Destiny.
Dalawang linggo na ang nakakalipas nang umalis si Reeve. Walang mapagsidlan ng tuwa ang puso ko sa isiping ilang araw na lamang ay uuwi na siya ulit dito sa Pinas.
Kahapon lang ay kausap ko pa siya at nagkakamabutihan naman kaming dalawa. Nakwento ko din kasi na tinigilan na ako ni Gael. Bagama't nagkikita pa rin kaming dalawa sa school ay simpleng ngiti na lamang ang binibigay nito sa akin.
Naliwanagan na rin daw siya sa sinabi ko. Humingi siya ng tawad sa inakto niya noon. Para sa akin ay ayos naman na ang lahat. Hindi ko na kailangan pa na pahirapan si Gael. Matagal ko na siyang pinalaya sa puso ko at sana makalaya na din siya sa nakaraan naming dalawa.
Napatigil ako sa pagmumuni-muni ng may kumatok sa pintuan ng bahay. Hanggang ngayon ay sa bahay pa rin ako ni Lola nakatira. Minsan nalulungkot pa rin talaga ako dahil ramdam ko na nag-iisa lang ako sa bahay dahil napakatahimik.
Nakakamiss lang iyong biruan at halakhakan naming dalawa. Alam kong kung nakikita niya ako ngayon, masaya din siya dahil masaya ako sa piling ni Reeve.
Tumayo ako para pagbuksan ang kung sino man na bisita na nakaalala sa akin ngayon.
Tumambad sa akin si Mommy na may dala-dalang grocery bags sa kamay niya. Agad ko siyang pinapasok at kinuha ang mga supot na iyon sa kaniya.
"Napadalaw ka po?" Naiilang na tanong ko.
Umupo siya sa isang silya at gayon din ako. Ngayon na lang ulit kami nakapag-usap ng ganito, iyong nasa wisyo talaga ako. Wala kasi ako sa sarili ko noong panahon na nagluluksa pa ako kay Lola.
"Destiny, kamusta?" Nakangiting balik na tanong niya.
"Maayos naman po ako."
"Pasensiya na at ngayon lang ulit kita nadalaw. Mahirap kasing mag-leave sa trabaho ko ng basta-basta."
Ngumiti ako ngunit hindi iyon umabot sa mga mata ko. Bakit ganon? Expected ko naman na hindi pa rin niya ako priority pero bakit masakit pa rin?
Masakit kasi umasa ako. Umasa ako na may pagbabago pagkatapos kong patawarin ang lahat ng pagkukulang nila sa akin.
"Sanay na ako, Mommy."
Gulat ang rumehistro sa mukha nito nang tawagin ko siyang 'Mommy' muli sa unang pagkakataon matapos ko siyang patawarin.
"Anak..."
Lumamlam ang mga mata niya at nasaktan talaga siya sa sinabi ko pero iyon naman talaga ang gusto kong sabihin sa kaniya. Kung nasasaktan siya ngayon ay hindi ko na problema ang bagay na iyon. Gusto ko lang din na maramdaman niya at malaman kung ano talaga ang saloobin ko noon pa man.
"Kailan ba ako maging priority niyo ni Daddy? Sinasanay ko nga ang sarili ko kasi sabi ko, okay lang. Okay lang ako. Sanay na akong mag-isa at kahit bumalik kayo, may magbabago ba?"
Huminga ako nang malalim. Naramdaman ko ang pangingilid ng luha sa mga mata ko. Nahihiyang pinahid ko iyon at ngumiti ng peke.
"Sorry, naiyak lang ako kasi sa totoo lang umasa ako. Umasa ako na kahit papaano ay pagtutuunan niyo na ako ng pansin ni Daddy kasi wala na si Lola pero nagkamali ako. Nagkamali ako kasi ako pa rin ang second sa buhay niyo. Iyong bagong pamilya niyo pa din ang priority niyo."
Napayuko ako at napaiyak na lamang. Sa unang pagkakataon ay nasabi ko na rin iyong tampong inilihim ko sa kanila. Nanghihina ako nang sobra.
Maya-maya ay napatigil ako nang may yumapos sa akin at hinaplos nang marahan ang likuran ko.
"Destiny, makinig ka." Malambing na sabi ni Mommy.
"Hindi kami ang nagpalaki sa'yo pero masaya ako na lumaki kng ganiyan kabuti. Maganda ang pagpapalaki sa'yo ni nanay at alam kong kaya mo pang higitan ako kapag naging magulang ka na."
Huminga siya nang malalim. "Alam kong galit na galit ka sa amin ni Samuel. Hindi ko rin namam hiniling na sana masira ang pamilya natin noon pero nangyari na. Sinubukan kong ipaglaban ang pamilya natin pero bigo ako."
Napaiyak ako sa sinabi niya. Alam ko naman na iyon eh. Sinabi na sa akin ni Lola ang tunay na dahilan bago pa siya pumanaw.
"Destiny, ikaw ang isa sa yaman ko. Sa bawat kaarawan mo na nagdadaan na alam kong wala ako sa tabi mo, nalulungkot ako ngunit ayoko din na mawala ang bago kong asawa sa dahilan na binalikan kita. Sorry kasi naduwag ako na ipaglaban ka sa panahon na iyon."
"Sorry na lang ng solusyon ng lahat ng nangyari sa atin noon. Kahit anong gawin ko ay hindi ko na maibabalik pa ang oras kaya sinikap ko na tanggalin sa puso ko ang galit ko sa inyo. Pinapatawad ko na kayo ni Daddy ngunit hindi maiaalis sa akin ang kirot sa puso ko sa tuwing banalikan ko ang nakaraan."
Tumango si Mommy sa sinabi ko at napangiti. Hinawakan niya ang pisngi ko at marahan na pinunasan ang luha sa mga mata ko.
"Salamat, Destiny. Alam kong naging mahirap sa'yo ang lahat. Mahirap lumaki na walang magulang sa tabi nito at ang pawang kakampi niya lamang ay sarili niya. Naiintindihan ko ang galit mo sa akin."
Napatango ako. "Kayo pa rin naman ang magulang ko kahit anong gawin ko. Gusto ko lang naman na makita ang pagbawi niyo sa mga pagkukulang niyo sa nakaraan. Iyon lang sapat na sa akin."
"Gagawa ako ng paraan, anak."
Gumaan ang loob ko sa sinabi niya.
"Gusto ko lang din sabihin sa'yo na masaya ako at natagpuan mo si Reeve sa buhay mo." Nakangiting aniya. Bakas sa mukha niya ang pagiging masaya sa isipin na iyon.
Natigilan ako dahil hindi ko alam na masasabi niya din iyan sa akin. Tila may humaplos sa puso ko at gustong ipagmalaki si Reeve sa harapan niya.
"Napakabuting binata. Iniintindi ka niya, Destiny. Kapag nahuhuli ko siyang nakatingin sa'yo, laging andoon ang pagmamahal at pag-aalala sa'yo. Maswerte kayong dalawa sa isa't isa."
"Salamat po, Mommy."
"Kung si Reeve na talaga ang para sa'yo, huwag mo ng pakawalan pa. Hihilingin ko sa Diyos na mas tumibay pa ang samahan at pagmamahalan niyo sa isa't isa upang sa ganoon ay hindi kayo matulad sa amin ni Samuel."
At hindi rin matulad sa nangyari sa amin ni Gael. Si Reeve na ang pangalawa at huling lalake na gusto kong mahalin. Kapag nawala pa siya hindi ko na lamang alam.
Pinagmeryenda ko si Mommy bago umalis. Nagtagal pa siya ng isang oras sa bahay at pinagkwentuhan namin ang tungkol sa mga kapatid ko sa kaniya. Panay tango at ngiti lamang ako. Hindi ko pa naman sila name-meet pero sana balang araw makilala ko na din sila.
Maaga akong natulog sa araw na iyon. Napakahimbing ng tulog ko at napagaan ng pakiramdam ko. Nawala ang bigat na dinadala ko sa mga nakaraang taon. Ang galit na pinalaya ko ay tunay na nakakagaan ng loob.
Nagising ako sa malakas na katok galing sa labas ng bahay. Napakunot ang noo ko ng magmulat ako ng mata at napatingin sa orasan.
Alas-tres pa lang ng madaling araw! Bigla ay kinabahan ako sa pag-iisip kung sino naman kaya ang pupunta sa akin sa bahay ng ganitong oras?
Dahan-dahan akong tumayo sa kama. Naglakad ako papalapit sa pintuan at huminga nang malalim.
"Babe, open the door please."