas maganda pa rin kung mapag-uusapan nila iyon at ng wala silang mapag-awayan." "Sabagay, kasi parang ayaw niyang pumayag noong unang nagpaalam ka 'di ba?" Linga ni Ate Mercy sa kanya. Kung paanong nalaman nito iyon ay hindi niya alam. "Sinabi niya iyon noong nasa taas kayo e narinig ko naman." Paliwanag nitong dugtong bilang sagot sa nagtataka niyang tingin. "Ah." Tanging nasambit niya. "Baka mamaya na lang hong gabi o di kaya ay bukas ho." "Hala sige. Kung hatiran mo kaya ng meryenda iyon doon sa opisina nila. Magluluto ako ng pasta. Na-miss na raw niya eh." "Pwede ho kaya?" "Bakit naman hindi? Pagkatapos kong magluto ay ipagbalot mo at ihatid mo doon. Baka makasingit kang magpaalam doon." Bigla siyang na-excite sa ideyang hahatiran niya ito ng pagkain sa trabaho nito. Pakiramdam niya ay pang magkasintahan talaga ang gagawin niya. "Sige po." "Naku, naku. Nana. Nakangiti na naman si Dianne." Sumbong ni Ate Mercy. Kumawala ang nakakatanda sa yakap ni Ate Mercy at hinila siya. "Huwag ka ng mainggit dito kay Dianne. Sumunod ka at tulungan mo akong magluto sa loob." "Hindi ako naiinggit, Nana." Ikinumpas ni Aling Celing ang isang kamay bilang pagdi-dismiss sa sinasabi pa ng kasama at hinila na siya paloob. Natatawa na lang niyang sinenyasan si Ate Mercy na sumunod na sa kanila. ..... Magaan ang pakiramdam na bumaba ng tricycle si Dianne pagdating niya sa may Sentro. Lagpas pa ang opisina nina Luis sa municipal hall pero kayang-kaya namang lakarin kung sasadyain. Habang sakay ng tricycle ay hindi niya maiwasang alalahanin ang mga pagkakataong kasama si Luis habang binabagtas ang daanang iyon. Iyong mga pagkakataong malimit ay nasa may likuran lang siya at nakasunod ang tingin sa likod nito hanggang sa makarating sila sa pupuntahan nila. Matagal na panahon na iyon pero malinaw pa rin sa isip niya ang mga iyon na parang kailan lang nangyari. Ipinako niya ang tingin sa kaharap na building pagkuwa'y tiningnan ang thermal bag na bitbit. Dalawang food container ang laman niyon na may laman ding tuna pasta para kina Melanie at Luis na ni-request ng huli kay Aling Celing noong umaga. Isa iyong two-storey building na hindi naman kalakihan pero hindi rin naman niya masabing maliit lang at sa labas niyon ay may ilang taong nanga-kaupo sa ilang upuang nakahilera. Tinalunton niya ang daanan papasok ng building. May iilang tao ang nakita niyang nagkukumpulan sa isang lamesa at sa dalawang lamesa pang naroon ay may dalawa ring tao ang nakaupo at humahawak ng mga dokumento kaya sa tantiya niya ay empleyado ang mga iyon. Bamaling-baling siya upang hanapin sina Luis at Melanie pero hindi niya nakita ang mga ito kaya lumapit na siya sa lalaking nakaupo sa may mesa malapit sa kanya. "Excuse po. Maaari po bang makausap si Luis Ignacio?" Nagtaas ito ng tingin at nginitian siya. "Si Attorney po?" Tumango siya. Nilinga nito ang nakabukas na silid sa harapan nila. "Nasa taas po yata. Yan ang opisina niya po e kaso wala siya. Nasa taas ho kasi yung abogada. Baka may ikokonsulta." "Sige po." "Gusto niyo po bang akyatin o aantayin niyo nalang diyan sa opisina niya? Pwede naman po kayong umakyat." Sorpresa ang pagparoon niya kaya mas maganda rin siguro kung masosorpresa ito sa presensya niya. "O sige, ho. Akyat na lang po ako." "Sige po. Iisa lang naman po yung silid sa taas. Katok na lang po kayo kung nakasara." "Salamat po." Puno ng antisipasyon ang puso niya habang humahakbang sa hagdanan paakyat. May dalawang babae sa labas ng opisina ang naka-upo na tila naghihintay na may kumausap. Sabay pang napatingin ang mga ito sa kanya pagka-akyat niya. Tipid niyang nginitian ang mga ito bago lumagpas patungo sa silid. Bukas naman iyon pero hindi tumpak sa daanan ang loob kaya hindi kita kung naroon ang dalawa. Kasabay ng kanyang pagkatok ay pumasok siya sa silid upang magulat lang sa kanyang dinatnan. Nakaupo si Melanie sa upuan nito habang si Luis ay naka-upo naman sa may lamesa patalikod sa kanya at may binabasang papel. Wala naman sanang problema kung ganoon lang, ang siste kasi ay nakapatong ang isang kamay ni Melanie sa hita ng binata na kaagad nagpasama sa pakiramdam niya. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD