“ALODIA, tama na iyan.” Dinunggol ni Jullie ang kanyang braso. “Baka talunin mo pa si Sir sa mga isasagot mo sa exam. Kabisado mo na yata’ng buong textbook, ah.”
Nangangantiyaw ang himig ng kanyang kaibigan subalit naroon rin ang katuwaang nagbigay-konsentrasyon din siya sa pag-aaral.
“I’ve some improvements this final period. Hindi magandang bumagsak ako kung kailan exams pa naman.” Totoo ang tinuran niyang iyon. Hindi siya puwedeng magkunwaring hirap na hirap siya sa BioSci. Alam ni Neil ang kanyang kapasidad. Kung kaya lalo niyang pinagsisikapang makapasa.
“Halika na,” yaya ni Jullie nang makitang pumasok na rin sa testing room si Mr. Concepcion.
Ilang sandali pa at tahimik na ang buong klase. Isa man sa mga estudyante ay walang naglalakas ng loob na gumawa ng kahit munting kilos na alam nilang makakapagbigay sa kanila ng singkong marka.
Proceed to the original plan, aniya Alodia sa sarili nang sandaling makatapos siyang magsagot sa answer sheet.
Minsan pa niyang ni-review ang kanyang answer sheet bago siya tumayo at ipinasa iyon sa binatang professor. Sigurado siyang hindi man maging pinakamataas ang maging grade niya sa final exams ay hindi rin naman siya magiging pasang-awa.
“Sir, I’ll be celebrating my debut on the first week of December. I want you to be a part of it,” sabi niya sa mahinang tinig nang hindi makaabala sa ibang estudyenteng hindi pa tapos mag-exam.
“I don’t hink na bagay pa ako sa ganyang party,” polite na tugon nito.
“Of course not, Sir!” Hindi siya makakapayag na tatanggihan siya nito sa pangalawang pagkakataon. “We’ll be preparing the invitation this sem break. You are going to be my last dance.”
Hindi na niya binigyan ito ng pagkakataong makatutol pa. Nagmamadali na siyang lumabas ng classroom at sumenyas na lang kay Jullie na sa labas na siya maghihintay.
“JULIE, hindi ba masyadong makapal ang makeup ko?” Hindi mapakali sa kaiikot sa harap ng salamin si Alodia.
“You’re more beautiful tonight than ever, my friend. Mas lalong na-emphasize ang mabibilog mong mga mata.”
Simple lang ang kanyang makeup. Kabilin-bilinan niya sa beautician na kinontrata ng ama niyang huwag siyang kulapulan ng makapal na cosmetics. Hindi siya sanay. Pakiramdam niya ay nakasemento ang buong mukha niya sa pamimigat ng mga iyon.
“Alodia, dalaga ka na ngayon. Natural lang ang ganitong inia-apply sa face mo,” may halong sermon na sabad ng binabae sa pagitan nila ni Jullie.
“Okay naman ang makeup, Alodia,” ayon ni Jullie.
“What about my hair?” Ikiniling-kiling niya ang ulo sa harap ng salamin. Nakataas ang kanyang buhok. At hindi niya maisip kung paanong trick ang ginawa ng bakla gayong itinirintas muna nito iyon.
“I don’t see any problem with it,” ani Jullie uli.
Nahuli niya mula sa repleksiyon nila sa salamin ang tingin ng pasasalamat na ipinukol ng bakla sa kaibigan niya.
Ngayong gabi ng debut party niya at lahat ng kanyang mga kapatid sa ama, kasama ang buong pamilya ng mga ito, ay nagsiuwi pa mula sa ibang bansa.
Ngunit higit ang kanyang kasiyahan dahil sa presensiya ni Neil. Ibinulong sa kanya ni Jullie na nasa ibaba na ang binata at si Don Antonio mismo ang umeestima rito.
Noong sumapit ang unang araw ng second sem ay talagang inabangan niya ito; on record ay ito pa rin ang official adviser ng klase nila kahit na hindi na nila ito professor.
Pababa pa lang halos ito ng kotse ay sinalubong na niya ito. Gusto niyang magpasalamat na ipinasa siya nito.
“I saw you studied hard to pass the subject, Miss de la Rosa. You don’t have to thank me. Taga-compute lang kami ng grades ninyo.”
“In that case, I’ll just give this to you.” Nang iniabot niya ang imbitasyon ay naroon ang kabang baka hindi ito dumating.
Hindi nito kinumpirma ang pagdalo ngunit ipinilit pa rin nilang isinali ang pangalan nito sa kanyang eighteen roses.
“Tita Toni, tawag ka ni Lolo.” Bumungad sa silid niya ang pinakamatandang pamangkin niya, si Ingle. Nakasunod sa style ng gown niya ang damit nito: off-the-shoulder na pink satin na ang skirt ay patong-patong na mamahaling lace. In rainbow colors.
“Toni?” Salubong ang mga kilay na gagad ni Jullie sa nakatalikod niyang pamangkin.
“They like my second name kaysa ‘Alodia.’ It reminds them of my Dad and me kahit nasaan sila,” kibit-balikat niyang tugon.
“Anyway, mabuti pang bumaba na tayo.” Inayos na ni Jullie ang kurtina sa silid niya. “Marami nang bisita sa hardin.”
“Hija,” salubong sa kanya ni Don Antonio. Mandin ay nainip ito sa inutusang apo at ito naman ang nakasalubong nila nang palabas na sila ng kuwarto.
Habang pababa sila ng marangyang hagdan na nalalatagan pa ng makapal na alpombra ay nakasunod sa bawat kilos nila ang nagbi-video coverage at kislapan ng mga kamera.
Magandang-maganda ang ngiti niya. Walang mababakas na kapaguran sa mukha niya sa pasalin-saling pakikipagsayaw niya mula sa ama at mga kapatid. Gayundin sa mga piling kaklase niyang may partisipasyon sa eighteen roses.
Pigil ang paghinga niya nang tawagin ng emcee ang pangalan ni Neil.
Kaninang iprinisinta siya sa madla ay sumulyap siya sa gawi ng mesang inookupa nito. Subalit abala ito sa pakikipagkuwentuhan sa ka-share sa mesa.
May naramdaman siyang sikdo sa dibdib nang bigyan nito ng natural na ngiti si Ingle na siyang tagaabot ng mga roses na ibibigay naman sa kanya. Ingle was tall at twelve. Kung siya ang masusunod ay mas gusto niyang isali ang pamangkin sa eighteen candles but she insisted to become an usherette.
Nawala sa mukha ng binata ang image ng pagiging classroom teacher. Habang humahakbang ito papunta sa kanya sa gitna ay halos mag-unahan ang pagtibok ng kanyang puso.
Ngayon siya tila nawawalan ng loob na ipadama rito ang kanyang espesyal na damdamin. Gusto niyang iiwas ang paningin sa mga titig nito.
What’s wrong with you, Alodia? Hindi ba’t ito ang pinakahihintay mong pagkakataon? She instantly shook her head and accepted the long-stemmed rose which he handed to her.
“Happy birthday,” bulong nito sa likuran ng kanyang tainga nang gagapin nito ang isa niyang kamay, sabay hapit sa kanyang baywang para sa pasimula ng tradisyong sayaw.
“Thank you.” Nagsimula niyang igalaw ang mga binti para sundan ang steps ng sayaw nito.
Magaling itong magdala ng sayaw. Gusto niyang pagtakhan ang pagbantulot nito noong kinukumbida pa lang niya ito. But now, he was dancing the waltz gracefully she almost felt insecure of her own talent for dancing.
Sa isang pag-ikot nila ay nakita niyang maluwang na maluwang ang pagkakangiti ni Jullie at binigyan pa siya ng thumbs-up sign.
Huling-huli ni Neil ang pagganti niya ng ngiti kay Jullie.
“What was that for?” Kumiliti sa dulo ng tainga niya ang hanging lumalabas sa bibig nito.
“I’m happy,” nangangapa niyang sagot. “Yeah, I was hoping against hope for you to come. And I just can’t explain the feeling now that you are dancing with me.”
Patuloy sila sa pagsayaw at sa sulok ng mga mata niya ay nakita niyang naka-focus na sa kanila ang atensiyon ng mga bisita.
“Friends and visitors, let’s give them a big hand. Mr. Neil Robin Concepcion and our very special lady for this evening, the debutante Alodia Mari-Antoine.” Pumailanlang sa sound system amg boses ng emcee.
“Happy birthday.” Minsan pa siyang binata ni Neil bago siya tuluyang naiwan sa gitna.
Kinainipan niyang matapos ang iba pang seremonyas ng pagde-debut. Bahagya na lang niyang naintindihan ang mga mensahe ng pagbati ng iba pang bisitang kasali naman sa eighteen gifts. At nang si Jullie na ang may hawak ng microphone at bumabati sa kanya, lalo nang hindi niya naintindihan ang mga sinasabi nito. Jullie was holding a leaf. Kung plastic man iyon or authentic ay hindi niya tiyak dahil sa distansiya.
Pandalas ang sulyap niya sa mesa ni Neil at agad siyang nag-panic nang hindi niya ito matanawan doon.