CHAPTER 13

1106 Words
Pinakatitigan ni Ava Leigh ang lalaking nasa harapan nila, at hindi niya maiwasang mapanganga. Napakatangkad ng estranghero kaya lalo siyang nagmukhang maliit sa presensiya nito. Malapad ang mga balikat at pangahan ang makinis nitong mukha. Napakatangos ng ilong ng lalaki, singkit ang mga mata. Lalo itong nagmukhang masungit dahil sa pagkakakunot ng noo. Napakaguwapo ng taong nasa harap nila, tila ito isang Chinese actor na kagaya ng mga napapanood niya sa mga C-drama. Kahit nakakaintimida ang awra ng lalaki, hindi niya maiwasang mapahanga. Pinabibilis ng mga titig nito ang tíbôk ng puso niya. “I’m asking you, babe, sino ang lalaking ’to?” mariing tanong ng estranghero. Lalo niyang ikinalito ang pagtawag nito sa kaniya ng "babe". Kumalas si Evan mula sa pagkakayapos sa kaniyang braso. “Babe?” ulit ng binata sa endearment sa kaniya ng lalaking bigla na lang sumulpot at nakisali sa kanila. “Tinawag kang 'babe' ng lalaking ito? May iba ka na kaagad? Isang linggo pa lang tayong hiwalay, Ava!” bulalas nito. Halos umusok ang ilong ng dati niyang kinakasama. Nagngangalit ang panga nito habang nagpapalipat-lipat ang tingin sa kanila ng chinitong lalaki. Hindi niya magawang sagutin ang tanong ni Evan. Maging siya ay nagtataka din sa inaakto ng estranghero. “Ano ba, Ava! Sumagot ka!” sigaw pa ni Evan kaya napapitlag siya. Hinaklit siya nito sa braso, nanlilisik ang mga mata. “Get your f*cking dirty hands off her!” mariing sambit ng lalaking hindi niya kilala. Bakas sa mga titig nito ang panganib na dala habang nakatuon ang mga mata sa kaniyang braso na mariing hawak ni Evan. “Sino ka ba, ha?” maangas na tanong ng dati niyang kinakasama. “Away mag-asawa ’to, huwag kang makisali. Kahit pa syóta ka niya, wala kang karapatang makialam sa gulo namin. Hindi ang tipo mo ang gusto ng asawa ko. Hindi ko alam kung saan ka niya napulot, pero nasisiguro kong ginagamit ka lang niya para pagselosin ako,” pagmamayabang pa nito habang pinapasadahan ng nakakainsultong tingin ang lalaking kaharap nila. Alam ni Evan na hindi ang katangian ng lalaki ang tipo niya. Ang gusto niya sa lalaki ay moreno at bilugan ang mga mata, kagaya ng katangian ng dating kinakasama. Para sa kaniya, mas nakakadagdag ng appeal ang pagkakaroon ng morenong balat. Tumaas ang sulok ng labi ng estranghero, puno ng kumpiyansang ngumiti ito kay Evan. “Yeah, you’re right. Hindi nga ako ang tipo niyang lalaki. Pero nagawa niyang mahulog sa ’kin,” taas ang noo na tugon nito. “Kaya bitawan mo na siya dahil uuwi na kami,” dagdag pa nito sa mapanganib na tono habang nagdidilim ang mga mata. Mariin nitong hinawakan ang palapulsuhan ni Evan, pilit inaalis mula sa pagkakahawak sa kaniya. Kitang-kita niya ang pagbaon ng mga daliri nito sa balat ng dati niyang kinakasama pati na din ang paglabasan ng ugat mula sa braso nito, hudyat na pwersahan nitong tinatanggal ang kamay na nakahawak sa kaniyang braso. Napilitan siyang bitawan ni Evan. Hinaplos niya ang kaniyang braso na namula mula sa mahigpit na pagkakahawak sa kaniya ng lalaki. “P*tang ina! Ano ba ang problema mo?” nanlilisik ang mga matang tanong ni Evan sa lalaki. Subalit hindi pinansin ng estranghero ang pagmumura at galit ng dati niyang kinakasama. Natuon ang mga mata nito sa braso niyang binitawan ni Evan. Lalong dūmilim ang anyo ng lalaking hindi niya kilala pagkakitang bumakat sa kaniyang braso ang kamay ni Evan. Nagtagis ang bagang nito at muling ibinalik ang tingin sa dating niyang kinakasama. Nagsukatan ng tingin sina Evan at ang estranghero. Tila biglang bumigat ang paligid. Dama niya ang tensiyon sa pagitan ng dalawang taong nasa harap niya. Sa isang iglap, mabilis nitong hinablot ang kuwelyo ng polo shirt na suot ni Evan habang nagtatagis ang mga bagang. Napatigil ang ilang taong dumadaan sa paligid, napako ang tingin sa dalawang lalaking nagbabanggaan ng presensya. “Ito na ang huli mong paglapit sa girlfriend ko. I’m warning you... hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa oras na magpakita ka pa sa kaniya,” babala ng estranghero sa mahinang tinig ngunit kababakasan iyon ng panganib. Umigting ang panga ni Evan. Bakas sa mga mata nito ang galit ngunit hindi ito makahuma sa bagsik na nakikita sa lalaking kaharap. Hindi maikakaila ang bigat ng presensiyang dala ng estranghero. At ’di hamak na malaki ang lamang nito sa dati niyang kinakasama. Sa laki ng katawan at tangkad, tila ito isang pader na hindi basta-basta matitibag. Ang malapad nitong mga balikat at naglalabasang litid sa leeg ay nagsilbing babala. Idagdag pa ang kakaibang awra na nagmumula rito—isang pwersang hindi nakikita ngunit ramdam sa paligid, tila ba nagpapaalala na mahirap itong kalabanin. Kahit ang simpleng pagtitig ng estranghero ay tila ba may dalang awtoridad, na maging siya ay hindi maiwasang kumabog ang d*bd*b habang nakatingala dito. Tila ipinahihiwatig ng lalaki ang panganib na kaya nitong gawin sa sino mang sumalungat sa kagustuhan nito. Nagsukatan ng matatalim ng tingin ang dalawang lalaki. Para bang walang gustong bumitaw o kaya ay umatras. Nangingibabaw ang tensiyon sa pagitan ng dalawa, at hindi alintana ng mga ito ang mga taong nakikiusyoso sa paligid. Mariing hinawakan ni Evan ang palapulsuhan ng estranghero. Sa harap nito, nagmistula itong apoy na pilit nagbabaga, desperadong lumaban kahit alam na dehado. Ngunit ang apoy na iyon ay halos lamunin ng aninong dala ng lalaki. “T-Tama na ’yan, tumigil na kayo! Pinagtitinginan na tayo ng mga tao!” Nang sa wakas ay nagawa niyang magsalita. Humakbang siya palapit sa dalawa, pilit niyang pinaghihiwalay ang mga ito. Pabalyang binitawan ng lalaking hindi niya kilala ang dati niyang kinakasama. Kaagad siya nitong hinapit sa balakang. “Let’s go babe.” Naguguluhan man sa inaakto ng estranghero, sumama pa rin si Ava Leigh nang akayin siya nito. Isinisigaw ng isip niya na huwag siyang sumama lalo at hindi niya ito kilala subalit tila naging sunod-sunuran siya sa kagustuhan ng binata. Napatingin siya sa maugat nitong braso na nakalingkis sa kaniyang baywang. Naramdaman niya ang tila bolta-boltaheng kuryente nang dumikit ang balat nito sa kaniya kanina. Sobrang bilis din ng píntig ng kaniyang puso. Pinagbuksan siya ng estranghero ng pinto sa tabi ng driver's seat. “Get in, babe,” banayad ang tinig na utos ng lalaki habang nakahawak pa rin sa kanyang balakang. Ramdam ni Ava Leigh ang init ng palad nito at ang bahagyang paglapit ng katawan. Sumunod siya sa utos ng lalaki kahit hindi pa nagpapakilala sa kaniya. Kaagad siyang pumasok sa mamahaling sasakyan nito. Pakiramdam niya ay sumailalim siya sa hipnotismo, hindi niya ito magawang tanggihan kahit nakita niyang papalayo na ang dati niyang karelasyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD