Chapter 10 – Destiny's Timeline
Destiny.
"MAY punto si Lola mo, Destiny." Malumanay na sabi ni Reeve matapos kong ikwento sa kaniya ang nangyaring sagutan namin ni Lola kanina.
Napayuko ako at bumuntong-hininga. Ano bang ginawa ko? Bakit pakiramdam ko ako lang nakakaintindi ng nararamdaman ko? Hindi ba nila kayang intindihin ang side ko na nasaktan din naman ako ah? Bakit parang ang dali lang sa kanila na sabihin na dapat patawarin ko na ang ina ko? Ayoko. Ayoko pa rin.
Naikuyom ko ang kamao ko.
"Destiny, gusto lang ni Lola na matuto kang magpatawad, umunawa at buksan ang tenga mo na makinig sa paliwanag ng Mommy mo."
Hindi ako nagsalita. Narinig ko ang paghugot ni Reeve ng isang malalim na hininga at inabot ang kamay ko.
"Mahirap ba na buksan ang puso mo, Destiny? Mahirap ba talagang akyatin ang pader na nilagay mo sa puso mo para protektahan iyan?'
"Nahihirapan ka na din ba?" Nanlulumong tanong ko.
"Hindi. Gusto ko lang sabihin sa'yo na kung nahihirapan ka, sasamahan kita. Sabihin mo lang kung anong pwede kong gawin para gumaan ang loob mo, gagawin ko pero katulad ni Lola Rosita hindi ko kukunsintihin ang mga maling desisyon mo."
"Sa tingin mo mali itong ginagawa ko na hindi pagpapatawad?"
"Mali ang ginagawa mong pagtatanim ng sama ng loob." Makahulugan nitong tugon.
Sinamahan ako ni Reeve na maglakad-lakad sa Mall matapos kong mabili ang ilan sa mga bagay na kailangan ko.
Naaliw akong nanood sa dami ng tao na pumapasyal sa lugar na ito. Ngunit marahan na napapangiti ng mapait sa tuwing dumadako ang paningin ko sa mga pamilya na naglalakad at masayang-masaya na namimili habang hawak ang kamay ng anak nila.
Iyan lang din naman ang gusto ko noon. Hindi ko na hinihingi na bumalik ako sa marangyang pamumuhay na kinagawian ko kasama si Mommy Diana at Daddy Samuel pero wala eh. Dinaya ako ni tadhana. Wala na, hindi nila ako binalikan at lumaki akong si Lola Rosita lang ang nasa tabi ko.
Nagulat ako nang ipatong ni Reeve ang kamay niya sa balikat ko.
"Cheer up, Destiny. Anong gusto mong gawin? Kumain tayo?"
Bahagya akong napangiti sa sinabi niya.
"Pwedeng tumakas?"
Naguluhan ito sa tanong ko. "Tumakas?"
"I want a new environment. Pwedeng ipakilala mo ako sa mga ka-banda mo? I just want to meet new people. I think this will ease my mind for now dahil nag-ooverthink na naman ako."
Nangingiting napailing ito sa akin. "Sigurado ka ba? Baka naman mas lalo kang ma-stress sa kagaguhan nila?"
Natawa ako sa sinabi niya. Kagaguhan talaga? Eh doon din naman siya nagmana ng kalokohan niya. Haynako, Reeve.
Si Reeve ang nagmaneho hanggang sa makarating kami sa isang lugar. Parang village siya at dikit-dikit lamang ang mga malalaking bahay na agaw eksena ang magagandang uri ng arkitektura ng mga ito.
"Dito kayo nakatira?" Hindi makapaniwalang tanong ko kay Reeve.
Saglit niya naman akong binalingan upang sagutin.
"Yep. Ako at ang ibang members ng The Harmony ay may sariling bahay dito."
"Ganon kayo kayaman. Wow. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Parang wala ka ngang trabaho kung makatambay ka sa ospital kasama ko tapos malalaman ko na lang na ganito ka pala talaga kayaman."
"I'm paying someone to work for me whenever I take a leave for you, Destiny. Marami akong kayang gawin para sa'yo."
"Deserve ko ba?"
"Ikaw si Destiny Verdadero, bakit hindi?" Nakangising balik na tanong nito sa akin.
Napailing na lamang ako sa sagot niya at pigil na pigil ako na kiligin dahil sa mga banat niya. Pinagbuksan niya ako nang pintuan ng kotse at agad naman akong bumaba.
Huminto kami sa tapat ng isang kulay kremang bahay. Napaka-unique ng disensyo nito at halos gawa sa glass ang parte ng bahay kaya naman makikita mo mula rito sa labas ng gate ang napakagandang loob ng bahay lalo na sa second floor.
"Does it look good to be your future home, Destiny?"
Natigilan ako sa tanong ni Reeve. Napalunok ako sa tanong niya dahil sa gulat na naiisip na din pala niya ang mga bagay na pwedeng mangyari sa aming dalawa sa hinaharap. Kung ako ay takot na takot sa maaring mangyari sa hinaharap, siya naman ay nagpapakadalubhasa sa pagkakaroon ng magandang plano para sa aming dalawa.
"Why you became silent? May mali ba sa tanong ko, Destiny?" Kinakabahan na tanong niya muli.
Umiling ako.
"Natutuwa ako na nagplaplano ka na para sa future samantalang ako ay takot na takot pa rin para doon."
"Bakit ba laging natatakot ka?"
"Natatakot ako na bukas makalawa ay wala ka na sa tabi ko, Reeve. Natatakot ako na ang mga pangako mo ay maging isang salitang napakabilis na baliin. Natatakot ako na nilalaan ko ngayon sa'yo ang oras at atensiyon ko ngunit hindi pala tayo para sa isa't isa. Natatakot ako na itong sa tingin ko ngayon ay tama, mali pala."
Hindi nakaimik si Reeve sa sinabi ko. Maya-maya ay nagulat na lamang ako nang hapitin niya ako palapit sa kaniya at niyakap nang mahigpit. Nahigit ko ang hininga ko at nanlalaki ang matang napakapit sa kaniya.
"Lahat ng kinakatakutan mo ay hindi mangyayari. Andito lang ako, Destiny. Hindi ako mawawala sa tabi mo basta huwag mo lang akong itulak palayo sa'yo."
Bumuntong-hiniga ako. "Paano mo nasabing hindi iyon mangyayari?"
"Nakikita ko iyong future natin. Masiyadong maganda para pag-isipan mo ng negatibo."
Alam kong biro iyon nakakapagtaka man ngunit gumaan ang loob ko dahil sa sinabi niya. Nabawasan kahit papaano ang nararamdaman kong pag-aalala.
Humiwalay ako mula sa pagkakayakap sa kaniya.
"Ikaw at ako, tama ba ito?"
Tumango siya. "Tama ito, paniwalaan mo ang sinasabi ko."
Wala sa sariling tumango ako bilang pag-sang ayon sa sinabi niya.
Nasa ganoon kaming posisyon nang may biglang sumipol sa gilid namin. Agad akong dumistansya at nahihiyang tumingin sa kaibigan ni Reeve na si Emerson.
"Wow, totoo nga na kayo na?" Bungad na tanong niya sa aming dalawa. Sinimangutan naman siya ni Reeve.
"Hindi pa pero malapit na. Asan na iyong tatlo?" Tanong ni Reeve rito.
"Palabas na. Nagpapapogi ata dahil mame-meet and greet na din namin sa wakas ang babaeng kinababaliwan ng isang Reeve Montes ngayon." Aniya at biglang binaling muli sa akin ang paningin niya at nginisian ako.
"Tsss... huwag mo ngang tinatakot si Destiny."
Namilog ang mata ni Emerson. "Destiny?"
Tumango ako. "Destiny Verdadero."
"Nice name. How are you related to Samuel Verdad---oh."
"Heyyo man!" Bati nang kararating na si Jix. Nasa likod niya ang dalawa pang miyembro sina Gideon at Dylan.
Nakahinga ako nang maluwag dahil hindi natuloy ni Emerson ang dapat sana ay itatanong niya sa akin. Matunog pa rin pala talaga ang pangalan ni Dad. Ngunit ayoko ng magkaroon ng koneksiyon sa kaniya hangga't maari.
"Hi, Destiny. I'm Jix De Vera. Itong katabi kong mukhang unggoy, si Gideon Alejandro iyan at iyang mukhang supladong may lahi pa ring unggoy si Dylan Camello."
Sinamaan ng tingin nila Dylan at Gideon si Jix. Natawa naman ako dahil sabi na nga ba at si Jix ang pinaka-pasaway sa grupo. Nahahalata ko na din iyon sa mga kilos niya sa coffee shop sa tuwing may performance sila doon.
Sa bahay ni Reeve kami dumeretso upang magkwentuhan. Natutuwa akong makilala ang mga sides nila na hindi ko nakikita noon. Palabiro din pala si Dylan kahit na minsan ay hindi ito ngumingiti. Si Emerson ang mahilig magluto. Siya ang nagluto ng dinner namin. Si Jix at Emerson naman iyong tandem. Mahilis silang mambully ng ibang members.
Siyempre si Reeve, behave siya ngayon.