“Ava, ayos ka lang ba talaga dito?” may pag-aalalang tanong ni Juana. Kararating lang nila sa bagong apartment na titirahan niya. Pagkatapos ng nangyari kina Maridel at Evan, inihatid siya ng dalawang babae.
“Opo, Ate Juana, ayos lang po ako. Maraming salamat po sa tulong ninyo ni Ate Tinay.” Nginitian niya ang dalawa upang hindi na mag-alala ang mga ito.
Habang naghihintay silang tatlo ng pagkakataon para maisakatuparan ang balak niyang paghihiganti kay Evan, paunti-unti niyang inilipat ang mga gamit sa katabing apartment na tinitirahan ni Juana at ng kaisa-isa nitong anak.
Hindi naman nangingialam si Evan sa mga gamit niya kaya hindi napansin ng lalaki na wala na siyang damit sa dura box na lagayan niya ng mga damit at personal na gamit. Maging ang mga bagay na pag-aari ng yumao niyang anak ay nailipat niya nang hindi man lang namamalayan ng dating kinakasama.
“Walang anuman, Ava. Masaya kaming matulungan ka,” tugon ni Tinay.
“Basta, kapag kailangan mo ng tulong o makakausap, katok ka lang sa apartment ko, ha?” sambit naman ni Juana.
Noong huling beses na nahuli nito ang asawang si Tope na nambababae, tuluyan na itong nakipaghiwalay sa asawa. Lumipat ito ng tirahan kasama ang anak nito.
“Opo, Ate. Tatambay ako lagi sa inyo ni Juliana kapag hindi po ako busy.”
“Chat ka na lang din sa ’kin, ha?” sabi naman ni Tinay.
Pagkaalis ng dalawa, kaagad siyang pumasok sa kuwarto. Lumapit siya sa isang kahon na nasa sulok kung saan nakalagay ang mga gamit ng namayapa niyang anak.
At sa nanginginig na mga kamay, kinuha niya ang mga unan na ginamit dati ni Vanvan. Ikinulong niya iyon sa mga bisig at doon muling ibinuhos ang sakit at pangungulila na nararamdaman.
“Vanvan, anak... Miss na miss ka na ni Mama. Sorry kung napabayaan kita. Kasalanan ko kung bakit ka maagang nawala. Kung hindi siguro nagtrabaho si Mama nang maaga, baka kasama pa rin kita hanggang ngayon–nakakarga, nahahalikan, at hinehele.” Hinigpitan niya lalo ang pagkakayakap sa mga unan.
Araw-araw sinisisi ni Ava Leigh ang sarili sa pagkawala ng kaniyang anak. Walang kapantay na sakit ang nararamdaman niya sa isiping hindi na niya kailan mahahawakan si Vanvan.
“Anak, please, dalawin mo naman po si Mama sa panaginip. Tulungan mo po si Mama na maging matatag.”
Sunod niyang kinuha ang larawan ni Vander na nakapatong sa maliit na mesa. Hinaplos niya ang larawan nitong nakangiti na tila ba nakatitig sa kaniya.
“Anak ko... Alam mo ba, may ginawa ang Mama sa mga taong nagpahirap sa ’kin at naging dahilan ng maaga mong pagkawala. Alam po ni Mama na bad ang gúmanti pero hindi kasi ako matahimik hangga’t hindi ko napapagbayad ang mga taong naging dahilan kung bakit ka nawala sa tabi ko,” lumuluha niyang sambit.
Sa kabila ng kahihiyang tinamo nina Maridel at Evan, wala siyang madamang awa at konsensiya para sa dalawa. Mali man ang kaniyang ginawa, pero kahit papaano ay nabawasan ang sàkit na nadarama niya.
“Baby ko, dalawin mo po si Mama sa panaginip, ha? Yakapin mo po ako, please?”
Nahiga siya sa kama yakap ang picture frame at mga unan ng kaniyang anak. Dahan-dahan niyang ipinikit ang mga mata habang binabalikan sa isip ang mga sandaling kapiling niya ang kaniyang anak.
At tila dininig ang kaniyang panalangin, napanaginipan niya si Vander. Hindi din niya namalayang napahaba ang tulog niya.
Bandang hapon na nang magising si Ava Leigh dahil sa vibration na nagmumula sa kaniyang cellphone. Kaagad na nasira ang gising niya pagkakitang si Evan ang tumatawag.
Nakatatlumpu’t walong missed calls ang dati niyang kinakasama at labing limang text messages simula tanghali. Binura niya lahat ng mensahe ng lalaki kahit hindi pa niya nabubuksan ang mga iyon. Wala siyang binasa kahit isa. Binlock niya ang numero nito pati na din ang iba nitong kamag-anak.
“Patahimikin n’yo na ang buhay ko. Sinira ninyong lahat ang mental health ko magmula nang pumasok ako sa buhay n’yo,” mariing sambit niya matapos ibaba ang cellphone.
Ngayong nakalaya na siya sa mga taong nagdulot ng stressed sa kaniya, magsisimula siya ulit kahit mahirap at kahit mag-isa siya. Pipilitin niyang labanan ang lungkot upang maging mapayapa si Vander saan man ito naroroon.
“AVA, may naghihintay sa ’yo sa labas, kanina pa ’yan nakatayo diyan,” pahayag ng lady guard nang kunin niya sa locker ang bag na dala kaninang umaga bago pumasok sa trabaho.
“May naghihintay po? Sino daw?” kunot ang noong tanong niya.
“Asawa mo daw. Evan ang pangalan,” kaswal na tugon nito.
Umalsa ang inis at galit sa kaniyang d*bd*b. “Ang lakas naman ng loob niyang magpakita pa sa ’kin,” bulong niya sa sarili. Ayaw niyang makita si Evan. Pero wala siyang ibang madadaanan kaya inihanda na lang niya ang sarili upang harapin ito.
Natanaw niya ang dating kinakasama paglabas sa pinapasukang trabaho. Kaagad na ngumiti ang lalaki pagkakita sa kaniya. Naningkit ang mga mata niya at nagngalit ang bagang pagkakita dito.
Patakbong lumapit kay Ava Leigh si Evan. “H-Hi!” alanganing bati ng binata. “Out ka na ba? Halika, hatid na kita,” alok ng lalaki.
Tinapunan niya ito ng nag-aalab na mga mata. “Ayos ka lang ba?” nanunuya niyang tanong. “Naalog na ata sa súntók ni Jerry ’yang utak mo. Kung makaasta ka akala mong wala kang ginawang kalokohan, ah?” aniya sa mahina ngunit mariing tinig.
Mabilis niya itong nilagpasan ngunit maagap siya nitong pinigilan sa braso. “L-Love, s-sorry. Baka puwedeng pag-usapan muna natin ’to?” saad nito, nakikiusap ang mga mata.
Iwinaksi niya ang kamay nitong nakahawak sa kaniyang braso. “Puwede ba! Huwag mo ’kong mahawak-hawakan dahil nandidiri ako sa ’yo!” asik niya.
Tinalikuran niya si Evan. Tumakbo siya papunta sa sakayan upang makaiwas sa lalaki. Kaagad niyang pinara ang jeep na dumaan. Nagmadali siyang sumakay kahit na tinatawag pa siya ng binata. Hindi na niya ito tinapunan ng tingin.
Habol niya ang hininga nang makasakay na siya sa jeep. Mariin niyang ikinuyom ang mga kamao. Ang bilis ng t***k ng puso niya dahil sa galit na nararamdaman.
“Hindi man lang siya tinablan ng kahihiyan sa sarili. Pagkatapos ko siyang mahuli na nakikipagkita pa rin sa babaeng ’yon, may lakas pa talaga siya ng loob na magpakita sa ’kin!” aniya, nagngingitngit ang kalooban.