Sa labas, humugot ng malalim na hininga si Ania. Nanginginig pa rin ang tuhod niya—hindi lang sa hiya, kundi sa galit at biglang init na hindi niya maipaliwanag.
Hindi na alam ni Ania kung saan siya pupunta. Gabi na, tahimik na ang paligid ng hotel at hindi naman puwedeng umuwi siya sa bukid o sa hacienda sa ganitong oras. Dahil ang layo pa nun.
Napatitig siya sa sarili—nakasuot pa rin siya ng trahe de boda.
Mabigat, mainit, at mahigpit. Kailangan na niya itong hubarin, ngunit saan?
Naglakad siya sa pasilyo, bitbit ang maleta, hanggang sa makita niya ang isang CR sa dulo ng hallway.
Walang tao. Agad siyang pumasok at isinara ang pinto.
Huminga siya nang malalim, sabay harap sa salamin. Halata pa sa mukha niya ang pagkapahiya at ang bahagyang pula sa pisngi mula sa galit ni Omar kanina.
"Akala ko masaya ang feeling ng kinakasal, siguro nga sa dalawang nagmamahalan. Haiz, pero ako ganito pala ang ending,” mahina niyang bulong sa sarili, pilit na pinapawi ang kaba.
Hinawakan niya ang zipper sa likod ng trahe at dahan-dahang hinila pababa. Pero hirap siyang abutin. Pinilit niya ulit, inikot pa ang braso, hanggang sa maramdaman niyang naipit ang zipper sa tela.
“Ano ba…” iritang sabi niya habang paulit-ulit itong hinihila.
Ngunit lalo lang itong na-stuck.
Napasandal siya sa pader, huminga nang malalim, at muling sinubukang ibaba ang zipper gamit ang dalawang kamay. Wala pa rin.
“s**t!” bulong niya, halos maiyak sa inis.
Sinubukan niyang pilitin pa, pero sa sobrang gigil, napunit ang bahagi ng tela sa likod. Tumunog ang pagkasira, at ramdam niya ang malamig na hangin sa kanyang balat.
“Putsa....!” mariin niyang sabi, napapikit sa inis habang tinititigan ang sarili sa salamin—basang-basa ng pawis, magulo ang buhok, at punit ang trahe.
Sandaling natahimik si Ania. Pinagmasdan ang sarili sandali sa salamin.
Humugot siya ng mahabang hininga.“Kahit papaano… may itsura naman ako,” mahina niyang sabi, sinusubukang lokohin ang sarili.
Ngunit agad ding sumunod ang mapait na ngiti.“Pero hindi naman ako kaibig-ibig.”
Hindi siya sanay mag-ayos. Wala siyang hilig sa make-up, bihira rin siyang magsuot ng magagara. Dahil wala siya nun. Simple lang siya—mas gusto niya ang komportableng damit kaysa mamahaling tela. At marahil, iyon din ang dahilan kung bakit wala pang nagkakagusto sa kanya.
Wala siyang naging boyfriend. Ni isang manliligaw, wala.
Tahimik lang kasi siya.
25 anyos na siya. Nagpasalamat siya na nakatapos siya hanggang kolehiyo. Dahil noong nakatapos siya ng high school ay naging busy na siya sa pagtulong sa lolo Felipe niya sa hacienda.
Naisip niya tatanda na lang siya sa bukid at hacienda.
Plano niya sanang magtungo ng Maynila, maghanap ng trabaho—kahit sa opisina, tindahan, o kahit katulong—basta makatulong siya sa lolo at makapag-ipon. Balang araw, magnenegosyo siya. Magkakaroon ng sariling maliit na tindahan. Simple lang naman ang pangarap niya.
Pero ngayon… napunta siya sa ganitong sitwasyon.
"Haiz…” malalim niyang buntong-hininga habang nakatingin sa salamin. Hinaplos niya ang sariling pisngi at marahang ngumiti nang pilit.
Kumuha siya ng tubig mula sa gripo at nag-hilamos, umaasang mabubura kahit kaunti ang pagod at lungkot sa mukha niya.
Pagkatapos ay binuksan niya ang maleta, maingat na inilapag sa sahig.
Isa-isang hinanap ang damit na maaari niyang isuot. Kinuha niya ang simpleng white t-shirt at denim pants, ang mga paborito niyang luma pero komportableng kasuotan.
Punit na ang trahe na suot niya, ngunit maingat pa rin niya itong tinupi at isinilid sa loob ng maliit niyang maleta. Kahit sira na, —alaala pa rin iyon na minsan ay ikinasal siya.
Hinubad niya ang heels na kanina pa sumasakit sa paa at napabuntong-hininga nang maisuot ang dala niyang tsinelas. Sa wakas, nakahinga rin ng kaunti ang mga paa niyang namimintig sa pagod.
Pagkatapos, inayos niya ang sarili. Pinagpag ang buhok, inayos ang kwelyo ng simpleng t-shirt, at sinubukang gawing presentableng muli ang itsura kahit halata pa rin ang pagod sa mukha.
Napatitig ulit siya sa salamin. “Saan nga ba ako tutuloy?” bulong niya sa sariling repleksyon.
Hindi siya puwedeng manatili sa hotel na iyon. Mahal ang bawat kwarto.
At ayaw ni Omar na nandoon siya.
Hinugot niya ang wallet sa loob ng bag at binilang ang laman. Limang libo. ‘Yon lang.
“’Di rin magtatagal ‘to,” mahinang sabi niya, may halong kaba. Pero wala siyang ibang choice. Kailangan niyang makaalis.
Kinuha niya ang maleta at lumabas ng CR. Tahimik ang hallway, tanging ugong lang ng aircon ang maririnig. Habang naglalakad siya, napadaan siya sa tapat ng Honeymoon Suite.
Napahinto siya. Mula sa likod ng pinto, tila naroon ang katahimikang may kasamang sakit—na parang sinasabi sa kanya na doon, sa loob, ay may dalawang taong masaya habang siya ay nag-iisa sa labas.
Siguro… sinusulit nila ang gabing ito.
Mapait siyang ngumiti, bago muling naglakad papunta sa elevator.
Pagbaba niya sa ground floor, buti na lang ay wala masyadong tao sa reception area. Pinilit niyang magmukhang kalmado habang dumaraan, pero mabilis ang t***k ng puso niya, parang may takot na baka tawagin siya ng guard o kilalanin siya ng staff.
Nang makalabas siya ng hotel, sinalubong siya ng malamig na hangin ng gabi. Walang bituin, madilim ang langit, at ang ilaw lang sa kalsada ang tanging gabay niya.
Hila-hila niya ang maleta, naglakad siya nang walang tiyak na pupuntahan.
Hanggang sa, makalipas ang ilang bloke, nakakita siya ng maliit na hotel—luma pero may ilaw at bukas ang front desk.
“Magkano po per night?” mahinahon niyang tanong sa receptionist.
“Limang daan lang, ma’am. May sariling banyo.”
Napangiti siya ng bahagya. “Sige po. Isang gabi lang.”
Habang inaabot ang bayad, ramdam niya ang bigat ng lahat ng nangyari.
Pero sa loob ng maliit at tahimik na kwarto na iyon, kahit saglit lang—may lugar na siya para huminga.
Pagkatapos bayaran ang kwarto, inabot ng receptionist ang susi. “Room 203 po, ma’am. Second floor.”
Marahan siyang umakyat sa hagdang bakal. May kalumaan na ang hotel — bawat apak ay lumalangingit.
Pagbukas niya ng pinto, sinalubong siya ng mabangong amoy ng detergent at malamig na hangin mula sa lumang aircon. Maliit lang ang kwarto — may iisang kama, lumang kurtina, at maliit na mesa sa tabi. Pero para kay Ania, sapat na iyon.
Isinara niya ang pinto at isinandal ang noo sa malamig na kahoy.“Salamat, Panginoon…” mahina niyang sabi.
Inilapag niya ang maleta sa sahig at napaupo sa gilid ng kama. Mula sa salamin ng maliit na kabinet, nakita niya ulit ang sarili — pagod, gusot ang damit, at halatang malungkot ang mga mata.
Kumuha siya ng tubig mula sa plastik na bote sa mesa at uminom ng diretso. Parang nilinis niyon ang lahat ng bigat na kanina pa bumabara sa lalamunan niya.
Humiga siya, nakatingin sa kisame. Tahimik. Tanging tunog ng aircon at ingay ng mga sasakyang dumaraan sa labas ang maririnig.
Habang nakahiga, unti-unting bumalik sa isip niya ang nangyari sa araw na ito— ang sigaw ni Omar, ang tingin nito, ang salitang “Get out!” na paulit-ulit na umaalingawngaw sa utak niya.
Napapikit siya.Bakit parang ang dali lang para sa kanya na itaboy siya?Wala man lang kahit isang patak ng malasakit.
Pumikit siya nang mahigpit, pilit pinipigil ang luhang gustong kumawala.
Napaisip siya, isa akong sagabal sa lalaking iyon.
“Ganun pala talaga ang mayayaman…” mahina niyang bulong, halos pabulong sa sarili. “Matapobre.”
Napahawak siya sa dibdib, marahang pinisil iyon na para bang gusto niyang pigilan ang kirot. Hindi lang hiya ang naramdaman niya—kundi isang uri ng sakit na tumatagos.
Pero agad na pumasok sa isip niya ang mukha ni Don Mariano, ang lolo ni Omar. Si Don Mariano, kahit mayaman, ay hindi kailanman naging mayabang. Marunong itong ngumiti sa mga tauhan, marunong rumespeto. Kapag dumadaan siya sa hacienda noon, palagi nitong tinatapik sa balikat ang mga manggagawa at tinatanong kung kumain na ba sila.
“Hindi naman lahat ng mayaman ganun,” mahina niyang dagdag, pinupunasan ang luhang kusa nang dumaloy sa pisngi. “Si Don Mariano… mabait naman siya. Pero ‘yung apo niya…”
Napapikit siya nang mariin, pinipigilan ang namumuong galit at panghihinayang.