“Alis na ako, love. Ingat ka sa trabaho. Ako na ang bahala sa mga labahan natin sa bahay,” paalam ni Evan kay Ava Leigh matapos siya nitong ihatid sa pinagtatrabahuhan.
Lingid sa kaalaman ng kaniyang kinakasama na wala siyang pasok ngayon, nagpaalam siya na liliban. Dahil pinaniwala niya ito na hindi na siya galit, naging madali para sa kaniya na mahuli kung nagtitino na ba ito. At tama nga ang kutób niya, hindi pa rin ito tumitigil sa pakikipagrelasyon kay Maridel.
Ngayon ang ika-limang buwan ng mga ito bilang magkasintahan. At may balak na magkita ang dalawa sa inuupahang apartment ng babae. Pinaghandaan nila ni Juana pati na din ng kaibigan nito ang kanilang plano.
Nang masigurong nakalayo na ang motor ni Evan, kaagad siyang sumakay ng tricycle at pumunta sa lugar kung saan nakatira si Maridel Cañete.
Nagkataon na ang kapitbahay ni Maridel ay kaibigan ni Juana. Kaya nama’y may pagkakataon siyang masaksihan ang kalalabasan ng plano nila.
Bago bumaba ng tricycle, nagsúot siya ng sumbrero, face mask, at jacket na bagong bili upang hindi siya makilala ng lalaki sakaling nasa labas pa ito. Sinilip din muna niya si Juana kung nasa bahay na ba ito ng kaibigan nitong si Tinay. Napangiti siya nang makita niya itong bahagyang nakakubli sa mayabong na halaman.
Dire-diretso siyang pumasok sa gate nang makababa sa tricycle.
“Buti nandito ka na. Nandiyan na ang kúpàI mong asawa. Ipinasok ’yung motor ninyo sa loob,” mahinang sambit ni Juana nang makalapit siya dito.
“Sure po ba na darating ’yung isang boyfriend ng babaeng ’yon?” usisa niya habang nakasilip sa tirahan ng babae ni Evan.
“Oo. Pinsan pala ’yon ng tropa ni Gelo,” tukoy nito sa asawa ni Tinay. “Tinimbre na ng mag-asawa na may ibang kinakatagpo si Maridel.”
“Papunta na daw si Jerry dito,” anang tinig ng isang babae sa bandang likuran nila.
Sabay na napalingon sina Ava Leigh at Juana sa pinanggalingan ng tinig.
“Tamang-tama, nandiyan na din ’yung kúpaI na asawa nitong kaibigan ko,” gigil na pahayag ng katabi niya.
Kaagad na naglahad ng kamay sa kaniya ang babae. “Ako nga pala si Kristina Mujar, Tinay na lang itawag mo sa ’kin. Kaibigan ako ni Juana.” Ngumiti sa kaniya ang babae.
“Ava Leigh Mendez.” Tinanggap niya ang palad nitong nakalahad saka gumanti ng ngiti.
“Tara, dito ka na sa tabi namin, Tinay.” Hinila ng kaibigan niya si Tinay palapit sa kanila. “Baka mamaya sumilip pa dito ’yung dalawa, mahalata tayo. Mahirap na, baka mabulilyaso pa ang plano natin.”
Habang hinihintay ang pagdating ng isa pang kasintahan ni Maridel, damang-dama ni Ava Leigh ang mabilis na tíbók ng puso.
“Nanginginig ang kamay mo, Ava,” puna ni Juana, hinawakan nito ang kaliwang kamay niya.
“Kinakabahan po ako, Ate Juana. Nanggigigil ako kay Evan. H-Hindi na niya nirespeto ang pagkamatay ng anak namin. Wala pa rin siyang tigil kahit silang dalawa ng babae niya ang may kasalanan kung bakit nawala si Vanvan.”
Nangilid ang luha sa mga mata ni Ava. Pakiramdam niya ay may bumara sa kaniyang lalamunan. Ilang ulit siyang kumurap upang hindi mapaiyak.
“Huwag kang mag-alala, Ava. Makakaganti ka na din. Manood ka lang, kami na ni Tinay ang bahala sa mga susunod na hakbang para mapahiya sila at pagsisihan nila ang ginawa sa ’yo.”
Mahigpit siyang niyakap ni Juana. Si Tinay naman ay hinagod ang kaniyang likod, bakas sa mukha nito ang lungkot at simpatya para sa kaniya.
“Nandiyan na sila,” anunsiyo ni Tinay nang matanaw ang motor ng asawa nito habang angkas si Jerry. Pumarada ang lalaki hindi kalayuan sa inuupahan ni Maridel.
Sabay na sinundan ng tingin nina Ava ang tinitingnan ni Tinay.
“’Yon si Jerry, ’yung nakaangkas sa motor. Asawa ko naman ’yung driver,” ani Tinay sa kaniya.
Tango lang ang itinugon niya sa babae. Napansin niya ang pagmamadaling makababa ng nakaangkas sa motor. Ngunit bago pa ito makalayo, pinigilan muna ito ni Gelo sa braso, wari’y may sinabi dito.
Tinapik naman ni Jerry sa balikat ang asawa ni Tinay. Lakad-takbo ang ginawa nito habang patungo sa bahay ng kasintahan. Si Gelo naman ay naupo muna sa motor at pinagmasdan ang kaibigan na nagmamadali sa paglalakad patungo sa tirahan ni Maridel.
“Ihanda na natin ang camera, may pasisikatin tayo,” nakataas ang sulok ng labi na sambit ni Juana habang nakatingin kay Jerry.
Halos magkasabay pa na kinuha ng mga babaeng katabi niya ang cellphone ng mga ito.
“Viral kayo ngayon mga taksil at hindi makuntento,” dagdag naman ni Tinay habang nakatutok ang cellphone sa tapat ng apartment ni Maridel. “Ang kapal ng babaeng ’yan, sustentado na nga siya ni Jerry, nagawa pang magloko. Kahit apartment niya si Jerry ang nagbabayad.”
“’Yung lalaki pala ang nagbabayad. Bakit hindi na lang sila magsama?” usisa niya, bahagya siyang lumingon kay Tinay ngunit agad ding ibinalik ang mga mata sa katapat na bahay.
Sa tindi ng kaba na nararamdaman ni Ava Leigh, hindi niya magawang kuhain ang cellphone niya at gayahin ang ginagawa nina Juana. Kung kanina ay mga kamay niya lang ang nanginginig sa galit, ngayon ay buong katawan niya na.
“Sabi ni Jerry, ayaw daw ng nanay ni Maridel na magkajowa ulit ’yong malanding ’yon kasi puro palpak ang nagiging karelasyon. Kung hindi inaanakan, ginagawa lang daw parausan. Eh, pano, pákãrât kasi. Kung sino-sino na lang pinapatulan. Walang kadala-dala,” si Jenny.
“Baka hindi kayang mabuhay ng walang kumakalabit?” sabi naman ni Juana habang natatawa.
Napalingon siya kay Tinay. “Eh nasaan ’yong mga anak ng babaeng ’yon?” tanong pa niya.
“Nandoon sa nanay. Dito lang siya nakatira kasi mas malapit sa trabaho.”
Ibinalik niya ang mga mata sa apartment ni Maridel. Maya-maya pa, narinig nila ang kaguluhan sa loob ng tirahan ng babae.
“Mga hayóp kayo! Pútang ina n’yo!” sigaw ni Jerry nang makapasok sa loob. Mayroon itong duplicate ng susi kaya hindi na nito kailangan pang kumatok sa pinto ng kinakasama.
Sunod nilang narinig ang tili ni Maridel. “Jerry! Tama na! Ano ba! Tumigil na kayo! Evan!” malakas na hiyaw ng babae ng kaniyang kinakasama.
“Tara! Lumapit tayo! Exciting ’to!” Hinila sila ni Juana at nagmamadaling lumabas ng bakuran ni Jenny.
Maging sina Evan at Jerry ay nakalabas na din ng apartment ni Maridel. Pilit na tumatakas ang kaniyang kinakasama mula kay Jerry, ngunit hindi ito makaalis-alis dahil mabilis itong nahihila pabalik ng huli.
Dúgúan na ang bibig at ilong ng kaniyang kinakasama. Tanging underwear lang ang suot nito. Hindi naman magkandaugaga sa pag-awat si Maridel sa dalawang lalaki, maging ito man ay panloob lang na damit ang suot. Hindi nito alintana ang mga matang nananood. May natatawa, may nanlalait, at may ilan ding naawa. Lalo pang uminit ang sigawan ng mga kapitbahay na waring nanonood lamang ng isang palabas.